top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 5, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Patakaran ng Estado na protektahan ang interes ng mga mamimili, itaguyod ang pangkalahatang kapakanan, at magtatag ng mga pamantayan para sa negosyo at industriya. Alinsunod dito, dapat isulong at hikayatin ang tapat at patas na ugnayan sa pagitan ng mga partido sa isang transaksyon, at protektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang, hindi patas, at walang konsensiyang mga gawain at pamamaraan sa pagbebenta. Tinitiyak din ng Estado na ang pinakamahusay na interes ng mamimili ay isinasaalang-alang sa interpretasyon at pagpapatupad ng mga probisyon ng batas, kasama ang mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad nito. Isa sa mga batas na ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 10962 o ang "Gift Check Act of 2017."


Ang batas na ito ay naglalayon na lagyan ng regulasyon ang pamamahagi at paggamit ng gift check bilang uri ng pambayad sa mga pinamili sa mga establisimyento na tumatanggap nito. Ang gift check, na tinutukoy rin bilang “gift certificate” o “gift card”, ay anumang instrumento na mayroong halaga katulad ng sa pera at magagamit bilang pambayad para sa mga consumer goods. Ito ay maaaring nasa anyo ng papel, card, code, o iba pang device, at mananatiling balido hanggang sa pagtigil ng negosyo ng nag-issue nito.  Kinakailangan din na ang halaga ng pera ng mamimili ay hindi mabawasan. Kaugnay nito, inihayag na labag sa batas ang mga sumusunod:


“Section 5. Prohibitions. - The following acts shall be unlawful:


  1. Issuing a gift check that bears an expiry date;

  2. Imposing an expiry date on the stored value, credit, or balance of the gift check; or

  3. Refusing to honor the unused value, credit, or balance stored in the instrument.”


Maliwanag sa mga nabanggit na bawal lagyan ng expiration date ang isang gift check sapagkat ayon sa batas, mawawala lamang ang halaga nito kapag natigil na sa negosyo ang establisimyentong nag-issue nito. 


Subalit hindi lahat ng gift checks ay mayroong ganitong katangian. May mga gift checks na hindi saklaw 6 ng batas na ito, na nagsasaad na:


“Section 6. Exclusions. - Gift checks that are issued to consumers including, but not limited to, those under loyalty, rewards, or promotional programs, as determined by the DTI, are not covered by this Act. Coupons or vouchers as defined under Section 4 subparagraph (b) are likewise not covered by this Act.”


May kaukulang kaparusahan ang sinumang mapatutunayang lumabag sa probisyon ng batas na ito:


“Section 11. Penalties. - Any person, natural or juridical, who violates the provisions of this Act shall be obligated to return the unused balance of the gift check within ninety (90) days from the declaration of the violation by the DTI and shall be subject to a fine to be imposed by the Secretary of Trade and Industry, which shall in no case be less than five hundred thousand pesos (₱500,000.00) nor more than one million pesos (₱1,000,000.00): Provided, That for the second offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be suspended for three (3) months: Provided, further, That for the third offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be cancelled.”


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SAKALING TOTOONG MAY IKINAKASA RING IMPEACHMENT KAY OMBUDSMAN REMULLA, SINO KAYA SA KANILA NI VP SARA ANG UNANG MAI-IMPEACH? – Usap-usapan ngayon sa Kamara na may ikinakasang impeachment complaint umano ang ilang kongresista laban kay Ombudsman Boying Remulla dahil sa umano'y mga pabara-bara nitong aksyon laban sa mga kaalyado ng pamilya Duterte.


Kung totoo ito at mabilis na maisasampa sa Senado, baka mauna pang ma-impeach si Remulla kaysa kay Vice President Sara Duterte.


Siyempre, mangyayari lamang iyan kung totoo ngang may ikinakasang impeachment complaint laban kay Ombudsman Remulla. Boom!


XXX


HINDI DAPAT I-BAN ANG MGA MINORS SA PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA – Hindi katanggap-tanggap ang mungkahi ng Gatchalian bloc sa Senado na ipagbawal sa social media ang mga menor-de-edad na 16-anyos pababa.


Sa totoo lang, marami ring mga menor-de-edad ang kumikita sa paggawa ng content at pagpapakita ng kanilang talento sa social media, tulad ng pagsasayaw, pagkanta, pagpapatawa, at iba pang nakaaaliw sa kanilang mga followers.


Ang dapat ipagbawal sa social media ay ang lahat ng uri ng online gambling dahil marami na ang nabibiktima rito, kabilang na ang mga menor-de-edad na nakapagsusugal. Iyan ang dapat pagtuunan ng pansin, at hindi ang paggamit  nila ng social media. Period!


XXX


SEN. RISA, NA-BASH SA STATEMENT NIYANG TUTOL SIYANG AMYENDAHAN ANG JUVENILE JUSTICE ACT PARA IBABA SA 12-ANYOS ANG MAY CRIMINAL LIABILITY – Pinutakte na naman ng pambabatikos sa social media si Sen. Risa Hontiveros matapos niyang sabihin na tutol siya sa panukalang ibaba pa sa 14-anyos ang minimum age ng mga maaaring managot sa krimen.


Hindi kataka-takang umani ito ng batikos dahil lumalakas ang panawagan ng iba't ibang sektor na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act upang ibaba sa 12-anyos ang exempted sa criminal liability. Hindi matanggap ng marami na walang pananagutan ang 14-anyos na sangkot sa pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban City na ikinasawi ng apat na mag-aaral at ikinasugat ng 20 iba pa. Kaya lalo pang umingay ang usapin nang tutulan ito ni Sen. Risa. Boom!


XXX


DAPAT MAPIGA ANG MGA FUEL SMUGGLER PARA MAKILALA KUNG SINO SA MGA TAGA-CUSTOMS AT DOE ANG PROTEKTOR NILA – Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Energy kaugnay ng talamak na fuel smuggling sa bansa.

Sana sa imbestigasyong ito ay maimbitahan at matanong nang husto ang mga pinangalanang suspected fuel smugglers na sina "Rico," "Bogs," "Dondon Alahas," "Jayvee," "Amang," "Aldo," "J. Cruz," at "Madick." Baka sakaling may mabunyag silang impormasyon kung sinu-sino ang mga kasabwat umano nila sa loob ng Bureau of Customs at Department of Energy sa kanilang umano'y raket sa fuel smuggling sa Pilipinas. Period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 5, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Ang smuggling ay isa sa pinakamalalaking hamon na matagal nang nagpapahina sa ekonomiya ng bansa. Hindi lamang nito ninanakawan ng malaking kita ang pamahalaan, kundi sinisira rin nito ang patas na kompetisyon sa negosyo at inilalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga lehitimong negosyante at manggagawa. Kaya naman nararapat lamang na paigtingin ang kampanya laban sa mga sindikatong patuloy na nagpapalusot ng mga kontrabando sa ating mga pantalan at karagatan.


Isang positibong hakbang ang deklarasyon ng Bureau of Customs (BoC) ng mas agresibong kampanya laban sa smuggling, kabilang ang pagpapatupad ng mahigpit na one-strike policy sa mga empleyadong mapatutunayang sangkot sa katiwalian. Ang ganitong polisiya ay malinaw na mensahe na walang puwang ang mga tiwaling opisyal at kawani sa isang ahensyang may mahalagang papel sa pangangalaga ng hangganan ng bansa at sa pangongolekta ng kita para sa pamahalaan.


Sa katunayan, hindi magiging matagumpay ang anumang kampanya laban sa smuggling kung may mga nasa loob mismo ng sistema na nagbibigay-proteksyon o nakikipagsabwatan sa mga kriminal. Kaya mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng pananagutan sa lahat ng antas ng serbisyo. Ang integridad ng bawat kawani ang unang depensa laban sa katiwalian.


Gayunman, hindi sapat ang mga pahayag at pagbabanta lamang. Kailangang masigurong tuluy-tuloy ang operasyon laban sa smuggling at hindi ito nauuwi sa panandaliang kampanya lamang. Dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon, mabilis na pagsasampa ng kaso, at agarang pagpapataw ng parusa sa lahat ng mapatutunayang lumabag sa batas. Kung walang napapanagot, mawawalan ng saysay ang anumang polisiya.


Mahalaga rin ang modernisasyon ng Bureau of Customs. Sa panahon ngayon, mas nagiging sopistikado ang galaw ng mga smuggling syndicates. Gumagamit na sila ng iba't ibang ruta, pribadong sasakyang-pandagat, at mas komplikadong paraan upang makalusot sa mga otoridad. Dahil dito, kinakailangang palakasin ang intelligence gathering, risk profiling, paggamit ng makabagong teknolohiya, at pagbabahagi ng impormasyon sa iba't ibang ahensya ng gobyerno.


Hindi rin dapat mawala ang pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies at maging sa mga lokal na pamahalaan. Ang smuggling ay hindi problema ng iisang tanggapan lamang. Isa itong organisadong krimen na nangangailangan ng koordinadong aksyon mula sa lahat ng may tungkulin sa pagpapatupad ng batas.


Sa huli, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi ang dami ng nakukumpiskang kontrabando kundi ang unti-unting pagbuwag sa mga sindikatong nasa likod nito.


Kapag naging tuluy-tuloy ang paglilinis sa hanay ng mga tiwaling opisyal, naging mabilis ang pagpaparusa sa mga lumalabag, at naging epektibo ang pagpapatupad ng batas, mas lalaki ang tiwala ng publiko sa pamahalaan. Ang laban sa smuggling ay hindi lamang usapin ng pagkumpiska ng mga ilegal na produkto—ito ay laban para sa tapat na pamamahala, matatag na ekonomiya, at kinabukasan ng bawat Pilipino.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page