top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 20, 2020




Nitong mga nakaraan ay napansin mong iniwan na ng iyong anak ang kanyang mga dating kaibigan at ipinagpalit na niya sa mga baguhan. Kahit na bawal silang lumabas at sa social media na lang sila madalas na nag-uusap ay tila mukhang bagong mukha ang nakikita mo na kausap niya online.


Kakaiba ang kanilang mga kasuotan, weird. May piercings pa sa ilong at dila. Iyong iba ay may tattoo. Magdamag pa sila kung mag-usap online, pa-morningan pa. Napupuyat siya. Mukhang hindi mo matanggap ang ganito nilang ayos. May kakaiba kang hinala at kinakabahan ka. At dahil dito ay alam mo na kung nakadarama ka ng ganyang pakiramdam at may babala na iyan sa’yo.


Iniisip mo ngayon kung paano mo bibigyang proteksiyon ang anak, na hindi naman masasagasaan ang sarili niyang gusto, lalo na at nagbalik sa General Community Quarantine ang galaw ng tao.


APAT NA SOLUSYON. Hayaang ang sitwasyon ang magdikta kung paano ka tutugon o hahadlang sa maaring maging kahihinatnan ng iyong anak sa kanyang pakikipagkaibigan sa mukhang may hatid na gulo ng mga kabataan.


1. KAILAN DAPAT TUMAHIMIK? Wala kang gagawin sa ginawang pagpili ng iyong teenager sa kanyang mga kaibigan kung ang iyong pagpayag ay base lang sa iyong inaakala, personal na kagustuhan o dahil sa opinyon ng ibang magulang sa pakikipagmabutihan ng iyong anak sa inaakala nilang hindi matitinong barkada.


Halimbawa: Ang kaibigan ng anak ay nakatira sa entresuwelong lugar, iba ang relihiyon at galing pa ng ibang probinsiya.


Halimbawa: Hindi mo gusto ang pananamit ng mga kaibigan niya, mahahaba ang buhok at maging ang kanilang pananalita ay marahas.


Halimbawa: Hindi mo gusto o hindi ka mapalagay sa hitsura ng mga magulang niya.


2. KAILAN DAPAT NA MAGSALITA? Kung may maispatan kang senyales ng gulo, subalit wala pa namang aktuwal na problema sa ngayon, isara mo pa rin ang mga mata sa mga bagay na ‘yan at ihayag mo ang iyong malasakit sa anak.


Halimbawa: Ang kaibigan minsan ay hinahabol ng gulo, subalit hindi pa naman nagkaroon ng anumang demanda.


Halimbawa: Ang kaibigan ay dati nang nasangkot sa gulo pero ngayon ay matino na.


Halimbawa: Ang magulang ng mga kaibigan niya ay hindi nagagabayan ang mga anak na ‘di tulad mo ang laya na ibinibigay nila’y hindi gaya ng gusto mong mangyari sa anak mo.


Sa naturang sirkumstansiya, sabihin sa anak kung ano ang iyong nararamdaman: “Hindi ako komportable sa inyong pagkakaibigan etc, etc.” Halimbawa, kung may masamang record sa pagda-drive ang kaibigan ay magkaroon ka na ng lohikal na paghihigpit sa pagkakaibigan at huwag na siyang hayaang sumama rito sa pagsakay. Kung ang kaibigan ay naaresto na sa pagnanakaw, huwag siyang ipasama saan mang lugar.


Maaari kang magbabala, “Sa ngayon ay lilimitahan ko ang pakikipagkaibigan mo sa kanila. Kung may mangyayaring problema, mababangko ka rito sa bahay. Mag-isip-isip ka at ang iyong kaibigan.”


3. KAILAN SIYA HIHIGPITAN? Ipagbawal na ang pagkakaibigan nila kung masama na talaga ang ginagawa nila, nasasangkot sa gulo o kung ano ang anak at mga kaibigan ay nasangkot na sa kahihiyan.


Halimbawa: Kung ang kaibigan ay kilalang drug user. Halimbawa: Kung ang kaibigan ay may history ng juvenile delinquency. Halimbawa: Kung may ninakawan na silang bahay.


4. IBA PANG GABAY. Ang pasya upang pigilan ang anak na makipagkaibigan ay hindi madali. Kailangan mo munang balansehin ang iyong hinala, maging patas, magbigay proteksiyon pati na ang balanseng paghihigpit.


Hayaan mong pumili ang anak ng sarili niyang mga kaibigan. Kapag kinokontrol mo ang anak sa pakikipagkaibigan ay lalo lang siyang magrerebelde.


Bigyang babala ang kaibigan na alam mong mali at kung hanggang saan lamang ang kanilang limitasyon at pag-usapan ang mga dapat na maging ugali nila kapag kasama ang anak mo.


Tandaan na ang panahon ng teenager ay panahon ng page-eksperimento ng mga kaibigan at maging ang pagkakamali niya sa pagpili ng kaibigan ang makapagtuturo minsan sa kanila ng mahalagang aral.


Hayaan mo siyang magdala ng sarili niyang ugali. Huwag na huwag mong sasabihin na magiging ganyan din ang anak mo dahil sa masamang kaibigan. Ang pag-aakusa sa kanya ng pagkakaroon ng masamang mga kaibigan ay hindi makatutulong upang matutunan niyang matanggap ang responsibilidad.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 19, 2020




Nakakatawa iyong isang biro sa facebook na habang nagtatalumpati ang Pangulo ay may layout sa ibaba na, “Sana ECQ na lang ng ianunsiyo mo, Mr. President, para hindi makapambabae ang syota ko! Labas nang labas, kung anu-ano ang idinadahilan!” “May pandemya na nga nagagawa pang makipagkita sa iba!”


Sabihin na natin na nagdududa ka, nakikita mo siyang masayang nakikipag-usap sa iba, tanggap ng lipunan ang malusog na ugali niyang palakaibigan, mahilig makipaghuntahan. Dalawa kasi ang ugali ng lalaki. Iyong isa ay kumpiyansa siya sa kanyang sarili at hindi maalis na may atraksiyon siya sa iba dahil sa pagiging makuwento.


Iba naman iyong isa na nagiging flirt na, dahil problema na ito nang magkarelasyon, magpartner o ng mag-asawa. Nakadidismaya, nakakawalan ng respeto at nagiging dahilan ng pagseselos.


May paraan naman para tapusin na ang ‘paglalandi’ ni partner at hindi kailangang tapusin ang relasyon o pakikipag-away ng madalas. Hindi naman lahat ng bagay na nais mo ay makukuha mo agad. Hindi nangangahulugan na pag-aari mo na ang iyong partner, lahat tayo ay may kani-kanyang buhay. Kaya kailangang pag-aralan mo muna ang kanyang personalidad, mga ugali at habits bago mo syotain o kaya habang nobyo mo pa lang siya. Isipin mo kung ano ang rason kung bakit nahuhumaling siya sa ibang girlash.


Baka naman sobra siyang bilib sa sarili. Pinipili niyang ilabas ito kaya nakikipag-ugnayan siya at inilalapit ang loob sa iba. Kung ito ang kaso, hayan at nakikilala mo na siya. Iyon kasing mayabong na emotional attachment niya sa iba ang nakakabagabag. Dito mo na ngayon titingnan ang iyong self-confidence para hindi ka ma-insecure at tanggapin ang personalidad ng partner.


Maaring ginagawa niya iyon upang maobserbahan ang sarili kung malakas ang loob niya. Ang malas lang kapag sobra siyang attractive ay nagpi-flirt siya kaya nasisira ang relasyon, depende kung gaano na ito kabigat para sa iyo.


Sa isang banda naman ang pag-akit niya sa ibang tao ay hindi naman nangangahulugan na ang partner ay nais nang magluko o mambabae para lang ipagpalit ka. Ang atraksiyon niya ay nangangahulugan na ang partner o asawa ay simpleng nagpapasalamat lamang sa paghanga sa kanyang magandang hitsura.


Ang attraction o ganda ng kanyang pisikal na katangian ay hindi laging nagdadala ng temptasyon o nang-aakit upang mangaliwa at lumala naman sa bandang huli ang iyong insecurity.


Pero kung talagang ang pagpi-flirt niya ay hindi mo na makeri at hindi mo na maipagpatuloy ang relasyon sa ganyan niyang ugali, diretsahin na siya. Ang tapat at open communication ay mas makatutulong sa halip na magalit at kimkimin ang bigat ng kalooban na baka sa bandang huli ay sumabog ka na lang dahil hindi mo nakaya ang pakiramdam.


Sabihin sa kanya na ika’y nababastos o nasasaktan kapag siya ay mas nagbibigay ng atensiyon sa ibang babae kaysa sa’yo maski kaharap ka. Tanungin siya kung bakit gusto niyang nagpapapansin sa opposite at ang sagot niya ang lilinaw ng lahat.


Kung bibigyan siya ng ultimatum, sabihin sa kanya na nagsisikap ka na unawain siya pero hindi mo makakayanan kung hindi kayo magkakasundo dahil paulit-ulit niyang ginagawa. Ikaw din ang magtuturo sa kanya kung paano ka niya tratuhin. Dinadaya mo ang iyong sarili kapag mananahimik ka na lang sa relasyong hindi ninyo deserve.


Isang obligasyon ang maging tapat sa kasuyo hinggil sa nararamdaman at iniisip. Minsan nagsisinungaling siya at ginagawa pa rin niya. Bagamat hindi mababago at personalidad at habit ng partner, piliting baguhin ang sitwasyon para hindi ka malungkot.


Kapag ang tao ay committed sa relasyon, hindi niya sasaktan ang iyong loob at naiisip niya ang mga bagay na kailangan mo. Hindi sila dapat magpatuloy sa mga bagay na ikalulungkot mo, makaseselos man o ikai-insecure mo.


Malugod man siya sa iba, hindi man magbago ang ugali niyang iyan, at least ang maipakita niya ang interes at care sa’yo at matiyagang pagagaanin ang loob mo.


Ang paghawak ng relasyon sa isang flirtatious partner ay nakaka-stress, nakakawala ng tiwala sa iyong sarili. Depende na rin ito sa iyong personalidad. Kung ayaw mong mawala ang partner at hindi mo gusto ang pagiging malambing niya sa iba, kailangan mo nang mamili.


Ito ba ay ang matutunan nang tanggapin ang pagkatao niya o ang tapusin na ang relasyon at humanap ka na lang ng iba na hindi ka bibigyan ng sama ng loob at insecurity. Ikaw lamang ang may kontrol sa iyong sarili kung hindi na matanggap ang relasyon na ganyan.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 18, 2020




Ang paraan upang mapagbago ang bata sa pagiging tamad ay unawain kung bakit parang hindi motibado o walang gana ang bata. Ang katamaran ay madalas na paraan ng bata para hindi maranasan ang kanyang kabiguan.


Bagamat ang dahilan ay halata naman, mahalaga pa rin sa magulang na imbestigahan kung bakit tamad ang bata.


1.Alamin ang rason kung bakit hindi natutupad ng bata ang kanyang obligasyon. Habang ang isyu ng kawalan sa sariling kumpiyansa ay karaniwang dahilan, kailangang alamin kung nagdodroga ba o abuso sa alak o sugal?

2. Ipasuri ang bata sa psychological examination. Ang kalungkutan, agam-agam at pagmumukmok ay minsang nagiging dahilan ng katamaran ng bata.

3. Kailangang magkaroon ng prebilehiyo ang bata. Ang TV video game at cellphone ang nakasasagabal sa mga bata para gawin ang kanilang responsibilidad. Mas madali para sa bata na maging tamad kung marami siyang oras sa mga bagay na ito.

4. Alisin ang mga prebilehiyo niya kung hindi natutupad ang responsibilidad. Ang cellphone at video games at iba pang bisyo ay hindi kailangan ng isang bata. Bagamat ang pag-aalis ng ilang prebilehiyo ay hindi kumbinyente para sa iyo. Mahalaga pa rin na maturuan ang bata na gampanan ang kanyang responsibilidad na maging seryoso siya sa bagay na ito.

5. Makinig. Kailangang maging bukas ang inyong komunikasyon. Magpaliwanag hinggil sa isyu na nagiging dahilan ng pagkabahala o kawalan ng panahon sa pag-uusap.

Kung kukuha ka ng mag-aalaga sa bata, bago ka tumanggap ng bagong yaya, tsekin mo muna ang kanyang background bukod sa pagsumite niya ng NBI, police o barangay clearance. Heto ang tips para malaman mo ang good background ng kukuning yaya, bukod sa pagpapa-swab test muna.


1. Hingin ang tatlong references ng yaya. Kontakin ang bawat isa rito. Kumuha ng mga detalye tulad ng ilang taon na siyang nagtrabaho rito? Paano ba siya magtrabaho? Bakit siya umalis sa dating trabaho? Iha-hire ba siya ulit? Mairerekomenda ba nilang puwede siyang i-hire?

2. Kumuha pa ng maraming references kung hindi mo makontak ang ibang tao o kung wala kang makuhang sapat na impormasyon.

3. Ipakumpleto sa kanya ang data tulad ng kaarawan niya, limang dating pinagtrabahuhan, bukod sa buo niyang pangalan, address, phone numbers ng kanyang mga close relative, pangalan ng iskul na kanyang binanggit, huli niyang tatlong address at lahat ng gusto mo pang malaman.

4. Sabihan siya na magba-background check ka at palagdain siya sa statement na awtorisado mong ginawa. Kung wala siyang maibibigay na ganitong impormasyon, mapagkakatiwalaan mo ba naman siya para mag-alaga ng mga bata?

5. Tawagan ang nakalista niyang pangalan ng kaanak para ma-verify kung talagang kaanak nga siya. Tawagan ang employers at alamin ang impormasyon na ibinigay kung ito ay totoo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page