top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 3, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


LABAN-BAWI NG QC-LGU SA PAG-ISYU NG PERMIT SA RALLY SA EDSA NG INC, POSIBLENG MAGING DAHILAN PARA I-REJECT NG INC ANG KANDIDATURA NI MAYOR JOY BELMONTE SA 2028 ELECTION – Laban-bawi ang Quezon City Local Government Unit (LGU) sa pag-iisyu ng permit para sa rally ng mga kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA Shrine sa Quezon City. Ang protesta ay bilang pagpapakita ng suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na nakatakdang sampahan umano ng kasong no-bail plunder ng Office of the Ombudsman.


Nag-isyu ang QC LGU ng permit para sa July 1 rally at muli ring nagbigay ng permit para sa July 2 rally. Ngunit kalaunan ay binawi rin ito, kaya napilitan ang mga kapatiran ng INC na ilipat sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ang kanilang kilos-protesta.

Dahil sa naging laban-bawi sa permit ng rally ng INC, malamang na wala nang asahang suporta si Mayor Joy Belmonte mula sa INC sa anumang posisyong tatakbuhan niya sa 2028 elections. Period!


XXX


KASONG PLUNDER KAY SEN. MARCOLETA, MALALAMAN LANG NA BINALUKTOT ANG BATAS O HINDI KAPAG ISINAMPA NA ITO NG OMBUDSMAN SA SANDIGANBAYAN – Ayon sa INC, binaluktot umano ng Ombudsman ang batas para lamang makasuhan si Sen. Marcoleta. Ngunit iginiit naman ng Office of the Ombudsman na wala silang binabaluktot na batas at nagkasala umano ang senador kaya nararapat lamang siyang kasuhan.


Kapag naisampa na sa Sandiganbayan ang kaso, doon magkakaalaman. Kung tatanggapin ito ng korte, lalabas na may sapat na batayan ang kaso. Ngunit kung agad itong ibabasura, maaaring magbigay ito ng bigat sa paratang na binaluktot nga ng Ombudsman ang batas. Abangan!


XXX


DAPAT LAGYAN NG SELDA ANG MGA BAHAY PAG-ASA NG DSWD – Sa pagdinig ng Senado tungkol sa pamamaril sa dalawang Grade 9 students ng San Juan National High School sa Tacloban City, sinabi ng mga magulang ng mga nasawi na hindi katanggap-tanggap para sa kanila na sa Bahay Pag-asa ng DSWD lamang dadalhin ang 14-anyos na suspek na pumatay sa kanilang mga anak.


Ang Bahay Pag-asa ay hindi naman talaga kulungan. Isa itong pasilidad na may malawak na bakuran at walang mga selda.


Kaya para maranasan ng mga kabataang nakagawa ng mabibigat na krimen ang kaparusahan at hindi na pamarisan ng iba, dapat pag-aralan ng DSWD ang paglalagay ng mga selda sa mga Bahay Pag-asa. Boom!


XXX


DAPAT ‘FORTHWITH’ AMYENDAHAN NA ANG BATAS NI SEN. KIKO,  IBABA NA SA EDAD 12 ANG EXEMPTED SA CRIMINAL LIABILITY – Sunud-sunod ang mga post ng mga estudyante na nagbabanta ng karahasan sa kanilang mga paaralan. Sa imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alamang ang ilan sa mga nagbabanta ay nasa edad 13 hanggang 14.


Maaaring nagagawa ng mga batang ito ang magbanta dahil nabalitaan nila ang nangyari sa 14-anyos na suspek sa paaralan sa Tacloban City na, sa kabila ng pagkamatay ng apat na estudyante at pagkasugat ng marami pa, ay hindi kinasuhan dahil sa umiiral na batas na Juvenile Justice and Welfare Act.


Kaya dapat, forthwith o agad-agad, amyendahan na ang naturang batas at ibaba sa edad 12 ang exempted sa criminal liability, upang ang mga may edad 13 pataas ay magkaroon ng takot na gumawa ng labag sa batas. Period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 3, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hindi sapat ang simpleng pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility upang masolusyunan ang lumalalang kaso ng krimeng kinasasangkutan ng mga menor-de-edad.


Higit na mahalaga ang pagtiyak na may matatag na sistema ng rehabilitasyon, interbensyon, at wastong paggabay upang hindi na maulit ang mga ganitong trahedya.


Muling nabuksan ang usapin matapos ang pamamaril sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan. Dalawang menor-de-edad ang itinuturong responsable sa insidente, dahilan upang muling umigting ang panawagang repasuhin ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.


Sa gitna ng mga panawagang ibaba ang minimum age of criminal responsibility sa 10 taong gulang, iginiit ng ilang sektor na mas nararapat munang suriin kung sapat at epektibo ang kasalukuyang intervention at diversion programs para sa mga children in conflict with the law (CICL), lalo na sa mga nasasangkot sa mabibigat na krimen.


Binibigyang-diin din na ang anumang pagbabago sa batas ay dapat manatiling nakabatay sa prinsipyo ng “best interest of the child” at suportado ng mga pag-aaral sa child psychology, juvenile justice, at iba pang siyentipikong batayan.


Mahalagang kilalanin ang pananagutan ng sinumang lumalabag sa batas, ngunit hindi rin dapat kalimutan na maraming kabataang nasasangkot sa krimen ang lumaki sa kakulangan ng wastong paggabay, edukasyon, at suporta mula sa pamilya at komunidad.


Kung hindi matutugunan ang mga ugat ng suliranin, maaaring hindi rin maging sapat ang simpleng pagpapababa ng edad ng pananagutan upang mapigilan ang pagdami ng mga kasong kinasasangkutan ng mga menor-de-edad.


Ang usaping ito ay hindi lamang tungkol sa mga batang nagkakasala kundi pati na rin sa seguridad ng bawat Pilipino. Hamon sa pamahalaan na makahanap ng tamang balanse sa pagitan ng pananagutan, proteksyon ng publiko, at pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataang maaari pang magbago.


Kasabay ng matatag na pagpapatupad ng batas, kailangan ding palakasin ang rehabilitasyon at maagap na interbensyon upang makamit ang tunay na layunin ng hustisya—ang mapanagot ang nagkasala at maiwasang tuluyang maligaw ang kabataan.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 2, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA DDS NATUWA SA SURPRISE RALLY NG INC, NAGALIT NAMAN ANG MGA LOYALISTA AT DILAWAN-KAKAMPINK – May mga natuwa at may mga nagalit sa isinagawang surprise rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA Shrine sa Quezon City.

Ang rally ay bilang pagkondena sa administrasyong Marcos kaugnay ng anunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na sasampahan ng kasong plunder si Sen. Rodante Marcoleta.

Ang mga natuwa ay ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), habang ang mga nagalit naman ay siyempre ang mga loyalista at "dilawan-kakampinks." Period!


XXX


DAPAT SIBAKIN NI SEC. REMULLA SI GEN. SILVIO KASI MAY INTELLIGENCE FUND NAMAN ITO PERO HINDI NA-NAMONITOR SURPRISE RALLY NG INC – Dapat sibakin ni DILG Secretary Jonvic Remulla si Quezon City Police Director Brig. Gen. Randy Glen Silvio.


Mantakin n'yo, may intelligence fund naman siya, pero hindi niya nagawang ma-monitor ang naging galaw ng kapatiran ng INC, kaya matagumpay na naisagawa ng religious group ang surprise rally na nagdulot ng matinding pagbuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa EDSA. Tsk!


XXX


TILA LAOS NA ANG 18 MALETA BOYS KASI HINDI SILA PINAGSALITA SA RALLY NG INC – Maraming anti-Marcos ang nagsalita sa entabladong itinayo ng INC sa EDSA Shrine, pero kapuna-puna na wala roon ang 18 tinaguriang "maleta boys" ni former Cong. Zaldy Co na umano'y naghatid ng maleta-maleta umanong pera sa ilang pulitiko at opisyal ng gobyerno.


Tila yata laos na ang 18 "maleta boys" na ito dahil ni isa sa kanila ay hindi pinagsalita sa rally ng INC laban sa administrasyong Marcos. Boom!


XXX


TIYAK MASI-CITY JAIL SI CONG. ROMUALDEZ KAPAG NAKAPAGLABAS NG EBIDENSYA LABAN SA KANYA SI EX-SEC. BONOAN – Ayon sa Ombudsman, kaya umano nila iniurong ang kasong plunder laban kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ay dahil gagawin umano nila itong state witness. Siya raw kasi ang may direktang ugnayan na maaaring magpatunay na si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez ang umano'y mastermind sa flood control scandal.


Kung mapatutunayan ang mga alegasyong ito at may mailabas na ebidensya si dating Sec. Bonoan laban kay Romualdez, tiyak na haharap ito sa mabigat na kaso. Abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page