ni Leonida Sison @Boses | November 15, 2025

Sa panahong puno na ng tensyon at ingay ang lansangan, walang mas mahalaga kaysa sa paninigurong ligtas at payapa ang paggalaw ng mamamayan.
Kaya habang naghahanda ang Iglesia ni Cristo (INC), United People’s Initiative (UPI), at iba pang grupo para sa kanilang tatlong araw na pagtitipon mula Nobyembre 16 hanggang 18, 2025, mas pinaigting ng estado ang papel nitong bantayan ang kapayapaan.
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nasa full alert status na ang National Capital Region Police Office (NCRPO). Ibig sabihin nito, walang bakasyon, walang leave, at lahat ng pulis ay handang magresponde anumang oras.
Mula ngayong araw, Nobyembre 15, magsisimula ang paunang deployment, habang ang buong puwersa ay tuluyang ikakalat sa unang araw ng programa. Aabot sa 16,664 na mga pulis ang ipakakalat sa Metro Manila, mas mataas sa naunang bilang. Ito ay bilang paghahanda sa tinatayang 300,000 katao bawat araw sa People Power Monument at EDSA Shrine para sa UPI rally, at humigit-kumulang 100,000 naman sa Quirino Grandstand para sa INC gathering. Hindi lamang sentro ng lugar ang tututukan, ipupuwesto rin ang mga pulis sa Liwasang Bonifacio, US Embassy, Ayala Bridge, Senate, House of Representatives, Independent Commission for Infrastructure Grounds, at mga pangunahing kalsada ng Manila, Pasay, at Quezon City.
Kasama rin sa operasyon ang intelligence units, logistics teams, emergency responders, at maging seaborne patrols para sa higit pang proteksyon.
Ayon kay PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., handang-handa ang pulisya dahil malawak ang pagkilos at maraming lugar ang dapat bantayan.
Para sa kanila, malinaw na dapat panatilihin ang kaayusan at tiyaking walang kababayang mapapahamak.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nananatiling positibo si AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na magiging mapayapa ang mga pagtitipon. Gayunman, nagbabala siya tungkol sa posibleng infiltrators, mga elementong maaaring manamantala sa malaking bilang ng taong dadalo. Hiling niya sa mga organizers na bantayan ang kanilang hanay habang tiniyak ng AFP na handa silang umalalay sa anumang emergency.
Sa rami ng inaasahang lalahok, malinaw na magiging malaking pagsubok ang tatlong araw na protesta at religious gatherings. Subalit, kung may sapat na paghahanda, respeto, at koordinasyon, maaabot ang mithiin ng lahat para sa ligtas, tahimik, at maayos na pampublikong espasyo kung saan malayang naipapahayag ang paniniwala at saloobin, nang walang takot at kaguluhan.
Ang seguridad ang pinakamahalagang unahin sa oras ng mga pagtitipon pero disiplina at malasakit ang dapat manaig.
Kung magkasabay na kikilos ang dalawang ito, ang anumang rally, gaya ng inaasahang libu-libong dadalo sa mga susunod na araw ay magiging patunay na gumagana pa rin ang demokrasya, at kaakibat nito ang kapayapaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com






