ni Nitz Miralles @Bida | September 27, 2025

Photo: IG @marielpadilla
Hinanap ng mga netizens si Heart Evangelista sa oath-taking ng bagong pamunuan ng Senate Spouses Foundation Inc. na si Helen Gamboa ang president.
Comment ng mga netizens, dapat daw nasa oath taking pa rin si Heart dahil kahit si Tito Sotto na ang Senate President, senador pa rin si Chiz Escudero.
Pati kay Mariel Padilla, itinanong kung bakit wala si Heart. Walang sagot si Mariel o mas
tama na si Heart ang sumagot sa tanong ng absence niya sa oath-taking.
Si Senate President Tito Sotto ang nag-administer ng oath-taking at sa larawan, makikita ang ibang asawa at representative ng mga senador.
Si Mark Lapid ang nag-represent sa amang si Senator Lito Lapid at si Frankie Pangilinan ang nag-represent sa ama niyang si Senator Kiko Pangilinan.
Gusto rin sanang malaman ng mga netizens kung bakit si Frankie ang representative ng dad niya at hindi si Sharon.
Anyway, may mga nalungkot na hindi na si Heart ang president ng SSFI dahil marami raw itong projects para sa organisasyon at maganda ang naging pamumuno nito. Umaasa sila na ipagpapatuloy ni Helen at ng mga officers ang mga projects na nasimulan at ginawa ni Heart.
May nagtanong na kung ano ang first project ng SSFI sa pamumuno ni Helen at may nagbigay naman ng unsolicited advice sa SSFI.
Sey ng isang netizen, “Kayo na mga maybahay ng mga senador, magsilbi nawa sana kayo na good example sa simple na pamumuhay. Iwasan n’yo po ang mag-flaunt ng mga mamahalin n’yo na gamit na milyones ang halaga kung gusto n’yo pamarisan kayo ng mga masa at kababaihan at para magtagumpay ang inyong mga adhikain.
“‘Wag n’yo dagdagan ang pagdududa ng taong bayan sa mga lifestyle n’yo at ng mga opisyales at halal ng taong bayan. Magpakasimple po kayo lahat kung ayaw n’yo maratrat kayo sa mga grandiose na pamumuhay na inilalabas n’yo sa social media, para po ito sa lahat ng kamag-anak at pamilya ng mga opisyales na halal ng taong bayan.
“Serbisyo na tapat ang kailangan ng sambayanang Pilipino, hindi karangyaan ng buhay ng mga asawa at pamilya nila. Mawalang galang na po.”
ANG ganda ng fanmade photo ni Bianca Umali at ng batang Bianca na lubos na ipinagpasalamat ng aktres. Sa larawan, makikita si Bianca na nakaakbay sa younger version niya habang suot ng aktres ang costume niya sa Sang’gre.
Pahayag niya, “To the little girl who once dreamed of becoming a warrior—you did it, you became her.
“Lahat ng iyak, panalangin at paghihintay led you here.
“A fan made this for me and it touched my heart. Salamat sa pagbabalik ng alaala at sa paalala kung bakit ako lumalaban sa buhay at patuloy na nangangarap.
“Ito ay laban na hindi lamang po para sa sarili ko kundi para sa mga taong naniniwala sa akin at higit na para sa mommy ko, sa daddy ko at sa lola ko.
“Ama, maraming salamat po sa mga biyaya ninyo.”
May mga naiyak sa larawan ni Bianca then and now dahil kakaiba nga naman. Precious daw ang photo at pati ang comment na ang layo na ng kanyang narating sa kanyang career at sa kanyang buhay.
Samantala, natanong si Bianca kung tatanggapin niya sakaling ibigay sa kanya ng GMA ang Darna. Ang ganda nga namang follow-up na pagkatapos ng Sang’gre, Darna naman ang gagawin niya.
“Why not? Oo naman,” ang sagot nito.
Natawa pa si Bianca nang ipaalala na nag-audition siya sa ABS-CBN para sa Darna.
And speaking of Bianca, may post ito ng Philippine flag at may caption na: “PILIPINAS, Ang mamatay nang dahil sa ‘yo. Hindi nang dahil sa kanila.”
ANG sweet ng caption ni John Cabahug sa wedding photo nila ni Lian Paz na kanyang ipinost sa Instagram.
Sabi nito, “I love you forever, Lian.”
Comment ng mga netizens, ramdam sa caption ni John ang pagmamahal niya sa asawa kaya naman masaya ang mga kaibigan at followers ng dalawa sa magandang nangyari sa kanilang relasyon.
Pati nga ang mga hindi kakilala ng mag-asawa, masaya para sa kanilang dalawa.
Masaya ang mga messages na ipinadala sa bagong kasal kahapon, September 25, 2025. Bukod sa congratulations, may mga nag-comment ng “Finally!” “God bless your marriage,” “Happy for you. Congratulations newlyweds,” at “So happy for you, Lian.”






