top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 11, 2025



ATAS SA PAGPAPA-OVERTIME

Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang machine operator sa isang kumpanya. Tuwing sumasapit ang buwan ng Disyembre ay lagi akong pinag-o-overtime ng aking supervisor dahil diumano ay marami kaming tatapusin na trabaho at malaki ang mawawala sa amin na kita ‘pag hindi ito nagawa. Kailangan diumano tumakbo ng tuluy-tuloy ng makinarya ng opisina na hindi puwedeng ipagpaliban pa. May nakapagsabi naman sa akin na diumano ay dapat ay walong oras lang ang trabaho sa isang araw. Gusto ko lang malaman kung legal ang pagpapa-overtime sa akin ng aking supervisor tuwing malapit na mag-Pasko. -- Ben



Dear Ben,


Nakasaad sa batas na ang isang empleyado ay hindi maaaring magtrabaho ng higit sa walong (8) oras bawat araw. (Article 84, Labor Code of the Philippines) Ngunit mayroong mga iksemsyon sa batas na ito. Subalit, may mga pagkakataon na maaaring igiit ng employer sa isang empleyado na magtrabaho ng higit walong (8) oras sa isang araw o mas kilala sa tawag na overtime.


Ayon sa batas, “[a]n employee may be required by the employer to perform overtime work in any of the following cases: xxx (3) When there is urgent work to be performed on machines, installations, or equipment, in order to avoid serious loss or damage to the employer or some other cause of similar nature; xxx” (Article 89, Id.) Ang ibig sabihin nito ay maaaring igiit sa isang empleyado na magtrabaho ng higit pa sa walong oras sa isang araw kung mayroong madaliang trabaho kaugnay ng makinarya na kailangang matapos upang maiwasan ang pagkalugi, pinsala, o danyos sa may-ari ng kumpanya. 


Iyong nabanggit na ikaw ay isang machine operator sa isang factory. Sa mga kaso na dinesisyunan ng Korte Suprema ay nabanggit na ang pagiging machine operator ay napapaloob sa nasabing exemption sa batas na kung saan ay maaaring igiit ng employer ang pag-overtime ng mga empleyado upang madaliang matapos ang trabaho at para maiwasan ang pagkalugi, pinsala, o danyos sa may-ari ng kumpanya. Sinabi rin ng Korte Suprema sa kaso ng Escobia vs. Galit (G.R. No. 153510, 13 February 2008, Ponente: Honorable Associate Justice Presbitero J. Velasco, Jr.) na ang “unjustified refusal to render emergency overtime work” ay maaaring maging dahilan upang matanggal ang isang empleyado sa pinapasukan niya: 


“The issue now is, whether respondent’s refusal or failure to render overtime work was willful; that is, whether such refusal or failure was characterized by a wrongful and perverse attitude. In Lakpue Drug Inc. v. Belga, willfulness was described as ‘characterized by a wrongful and perverse mental attitude rendering the employee’s act inconsistent with proper subordination.’ The fact that respondent refused to provide overtime work despite his knowledge that there is a production deadline that needs to be met, and that without him, the offset machine operator, no further printing can be had, shows his wrongful and perverse mental attitude; thus, there is willfulness.


xxx


After a re-examination of the facts, we rule that respondent unjustifiably refused to render overtime work despite a valid order to do so. The totality of his offenses against petitioner R.B. Michael Press shows that he was a difficult employee. His refusal to render overtime work was the final straw that broke the camel’s back, and, with his gross and habitual tardiness and absences, would merit dismissal from service.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nag-sale ang isang boutique sa mall at marami silang ibinenta na discounted items. Ako ay namili ng ilang damit, kasama ang isang bestida na ang presyong nakalagay sa price tag nito ay P499.00. Ngunit noong magbabayad na ako sa cashier ay naging P899.00 na ang presyo ng bestida. Sinabi ko sa cashier ang orihinal na presyo na nakalagay sa price tag kaya dapat ito lang din ang babayaran ko. Sinabi ng cashier na nagkamali lang diumano sila ng lagay sa price tag. Naramdaman ko ang labis na hiya dahil hindi naman kasya ang aking perang dala. Sa mga ganitong pagkakataon, ano ba ang dapat bayaran ng mga mamimili? -- Bernie



Dear Bernie,


Ang presyo na nakalagay sa price tag ang dapat na bayaran. Ayon sa Consumer Act of the Philippines (Republic Act No. 7394), ang mga tindahan ay inaatasan na maglagay ng price tag o presyo sa kanilang mga paninda at ang mga panindang ito ay hindi maaaring ibenta sa halaga na mas mataas sa nakasulat sa price tag. Nakasaad sa Articles 81 at 82 ng batas na:


“Article 81. Price Tag Requirement – It shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without  discrimination to all buyers… xxx Provided, further, That if consumer products for sale are too small or the nature of which makes it impractical to place a price tag thereon price list placed at the nearest point where the products are displayed indicating the retail price of the same may suffice.


Article 82. Manner of Placing Price Tags. – Price tags, labels or markings must be written clearly, indicating the price of the consumer product per unit in pesos and centavos.


Malinaw na nakasaad sa batas na hindi puwedeng ibenta ang mga paninda sa halaga na mas mataas sa nakalagay sa price tag nito. Kung kaya, dapat lamang na bayaran kung magkano ang nakalagay sa price tag ng bagay na binili. 


Hindi dahilan na nagkamali ang mga tauhan ng isang tindahan sa paglalagay ng presyo para hindi nila sundin ang nakasaad sa batas. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paglabag dito at sino mang hindi susunod ay papatawan ng parusa. Para sa unang paglabag, ang parusa ay multa na hindi bababa sa P200.00 ngunit hindi tataas sa P5,000.00 o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan ngunit hindi hihigit sa anim na buwan o pareho, ayon sa desisyon ng hukuman. Para naman sa pangalawang paglabag sa batas, may kaakibat itong parusa na pagkansela ng permit at lisensya ng negosyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 10, 2025



ISSUE #372



Noong gabi ng Marso 30, 2017, sa payapang Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, isang sigaw ng kaguluhan ang bumasag sa katahimikan ng gabi.


Si Edgar, hindi niya tunay na pangalan, ay duguang natagpuang nakahandusay matapos umanong saksakin ng isang lalaking kilala lamang bilang alyas “Bogart.” Ngunit sa pagdaan ng mga taon ng paglilitis, isang tanong ang lumutang, sapat ba ang ebidensya ng tagausig upang patunayan na si Bogart nga ang salarin?


Sa kasong People of the Philippines v. Sinaya (Crim. Case No. 00236-17-xxx), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Honorable Judge Catherine A. Velasco-Supeda, 24 Hulyo 2023, sinuri ng hukuman kung ang ebidensya ba ng tagausig ay sapat upang magpatunay prima facie ng kasalanan ni Bogart, o kung ang alinlangan ay dapat magbunga ng kanyang pagpapawalang-sala.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman.


Ayon sa impormasyon na isinampa noong Abril 28, 2017, bandang alas-10:00 ng gabi ng Marso 30, 2017, sa Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, umano’y sinaksak ni Bogart si Edgar, edad 55, gamit ang patalim, na may intensyong pumatay at sa paraan umano ay may pagtataksil (treachery). Tinamaan ng saksak si Edgar sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.


Sa paglilitis, ipinrisinta ng tagausig ang salaysay o Complaint-Affidavit ni Tata Eta, ina ng biktima, ngunit tinanggap ng magkabilang panig na wala siyang personal na kaalaman sa pangyayari bago ang alas-10:00 ng gabing iyon. 


Ang pangunahing testigo ay si Rogelio, pamangkin ng biktima, na tumestigo na nakita umano niya ang aktuwal na pananaksak ni Bogart kay Edgar.


Ngunit nang suriin ng hukuman ang kabuuan ng kanyang salaysay, lumitaw na malalim ang pagkakaiba ng kanyang mga pahayag sa sinumpaang salaysay at sa kanyang testimonya sa hukuman. 


Sa bago niyang pahayag, iginiit ni Rogelio na nasa barangay hall siya noong gabi ng insidente bilang tanod at nakarinig lamang siya ng sigawan. Doon niya umano narinig ang tinig ni Edgar na humihingi ng tulong, at nang tumakbo siya papunta sa pinangyarihan, duguan na ang kanyang tiyuhin. Ngunit sa kanyang affidavit o sinumpaang salaysay, sinabi niya namang kasama niya si Edgar pauwi mula sa barangay hall nang marinig nila ang kaguluhan sa bahay ni Berna, at doon diumano niya mismong nakita na sinaksak ni Bogart ang biktima.


Matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si Bogart, sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan na si Atty. Karl Benjamin R. Fajardo ng PAO-Sarangani District Office, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure, na nagtatakda na maaaring ibasura ng hukuman ang kaso kung ang ebidensya ng tagausig ay hindi sapat upang magtaguyod ng prima facie case laban sa akusado.


Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ay hindi kapani-paniwala at walang ibang independiyenteng patunay na nag-uugnay kay Bogart sa krimen.

Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Bogart.


Ayon sa hukuman, upang mapatunayan ang krimeng murder, kailangan merong: (1) isang taong napatay; (2) ang akusado ang pumatay; (3) ang pagpatay ay may kasamang kuwalipikadong sirkumstansya gaya ng pagtataksil; at (4) ito ay hindi parricide o infanticide. 


Sa kasong ito, bagaman napatunayan ang unang rekisito, nabigo naman ang tagausig sa ikalawa at ikatlong rekisito sapagkat walang moral na katiyakan na si Bogart nga ang pumatay, at hindi rin naitaguyod ang pagtataksil o treachery. 


Ayon sa jurisprudence, ang treachery ay hindi maaaring ipagpalagay kung ang akusado ay hindi nagpakita ng anumang paghahanda upang siguraduhing walang pagkakataon ang biktima na lumaban o tumakas.


Tinukoy ng hukuman na ang pagbabago ng salaysay ni Rogelio tungkol sa lugar, oras, at paraan ng pagpatay ay sumisira sa kabuuan ng kanyang patotoo. Hindi ito maaaring ipalusot bilang pagkalimot; ito ay nagpapatunay ng kawalan ng katiyakan sa pinakamahalagang bahagi ng kaso — ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sa kasong People v. Lumikid (G.R. No. 242695, 23 Hunyo 2020), binigyang-diin ng Korte Suprema na, “Inconsistent statements cannot be dismissed as inconsequential because they go into the very identification of the perpetrator of the crime.” 


Samantala, sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011]), ipinahayag na ang

matagumpay na pag-uusig ay nakasalalay sa tiyak na pagkakakilanlan ng salarin, at ang presumption of innocence ay hindi mawawasak ng isang pagkakakilanlan na puno ng alinlangan.


Binigyang-diin ng hukuman ang probisyon ng ating Saligang Batas, malinaw ang nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 14(2) ng 1987 Konstitusyon:


“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”


Kalakip nito, sinipi rin ang Rule 133, Section 2 ng Rules on Evidence, na nagtuturo na ang “proof beyond reasonable doubt does not mean absolute certainty, but moral certainty which produces conviction in an unprejudiced mind.” 


Sa kabiguan ng tagausig na makamit ang antas ng katibayan na ito, ang akusado ay nararapat na mapawalang-sala.


Matapos suriin ang lahat, pinagtibay ng hukuman na walang sapat na ebidensyang nagpapatunay ng kasalanan ni Bogart. 


Ang Demurrer to Evidence ay iginawad, at ang kaso ay ibinasura dahil sa insufficiency of evidence. Iniutos ang kanyang agarang paglaya maliban na lamang kung may iba pang kaso na dahilan ng kanyang pagkakakulong.


Ang kaso ni Bogart ay isang malinaw na paalala na ang hustisya ay hindi maipapataw sa batayang alinlangan o pangalawang salaysay. Ang tungkulin ng pagpapatunay ay laging nasa estado at ang akusado ay hindi pinipilit na patunayan ang sariling kawalang-sala.


Sa huli, nanaig ang batayang prinsipyo — “Mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.” Sa harap ng kawalan ng tiyak na katibayan, ang hukuman ay pinili ang landas ng katarungan — ang landas ng pagdududa na nagbubunga ng kalayaan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page