top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 9, 2025



Fr. Robert Reyes



Nag-aaway noong isang araw ang dalawang aso ng aming kapitbahay. Malalaki ang mga aso, American Bully ang isa at Belgian Malinois naman ang pangalawa. 


Normal sa mga nag-aaway na aso ang magkagatan, na ganu’n ang nangyari. Pagkalipas ng ilang araw bigla na lang nanghina ang Belgian Malinois, hindi na makabangon.


Nawalan ng gana at dila nang dila sa kanyang isang hita. Nabahala ang aming kapitbahay at dinala sa vet ang aso. Tiningnan ng mga beterinaryo ang hitang dinidilaan. Nakita ang isang malalim na sugat mula sa kagat. Ginamot ito at nilinis ang loob ng sugat, lumabas ang maraming dugo at nana. Ni-laser pa ang mga ugat at litid na tinamaan ng ngipin ng asong nangagat. Maraming ininiksyon at iniresetang gamot.


Nang inuwi ang aso, nagulat na lang ang aming kapitbahay at biglang bumangon at naglakad ang aso. Parang milagro na walang nangyari. Salamat sa mga beterinaryong gumamot sa aso. 


Iba talaga ang ngipin. Mahusay sa pagkain, mahusay din sa labanan. Mahusay na panakot sa mga masasamang-loob.


Tila ito ang kulang sa ating bansa, ngipin. Ngipin sa mga batas at higit sa lahat ngipin sa pagpapatupad ng batas. 


Kung hindi pa nangyari ang iskadalo ng ‘ghost’ flood control projects at kumalat sa buong bansa, tuloy pa rin ang normal at walang problemang takbo ng buhay ng bawat mamamayan. Subalit, lumalabas at sadyang inilalabas na rin ng taumbayan ang kanilang ngipin at ipinamamalas ang talas at bangis ng mga ito sa mga pinaghihinalaang nagnanakaw sa kaban ng bayan. Ngipin sa mga senador na korup.


Ngipin sa mga kongresistang korup. Ngipin sa mga kawaning korup ng iba’t ibang ahensya tulad ng DPWH, DOH, DepEd at lahat ng sangay ng pamahalaan.


Biglang nagkangipin ang Ombudsman sa bagong pamumuno. Naalis ang dating Ombudsman na sadyang tinanggalan ng ngipin ang ahensyang pinamunuan nito sa ilalim ng nakaraang pangulo. Biglang nagkaroon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na unti-unting tinutubuan ng ngipin. Totoo, makikita kung sinu-sino ang may ngipin sa ating mga senador at ang mga tila unti-unting nalalagasan ng ngipin.


Nakatutuwa ang mga kilalang mamamayan na nagpapakita ng ngipin. Noong nagdiwang ng kanyang kaarawan si Kara David, nag-wish ito, “Sana mamatay ang lahat ng mga korap!!!” Siyempre nag-viral ang kanyang sinabi. 


Si Bishop Socrates Villegas naman na tila nagbibiro (nang totoo): “Sana bago ako mamatay, mauna na ang mga korap.” Nagdagdag pa ito sa ibang post niya, “Sana bago mag-Undas meron nang makulong na korap!” 


Hindi makakalimutan ng marami ang isinigaw ni Vice Ganda noong nakaraang rally noong Setyembre 21. Aniya,“Sa ngalan ng mga artistang kasama ko, mabuhay kayong mga ninakawan ng mga pulitikong korap. At sa inyo namang mga pulitiko na bahagi ng gobyerno na nagnakaw sa atin, nagnanakaw sa atin, mga nakatingin habang may nagnanakaw sa atin, mga kasama ng nagnanakaw sa atin, mga alam na may nagnanakaw pero hindi nagsasalita, kasama ng mga nagnanakaw, mga nagtatago ng nagnanakaw, isa lang ang gusto naming sabihin sa inyong lahat. Patawad kay Father pero, P… Ninyo! Tapos na ang panahon ng mga mababait at mga resilient. Ang mga mababait ay ginago. Ang mga resilient ay tinarantado…”


Sakit! Siguradong tumutusok, bumabaon, sumusugat at nagpapadugo ang mga salitang ito. Sa lahat ng mga unibersidad, paaralan, parokya at iba’t ibang grupo, samahan na kapag nagkaroon ng pagkakataon ay magtitipon upang sumigaw ng, “Ikulong na ‘yan, mga kurakot … Ikulong na ‘yan mga kurakot…”


Mahalaga ang ngipin sa paglaban sa kalaban at katiwalian. Ngunit kailangang samahan ito ng istraktura, sistema na susunod sa malinaw na batas at pamamaraang magtatanggol sa dangal ng bawat mamamayan, maging biktima man o kriminal.


Kailangan ang malinaw na pangarap, pananaw, pangitain tungo sa isang malaya, demokratiko, makatarungan, mapayapa at pantay-pantay na bansa.


Nasa Unibersidad ng Pilipinas tayo noong nakaraang linggo upang magmisa para sa isang kilalang manunulat na pumanaw. Kausap ko ang ilang mga propesor na naglalabas ng sama ng loob. “Pilipinas kay hirap kang mahalin.” Kung puwede lang umiyak at lumuha marahil ginawa na rin namin. Hindi lang nakagagalit kundi nakakaiyak na rin ang kalagayan ng ating bansa.


Ngipin at luha. Kapag nagsama ang dalawa, ano kaya ang mangyayari? Anupaman, ang mahalaga ay nagigising, namumulat at kumikilos ang karamihan. Nag-uusap na rin ang mga taong simbahan. Nagdarasal at nag-aalay ng sakripisyo para maging maayos at makabuluhan ang lahat ng ito. Sa huli, lahukan na rin natin ang pagsigaw, pagtangis at pagmartsa ng pagluhod. Maaari bang hindi marinig at makita ng Diyos ang paghihirap, galit, lungkot at pakiusap ng kanyang mga anak? 


Huwag kayong mag-alala Bishop Soc, Kara, Vice, at mga mahal na kababayan. Hindi bingi, hindi manhid, hindi natutulog ang Diyos.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Malinaw na nakasaad sa Social Security System (SSS) Circular No. 2019-009 o mas kilala sa tawag na “Guidelines on the payment of Maternity Benefit,” ang mga sumusunod:


“Section 12. Liability of the Employer. – The Employer shall pay to the SSS damages equivalent to the benefits which said female employed member would otherwise been entitled to in any of the following instances:


i. Failure of Employer to remit to SSS the required contributions for the female employed member; x x x.” 


Ang karapatan ng isang babaeng empleyado na matamasa ang kanyang maternity benefits ay nakapaloob sa batas na dapat na sundin ng ating mga employer. Kaugnay nito, sinabi sa Seksyon 12 ng nabanggit na panuntunan na mananagot ang isang employer sa SSS ng danyos katumbas ng benepisyo na dapat sana ay matatamasa ng babaeng empleyado kung hindi sana pumalya sa pagbabayad o pag-remit ang nasabing employer sa SSS ng mga kinaltas nitong kontribusyon.


Bukod pa sa nabanggit, maaaring pagmultahin, makulong at makasuhan ng krimeng Estafa ang isang employer na nagkaltas ngunit hindi nag-remit sa SSS ng kontribusyon. Ito ay alinsunod sa Seksyon 7 at Seksyon 10, Rule 46 ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act (R.A.) No. 11199 o mas kilala sa tawag na The Social Security Act of 2018 kung saan isinasaad na:


“SEC 7. Failure or Refusal to Deduct and Remit Contributions. – Whoever fails or refuses to deduct contributions from the compensation of one’s employee/s, or from his/her income, in the case of the covered SE, and to remit the same to the SSS, shall be punished by a fine of not less than five thousand pesos (P5,000.00) nor more than twenty thousand pesos (P20,000.00) and imprisonment for not less than six (6) years and one (1) day nor more than twelve (12) years. [Sec 28, (e), 2nd sentence]


SEC 10. Employer’s Misappropriation of Contributions or Loan Amortizations of Its Employees. – Any employer who, after deducting the monthly contributions or loan amortizations from his/her employee's compensation, fails to remit the said deduction to the SSS within thirty (30) days from the date they became due, shall be presumed to have misappropriated such contributions or loan amortizations and shall suffer the penalties provided for Swindling or Estafa under Article three hundred fifteen (315) of the Revised Penal Code.”


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 9, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOTOO SANA NA MAY BLUE NOTICE NA ANG INTERPOL KAY ZALDY CO, GUSTUNG-GUSTO NA TALAGA NG TAUMBAYAN NA MAHULI NA SIYA AT MAKULONG -- Inanunsyo ni Usec. Jesse Andres ng Dept. of Justice (DOJ) na may “blue notice” na raw ang Interpol laban kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ibig sabihin ay tinutunton na raw ang kinaroroonan o pinagtataguan ng former congressman sa ibang bansa.


Sana totoo ang inanunsyo na iyan ni Usec. Andres para kapag may warrant of arrest na ay madali nang matitimbog si Zaldy Co kasi sa totoo lang, isa ang former congressman na ito na gustung-gusto ng taumbayan na makulong dahil sa kinasangkutan nitong sangkatutak na flood control projects scam sa buong bansa, boom!


XXX


SEN. DELA ROSA, PROTEKTADO NI TITO SEN SA LOOB NG SENADO, PERO SA LABAS WALA NANG PAKI SA KANYA ANG SENATE PRESIDENT -- Matapos ianunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may inilabas nang warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa, na dating Philippine National Police (PNP) chief, ay agad nagpalabas ng statement si Senate Pres. Tito Sotto na walang sinuman ang puwedeng umaresto sa senador habang nasa loob ito ng Senado.


Sa tema ng salita ni Tito Sen ay kung sa labas ng Senado dadakpin si Sen. Dela Rosa, ibig sabihin ay wala siyang paki, at dahil diyan para iwas-aresto at makulong sa ICC jail, malamang sa loob na ng Senado siya maninirahan dahil nga protektado siya rito, period!


XXX


‘DI DAPAT MAGPAKAMPANTE SI SEN. DELA ROSA KAHIT PA SINABI NG ICC SPOKESMAN NA WALA PANG WARRANT OF ARREST DAHIL BAKA MABULAGA NA MAY UMAARESTO NA SA KANYA SA ‘PINAS -- Pinabulaanan naman ni Dr. Fadi El Abdallah, spokesman ng ICC ang kumalat na balita sa Pilipinas na may warrant of arrest na si Sen. Dela Rosa kaugnay sa kasong crimes against humanity na kahalintulad ng kasong kinakaharap ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).


Bagama’t may ganyang statement na ang spokesman ng ICC ay huwag pa rin pakatiwala si Sen. Dela Rosa dahil baka bigla siyang mabulaga na inaaresto na siya ng Interpol sa ‘Pinas sa tulong ng mga Pinoy law enforcers, boom!


XXX


WEAK LEADER YATANG TALAGA SI PBBM, KUNG IBANG PRESIDENTE ANG GINAGAWAN NI BARZAGA NG MGA MATITINDING ATAKE SA SOCIAL MEDIA MALAMANG NAKASUHAN AT NAKAKULONG NA ANG KONGRESISTANG ITO -- Bukod sa mga matitinding atake ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa social media, kabilang sa mga post na diretsahang inaakusahan ang Pangulo na ‘magnanakaw’, ay may mga post din ito na nananawagan sa militar na alisin na ang suporta kay PBBM, patalsikin na ito sa puwesto.


Dahil sa kawalan ng aksyon ni PBBM sa mga atakeng ito sa kanya ni Barzaga ay lumalabas ngayon na parang totoo ang sinabi ni FPRRD noon na weak leader siya.

Sa totoo lang kasi, kung ibang presidente ang ginawan ng ganyang uri ng mga atake, malamang natadtad na ng kaso at nakakulong na si Barzaga, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page