- BULGAR
- 3 days ago
ni Leonida Sison @Boses | November 18, 2025

Sa sitwasyon ng bansa ngayon, hindi na bago ang marinig na maraming Pinoy entrepreneur ang kinakapos ng lakas ng loob para magsimula ng negosyo.
At ngayong lumabas na ang datos ng Department of Trade and Industry (DTI), malinaw na hindi lang pagdududa ito, dahil makikita sa numero ang pagbagal ng sigla ng negosyo sa bansa maliit man ito o malaki.
Sa unang 10 buwan ng 2025, umabot lamang sa 925,555 ang total business names na nairehistro sa DTI. Ito ay mas mababa kumpara sa 973,445 na nagparehistro sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa kabuuang bilang ngayong taon, 800,278 ang mga bagong negosyo at 125,277 ang renewal. Nanatili namang nangunguna ang CALABARZON bilang rehiyon na may pinakamaraming nagpatala.
Sa unang tingin, parang simpleng pagbaba lang ito. Pero kung pag-iisipan natin, malaki ang maaaring implikasyon nito. Isa sa pangunahing itinuturong dahilan ng DTI ay ang masamang lagay ng panahon, sunud-sunod na bagyo, pagbaha, at hindi matatag na klima na direktang tumatama sa kabuhayan.
Hindi lang kalsada ang nalulubog sa baha, pati ang kumpiyansa ng maliliit na negosyante ay nalulunod din. Kapag paralisado ang galaw ng tao, naapektuhan ang supply chain, delivery, logistics, at mismong operasyon ng mga negosyo. Hindi makalabas ang tao, mahina ang bentahan. Hindi makapag-stock ang tindahan, mababa ang kita. At bago pa man makabawi ang ilan, may dumarating na namang panibagong bagyong posibleng sumira ng puhunan.
Dagdag pa rito, ang mas malawak na epekto ng kalagayan ng ekonomiya, ang pagtaas ng presyo ng bilihin, gasolina, serbisyo, bayarin at gastusin sa pang-araw-araw. Kapag hirap ang mamimili, mas hirap ang negosyante. At kapag hindi tiyak ang kita, maraming nagdadalawang-isip pumasok sa negosyo.
Sa panahon ng kawalang katiyakan, hindi nakapagtatakang bumaba ang bilang ng mga nagre-register ng business name. Hindi dahil hindi gusto ng mga Pinoy magnegosyo, kundi dahil ramdam nila na maaaring hindi kayanin ng kanilang bulsa o budget.
Ang pagbaba ng bilang ng mga nagnenegosyo ay hindi puwedeng ipagsawalang-bahala. Isa itong palatandaan ng estado ng mga negosyante, maliliit man o malalaki, kung gaano sila nadudurog tuwing may kalamidad na tumatama, at kung gaano sila umaasa na sana, may matatag na suporta mula gobyerno upang hindi maging seasonal ang kabuhayan.
Bilang mamamayan, tindero, mamimili, negosyante, at observer, naniniwala tayong hindi dapat tuluyang mawalan ng loob ang bawat Pinoy na naghahangad ng sariling kabuhayan.
Sa kabila ng unos, nasa dugo natin ang pagiging madiskarte. Pero kailangan din ng matibay na backup, malinaw na polisiya, at mas maagap na aksyon mula sa pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com






