top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 4, 2020




Malapit na ang Pasko, ito ay isa sa pinakamasayang panahon ng taon bagamat may pandemya. Gayunman, maaaring mabawasan ang tendensiya na ma-stress kung susundin lamang ang mga sumusunod. Basahin ang artikulo na ito para maiwasan ang Christmas stress.


1. TINGNAN KUNG ANG TAWAG NG KOMERSIYO NG PASKO ANG NAGPAPATENSIYON SA IYO. Marami ang nai-stress kapag nalalapit na ang Pasko dahil dama nila na sobrang dami ng ineendorsong bagay o pagkakagastusan. Gayunman, nananatili ang lahat na nasisiyahan sa panahong iyan. Kung ikaw ito, tumuon sa kung anuman ang dama sa tunay na kahulugan ng Pasko at tiyakin na ang aktibidad at desisyon ay may gabay ng naturang kahulugan.


2. HUWAG OBLIGAHIN ANG SARILI NA LUMAHOK SA MGA OKASYON KUNG KAILANGANG MAKATIPID. Tiyak namang makakatipid dahil bawal pa ring magsama-sama ang lahat sa isang okasyon kahit marami ang gustung-gustong magdaos ng Pasko na magkakasama ang lahat ng kapamilya at mga kaibigan. May ilan na hindi naman sobrang excited at sa ilang kaso ay manhid na sa kabuuang ideya. Kung ganito ka, at kung ayaw mo talagang mag-celebrate nang bongga, ay puwede naman dahil halos lahat naman ay ganyan ang saloobin sa panahon na ito.

Tandaan, ikaw pa rin ang may karapatang pumili ng ikasisiya mo. Kung ang buong ideya para sa iyo na ang pagse-celebrate ay kalabisan, bigyan ang sarili ng regalong stress-free Christmas tulad ng “pagtanggi” sa kung anuman ang ayaw mong magastos na gawain.


3. MAGTAKDA NG TAMANG BUDGET AT MANATILI RITO. Ang pera ay isa sa pinakamalaking rason kung bakit nai-stress ang tao kapag Pasko. Ang mensahe rito ay napakasimple lamang. Kung nahihirapan kang lumikha ng budget para sa okasyong ito, ayos lang. Tutal, sandali lang naman ang buwan, Enero na kaagad at back to normal naman ang lahat at wala nang gastusan.


4. MAGTAKDA NG LIMITASYON KUNG GAGASTOS PARA SA IBA AT HAYAANG MAIPAALAM ITO SA IBA (lalo na sa mga bata). Ito ay partikular na kaso kung ang mga Pamasko ay kailangang bilhin para sa mga bata ( lalo na sa nagpapahiwatig na gusto nilang regalo ay isang mamahaling laruan). Para sa ilan na sinasabi nila sa mga bata na si Santa ay magdadala ng regalo, mas makatutulong na sabihin sa mga bata na imposible na ngayon para kay Santa na makabili na ng mas marami at mamahaling uri ng laruan dahil marami na ring iba pang bata na binibigyan si Santa ( ito’y habang ipinakikita sa mga bata ang litrato ng milyun-milyong bata sa isang lugar at makatutulong ito para maintindihan nila). Para sa mas nakatatanda nang mga bata na walang pakialam kung masopresa man sa umaga ng Pasko ay umaasa silang may makukuhang regalo sa ilalim ng Christmas tree, limitahan na rin ang pagbibigay sa kanila ng pera at sabihin sa kanila na makukuha nila ang kanilang gusto ayon lamang sa kasya ng kanilang matatanggap na pera.

Sila na ang bahalang bumili ng isang bagay na gusto nila ayon sa kanilang hustong pera na napamaskuhan. Para sa teenager na rin, bigyan na lang sila ng sapat na pera pero huwag munang payagang makapaglakwatsa kasama ng mga mabubuting kaibigan at bilhin na lamang ang gusto nila online.


5. BAWAL PA RIN ANG MGA BATA SA MALL. LIMITAHAN NA RIN ANG PAGBISITA RIYAN AT SA RETAIL STORES. Kung kailangang mamili, tumingin din ng items online. Sa rami kasi ng namimili, hindi maiiwasang magkakadikit ang mga tao riyan, mahihirapan kang magpa-asiste sa sales clerk at lalo ka lang mai-stress. Kung nandoon ka na sa isang department store, kunin na agad ang gustong bilhin at lumabas na agad.


 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 3, 2020




Sasapit na ang Pasko at kaunti lang ang budget mo para sa mga bata. Paano mo ngayon ipaliliwanag sa mga bata na kailangan nila ngayon na magtipid upang makaraos ang iyong Pasko. Darating din naman ang kanilang mga ninong at ninang ay magbibigay sa kanila ng mga regalo, pera man o kagamitan. Kaya naman kung magiging matalino ka sa pagpapaliwanag at pagpapaalam sa kanila ng sitwasyon ay matuturuan mo sila ng tama na magamit nila ang saktong budget na pamasko para sa kanila.


  1. Harapin ang mga bata at ipaliwanag sa kanila na ang pera ay mahirap ngayon. Ipaalam sa kanila na dahil hindi lahat sila ay mapagbibigyan sa kanilang gusto kailangang mapili nila ng eksakto kung ano talaga ang kanilang wish ngayong Pasko.

  2. Sabihin sa kanila ng eksakto kung magkano ang perang ibibigay sa kanila na iyong napagpasyahan at sabihin kung paano nila ito rasonableng gagastusin. Tiyakin ang Christmas budget ay hindi magpapasira ng iyong budget para sa iba pang bayaring bills.

  3. Matapos nilang malaman kung magkanong pera na kailangan nilang badyetin, bigyan na sila ng tamang catalogs na kanilang bibilhin o online shopping. Hayaan mo silang magkumpara ng mga presyo at higit na piliin ang mas matipid na items o mas kakaunting mamahaling items.

  4. Matapos na mabigyan na sila ng Christmas lists na sakto lamang sa budget, at least handa ka na para sa Maligayang Pasko. At least matututo na rin ang mga bata ng tamang impormasyon kung paano ang tamang pamimili at manatili sa mas matipid na paraan.

 
 

Mga karanasan ng BULGAR ngayong ika-29 anibersaryo

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 2, 2020




2-too sa damdamin ko kung paano ba uumpisahan sa masaya at maluwalhating pagbati ng Maligayang ika-29 na Anibersaryo ng BULGAR.


9-na buwan kasi ang nakalipas, noong kalagitnaan ng Marso18, nagsimulang mag-lockdown ang bansa nang pumutok ang pandemya ng COVID-19.


T-aal Volcano muna sa Batangas noong Enero ang sumabog at ito ay humagupit sa maraming bayan sa Silangang bahagi ng Luzon at karatig-bayan ng Metro Manila.


H-alos hindi pa nakakabangon ang Pinoy sa pagtabon ng makakapal na abo sa malalapit na bayan ng Taal, pumasok ang nakamamatay na COVID-19 pandemic sa bansa.


N-atakot ang sambayanang Pilipino, parang katapusan na ng lahat dahil magkasunod na dagok ang dumating. Hindi lang ang buong mundo ang nangamba bunga ng nakamamatay na COVID-19 na kumitil na sa 8,215 sa ‘Pinas at may lampas na 430,000 ang may aktibong kaso hanggang ngayon.


A-lumpihit ang gobyerno sa magkabilang gampanin na dapat itulong at iayuda sa lahat ng nangangailangan ng serbisyo maging sa mga nawalan ng tirahan at sa mga nagkakasakit sa ospital. Una pang biktima ang frontliners, mga doktor at nurses na marami ang nasasawi dahil sa malubhang sakit dulot ng virus.


A-ng mga tagapaghatid-balita tulad ng pahayagang BULGAR ay dumanas ng dalawang buwan at kalahating walang imprentang diyaryo, mula Marso 17 hanggang Mayo 31. Dahilan sa malawakang lockdown sa paligid ng opisina, gusali at planta bunga ng mataas na kaso ng COVID-19. Upang maproteksiyunan na rin ang kaligtasan ng mga bumubuo ng tabloid, karamihan ay nag-work-from-home, bitbit ang mga computer at laptop upang makapagpatuloy sa adhikain na makapaghatid pa rin ng mga balita at kumpletong impormasyon na mailalathala.


N-agpatuloy kami sa paglalabas ng mga news, mga lathalaing magpapalimot pasumandali sa isipan ng tao ang panganib na dulot ng pandemya. Hindi bumitaw ang masugid naming mga tagatangkilik para sa iba pang mga updated na impormasyon hinggil sa pananalasa ng COVID-19 pero sa BULGAR online nila pansamantalang natunghayan. Dahil wala kaming diyaryo sa mga bangketa, walang delivery at tanging sa mga telebisyon, computer at cellphone lamang sumasagap ang mamamayan ng mga balita, bawal lumabas, mahigpit ang batas sa pagsusuot ng facemask at face shield, paghuhugas ng mga kamay at paggamit ng alkohol upang hindi mahawahan ng pandemya sa paglabas ng bahay ang ating mga suki.



I-sama pa ang matinding tsismis na dahil walang imprenta ay ibinebenta na diumano ang pahayagang ito na pinabulaanan naman ng aming butihing Publisher kung kaya nagpalabas ng statement sa Facebook, Instagram, Twitter at page ng BULGAR na kami ay Not For Sale.

B-iruin ninyong sa gitna pa ng pandemya at wala kami sa bangketa ay may lumitaw pang pekeng diyaryo ng BULGAR na ikinabulabog ng mga tagasubaybay nating netizens, kaya muling nagpalabas ang aming Publisher ng statement na walang BULGAR 2020, na nangopya sa mukha ng logo ng national newspaper na ito upang makapanlinlang ng mga suki naming mambabasa.


E-wan kung bakit sa kabila ng pagsubok na dumating sa bansa ay nagawa pa ng ibang mapagsamantala na lokohin ang taumbayan, hindi lang sa mga produkto kundi sa paghahatid balita.


R-umatsada naman nitong unang bahagi ng Nobyembre habang abala ang bansa sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 ang mga bagyo, dumating ang isang super typhoon na si ‘Ulysses’ na muling nangwasak ng mga ari-arian, siyudad na pinalubog sa baha, mga lupain na winasiwas ng mga rumaragasang tubig baha.


S-inundan pa ito ng paglubog ng halos buong lalawigan ng Cagayan at Isabela dahil nagpakawala ng tubig ang Magat Dam, daan-libong katao ang napinsala, daang-milyon ang halaga ng nasirang mga imprastruktura at mga pananim.


A-ng pangit ng 2020 na ito para sa buhay ng tao sa buong mundo. Ang trahedya na hindi natin inaasahang isang beses lang mangyayari sa buong isang taon ay sinalo na yatang lahat ng 2020, pagsabog ng bulkan, pandemic at bagyo na pawang kamalasan ang idinulot sa mga Pilipino.


R-oad to recovery ang huling buwan na ito ng Disyembre. Dumapa man tayong lahat sa hirap, sama-sama pa rin tayong babangon para sa tunay na two-nine na pagtutulungan at bayanihan ng Pilipino.


Y-ear of ‘new normal’ na nga ang pagpasok ng 2021 dahil ang dati nating mga kinagawian sa bawat isa, kinagisnang gawain, mga tradisyonal na pamamaraan na okasyon ay nag-iba na.


O-ras na pumasok ang 2021, mananatili sa puso, isipan at damdamin ng bawat masayahing Pinoy ang sama-samang pagbangon, kaisa ninyo sa laban ang BULGAR!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page