top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 29, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MALAKI RAW PALA ANG NA-SCAM NI ZALDY CO SA KABAN NG BAYAN, WORTH P58.83B – Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kung nais ng puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co—na nahaharap sa mga kasong plunder, malversation of public funds, bribery, at graft—na makipagnegosasyon sa Marcos administration, kailangan muna niyang isauli sa kaban ng bayan ang umano’y $1 bilyong pera ng publiko na kanyang na-scam.


Katumbas ito ng humigit-kumulang P58.83 bilyon sa salaping Pilipino—isang halagang malinaw na sumasalamin sa lawak ng pinsalang idinulot sa bayan. Boom!


XXX


LAHAT NG DPWH SA MGA PROBINSYA SA ‘PINAS, DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO AT ICI AT BAKA MAY MABULGAR PANG MGA SANGKOT DIN SA FLOOD CONTROL SCANDAL – May 82 probinsya ang bansa, at sa bawat isa ay may tanggapan ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Gayunman, kapuna-pansin na sa tatlong probinsya lamang—Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental—nakatuon ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y flood control projects scam.

Sa totoo lang, napakahirap paniwalaan na sa tatlong lalawigan lamang nagkaroon ng katiwalian at malinis ang mga tanggapan ng DPWH sa natitirang 79 probinsya.


Ang punto rito: dapat palawakin ng Senado at ICI ang imbestigasyon at isama ang DPWH offices sa iba pang mga lalawigan. Kapag ginawa ito, malaki ang posibilidad na may iba pang pangalan—kabilang ang mga senador at kongresista—ang lilitaw na sangkot sa isyung ito. Period!


XXX


SEN. DELA ROSA AT VILLANUEVA, PAREHONG MAY KINAKAHARAP NA KASO, KAYA TAMA LANG NA TANGGALIN SILA BILANG MIYEMBRO NG SENATE ETHICS COMMITTEE – Tama ang naging desisyon ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na pangunahan ang mosyon na tanggalin bilang mga miyembro ng Senate Ethics Committee sina Sen. Ronald Dela Rosa at Sen. Joel Villanueva, at palitan sila nina Sen. Imee Marcos at Sen. Rodante Marcoleta.


May kinakaharap na kasong crimes against humanity si Sen. Dela Rosa sa International Criminal Court (ICC), habang nasasangkot naman si Sen. Villanueva sa flood control scandal. Dahil dito, malinaw na hindi na sila angkop na manatili sa isang komiteng inaasahang magtataguyod ng etika at pananagutan sa Senado. Period!


XXX


DAPAT KASUHAN NG PAMILYA ACOP SI CONG. KIKO SA SINABI NITONG NASA IMPYERNO NA ANG YUMAONG KONGRESISTA – Mula sa pagiging pulis hanggang sa pagiging kongresista, hindi kailanman nasangkot sa katiwalian ang yumaong Antipolo City 2nd District Rep. at retiradong Police Gen. Romeo Acop.


Sa loob ng 31 taon sa serbisyo, itinaya ni Acop ang kanyang buhay sa paglaban sa mga kriminal, sindikato, komunista, at terorista. Nang maging kongresista naman, maayos at tapat ang kanyang naging paglilingkod sa Antipolo City—kaya sa bawat halalang kanyang nilahukan, lagi siyang nagwagi.


Dahil dito, ang pahayag ni suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na nasa impyerno na umano ang yumaongCong. Acop ay hindi dapat palampasin. Nararapat lamang na ipagtanggol ng pamilya Acop ang dangal ng kanilang mahal sa buhay at sampahan ng kasong cyberlibel si Cong. Barzaga. Period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 28, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA EDAD NA 81, BUHAY NI FPRRD, MAAARING MAAPEKTUHAN NG 8-10 TAONG TRIAL AT LIFE SENTENCE — Bad news para sa pamilya Duterte at sa kanilang mga diehard supporters  ang inilabas ng International Criminal Court (ICC). Base sa assessment ng ICC medical expert, kaya raw ng dating presidente na humarap sa pre-trial proceedings sa kasong kinakaharap niya na crimes against humanity.

Ibig sabihin, tinuldukan na ng ICC ang mga hiling ng defense team para sa interim release ni FPRRD. Kapag nagsimula na ang paglilitis, maaaring tumagal ito ng 8 hanggang 10 taon. Masaklap pa, kung mahatulan siya ng guilty, karaniwan sa ganitong kaso ay life sentence ang ipinapataw, at kung mabigyan man ng parole, maaari lamang ito matapos ang 30 taon sa piitan.


Sa edad ni FPRRD na 81, ang tagal ng paglilitis at posibleng pagkakakulong ay nangangahulugan na ang natitirang bahagi ng kanyang buhay ay gugugulin sa ICC jail. Hindi maikakaila, ito ay isang matinding dagok para sa pamilya Duterte at sa kanilang mga DDS. Tsk!


XXX


SA TAKOT NI CONG. KIKO BARZAGA NA MAS PUTAKTIHIN PA NG MGA KASONG CYBERLIBEL, ATRAS NA SIYA SA PAG-ATAKE KAY RAZON AT NUP MEMBERS SA ISYU NG SUHULAN – Matapos sampahan ng sunud-sunod na kasong cyberlibel nina billionaire Enrique Razon, National Unity Party (NUP) president at Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno, at NUP member na Manila City 2nd District Rep. Rolan Valeriano, nag-lie low na si suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.

Ito ay matapos ang kanyang pag-atake sa nabanggit na bilyonaryo at sa mga miyembro ng NUP kaugnay sa isyung suhulan para ibotong House Speaker nuong si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.


Ibig sabihin, natakot si Cong. Barzaga na masampahan pa siya ng karagdagang kasong cyberlibel mula sa mga miyembro ng NUP, kaya’t umatras na siya sa pag-atake sa kanila. Boom!


XXX


TILA MAS GANADO ANG MAKABAYAN BLOC NA MA-IMPEACH SI PBBM KAYSA KAY VP SARA – Matapos sampahan ng Makabayan bloc ng impeachment complaint si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na plano rin nilang sampahan ng impeachment si Vice President Sara Duterte. Ayon sa kanya, hindi lamang siya sigurado kung susuportahan ito ng majority ng mga kongresista.

Kumbaga, mas binigyang-diin ni Cong. Tinio na mas interesado ang Makabayan bloc na ma-impeach si PBBM kaysa kay VP Sara. Period!


XXX


SABLAY ANG PABIDA NG MARCOS ADMIN NA KAKASUHAN ULI PARA PABALIKIN SA ‘PINAS SI VLOGGER VITALY – Sablay ang pabida ng Marcos administration nang ipahayag nila na kapag napatunayan ang alegasyon na nagbigay ng suhol sa mga immigration guards si Vitaly Zdorovetski — na dineport sa Russia para makapasok ng cellphone at makapag-vlog sa loob ng piitan — ay kakasuhan uli ito ng gobyerno para maibalik sa Pilipinas.


Sablay talaga, kasi ang mga wanted na Pinoy na may warrant of arrest na parehong kumpirmadong nasa Europe, tulad nina former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at former presidential spokesman Harry Roque, ay hindi rin maaresto ng Marcos admin para maibalik sa ‘Pinas. Eh paano pa kaya ang Russian vlogger na ngayon ay nasa Russia na? Boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 27, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


BALASAHAN SA DPWH AT CUSTOMS WA’ ‘WENTA – Ang balasahang isinagawa ni Sec. Vince Dizon sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kahalintulad ng ginawa ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga opisyal ng Customs. Sa parehong ahensya, nagpalitan lamang ng puwesto ang mga nakatataas—walang bagong mukha mula sa rank and file na may magandang record at walang bahid ng katiwalian.


Ang punto natin: walang saysay ang ganitong balasahan. Imbes na bigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na matagal nang naglilingkod nang tapat, napupuwesto pa rin ang mga may bahid ng katiwalian sa mga sensitibong posisyon. Buset!


XXX


SA FLOOD CONTROL SCAM, KUNG SINO ANG MOST GUILTY, GINAWANG STATE WITNESS, KUNG SINO ANG LEAST GUILTY, IDINIIN SA KASO – Ang mga kasabwat ng mga kurakot na pulitiko sa pang-i-scam sa kaban ng bayan ay ang mga high-ranking officials ng DPWH, kabilang sina dating DPWH Usec. para sa Operations Roberto Bernardo at dating Bulacan District 1 Engr. Henry Alcantara. Tauhan lamang nila sina dating DPWH Bulacan Asst. Engr. Brice Hernandez at DPWH Bulacan Engr. II Jaypee Mendoza, na inuutusan nilang mag-operate at makipagsabwatan sa mga kontraktor sa mga ghost, substandard, at incomplete na flood control projects.


Nang mabulgar ang flood control scandal, tumuga sina Engr. Brice at Engr. Jaypee at ikinanta sina Usec. Bernardo at Engr. Alcantara bilang kasabwat ng mga politiko sa scam. Noong una, todo-tanggi ang dalawang high-ranking officials na ito, ngunit kalaunan ay umamin din sa kanilang mga anomalya, na pinatotohanan ang mga ibinulgar ng kanilang mga tauhan.


Ngayon, nang magsauli sa pamahalaan ng ilan sa perang na-scam, ginawang state witness sina Usec. Bernardo at Engr. Alcantara. Samantalang sina Engr. Brice at Engr. Jaypee—na utusan lamang ng kanilang mga amo—ay madidiin sa mga kasong no bail.

Baligtad na yata ang mundo ng DOJ: ang pinaka-guilty na Usec. Bernardo at Engr. Alcantara ay ginawang state witness at inilusot sa kaso, habang ang mga tauhang utusan lang, sina Engr. Brice at Engr. Jaypee, ay pinaparusahan nang husto. Tsk!


XXX


SA SUNWEST IBINABAYAD NG LANDBANK ANG TUNGKOL SA FLOOD CONTROL PROJECTS, KAYA KASINUNGALINGAN ANG SINABI NI ZALDY CO NA WALA SIYANG PAKINABANG SA FLOOD CONTROL SCAM – Ayon sa tumestigong Land Bank of the Philippines (LBP) official sa Sandiganbayan, ang mga tsekeng nagmula sa DPWH na ibinayad sa mga flood control projects na kalaunan ay napag-alamang mga ghost at substandard, ay nakapangalan sa Sunwest Corporation na pag-aari ng pamilya ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.


Patunay iyan na isa si Zaldy Co sa pasimuno ng flood control projects scam kaya't kasinungalingan ang sinabi niya nuon na wala siyang pakinabang sa naganap na flood control scandal sa bansa. Period!


XXX


KAILAN IPAPAHULI NINA GOV. YNARES AT COL. GONZALGO ANG MGA MANGRARAKET SA RIZAL PROVINCE? – Patuloy pa rin daw ang operasyon ng jueteng at lotteng nina alyas “Kits” at “Egay” sa Rizal province.


Kailan kaya ipapahuli nina Gov. Nina Ricci Ynares at Police Director Col. Feloteo Gonzalgo ang dalawang mang-raket na ito sa Rizal? Abangan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page