top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Kinikilala ng Estado ang kahinaan ng mga minero dahil sa pagkakaroon ng hindi mabilang na mapaminsalang elemento sa kanilang propesyon na humahantong sa mas malubhang problema sa kalusugan, lalo na habang tumatanda ang mga indibidwal na ito, at kung paanong mas mapanganib ang mga pangyayari kumpara sa ordinaryong manggagawang malayo sa mga minahan. Nang dahil sa pagkilalang ito, ipinasa ang Republic Act (R.A.) No. 10757 na pinamagatang “An Act Reducing the Retirement Age of Surface Mine Workers From Sixty (60) to Fifty (50) years, Amending for the Purpose Article 302 of Presidential Decree No. 442, as amended, Otherwise Known as the “Labor Code of the Philippines”.


Sa pamamagitan nito ay idineklara ang patakaran ng Estado na pahusayin ang kapakanan ng mga manggagawa sa minahan, kapwa sa ibabaw at sa ilalim ng lupa, sa pamamagitan ng naaangkop na pagsasaayos ng kanilang edad ng pagreretiro.

Sa batas na ito ay pinababa ang edad na maaaring magretiro ang ating mga minero. Nakasaad sa Section 2 ng naturang batas ang mga sumusunod:


SECTION 2. Article 302 of Presidential Decree No. 442, as amended, otherwise known as the “Labor Code of the Philippines”, is hereby amended to read as follows:


“Article 302. Retirement. – Any employee may be retired upon reaching the retirement age established in the collective bargaining agreement or other applicable employment contract. xxx


“An underground or surface mining employee upon reaching the age of fifty (50) years or more, but not beyond sixty (60) years which is hereby declared the compulsory retirement age for both underground and surface mine workers, who has served at least five (5) years as underground or surface mine worker may retire and shall be entitled to all the retirement benefits provided for in this Article.


“For purposes of this Act, surface mine workers shall only include mill plant workers, electrical, mechanical and tailings pond personnel x x x.


Malinaw na nakasaad sa itaas na ang isang minero na nagtatrabaho sa ibabaw man o ilalim ng lupa, na nakapagtrabaho ng limang taon, ay maaaring magretiro kung kanyang nanaisin sa edad na singkwenta o 50-anyos. Ang kasama rito bilang minero sa ibabaw ng lupa ay iyong mga nasa klasipikasyon bilang mill plant workers, electrical, mechanical and tailing ponds personnel. 


Ang kuwalipikadong minero na magreretiro ay makatatanggap ng mga benepisyong nakasaad sa Article 302 ng Labor Code of the Philippines, katulad ng mga sumusunod:    


“Sa kaso ng pagreretiro, ang empleyado ay may karapatan na makatanggap ng mga benepisyo sa pagreretiro na maaaring nakuha niya sa ilalim ng mga umiiral na batas at anumang collective bargaining agreement at iba pang mga kasunduan: Sa kondisyon, na ang mga benepisyo sa pagreretiro ng isang empleyado sa ilalim ng anumang collective bargaining at iba pang mga kasunduan ay hindi dapat mas mababa kaysa sa ibinigay dito.”


“Kung walang plano sa pagreretiro o kasunduan na nagkakaloob ng mga benepisyo sa pagreretiro ng mga empleyado sa establisimyento, ang isang empleyado sa pag-abot ng edad na 60 taon o higit pa, ngunit hindi lalampas sa 65 taon na sa pamamagitan nito ay idineklara ang sapilitang edad ng pagreretiro, na nakapaglingkod nang hindi bababa sa limang taon sa nasabing establisimyento, ay maaaring magretiro at dapat na karapat-dapat na mabayaran ng hindi bababa sa isang buwan (1/2) buwang suweldo, para sa bawat taon ng serbisyo.”


“Maliban kung ang mga partido ay nagtadhana ng mas malawak na lakip sa matatanggap, ang terminong ‘isang kalahating (1/2) na buwang suweldo ay mangangahulugan ng 15 araw kasama ang isang-ikalabindalawang (1/12) ng 13th month pay at ang katumbas ng cash na hindi hihigit sa limang araw ng service incentive leave.”


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


P100B PUWEDENG SA NEP ILAGAY NI PBBM KAYA PASABOG NI EX-REP. ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NG PRESIDENTE SA BICAM, SABLAY! -- Isa si good governance advocate, economist Cielo Magno sa mga kilalang anti-Marcos Jr., at isa siya sa nananawagan ng "resign all" (Pres. Bongbong Marcos, Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, mga senator and congressmen). Isa siya sa mga Pilipinong galit na galit sa nabulgar na flood control projects scam, isa rin siya sa mga nagpu-post sa social media patungkol sa mga politician, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) officials, Commission on Audit (COA) officials at mga kontraktor na sangkot sa pang-i-scam sa pera ng bayan, pero sa kabila ng ganito niyang paninindigan ay kabilang din siya sa hindi naniniwala sa pinasabog na video ni former Cong. Zaldy Co na inutusan daw siya ni PBBM sa pamamagitan nina former Speaker Martin Romualdez at Budget Sec. Amenah Pangandaman na mag-insert ng P100 billion sa Bicam.


Ito kasi ang bahagi ng isa sa mga post sa social media ni Cielo Magno... “Parang sobrang tanga naman ni BBM na hinintay pa ang Bicam para mag-insert ng P100B eh puwede na n’ya isaksak 'yun sa NEP (National Expenditure Program),” na ang post niyang (Cielo Magno) ito ay sinegundahan ni Sen. Ping Lacson na nagsabing, “Hindi naman sa ipinagtatanggol ko ang President, pero bakit n’ya ipapalagay ang P100B sa Bicam gayong kaya naman niya iyong ipalagay sa NEP.


May punto sina Cielo Magno at Sen. Lacson, kaya ‘yung pasabog ni Zaldy Co, masasabing sablay, boom!


XXX


HINDI LANG SI REP. ROMUALDEZ ANG ‘PASOK’ SA GROSS NEGLIGENCE KUNDI PATI SI PBBM -- Sa totoo lang, may pananagutan naman talaga sina PBBM at Rep. Martin Romualdez sa isyu ng flood control scandal dahil ang Presidente ang lumagda sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na may ‘insertions’ na sangkatutak na flood control projects, at sa parte naman ni Romualdez ay siya ang pumili kay Zaldy Co na maging head ng House Committee on Appropriations.


Kaya iyong sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na “pasok” si Romualdez sa kasong “gross negligence,” hindi lang siya (Romualdez) ang dapat masampahan ng ganyang kaso, kundi pati si PBBM, period!


XXX


HINDI MAN AMININ MALAMANG HAPPY SI SEN. ESCUDERO DAHIL ANG MAS MALAKING P142.7 ‘INSERTION’ NIYA NATABUNAN SA PASABOG NI ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NI PBBM -- Hindi man aminin ay malamang tuwang-tuwa si Sen. Chiz Escudero sa pasabog ng kapwa niya Bicolano na si ex-Rep. Zaldy Co laban kina PBBM at Romualdez.


Mainit kasing pinag-uusapan ngayon ng publiko ang pasabog ni Zaldy Co na P100B “insertion” ni PBBM sa Bicam, na ‘ika nga, nakalimutan na ng mamamayan ang pinasabog noon nina Sen. Tito Sotto at Sen. Lacson na mas malaking P142.7B na insertion ng former Senate president sa 2025 Bicam, boom!


XXX


VIDEO NG PASABOG NI ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NI PBBM SA BICAM, NATABUNAN ANG PASABOG NI EX-DPWH USEC. BERNARDO SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE -- Hindi lang si Sen. Escudero ang masasabing happy sa pasabog ni Zaldy Co, kundi pati ang mga senador, former senators, kongresista at DPWH officials na isinabit ni former DPWH Usec. Roberto Bernardo sa flood control projects.


Natabunan kasi ng video ng pasabog ni Zaldy Co ang pasabog ni ex-DPWH Usec. Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee, period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 16, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa araw-araw na bigat ng trapiko, polusyon at stress sa kalsada, dapat sigurong ang mga pampublikong transportasyon ay maayos, maaliwalas at nakakahinga nang maluwag ang mga pasahero at hindi nagiging lugmok sa grabeng usok. 


Kaya tama lang na higpitan at gawing smoke-free at vape-free ang mga Transportation Network Vehicle Services (TNVS), at iba pang kahalintulad nito, na tunay na proteksyong matagal nang kailangan.


Ito marahil ang dahilan kaya inilunsad ng Department of Health (DOH), kasama ang MMDA, DOTr, LTFRB, at iba pang ahensya ang kanilang kampanyang 100% Smoke-Free at Vape-Free TNVS, kamakailan. 


Layunin nitong bawasan ang exposure ng mga pasahero, lalo ng mga kabataan sa nakalalasong usok at aerosol mula sa tobacco at vape products. 

Kasama sa inisyatiba ang paglalagay ng smoke-free at vape-free stickers sa mga TNVS vehicles, habag pagkilala rin sa mga naturang kumpanya nito na tapat na sumusunod sa tobacco control policies. 


Alinsunod ito sa Health Promotion Framework Strategy, National Tobacco Prevention and Control Strategy, at mga umiiral na batas gaya ng EO 26, RA 9211.


Base naman sa LTFRB Memorandum Circular 2019-063 ay iniuutos na maglagay ng ‘No Smoking and No Vaping’ signage sa lahat ng pampublikong sasakyan at terminal. Para sa sinumang lalabag may kaukulang parusa, kung saan pagmumultahin ng hanggang P15,000 at posibleng pagkansela ng Certificate of Public Convenience (CPC). 


Ayon sa DOH, tumataas pa rin ang paggamit ng heated tobacco at vape products, lalo na sa mga saradong espasyo tulad ng TNVS, at walang takas dito ang mga pasahero. Ang polusyon mula sa second-hand at third-hand smoke ay nananatiling tahimik subalit mapanganib na salarin sa ating kalusugan. 


Sinabi naman ni MMDA Chairman Don Artes na mahalaga ang pagprotekta sa publiko laban sa anumang uri ng polusyon. Gayundin, para kay DOH Regional Director Lester Tan, ang inisyatiba ay pagbibigay-karapatan sa bawat pasahero na makalanghap ng malinis na hangin, isang batayang kalayaang hindi na dapat ipinaglalaban pa sa modernong panahon. 


Maraming kumpanya ng mga TNVS ang nagpahayag na ng kanilang suporta at nangakong isasama ang regulasyon sa kanilang booking apps. 


Ang pagbabawal ng paninigarilyo at pagbe-vape sa loob ng public transport ay hindi lamang regulasyon, ito ay uri ng pagrespeto. Respetong dapat ibigay sa bawat pasahero at nakasakay dito na umaasa para sa maayos, malinis na biyahe at hindi dapat nalulunod sa usok o polusyon. 


Alalahanin natin na hindi pribilehiyo ang malinis na hangin, kundi ito’y higit na pangangailangan. Kaya sana gawing smoke-at vape-free ang mga pampublikong transportasyon. 


Gayundin, ang usok, vape man o sigarilyo ay hindi lamang basta bisyo, ito ay nagiging banta sa ating kalusugan. Isipin na lang natin na umiwas sa anumang panganib sa kalusugan at huwag nang dagdagan pa ang problema.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page