top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

KATRINA, ‘DI INOOBLIGA NG SUSTENTO SI KRIS PARA SA ANAK NILA

ni Melba R. Llanera - @Insider | March 15, 2021





"Wala namang problema na ganu’n sa amin ni Kris. Kung meron, meron, kung wala, wala. ‘Pag minsan, meron naman. Kung wala akong trabaho, lagot siya sa akin. Hindi, joke lang," ito ang naging sagot ni Katrina Halili nang tanungin namin kung nagbibigay ba ng buwanang sustento si Kris Lawrence sa 8 years old nilang anak na si Katie.


Ang financial support kasi ang kadalasang pinag-aawayan ng mga mag-asawa o live-in partners na nauwi sa hiwalayan ang relasyon na kadalasan ay humahantong pa sa demandahan.


Kabilang nga rito ang estranged couple na sina Raymart Santiago at Claudine Barretto kung saan nagsampa ng kaso ang huli laban sa nakahiwalay na asawa dahil sa diumano'y pagtalikod ng aktor sa pinansiyal na obligasyon sa kanilang mga anak.


Masuwerte ngang maituturing si Kris dahil ‘di pala-hanap si Katrina at tuluy-tuloy ang trabaho ng Kapuso actress. Kung kapos ito sa pera ay maoobliga siyang magbigay ng buwanang sustento sa anak sa kabila ng wala ring raket sa ngayon ang singer.


Wala ring panahon sa love life si Katrina at aniya ay skeptical na siya pagdating sa usaping puso.


Tinanong din namin kung may takot ba siya dahil kadalasan ay ginagawang trophy ang katulad niyang may seksing imahe, ngunit hindi ang isinagot sa amin ni Katrina at ang dahilan daw ay sobrang pagka-busy sa pag-aalaga sa anak at sa buhay-probinsiya nilang mag-ina kung saan namamalagi na sila ngayon sa El Nido, Palawan.


Pahayag din ng Kapuso actress, ayaw niyang mag-aksaya ng panahon at itutulog na lang niya ito kaysa sumugal ulit sa pag-ibig.


Katatapos pa lang mapanood si Katrina sa seryeng Prima Donnas ng Kapuso Network kung saan kumpirmado ang pagkakaroon ng book 2 nito. Pinaghahandaan din ng aktres ang pagsisimula ng pelikulang Abe-Nida ng BG Productions kung saan makakasama niya si Allen Dizon sa ilalim ng direksiyon ni Direk Louie Ignacio.


Isang dual personality ang gagampanan dito ni Katrina bilang Nida at Cecille na ngayon pa lang gagawin ng aktres sa buong buhay niya kaya excited siya.


Pressure at kinakabahan si Katrina dahil bukod sa mahuhusay na artista ang makakasama niya sa pelikula ay nagbitaw ng salita si Direk Louie na ang pelikulang Abe-Nida ang magbibigay ng kauna-unahang award na kikilala sa pagiging aktres niya.


Katulad kasi sa pag-ibig ay skeptical din ang Kapuso actress sa mga awards dahil sa loob ng matagal na panahon na rin niya sa industriya ay ‘di pa siya nakakakuha ng award bukod sa Sexiest Woman ng FHM.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | March 3, 2021





Sa pagbabalik sa bansa nina Janella Salvador at Markus Paterson kasama ang anak nilang si Baby Jude Trevor, ipinakilala na rin ng magkasintahan ang limang buwang anak sa lolo nitong si Juan Miguel Salvador.


Ang larawan ng mag-lolo ay naka-upload sa personal Instagram page ni Baby Jude.


May caption na, "Finally met my Toto the other day. Do we look alike?" makikitang kalung-kalong ng singer ang apo at kitang-kita ang malaking pagkakahawig nila.

Ipinanganak si Baby Jude sa UK nu'ng Oktubre, 2020 kung saan nu'ng Enero naman ay kinumpirma ng magkasintahan ang tungkol kay Baby Jude.


May mga tagahanga lang ang nagtatanong kung mauuwi raw kaya sa kasalan ang lahat o live-in muna ang magiging setup nina Janella at Markus lalo't mayroon na silang anak?

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | February 27, 2021




Hangga't maaari ay ayaw nang kumpirmahin ni Derek Ramsay kung ano ang tunay na estado ng relasyon nila ni Ellen Adarna, pero kung tatanungin kung may espesyal silang damdamin para sa isa't isa, 'di naman itatanggi ng Kapuso hunk actor.


Aminado rin si Derek na isa si Ellen sa mga dahilan kung bakit gumigising at natutulog siya na inspirado at masaya.


Ayon nga kay Derek, sa kabila ng kabi-kabilang pambabatikos na tinatanggap nila mula sa napakaraming bashers ay malinis ang kunsensiya nila ni Ellen dahil alam nila na pareho silang malaya at walang nasasaktang ibang tao.


Aniya pa, nangyari ang lahat nang 'di pinlano kundi kusa na lang.

Puring-puri rin ni Derek ang pagiging hands-on na ina ni Ellen at kung gaano ito kaasikaso sa anak na si Elias na 'di nakikita ng marami. 'Pag gising na raw si Elias ay gising na rin si Ellen para asikasuhin ang anak.


Sa tanong namin kung wife material ba ang aktres, agad naman kaming sinagot ni Derek na sa nakikita niyang pagmamahal at pag-aaruga ni Ellen sa anak ay magiging isa itong mabuting asawa.


Malapit din sa loob ng aktor si Elias dahil bukod sa mahilig talaga siya sa bata ay natutuwa si Derek sa pagiging bibo, ismarte at mabait ng anak ni Ellen.

Maganda rin ang pagtanggap ng pamilya at mga kaibigan ni Derek kay Ellen. Nakilala na rin ni Derek ang ina ng aktres sa pamamagitan ng video call at sa sandaling matapos lang ang pandemya ay balak nilang magbiyahe pa-Cebu para personal na makilala ang pamilya ng aktres.

Sa huli ay nagpasalamat si Derek sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanila ni Ellen.

Mapapanood ang kabuuan ng eksklusibong interview namin kay Derek sa Cinema News At Home Edition sa darating na March 5 sa Cinema One.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page