top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 8, 2020




Panahon ng pandemic, mas uso ang orders online. Maliliit ang mga negosyong dapat na tulungan, marami na ang nagtatagumpay sa larangan na iyan at nagsimula lang ang marami sa paggawa ng kinahihiligang bagay o hobby na ginawa nang pagkakitaan.


Ang husay di po ba? Kaya kung kayo ay may isang bagay na hilig gawin ay gawin na ngayon na isang negosyo at huwag nang mag-aksaya ng panahon lalo na kung may konting puhunan na maaring magamit na para rito.


Pero paano ka ba magi-start. Heto ang ilang hakbang upang iyong hobby ay maging ganap na kapaki-pakinabang para maging isang propesyong mamahalin, pauularin at aalagaan.


1. PALAWAKIN ANG POSIBILIDAD. Konsiderahin ang kikitain sa gagawing negosyo o kaya’y full time na itong trabahuhin. Magsaliksik online para sa anumang business categories na maaring pasukin ayon na rin sa hilig na gagawin para mapagkakitaan. Gayundin ang listahan ng mga grupo o kaibigan na maaring makatulong at magpaunlad ng iyong ginagawa at magtanong sa kanila kung ano ang unang dapat na gawin lalo na sa websites o social media.


Tingnan ang mga local social media at humanap ng reference materials na may kaugnayan sa iyong hobby upang maging negosyo. Halimbawa, hilig mo ang pagluluto o pagbe-bake. Simulan na ang pagre-research o pagbabasa ng magasin online tungkol sa klase ng resipe ng iyong kinahihiligang gawin. Tunghayan din ang mga gawa ng paboritong pinakamahuhusay na modelong chef na maaring tularan na estilo pagdating sa dekalibreng mga lutuin. Kung health conscious ka alamin ang mga nababagay na lutuin para sa mga gulay at iba pang nutritious ingredients na magagamit sa iyong recipe. Suriiin din ang pinakapatok na presentation na alam mong bentang-benta para sa iyong target markets.


Alamin na ring mabuti kung ano ang mga kailangang kagamitan na kukumpleto sa iyong hobby na gagamiting pang-negosyo. Sa pamamagitan ng mga materyales na iyan ay mabibigyan ka ng impormasyon upang makaisip ka ng paraan kung paano sisimulan ang food industry business.


Sa quick job search din ng websites maari kang makahanap ng makatutulong sa iyo lalo na sa career builders o kaya naman kahit kasambahay lamang na handang makatuwang sa’yo sa paglunsad ng food business ay sila na ang magiging pasuwelduhan mo. Tiyak na sa iyong bahay lamang available ang mga makakatulong sa iyong bisnis. At sa isang maliit na puwesto lamang sa harapan ng bahay puwede nang magkaroon ng panaderya para sa bake business.


2. HINGIN ANG PAYO NG MGA EKSPERTO. Kung mayroon kang hinahangaang guru o eksperto sa isang bisnis na nais mong simulan, maaring available sila sa social media at tanungin kung anong mga seminar mayroon sila, networking groups para sa bago at prospektibong sariling negosyo na sisimulan kahit sa maliit na paraan muna.


Ang mga local business partners naman ang siyang magbibigay payo at referral para sa iyong tulong na source at sila rin ang gagabay kung paano ito ima-market online. Puwedeng mag-enrol sa kolehiyo o unibersidad para sa business. Konsiderahin din sa trabaho ang tamang interes. Magkaroon ng first hand experience at makausap ang contact perons na kailangan oras na pasimulan ang negosyo.


Kung may maliit na puwesto ka namang paglalagakan ng iyong bisnis ay maari na rin doon na simulan. Tiyakin din na makakuha ka ng business permit mula sa barangay at iba pang lisensiya kung kinakailangan.


3. MAGLAAN NG SIMPLENG MARKET RESEARCH. Makipag-usap sa tao at mga negosyante sa lugar at magtanong ng feedback hinggil sa ideya ng negosyo. Upang mas maging mahusay na tagapangalaga ng mga halaman o mag-breed ng magagandang uri ng mga prutas. Ang mga horticulturist o mga hinahangaang agriculturist ang siyang hingian ng ng payo upang magkaideya ka sa negosyo at malaman kung saang lugar ka maaring magpasimulang palawakin ang serbisyo kung talagang hilig mo ang paghahalaman.


a. MAGLAAN NG SIMPLENG PLANONG BISNIS. Maraming uri ng aklat ang magtuturo ng paglikha ng simpleng business, step-by-step. Anuman ang gagawin,huwag kalimutan ang hakbang na ito.


4. GAWIN NA AGAD KUNG KAILANGAN. Oras na nakagawa ka na ng pasya upang maging negosyo ang iyong hilig at maging isang pagkakakitaan, gawin na ito ngayon, sumige ka na!


Sa isang eksaktong talento ng babae sa pag-aalaga ng iba’t ibang uri ng bulaklak at kinahihiligang flower arrangement sa kanyang hardin, sa buong kabahayan niya maging sa pamimigay niya ng ganito sa kanyang kaanak at kaibigan ay naisipan na niya isang araw na maglaan ng marami pang materyales upang pagkakitaan na ito.


Sampung pirasong flower arrangements ang kanyang ginawa, katuwang niya ang kanyang anak at nagtayo siya ng local selling shop, naibenta niya nang mabilis ang proyekto maging sa social media.


Ngayon ay regular na siyang may order at tagumpay ang kanyang negosyo na nagsimula lamang sa maliit na puhunan.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 7, 2020



KUNG ang iyong work area ay may mga nakaimbak na explosive devices, reactive chemicals o pressure vessels, ang peligrong pagsabog nito ay baka mangyari. Maaaring makaiwas sa anumang sakuna kung ganap na maiintindihan kung anong materyal ang pagmumulan ng pagsabog.

  1. ANO ANG SANHI NG PAGSABOG? Ang pagsabog ay mula sa mabilisang paglobo ng gases. Marami sa explosions ang nangyayari kapag nababad sa init ang gases, tulad ng apoy, sparks o maging ang static electricity o ang pagtaas ng pressure. Maaari ring dahilan ng pagsabog ang chemical reactions. Halimbawa, kapag ang dalawa o higit pang hindi compatible na kemikal ay naghalo, sasabog ito. Ang ilang kemikal ay sumasabog kapag nahanginan o nabasa.

  2. ALAMIN ANG MGA MATERYAL NA NAKAIMBAK. Pag-aralang mabuti ang mga materyal na ginagamit sa work area. Alamin din kung ano ang peligrosong sumasabog at sa anong dahilan puwedeng mangyari ito. Basahing mabuti ang labels ng flammable liquids at mga identified na explosive materials. Kung hindi ka tiyak kung anong substansiya ang puwedeng sumabog, ipagpalagay mo na lang na delikado pa rin ang mga iyan. Isaisip na posible pa ring sumabog ang mga bagay na iyan.


Tandaang mabuti ang mga binasang safety data sheets. Ito ang magsasaad kung ang substansiya ay peligrosong sumabog at kung ano ang gagawin kung may hindi inaasahang mangyayari. Ang mga nakalagay na keywords na FLASH POINT at FLAMMABILITY LIMITS, ang nagsasaad kung hanggang saan ang antas ng peligro mayroon ang kemikal. Maging alerto kaagad kapag nagbago ang temperatura sa lugar o pressure na posibleng makapagpabago sa panganib ng pagsabog.

PAANO MABABAWASAN ANG PELIGRO NG PAGSABOG.

  1. Ilayo sa mainit na lugar ang eksplosibong kemikal.

  2. Gumamit lamang ng aprubadong storage at transfer containers.

  3. Tiyakin na ang containers ay grounded at bonded bago ilipat ang flammable liquids.

  4. Ireport agad ang mga equipment malfunctions.

  5. Siguraduhin na lahat ng ventilation equipment ay gumaganang maige. Imonitor ang hangin kung gagamit ng explosive materials sa isang kulong na lugar.

  6. Linisin kaagad ang mga tagas at itapon nang maayos ang mga malangis na basahan araw-araw.

  7. Sikaping laging malinis ang work area. Ang pagkapal ng alikabok ay puwede ring pagsimulan ng pagsabog.

  8. Maging alerto sa anumang tagas at iba pang danger signals.

  9. Sumunod sa “No Smoking” signs.

  10. Dapat ay maging malinis ang mga daanang lugar upang mas mabilis na makakilos papunta sa emergency equipment area.

  11. Alamin kung saan nakalagak ang mga fire-fighting equipment at kung paano gagamitin.

KUNG MAYROON NANG PAGSABOG:

  1. Sundin na agad ang emergency plan.

  2. Iulat agad ang pagsabog. Mabilis na lumayo sa naturang lugar, isara ang pinto at bintana pagkalabas.

  3. Sabihan ang lahat sa lugar at lumayo sa sumasabog na lugar. Kung kailangang labanan ang sunog o apoy, magsuot ng respirator at protective clothing.

Ang nangyari sa Beirut, Lebanon ay isang nakatutulig na pagsabog ng 2,750 na toneladang ammonium nitrate na nakaimbak sa isang bodega na walang sapat na safety measures mula pa noong 2014.


Ayon sa security sources, isang welder ang nakatalsik ng gatiting na init at nag-apoy na siyang pinagsimulan ng pagsabog ng kemikal – at nasundan pa ng nakahihilakbot na pagsabog ng limang beses na mas malakas sa Hiroshima bombing.


Ang ammonium nitrate ay pangunahing ginagamit bilang sangkap ng mga pataba o fertilizer pero hinihinalang ginagamit sa mga sandata ng terorista mula sa mga homemade bombs. Sa sobrang dami ng explosive materials kaysa sa military-grade explosives ay mas naging peligroso ang pagsabog.


Sinabi rin ng security services na ang gatiting na apoy ang unang pinagmulan ng sunog sa isang imbakan ng ‘highly volatile materials’ na dala ng isang barko, ilang buwan ang nakaraan at doon nga inilagak ito malapit sa daungan.


Nagkasunog muna sa lugar o nagkaroon ng pagsabog sa naturang daungan at saka nasundan ng malawak na pagsabog na nagpadagundong sa halos 1 kilometro ang radius ng mga naapektuhan.


Higit sa 100 ang namatay, 4,000 ang mga sugatan at 300,000 ang tinatayang nasira ang mga tahanan na karamihan ay nasa mga gusali.


Umabot pa at narinig ang pagyanig sa may 125 milyang layo sa dagat ng Cyprus. Ito na rin daw ang pinakahihindik na pagsabog na naganap sa Lebanon kumpara sa mga bala at kanyon lang na naririnig ng mga sibilyan noong sapitin nila ang 15 taon na civil war.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 6, 2020




“Bilang isang batambatang recruiting consultant, ang una kong gawain ay ang maglingkod bilang babaeng boss, lahat ng klase ng pamimintas o anumang klase ng pamumula ay aking nasasagap maski ang mga konstruktibong klase ng kritisismo ay tinatanggap ko maging personal na atake o maging ang position power ko ay binabanatan. Isang linggo bago ko nalaman na isang nakasususpetsang kasamahan ko pala sa trabaho ang gumawa nito sa akin,” ayon sa isang subject ng paksang ito.


“Iyan ay isang karanasan ko bilang babae na halos kainggitan at nakadidismaya nang tuluyan nilang tutulan na maging ganap na manager.Kung kaya naman isang klase ng tsansa na laging nagpapadalawang isip sa akin bago pa man tanggapin ang naturang trabaho pero bandang huli ay mas pinili kong katrabaho ang mga kababaihan. Ang dati kong boss na isa ring babae ay dama niyang kailangan na maging matibay habang nakikipagkompetensiya sa daigdig ng mga kalalakihang negosyante at mga propesyonal.”


“Sa pamamagitan ng background na ito, naging matalino ako sa mga bagay na aking pinipili upang maturuan ng mga paraan at estilo ang babae sa kanilang liderato na maging kakaiba.”


Madalas na ang babae ay mas mahusay sa kanilang malambot na kakayahan. Sinabi ng mga eksperto na madalas na ang mga kababaihan ang mas mahusay sa kanilang management service gaya ng pakikinig at communication habang ang mga lalaki naman ay ekselente sa matitigas na klase ng kakayahan gaya ng pag-aanalisa at paggawa ng desisyon. Ang mapamaraang dunong na taglay ng isang lider na babae ay higit na may konsiderasyon kaysa magalit, tumutulong sa team building sa halip na makipagkompetensiya.


May mga aklat noong dekada 90 sa management na nagtuturo sa mga kababaihan na basagin na ang anumang salamin na humahadlang sa kompetisyon ng lalaki at babae. Iyon ay ang pagkilos at pag-iisip na ng babae na parang lalaki.


Ang mga kababaihang nasa ibabaw ng tagumpay ay pinayuhan ng magsuot ng blusa na asul o may kulay ginto at gumamit ng parang military tactics sa mga regulasyon upang mas maging matigas ang kanilang pag-uutos at direktiba. Magbahagi ng regulasyon at mamuno. Pero hindi pa rin aprubado ang pagkilos na parang lalaki upang mas lalong magpapatibay sa kababaihan na maging isang mabuti, episyente at mahusay na lider.


Sa U.S. kinumpara ang abilidad ng mga lalaki at babaeng executives. Ang method ay nag-iiba sa lawak nito. Kabilang na ang performance evaluation, questionnaires, obserbasyon at gayundin sa kanilang kakayahan sa kanilang larangan. Kinumpirma ng mga mananaliksik na ang conventional wisdom o karanasang ayon sa karanasang edukasyonal ng babae ang siyang nagbibigay ng pagka-ekselente sa kanila dagdag pa ang kanyang malambot na pag-uutos at management service.


Sa conventional wisdom ay sinasabing ang mga babae ay nagiging mahusay sa mga larangan gaya ng:


1. TEAM BUILDING. Ang mga babae ay mahusay humikayat ng mga taong maaring lumahok at magbigay ng karapat-dapat na obligasyon at responsibilidad sa grupo at nagbabahagi ng mga gawaing angkop sa kaalaman ng kanyang nasasakupan.

2. PAGBIBIGAY KAPANGYARIHAN. Nahihigitan daw ng babae ang lalaki sa pagbabahagi ng liderato, ang estilo na nagpapahikayat sa iba na sumunod sa nailuklok nilang lider. Ang pagiging facilitative leader ang siyang lakas at nagmomotiba sa ibang tao kaysa ang magbigay siya ng reward o parusa.

3. COMMUNICATION. Ang mga kababaihan na pokus sa edukasyon ay natuklasan na higit na nakakagamit ng open style na communication at nakapokus sa relasyon. Mas madalas silang makipag-usap sa mga colleague, stakeholders at mga tauhan.

4. CONSENSUS BUILDING. Talented sila at mapagsuporta. Mahalaga ang kanyang kontribusyon sa isang grupo kaya tinatanggap siya. Gayunman, ang consensus building ang kahinaan ng babae. Sa labis na palaasa sa method ng decision making ay mukhang hindi makapagdesisyon ang lider at masyadong dumedepende sa opinyon ng iba. Ang totoong lider ay alam kung kailan hihinto na magsalita at maghayag ng desisyon.

5. SA HALOS LAHAT NG LARANGAN. Ang lakas ng babae ay hindi limitado sa ilang kakayahang nabanggit. Sa anim na pag-aaral, 5 ang sinabi na ang female bosses ay umiskor ng mataas kaysa sa lalaki na hawak ang mayoryang liderato. Sa anim na pag-aaral halos pareho lamang ang ranggo ng dalawa.


Sa pag-aaral ni Pfaff sa U.S. sa may 1,000 managers sa 211 organizations, halos nadaig ng babae ang lalaki sa soft skills communication at teamwork, gayundin sa areas na hindi kinokonsiderang pambabaeng gawain, gaya ng planning, good setting at pagbabago ng pasilidad. Sa area naman ng gawaing panlalaki gaya ng pagdedesisyon, halos nadaig na rin ng babae ang lalaki.


Ang pagkanaturalesa, otentikadong estilo sa liderato ay nahahasa pa kung patuloy na umiibayo. Maraming babae ang nagsisikap na maging tulad ng isang lalaki, ang lalaki naman ay nakikipagkompetensiya na. Imadyinin ang isang male executive chief, para sa sarili niyang ipinapakita niyang mahusay siya, kaysa ang ilabas ang tunay na pagkatao at kakayahan. Habang ang babae namang manager, hindi rin naman dapat maging trying hard na maging lider at gayahin ang lalaki.


Ipakita mo ang likas na lakas ng iyong pagiging babae at talino, taglay ang kompiyansa at tibay ng buto, diyan nagsisimula ang pagkalider ng babae.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page