top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 17, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAY ONLINE SABONG PA RIN DAW SA SOCIAL MEDIA KAHIT MOST WANTED NA SI ATONG ANG – Sa kabila ng pagiging itinuturing na most wanted criminal sa Pilipinas ni Charlie “Atong” Ang, na may patong na P10 milyong pabuya kaugnay sa umano’y pagiging utak sa pagpapadukot at pagpatay sa mga tinaguriang missing sabungeros, patuloy pa rin daw may mga nag-o-operate ng online sabong sa social media.


Ang online sabong ang isa sa mga pangunahing ugat ng karumal-dumal na krimeng ito, dahilan kung bakit naging pugante si Atong Ang. Gayunman, sa kabila ng malinaw na pagbabawal dito ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi pa rin umano tuluyang nasusugpo ang ganitong uri ng ilegal na operasyon.


Dapat itong agarang aksyunan ng pamahalaan. Kailangang tuntunin at dakpin ang mga patuloy na nag-o-operate ng online sabong dahil hindi katanggap-tanggap na habang hinahabol ang umano’y utak ng krimen, ay patuloy namang nabubuhay ang mismong raket na pinagmulan ng trahedya. Period!


XXX


TITO SEN, ATAT MA-IMPEACH SI VP SARA – Sinabi ni Senate President Tito Sotto na sakaling muling magsampa ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at maisumite ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado bilang impeachment court, agad itong aaksyunan at isasailalim sa impeachment trial ang bise presidente.

Sa pahayag na ito, malinaw na handa si Sotto na itulak ang proseso ng impeachment sakaling dumaan ito sa tamang hakbang—isang indikasyong hindi niya palalampasin ang usapin kung muling haharap sa ganitong kaso si VP Sara. Boom!


XXX


DAPAT LANG NA IPAGBAWAL NA SA PARTYLIST SYSTEM ANG  POLITICAL DYNASTIES AT CONTRACTORS KASI NANG-I-SCAM LANG SILA SA KABAN NG BAYAN –  Isinulong ni Sen. Risa Hontiveros ang panukalang batas na nagbabawal sa mga political dynasty at mga contractor na makilahok sa partylist system. Sa ilalim nito, hindi na maaaring maging nominado o kinatawan ng partylist sa Kamara ang mga kapatid, asawa, magulang, anak, at maging lolo’t lola ng mga halal na opisyal o mga tatakbo sa national at local elections, gayundin ang mga contractor.


Dapat agad na maipasa ang panukalang ito, lalo na’t nabunyag sa imbestigasyon sa flood control scandal na ilan sa mga sangkot sa pandarambong sa kaban ng bayan ay mga kaanak ng politiko at mga kontraktor na may partylist sa Kamara. Period!


XXX


DAHIL SA TALAMAK NA KORUPSIYON SA GOBYERNO, TAUMBAYAN ANG NAGDURUSA – Patuloy ang pagsadsad ng piso kontra dolyar. Patunay dito ang pag-akyat ng palitan sa P59.46 kada dolyar kamakalawa, na iniuugnay ng ilan sa pagkakabulgar ng umano’y flood control scandal sa bansa.


Malaki ang epekto nito sa pamumuhay ng mamamayan sapagkat ang paghina ng piso ay kaakibat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin.

Ito ang malungkot na reyalidad sa Pilipinas: dahil sa talamak na korupsiyon sa gobyerno, ang taumbayan ang patuloy na nagdurusa. Tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 16, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HIRIT NG PAMILYA NG MISSING SABUNGEROS, ISAMA SI GRETCHEN BARRETTO SA KASO, KAYA HINDI PA RIN ITO SAFE – Bago ilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa grupo ng gambling tycoon na si Charlie "Atong" Ang kamakalawa, hiniling ng pamilya ng mga nawawalang sabungero noong Enero 5 sa Department of Justice (DOJ) na isama ang aktres na si Gretchen Barretto sa 4-count ng kasong kidnapping with homicide at 15-count ng kasong kidnapping and illegal detention.


Kung ganun, hindi pa rin pala ligtas si Gretchen sa mga kasong ito, na walang posibilidad ng bail. Boom!


XXX


KUNG SA DUTERTE ADMIN UNTOUCHABLE SI ATONG ANG, SA PANAHON NG MARCOS ADMIN AY HINDI – Sa mga akusado sa kaso ng missing sabungeros, bukod-tanging si Charlie "Atong" Ang na lamang ang hindi pa naaresto ng mga awtoridad. Dahil dito, bumuo si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ng isang dedicated team ng mga operatiba na tutugis at aaresto sa gambling tycoon.


Patunay ito na sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Nartatez sa PNP, walang sinumang itinuturing na untouchable. Kung noong panahon ng Duterte administration naging untouchable ang grupo ni Atong Ang (naganap ang mga insidente ng missing sabungeros mula Abril 2021 hanggang Enero 2022), hindi siya ituturing na untouchable sa panahon ng Marcos administration. Talagang gagawin ng PNP chief ang lahat ng paraan para matimbog ang gambling tycoon na ito. Period!


XXX


HILONG-TALILONG AABUTIN NI CONG. KIKO BARZAGA ‘PAG KINASUHAN DIN SIYA NG LAHAT NG MGA MIYEMBRO NG NUP SA MGA PROBINSIYA – Matapos sampahan ni businessman Enrique Razon ng kasong cyber libel si suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga dahil sa isang post sa social media, kung saan inakusahan nitong sinuhulan daw ng negosyante ang mga National Unity Party (NUP) members para iboto si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Kamara, inanunsyo rin ni NUP Chairman at Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno na kakasuhan din niya si Cong. Kiko dahil sa paninira sa reputasyon ng kanilang partido.


Sa kasalukuyan, may 32 kongresistang miyembro ng NUP, at dahil pati sila ay nasangkot sa post ni Cong. Kiko na nagsasabing tumanggap sila ng suhol kay Razon, ang dapat nilang gawin ay sampahan din siya ng cyber libel sa kanilang mga korte sa kani-kanilang probinsya. Kapag ginawa nila ito, asahan na aabutin nang hilong-talilong ang epekto sa mga kaso laban sa kanya sa iba't ibang panig ng bansa. Boom!


XXX


HINDI PA CONGRESSMAN SI LEANDRO LEVISTE NANG I-TERMINATE ANG 24 GOV'T. PROJECTS NG SOLAR PHILIPPINES, KAYA'T KASINUNGALINGAN ANG ININGANGAW-NGAW NIYA NA PINUPULITIKA SIYA – Kasinungalingan ang iningangaw-ngaw ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na ang ibinulgar niyang “Cabral Files” ang dahilan kung kaya’t pinupulitika siya, at naapektuhan rin ang negosyo niyang Solar Philippines.


Mali ito, kasi walang bahid-pulitika ang isyu: bago pa man maging kongresista si Cong. Leviste, wala pang isyu sa flood control scandal, at wala pang isyu sa “Cabral Files” nang i-terminate ng Department of Energy (DOE) ang 24 government energy contracts ng Solar Philippines dahil hindi nito naihatid ang tamang serbisyo sa gobyerno at sa mamamayan. Period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 15, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA BAGONG RULING NG SC SA IMPEACHMENT, 'SUNTOK SA BUWAN' NA MA-IMPEACH SINA PBBM AT VP SARA – Sa bagong ruling ng Supreme Court (SC) kaugnay ng impeachment, tila “suntok sa buwan” na ang ma-impeach sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Vice President Sara Duterte, dahil kapwa sila may matitibay na kaalyado sa Kamara.


Noong Hulyo 25, 2025, ipinatigil ng SC ang impeachment proceedings laban kay VP Sara matapos umanong labagin ng House of Representatives (HOR) ang tinatawag na one-year bar rule, na nagsasaad na isang impeachment case lamang ang maaaring tanggapin ng Kamara laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.


Batay sa desisyon ng Korte Suprema, may ilang civil society groups na nagsampa ng impeachment complaints laban sa bise presidente noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024. Pagkaraan nito, nagsumite rin ang mayorya ng mga kongresista ng Articles of Impeachment noong Pebrero 5, 2025.


Iginiit ng Kamara na hindi nila inaksyunan ang mga reklamong inihain noong Disyembre at iisa lamang ang opisyal na impeachment case—ang Articles of Impeachment na isinumite noong Pebrero 5, 2025—na ipinadala sa Senado bilang impeachment court. Gayunman, pinabulaanan ito ng SC at sinabi na kahit hindi inaksyunan ang mga naunang reklamo, kabilang pa rin ang mga ito sa bilang ng impeachment cases dahil tinanggap ang mga ito ng HOR.


Ang punto rito: kung may magsampa ng impeachment complaints laban kina PBBM at VP Sara sa mga susunod na buwan, at muling may ihain na impeachment cases sa Marso 2026 na tatanggapin ng Kamara, wala ring mangyayaring impeachment proceedings. Muli lamang igigiit ng SC na nilabag ang one-year bar rule.

Sa madaling sabi—“tapos ang boksing.” Boom!


XXX


KUNG HINDI SANA BINIGYAN NG NOO'Y SPEAKER ROMUALDEZ NG TRAVEL AUTHORITY SI ZALDY CO, DAPAT NAKAKULONG NA ITO NGAYON SA CITY JAIL – Nahihirapan ang Marcos administration na dakpin ang puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Portugal dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa nasabing bansa.


Kung hindi sana binigyan noon ni dating Speaker Martin Romualdez ng travel authority si Zaldy Co, malamang ay nakakulong na ito ngayon sa city jail. Period!


XXX


KUNG WALANG AAWAT, MALAMANG NON-STOP ANG BANGAYAN NINA SEN. LACSON AT SEN. IMEE KASI PAREHO SILANG TAKLESA – Tuloy ang bangayan nina Senate President Pro Tempore Ping Lacson at Minority Sen. Imee Marcos hinggil sa pork

barrel at allocable insertions sa 2026 national budget.


Kung walang papagitnang aawat, malamang ay magtuloy-tuloy ang kanilang patutsadahan, lalo’t kapwa taklesa sina Sen. Lacson at Sen. Imee. Boom!


XXX


DAPAT BUWAGIN NA ANG ICI KASI WALA NA PALA ITONG SILBI – Inamin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mabagal ang usad ng imbestigasyon sa umano’y flood control scandal dahil sa kakulangan ng mga komisyoner, matapos magbitiw sa puwesto sina Engr. Rogelio Singson at Accountant Rosanna Fajardo.


Kung ganito ang kalagayan, tila wala nang silbi ang ICI kaya’t nararapat nang buwagin ito agad ni PBBM. Period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page