top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 11, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

IMPEACHMENT VS PBBM INISMOL LANG, PERO HALATANG ‘NGARAG SA TAKOT’ KAYA ROMUALDEZ AYAW AKSYUNAN -- Inismol ng Malacanang ang impeachment case na isinampa ng Duterte Youth Partylist laban kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM).

Inismol pero halatang “ngarag sa takot”, kasi ayaw aksyunan ni Speaker Martin Romualdez, kesyo wala pa raw sesyon kaya hindi pa sila kumikilos, boom!


XXX


SEN. BONG GO, TOP NA SA SENATORIAL SURVEY, TOP PA SA SATISFACTION RATING NG 19TH CONGRESS -- Hindi lang sa 2025 senatorial survey nagta-top si Sen. Bong Go, kundi pati satisfaction ratings tungkol performance ng mga senador sa 19th Congress.

Si Sen. Bong Go rin kasi ang nag-top sa gradong 60.80% sa satisfaction ratings ng mga senador sa 19th Congress, na pagpapatunay na nasisiyahan ang taumbayan sa kanyang paglilingkod sa bayan at sa mga Pinoy, period!


XXX


HINDI MAN AMININ TIYAK KABADO ANG 8 ‘MANOK’ NI PBBM SA PAGKA-SENADOR NA HINDI NADALA NG INC -- Tatlo sa senatorial candidate ni PBBM ang inendorso ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC), at sila ay sina Sen. Bong Revilla, Sen. Pia Cayetano at Las Pinas City Rep. Camille Villar.


Dahil tatlo lang ang binitbit, hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang walong “manok” ni PBBM sa pagka-senador na hindi inendorso ng INC, boom!


XXX


MGA DATING PAGCOR OFFICIALS NA HINATULANG MAKULONG NG 100 TAON SA SELDA NA MABUBULOK -- Hinatulan ng Sandiganbayan ng 100 taong kulong si dating Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) Chairman Efraim Genuino at apat pang dating opisyal nito dahil sa patung-patong na kasong graft at malversation sa maling paggamit ng higit P50 million pondo ng Pagcor.


Aba’y kung ganyan katagal ang hatol, tiyak mabubulok na sila sa kulungan, period!





 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 10, 2025



Fr. Robert Reyes


Natapos na rin ang mahabang paghihintay ng lahat, “Habemus Papam!” Meron nang Pope!


Ito ang pinakahihintay na dalawang kataga na binigkas kahapon sa Roma bago lumabas sa balkonahe ng Basilica ni San Pedro ang bagong pope, kahalili ni Pedro Apostol, kasunod ng yumaong Papa Francesco, ika-267 Obispo ng Roma at Papa ng Simbahang Katoliko. Siya si Cardinal Robert Francis Prevost, 69-taong gulang, pinanganak sa Chicago, Illinois, USA, at pinakaunang Papang Amerikano. Siya si Pope Leo XIV.


Noong nakaraang Miyerkules, sa simula ng Conclave, nagtipun-tipon ang maralitang taga-lungsod ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa munting kapilya ng Sitio Militar sa Project 8, Quezon City. Ito ang ‘Misa ng Pasasalamat ng Maralita’ para kay Papa Francesco at para sa Conclave sa pagpili ng bagong pope. Pinamunuan ang misa ni Padre Patrick Santianes SX kasama ang mga pinaglilingkuran niyang mga residente ng nasabing lugar.


Masigla ang misa, ang koro ay mga kabataan. Ang karamihan ng dumalo ay mga kababaihan, mga nanay dahil ang mga tatay ay nasa trabaho. Malinaw at masigla ang tinig ng mga maralita na nagdasal at nagpahayag, “Bigyan po Ninyo kami O Diyos ng Papa na katulad ni Lolo Kiko na nagmamahal at nagmamalasakit sa mga dukha!”

Punumpuno ang kapilya ng mga media, karamihan international at ilang lokal. Malinaw na interesadong-interesado ang buong mundo sa usapin ng susunod na Santo Papa. 


Marami sa kanila ay nagtatanong kung sino si Cardinal Luis Antonio “Chito” Tagle. Interesado silang malaman kung ano ang palagay ng mga Pinoy sa posibilidad na maging pope nga ang isang Filipino, isang taga-Asia. Ang magandang sagot sa tanong na ito ay nagmula kay Padre Francis Gustilo SDB, “Meron nang Papa. Ang kanyang pangalan ay nasa puso ng bawat kardinal na natitipon sa Sistine Chapel.” 


Meron nang pope, sinabi ito ni Padre Francis noong Martes, isang araw bago nag-umpisa ang Conclave. Alam ba niya kung sino ang susunod na Santo Papa? Malinaw na hindi. Alam ba talaga ng mga cardinal? Malinaw ding hindi. Ngunit, maingat na maingat nilang pinakikinggan ang bulong ng Espiritu Santo habang sila’y nakakulong sa Sistine Chapel sa mga oras o araw na kailangan nilang manalangin, mag-aral, mag-usap-usap upang pakinggan ang “bulong ng Espiritu ng Diyos.”


Paano nga ba pakinggan ang “bulong ng Espiritu ng Diyos?” Dalawang ulit lumabas ang itim na usok mula sa tsiminea ng Sistine Chapel. Itim na usok dahil wala pang papa. At tuwing makikita ng buong mundo ang itim na usok, maririnig ang buntong-hininga ng marami na matiyagang naghihintay kung sino ang mapipiling bagong Santo Papa. Habang wala pang puting usok, tuluy-tuloy ang mga sapantahan, mga ispekulasyon kung sino ang magiging pope.


Nakakalungkot isipin, meron pang pustahan at siyempre ang pinagpupustahan ay ang mga “llamado’t kilala.” 


Ayon pa sa balita, nang lumabas ang puting usok, nangunguna si Cardinal Pietro Parolin sa pustahan. Ngunit, ang napili ay si Cardinal Robert Francis Prevost, isang Amerikano.

Wala ang atensyon ng mundo o ng karamihan sa tinatawag na posibleng “dark horse” o ang hindi kilala at hindi popular, na malamang na siya ang nasa puso ng mga kardinal dahil siya ang “bulong ng Espiritu ng Diyos.”


Ito ang unang sinabi ni Pope Leo XIV: “Peace be with you all”.


Nais natin ng isang simbahang ‘sinodale’, simbahang hinahanap ang kapayapaan at nakikiisa sa mga nagdurusa at nahihirapan.


Ito ang ipinagdasal ng maralita sa munting kapilya ng Sitio Militar, isang papa na katulad ni Pope Francis, isang papa na nakikinig (sinodale) at isang pope para sa kapayapaan ng mundo.


Maraming salamat mahal naming mga kardinal sa inyong pakikinig sa bulong ng Espiritu ng Diyos. Panalangin at pakikiisa sa ating bagong Pope Leo XIV! Amen.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | May 10, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Tao rin naman ang mga cardinal kaya’t bagaman lihim at sagrado ang proseso, hindi maiiwasan gumamit ng maselang diplomasya ang mga cardinal.


Likas sa Pinoy ang maging eksperto sa pakikipagsosyalan — at ang tawag na iba rito ay diplomasya at pulitika.


----$$$--


Marami ang nagdarasal na mahalal bilang bagong Santo Papa si Cardinal Luis Antonio Tagle ng Pilipinas.

Sakaling matupad, maibabantayog ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng daigdig.


----$$$--


HANGGANG kahapon, wala pang napipili ang 133 cardinals kung sino ang papalit sa yumaong si Pope Francis.

May mga karibal si Cardinal Tagle pero ang dalawa pang cardinal mula sa Pilipinas -- sina Cardinal Jose Advincula at Cardinal Pablo Virgilio David, na maaaring makatuwang niya sakaling magkaroon ng lihim na kampanyahan.


-----$$$--


HALOS nakisabay na rin ang Korte Suprema sa maniobrahan sa Makati at Taguig nang maglabas ng temporary restraining order laban sa Makati City kaugnay sa 10 EMBO barangay issue.

Nagkataon ito na nasabay sa kampanyahan.


----$$$--


INAMIN naman ni Makati Mayor Abby Binay na reresbak siya laban sa desisyon ng Korte Suprema na ibigay sa Taguig City ang 10 EMBO barangay na isa sa agenda kaya tumakbo sa Senado.

Binasted kasi ng TRO ang pagtatangka ng Makati na idiskaril na mabuksan o magamit ng Taguig ang mga pasilidad na nasasakop ng 10 EMBO barangay.


----$$$--


SA isang speech sa ginanap na campaign rally ni Congresswoman Pammy Zamora sa CEMBO kamakailan, sinabi ni Binay na matagal nitong pinag-isipan kung tatakbo bilang senador.

Sinabi pa niya na maraming araw siyang umiiyak dahil wala siyang magawa sa desisyon ng Korte Suprema na ibigay ang 10 EMBO barangay sa Taguig City.  


----$$$--


NOONG 2022, nagdesisyon ang Korte Suprema na ibinabasura ang petisyon ng Makati City na hindi dapat ibigay sa Taguig City ang 10 EMBO barangay.

Inihayag ni Binay na tumakbo siya sa pagka-senador upang iakyat din ang isyu sa Mataas na Kapulungan hinggil sa desisyon ng SC.


----$$$--


NITONG nakaraan lamang, Mayo 5, nagpalabas ng TRO ang Regional Trial Court sa Taguig City na inaatasan si Mayor Binay na alisin ang lahat ng nakasagabal sa paggamit ng mga government-owned facilities ng 10 EMBO barangay.  

Ipinalabas ang order ni Executive Judge Loralie Cruz Dataha ng RTC-Taguig na nagpapatupad sa ‘pinal at executory decision’ ng Korte Suprema sa G. R No, 235315.


----$$$--


KINUMPIRMA ng utos na nasasakop ng Taguig City ang Barangay Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (kabilang ang Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, at Post Proper Southside — na kilala bilang EMBOs.  

Sakop ng kautusan ang pasilidad tulad ng health centers, covered courts, multi-purpose buildings, day care centers, parks, at iba pang government properties.  


----$$$--


Sa kabila ng pinal na desisyon ng Supreme Court noong 2022, hindi pumayag ang Makati na kunin ng Taguig ang lahat ng naturang pasilidad.

Isinara ng Makati ang ilang health center at daycare center kaya hindi nagamit ng mga taga-EMBO barangay ang pasilidad.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page