top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 21, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Lahat tayo ay binibigyan ng karapatan na magpahayag ng ating sariling opinyon sa mga bagay-bagay na ating nakikita. Ngunit ang karapatan na ito ay kaakibat din ng responsibilidad na igalang ang dignidad at buhay ng isang tao. Anuman ang ating paniniwala at opinyon ay isaisip natin na mahalaga ang damdamin ng isang tao.


Bagama’t tayo ay may karapatang magsabi ng ating saloobin, hindi ito nangangahulugan na tayo ay magkakaroon ng karapatang sirain ang reputasyon ng ating kapwa-tao, katrabaho o ng kumpanyang ating pinaglilingkuran.


Marapat nating igalang ang katahimikan ng buhay ng bawat indibidwal at ng kanilang pinagtatrabahuan at maging ng kanilang pamayanan. Ang taong walang pakundangang magkalat ng mapanirang tsismis o usap ay maaaring managot sa batas lalo na nga at ang reputasyon ng taong kanyang sinisiraan ay maaaring masira dahil sa mga mapanirang sabi-sabi.


Ang isang indibidwal na nagkakalat ng mali, o malisyosong impormasyon—ay maaaring harapin ang malaking legal, sibil, at propesyonal na pananagutan sa ilalim ng ating bats.. Ang pagsasagawa ng ganitong pag-uugali, sa pamamagitan man ng verbal na tsismis (paninirang-puri) o nakasulat/digital na komunikasyon (libel), ay maaaring humantong sa mga demanda para sa mga pinsala maging ng kriminal na pag-uusig.


Upang mabigyan ng bayad-pinsala ang taong biktima ng mapanirang sabi-sabi, maaaring magamit ng nasabing biktima ang probisyon ng New Civil Code of the Philippines upang makapagsampa ng kasong Damages laban sa taong nagkakalat ng mapanirang tsismis laban sa kanya. Tunay ngang nakasisira sa isang maaayos na samahan ang pagkakalat ng mapanirang tsismis sa pamayanan. Marapat na ang lahat ng tao ay malaman na mahalaga ang katahimikan ng isang indibidwal at marapat na bigyan ito ng respeto. Ang paninira ay malimit na nagiging sanhi ng kasiraan ng taong biktima nito. Kaya naman ang batas ay nagbibigay ng karapatan sa isang biktima ng mapanirang tsismis o usap na magsampa ng kasong Damages sa ilalim ng Artikulo 26 ng New Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:

 

"Art. 26. Every person shall respect the dignity, personality, privacy and peace of mind of his neighbors and other persons. The following and similar acts, though they may not constitute a criminal offense, shall produce a cause of action for damages, prevention and other relief:

 

(1) Prying into the privacy of another's residence;

 

(2) Meddling with or disturbing the private life or family relations of another;

 

(3) Intriguing to cause another to be alienated from his friends;

 

(4) Vexing or humiliating another on account of his religious beliefs, lowly station in life, place of birth, physical defect, or other personal condition."

 

Kung ang nasabing paninira naman ay nailathala, maaaring magsampa ang biktima nito ng kasong kriminal laban sa taong gumawa ng paninira sa kanyang katauhan ng kasong Libel o Oral Defamation sa ilalim ng probisyon ng Articles 354 at 358 ng Revised Penal Code (RPC). Sa Libel, kinakailangan na patunayan ng biktima na nailathala ang nasabing paninira. Ang Libel ay binigyan kahulugan bilang isang "public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause the dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead."  

 

​Kapag napatunayan ang kasong libelo, ito ay may parusang "prision correccional in its minimum and medium periods or a fine ranging from 200 to 6,000 pesos" bukod pa rito ang civil damages na maaaring hilingin ng biktima ng nasabing libelo laban sa taong gumawa nito.

 

Bukod sa mga nabanggit ay maaari ring magsampa ng kasong Intriguing Against Honor sa ilalim ng probisyon ng Artikulo 364 ng RPC, kung saan isinasaad na: "The penalty of arresto menor or fine not exceeding 200 pesos shall be imposed for any intrigue which has for its principal purpose to blemish the honor or reputation of a person.”


Sa lahat ng ito, dapat nating malaman na walang mananalo sa nagkakalat ng mapanirang usap. Malalaman at malalaman din ang katotohanan sa likod ng mga mapanirang kwento at usap, sa takdang panahon.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 21, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


'SUNTOK SA BUWAN' NA MAPA-OO PA NINA SEN. BAM AT SEN. KIKO SI MAYOR LENI NA TUMAKBO SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Sa pagdalo nina Sen. Bam Aquino at Sen. Kiko Pangilinan sa "Leadership Dialogue" sa Naga City, napabalitang hihikayatin nila si Mayor Leni Robredo na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections. Ang masaklap, bago pa man nila maiparating ang kanilang pakiusap ay naglabas na ng pahayag si Sen. Risa Hontiveros na handa rin siyang sumabak sa 2028 presidential race.


Dahil sa pahayag na iyan ni Sen. Risa, tila “suntok sa buwan” na ang pag-asa nina Sen. Bam at Sen. Kiko na mapapayag si Mayor Leni na kumandidato sa 2028 presidential election. Tsk!


XXX


ATTY. BALIGOD, DAPAT PALITAN NG 18 EX-BODYGUARDS – Dapat nang palitan ng 18 ex-bodyguards ni Zaldy Co si Atty. Levi Baligod bilang kanilang abogado.

Nawawalan kasi ng kredibilidad ang mga ex-bodyguards dahil sa magkakasalungat na pahayag na inilalabas ng kanilang abogado.


Una, sinabi ng mga ex-bodyguards na nagdeliber sila ng maletang may pera kay Sen. Loren Legarda. Ngunit kalaunan, mismong si Atty. Baligod ang nagsabing nagkamali lamang sila dahil wala naman daw talagang naideliber na maletang may pera sa senadora.


Dahil sa "laban-bawi" na ito kaugnay ng isyu ng maletang may pera, nagkakaroon tuloy ng pagdududa ang publiko kung totoo ba o gawa-gawa lamang ang mga alegasyon ng 18 ex-bodyguards laban sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na umano'y pinadalhan nila ng mga maletang naglalaman ng pera mula sa kickback sa umano'y flood control projects scam. Boom!


XXX


DAPAT ISAGAD NA NG DOE ANG ROLLBACK SA LANGIS KASI STOP NA ANG US-IRAN WAR – Next week, ayon sa Department of Energy (DOE), may malaking rollback umano sa presyo ng langis.


Sana sa susunod ay mas malaki pa ang rollback sa mga produktong petrolyo, lalo na't tumigil na ang giyera sa pagitan ng United States (US) at Iran. Period!


XXX


HINDI NA DAPAT MAULIT NA MARAMING EARTHQUAKE VICTIMS ANG NAKARANAS NG GUTOM – Sunud-sunod ang lindol sa Mindanao.


Dahil dito, dapat nang mag-imbak ng sapat na relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa rehiyon upang hindi na maulit ang nangyari noon na halos isang linggo matapos ang malakas na lindol ay marami pa ring taga-Mindanao ang nakaranas ng gutom at pagkauhaw dahil hindi agad nakatanggap ng pagkain at tubig.


Matatandaang ikinatwiran noon ng Marcos administration na nasira ang mga kalsada at tulay kaya naantala ang pagdadala ng ayuda sa mga biktimang nakatira sa mga liblib na lugar na matinding naapektuhan ng lindol. Tsk!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | June 21, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Isa na namang mabigat na dagok sa tiwala ng publiko ang pagkakadakip sa siyam na tauhan ng Regional Law Enforcement Section (RLES) ng Land Transportation Office (LTO) matapos silang mahuling umano’y nangongotong sa mga motorista sa isang entrapment operation. Sa halip na maging simbolo ng disiplina at kaayusan sa kalsada, sila pa ang nasangkot sa gawaing matagal nang inirereklamo ng mga ordinaryong mamamayan.


Ayon sa LTO, agad na sasampahan ng administratibong kaso ang siyam na enforcer bukod pa sa mga kasong kriminal na ihahain laban sa kanila sa Office of the Provincial Prosecutor. Iginiit din na walang puwang ang katiwalian sa ahensya at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas at sumira sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko.


Naganap ang operasyon sa pakikipagtulungan ng LTO Central Office at iba’t ibang yunit ng Philippine National Police, kabilang ang Regional Intelligence Division, Regional Intelligence Unit 13, Regional Mobile Force Battalion 13, at Buenavista Municipal Police Station. Nahuli umano ang mga suspek habang tumatanggap at nangongolekta ng pera mula sa mga motorista habang nasa aktibong tungkulin.


Matapos ang pag-aresto, nakumpiska ng mga otoridad ang marked money, iba pang salapi, handheld radios, cellular phones, traffic apprehension forms, at iba pang ebidensyang magagamit sa imbestigasyon. Kasalukuyan silang nakadetine sa Buenavista Municipal Police Station at nahaharap sa mga reklamong direct bribery at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.


Hindi lamang simpleng kaso ng katiwalian ang insidenteng ito. Isa itong paalala kung paano naaapektuhan ang bawat motorista at mamamayang sumusunod sa batas kapag may mga opisyal na ginagamit ang kanilang kapangyarihan para sa pansariling interes. Sa bawat ilegal na koleksyon, nababawasan ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat sana’y nagsisilbi at nagpoprotekta sa kanila.


Mahalagang hakbang ang mabilis na aksyon ng LTO at PNP upang ipakita na may pananagutan ang sinumang lalabag, anuman ang kanilang posisyon. Gayunman, hindi sapat ang pag-aresto lamang. Kinakailangan ding paigtingin ang monitoring, internal cleansing, at mga mekanismong magbibigay ng proteksyon sa mga mamamayang handang magsumbong laban sa pang-aabuso.


Ang tunay na sukatan ng integridad ng isang ahensya ay hindi lamang kung paano nito pinaparusahan ang mga tiwaling empleyado, kundi kung paano nito pinipigilan ang katiwalian bago pa ito makapinsala sa publiko. Ang pangyayaring ito ay dapat magsilbing babala sa mga nais umabuso sa kapangyarihan at magsilbing pag-asa sa taumbayan na may mga institusyong handang kumilos upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa serbisyo ng pamahalaan. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page