top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 10, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang araw ay nagkaroon ako ng hindi magandang karanasan nang bigla akong hawakan sa maselang parte ng aking katawan ng isang lalaki habang ako ay naglalakad pauwi. Agaran naman siyang nahuli sa tulong na rin ng mga taong nasa tabing kalsada ng mga oras na iyon. Noong kami ay nasa presinto na ay sinasabi ng kanyang magulang na walang kriminal na pananagutan ang kanilang anak dahil sa ito ay baliw o may sakit sa pag-iisip. Nang hingan namin sila ng medical records na magpapatunay sa kalagayan ng lalaking nanghipo sa akin ay wala silang maipakita. Kung sakaling matuloy ito sa hukuman at hindi sila makapagpakita ng anumang medikal na dokumento, ibig bang sabihin nito ay hindi na nila maaaring gamitin ang depensa ng legal insanity?  Maya



Dear Maya,


Sa Artikulo 12 ng Revised Penal Code of the Philippines ay nakasaad ang mga pangyayari at kalagayan upang ma-exempt ang isang tao sa anumang kriminal na pananagutan. Isa na rito ang tinatawag na legal insanity. Nakasaad dito na:


Article 12. Circumstances which exempt from criminal liability. -- The following are exempt from criminal liability:


  1. An imbecile or an insane person, unless the latter has acted during a lucid interval.


When the imbecile or an insane person has committed an act which the law defines as a felony (delito), the court shall order his confinement in one of the hospitals or asylums established for persons thus afflicted, which he shall not be permitted to leave without first obtaining the permission of the same court. xxx


Sa maraming kaso na dinesisyunan ng Kataas-taasang Hukuman, masasabi na ang isang tao ay wala sa tamang pag-iisip kung siya ay walang kakayahan maintindihan o maunawaan ang kamalian ng kanyang ginawa. Ngunit paano nga ba ito mapapatunayan kung ito ay pumapatungkol sa estado ng pag-iisip ng isang tao? Kinakailangan ba na may patunay muna ng isang doktor? 


Ito ang nilinaw ng Korte Suprema sa kasong Mare Claire Ruiz y Serrano vs. People of the Philippines (G.R. No. 244692, October 9, 2024), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alfredo Benjamin Caguioa:


The Court acknowledges the difficulty of having to prove that an accused was deprived of intelligence at the exact moment of the commission of the crime. Thus, insanity may be proven through an accused’s demeanor or actions either immediately before or immediately after the commission of the crime. x x x 


First, it should be stressed that having a documented history of a psychiatric condition is not, and should never be, an element required to prove legal insanity. In fact, it does not have any legal or evidentiary significance except to lend assistance in proving the second test under Paña, specifically, that the accused’s medical condition is the reason why the crime was committed.


Second, and more importantly, if the Court were to subscribe to this argument, then it deliberately turns a blind eye to the unfortunate reality that health care is not accessible to majority of the population. In fact, the ‘Court realizes the difficulty and additional burden on the accused to seek psychiatric diagnosis.’ The argument being posited baselessly puts the impoverished at a disadvantaged position, who, due to circumstances beyond their control, are forced to brush aside conditions of their health in order to prioritize the immediate need to put food on the table and other necessities. The plea of insanity, as like any other similar defense available under the law, should always be equally accessible to all regardless of background or status. Adding additional burdens and qualifications to avail them, when not necessary and decisive to the legal issue, is undeserving to be branded as dispensation of justice.”


Maliwanag sa nabanggit na sa usaping legal insanity, kailangan tingnan at suriin ang naging kilos o akto ng isang tao bago o makatapos magawa ang krimen. Ang mga ito ba ay nagpapahiwatig na ang akusado ay wala sa kanyang tamang pag-iisip at walang kakayahan na maunawaan ang kanyang ginawa. Malinaw din na ang hindi pagkakaroon ng dokumentadong medikal na pagsusuri ay hindi hadlang upang gamitin bilang depensa ang legal insanity sapagkat ito ay hindi elemento nito. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ANG GULO NG PULITIKA SA ‘PINAS DAHIL ANG VP AT PRESIDENTE PAREHONG PINAI-IMPEACH -- Noong December 2024 ay sinampahan ng Akbayan Partylist, Bayan Muna, civil society group at ng 215 kongresista ng mga kasong impeachment si Vice President Sara Duterte-Carpio, at kamakalawa naman May 8, 2025 ay sinampahan ng Duterte Youth Partylist ng impeachment case si Pres. Bongbong Marcos (PBBM).

Onli in da Philippines lang ‘yan, na ang presidente at bise presidente, parehong pinai-impeach.


Ganyan kagulo ang sistema ng pulitika sa ‘Pinas, boom!


XXX


HINDI AAKSYUNAN ANG IMPEACHMENT KAY PBBM DAHIL WALA RAW SESYON ANG KAMARA, PERO NOON ATAT NA ATAT ANG MGA CONG. NA UMPISAHAN ANG IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA KAHIT WALANG SESYON ANG SENADO -- Sinabi ni Speaker Martin Romualdez na hindi raw puwedeng aksyunan ngayon ang isinampang impeachment case ng Duterte Youth Partylist kay PBBM dahil wala raw sesyon ang Kamara.


Iyon naman pala, hindi puwedeng aksyunan ang impeachment kay PBBM dahil walang sesyon ang Kamara, pero noon gustung-gusto na ng tropa ni Speaker Romualdez na aksyunan ni Senate Pres. Chiz Escudero ang impeachment trial kay VP Sara kahit walang sesyon ang Senado, he-he-he!


XXX


KUNG TOTOO NA ARANETA AT ROMUALDEZ ANG NAGPAPATAKBO NG GOBYERNO, BAD IYAN -- Sabi ni Sen. Imee Marcos na hindi raw ang kanyang kapatid na si PBBM ang may kontrol sa gobyerno, kundi sina First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Romualdez.


Kung totoo iyan, aba’y bad ‘yan dahil Marcos ang ibinoto ng higit 30 milyong botante, at hindi ang Araneta at Romualdez, boom!


XXX


KILATISIN ANG TRACK RECORD NG MGA KANDIDATO, HUWAG ANG PERA -- Tatlong bagay ang dapat kilatisin ng mga botante sa mga kandidato. Una, track record; pangalawa ay plataporma; at pangatlo ang background.


Iyang tatlong bagay na iyan ang importante at hindi ang pera ng kandidatong namimili ng boto, dahil ang pera panandalian lang, ubos agad pero ang puwesto pangmatagalan iyan.


‘Ika nga, vote wisely, period!




 
 

ni Ryan Sison @Boses | May 10, 2025



Boses by Ryan Sison

Maaari palang maging mas komportable at accessible ang pagboto sa pamamagitan ng mga mall, hindi ba’t mas mainam itong gawing pamantayan para sa lahat ngayong halalan? 


Sa May 12, 2025 National and Local Elections, isang makabagong hakbang ang isinulong ng Commission on Elections (Comelec) katuwang ang mga napiling malls — ang Mall Voting Program (MVP). 


Layunin nitong gawing mas maginhawa, organisado, at ligtas ang pagboto, lalo na para sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at pati na rin sa mga buntis. 

Sa ilalim ng programang ito, 42 malls, kabilang ang 20 piling SM Supermalls sa buong bansa, ang magsisilbing alternatibong voting precincts. 


Isa sa mga ito ay ang mall sa lungsod ng Maynila na nagsilbing botohan para sa halos 700 rehistradong botante mula sa Barangay 659. Bukod sa air-conditioned at mas ligtas na lugar, may express lanes din para sa mga vulnerable sectors at may kumpletong pasilidad gaya ng elevators, media area, at espasyo para sa poll watchers. 


Batay sa itinakdang iskedyul, magsisimula ang botohan sa mall ng alas-5 ng umaga para sa mga senior citizens, PWDs, at buntis habang bubuksan naman ito para sa lahat ng botanteng nakatalaga sa mall precincts mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi. 


Ayon sa Comelec, mahigpit ang kanilang koordinasyon para matiyak na ang proseso ay ligtas, maayos, at sumusunod sa mga pamantayang pang-eleksyon. Higit pa rito, libre ang paggamit ng mga botante ng pasilidad, kagamitan, at mga tauhan ng mall operators para sa halalan. 


Paalala lang ng Comelec, para malaman kung bahagi ng MVP, maaaring tingnan ang Voter Information Sheet (VIS), o makipag-ugnayan sa kanilang lokal na tanggapan. Tanging ang mga botanteng opisyal na inilipat ang presinto sa mall ang maaaring bumoto. Pinapayagan namang tumulong ang kamag-anak o miyembro ng electoral

board sa mga botanteng nangangailangan ng gabay. 


Marahil, dapat na ganito ang gawin sa tuwing may eleksyon. Hindi sapat na sinasabi nating mahalaga ang boto kung ang mismong proseso ng pagboto ay magulo, pabaya o puno ng abala. 


Ang pagboto ay karapatan ng lahat at dapat itong isagawa sa paraang may dignidad, kaginhawaan, at respeto sa oras at kalagayan ng bawat mamamayan. 

Kapag ang isang botante ay may maayos na karanasan, mas nakahihikayat ito ng partisipasyon, lalo na mula sa mga sektor na madalas napag-iiwanan. 


Kung titingnang mabuti, ang mall voting program ay hindi lang praktikal — ito ay simbolo ng progresibong demokrasya. Dapat itong itaguyod, palawakin, at gawing modelo para sa lahat ng susunod na halalan. 


Ang demokrasya ay hindi lang patungkol sa pagiging malaya at mabigyan ng karapatang bumoto, kundi tungkol din sa pagkakaroon ng pantay, ligtas, at makataong paraan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page