top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 23, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Dinala ako sa ospital nitong nakaraang linggo dahil sa isang injury sa tuhod. Sa emergency admission form, kinailangan kong ilahad ang aking HIV status, at ako ay reactive. Dahil dito, tahasang tinanggihan ng doktor na gamutin ako. Wala nang ibang paliwanag na ibinigay, at sinabi nilang pumunta na lang ako sa ibang ospital. Pakiramdam ko ay nadiskrimina ako. May pananagutan ba ang doktor dahil sa pagtanggi niya na gamutin ako? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po.


– RR



Dear RR,


Tungkulin ng pamahalaan na palaging pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan nito. Dahil sa patuloy na pagbabago ng panahon, isa sa mga hamong kinakaharap ng ating komunidad ay ang matinding epekto ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa mga Pilipino.

 

Ang Republic Act (R.A.) No. 11166, na kilala rin bilang “Philippine HIV and AIDS Policy Act,” ay ipinasa upang tugunan ang mga isyung may kaugnayan sa diskriminasyon laban sa mga Persons Living with HIV (PLHIV). Tinutukoy ng batas na ito na ang pagtanggi ng serbisyong medikal at pangkalusugan ay isang anyo ng diskriminasyon kung ang pagtanggi ay nakabatay sa HIV status ng isang tao. Ayon sa Section 48(g) ng nasabing batas:

 

“Section 49. Discriminatory Acts and Practices. - The following discriminatory acts and practices shall be prohibited: 

(g) Discrimination in Hospitals and Health Institutions. - Denial of health services, or being charges with a higher fee, on the basis of actual, perceived or suspected HIV status is discriminatory act and is prohibited;”

 

Malinaw mula sa nasabing probisyon ng batas na ang mga ospital at institusyong pangkalusugan ay hindi maaaring tumangging magbigay ng serbisyong medikal sa isang pasyente batay lamang sa kanyang HIV status. Ang ganu’ng gawa ay itinutu­ring na diskriminasyon at itinuturing na iligal.

 

Upang sagutin ang iyong tanong, maaaring nakagawa ang doktor na tumingin sa iyo ng isang iligal na gawain sa ilalim ng R.A. No.11166 kung mapatutunayan na tinanggihan ka niya ng serbisyong medikal para sa iyong nasugatang tuhod dahil lamang sa iyong HIV status. Ang parehong batas ay nagtatakda ng pagkakakulong at/o multa para sa mga paglabag sa Section 49. Ayon sa Section 50(g) ng R.A. No.11166:


“Section 50. Penalties. -  

(g) Any person who shall violate any of the provisions in Section 49 on discriminatory acts and practices shall, upon conviction, suffer the penalty of imprisonment of six months to five years, and/or a fine of not less than P50,000, but not more than P500,000, at the discretion of the court, and without prejudice to the imposition of administrative sanctions such as fines, suspension or revocation of business permit, business license or accreditation, and professional license; and”

 

Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 22, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Naghain ako ng kasong Estafa laban sa dating humahawak ng isang “investment scheme” kung saan ang aking puhunan ay kikita diumano sa loob ng maikling panahon. Gayunpaman, matapos naming maiharap ang mga saksi at ebidensiya, nakatanggap ako ng isang utos mula sa korte na ibinabasura ang aking kaso dahil sa “Demurrer to Evidence” na inihain ng aking kalaban. Ano ba ang “Motion to Dismiss” sa pamamagitan ng “Demurrer to Evidence”? Maaari ko pa bang maisampa muli ang kaso? Nais ko sanang maliwanagan sa paksang ito. Salamat sa inyo.

– Cet



Dear Cet,


Nakasaad sa Rule 119 na maaaring ibasura ang isang kasong kriminal sa pamamagitan ng Motion for Demurrer to Evidence. Ayon dito:


After the prosecution rests its case, the accused may file a motion for demurrer to evidence on the ground of insufficiency of evidence. If granted, the court will acquit the accused without the need for the defense to present its evidence.”


Sa mga kasong kriminal, matapos maiharap ng prosekusyon ang lahat ng mga saksi nito at maialok ang lahat ng mga ebidensiya sa korte, maaaring kuwestiyunin ng akusado ang ebidensiyang iniharap ng prosekusyon at igiit na ito ay hindi sapat upang mahatulan siya sa kasong isinampa sa pamamagitan ng Motion for Demurrer to Evidence.

 

Kapag pinagbigyan ng korte ang mosyon, ang akusado ay maaabsuwelto at ang kaso ay mababasura. Sa kasong People of the Philippines vs. Honorable Sandiganbayan (Fourth Division), and Baja, G.R. No. 233437, April 26, 2021, ipinaliwanag ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen na sa mga kasong kriminal, ang Demurrer to Evidence, kapag pinagbigyan, ay tuluyang nagtatapos sa kaso. Ang pagpapatuloy pa ng pag-usig ay magiging double jeopardy, na lumalabag sa karapatang konstitusyonal ng akusado:

 

The grant or denial of a demurrer to evidence is left to the sound discretion of the trial court, and its ruling on the matter shall not be disturbed in the absence of a grave abuse of discretion. Once a demurrer to evidence has been granted in a criminal case, the grant amounts to an acquittal. Any further prosecution for the same offense would violate the accused's constitutional right against double jeopardy.”


Upang sagutin ang iyong katanungan, ang utos ng korte na pumapabor sa Demurrer to Evidence na inihain ng iyong kalaban ay katumbas ng pag-aabsuwelto sa akusado at ganap na pagwawakas ng kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiyang iniharap. Hindi na maaaring muling isampa ang kaso sapagkat ang muling pagsasampa nito ay magreresulta sa double jeopardy. Maliban na lamang kung may naganap na grave abuse of discretion o paglabag sa due process, ang pag-grant ng Demurrer to Evidence ay nagtatakda ng pinal na pagresolba sa buong kasong kriminal.

 

Sa kasong JCLV Realty & Development Corporation vs. Mangali, G.R. No. 236618, August 27, 2020, nilinaw ng Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Mario V. Lopez na:


A private complainant cannot question the Order granting the demurrer to evidence in a criminal case absent grave abuse of discretion or denial of due process. The interest of the offended party is limited only to the civil aspect of the case.”


Alinsunod dito, sa mga kasong kriminal, ang Estado ang naaapektuhan ng pag-dismiss ng kasong kriminal at hindi ang pribadong nagrereklamo. Ang interes ng pribadong nagrereklamo ay umaabot lamang hanggang sa civil aspect ng kaso.

 

Dagdag pa rito, ang Demurrer to Evidence ay maaaring ihain nang may pahintulot ng korte (with leave of court) o walang pahintulot ng korte (without leave of court). Kapag ang Demurrer to Evidence ay inihain nang may pahintulot ng korte, ibig sabihin ay humihingi ng permiso ang panig sa korte; at kung hindi pagbigyan ng korte ang demurrer, maaaring ipagpatuloy ng akusado ang paglilitis at magharap ng ebidensiya para sa kanyang depensa.

 

Subalit, kapag ang Demurrer to Evidence ay inihain nang walang pahintulot ng korte, ang akusado ay kusang isinusuko ang karapatang magharap ng ebidensiya, at isinusumite ang kaso upang hatulan batay lamang sa ebidensiyang iniharap ng prosekusyon.

 

Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 22, 2025



ISSUE #378



Upang makamit ng isang biktima ang hustisya sa kasong kriminal, hindi sapat na merong nakasaksi sa naganap na krimen o may nagpahayag kung sino ang salarin. Kinakailangan ding ang pagtestigo ng saksi ay may legal na timbang at tunay na halaga, at ang kanyang salaysay ay personal na kaalaman na maipapahayag sa hukuman hinggil sa krimen at sa gumawa nito.


Mawawalan ng saysay ang anumang impormasyong maaaring magamit upang malutas ang isang krimen kung ito ay hindi magmumula sa mismong taong nakasaksi, maliban na lamang sa ilang mga eksepsiyon na pinahihintulutan ng ating batas, partikular sa ilalim ng Rules of Court.


Ang kasong kriminal na ating ibabahagi sa araw na ito, na may pamagat na People of the Philippines vs. Pablito Pajaroja y Cadalen and Ryan Agkis @ Ayan (Criminal Case No. S-7396, September 22, 2017), ay malinaw na pagsasalarawan ng kapalaran ng isang biktima ng krimen na hindi nakamit ang hustisya dahil ang mga taong pinaniniwalaang may mahalagang kaalaman hinggil sa naganap na krimen at sa mga salarin nito ay nabigong tumestigo o dumalo sa mga pagdinig sa hukuman.


Sama-sama nating tunghayan ang kuwento na ito.


Kasong murder ang inihain laban kina Pablito at Ryan sa Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna (RTC Siniloan, Laguna) kaugnay sa naganap na pananaga at kalaunang

pagpanaw ng biktima na nagngangalang Ulderico.


Si Pablito ay naaresto at binasahan ng sakdal noong ika-22 ng Hulyo 2009. “Not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis. Ang akusado naman na si Ryan ay nanatiling at-large.


Apat na saksi para sa tagausig ang dumalo sa pagdinig at ipinrisinta sa hukuman ng paglilitis – si Virginia, ang naulila na maybahay ng biktima; sina PO3 Perez at PO3 Aninao, ang mga pulis na umaresto kay Pablito; at si Dr. Tamares, ang sumuri sa bangkay ng biktima.


Batay sa testimonya ni Virginia, bandang alas-7:30 ng gabi, noong ika-23 ng Oktubre 2008 nang matanggap niya ang balita na tinaga ang kanyang asawa na si Ulderico at binawian na ito ng buhay. Nagmula umano ang nakapanlulumong balita sa kanilang anak na si Regina na umuwing umiiyak mula sa pinangyarihan ng insidente. Nang tanungin ni Virginia si Regina kung sino ang salarin sa nasabing pamamaslang, mga pangalan nina Pablito at Ryan ang diumano’y sinabi nito.


Isinalaysay rin diumano sa kanya ni Regina na makailang-ulit itong nawalan ng malay noong matuntun niya ang pinangyarihan ng insidente. Nawalan din umano ng malay si Regina noong makauwi na ito sa kanilang bahay upang ibalita ang karumal-dumal na sinapit ng haligi ng kanilang tahanan.


Sa isinagawang cross-examination kay Virginia, kanyang ipinahayag na hindi niya nasaksihan ang mismong pagkakataga at pagkakapaslang kay Ulderico, at tanging ang kanyang anak na si Regina lamang ang nagbalita sa kanya ukol sa insidente. Nang sabihin diumano sa kanya ni Regina na sina Pablito at Ryan ang mga salarin sa pamamaslang ay agad siyang naniwala sapagkat nanggaling diumano mismo si Regina sa pinangyarihan ng insidente.


Isang nagngangalang Percival ang diumano ay nakasaksi sa krimen, subalit sa parehong mga taon ng 2011 at 2012 ay hindi ito dumalo sa pagdinig sa hukuman. 

Ang ilang ulit na pagsasawalang-bahala ni Percival ang naging dahilan upang maghain ng mosyon ang depensa na kung saan kanilang hiniling ang pagsasantabi ng testimonya ng naturang saksi. 


Ipinagkaloob ang nasabing hiling sa bisa ng kautusan ng hukuman ng paglilitis na merong petsa na ika-23 ng Pebrero 2013. 


Ang hindi pagsipot ni Percival ay nangangahulugan na pagkabigo ng tagausig na maiprisinta ang maaari sanang naging susi sa hindi makatarungang pagkakapaslang kay Ulderico.


Noong ika-30 naman ng Hulyo 2014 nang dumalo sa paglilitis si PO3 Aninao. Inihayag ng panig ng tagausig na siya ay magpapahayag ng kanyang testimonya, ngunit kalaunan ay hindi na rin ito ginamit pa sa pag-uusig laban kay Pablito.


Si Dr. Tamares ay dumalo sa paglilitis noong ika-10 ng Disyembre 2014. Upang mapabilis ang paglilitis, kapwa itinakda ng tagausig at depensa na si Dr. Tamares ang sumuri sa bangkay ni Ulderico, at na siya ring nagsagawa ng anatomical diagram, post mortem examination at death certificate ng nabanggit na biktima.


Noong ika-17 naman ng Hunyo 2015 nang dumalo sa pagdinig si PO3 Perez. Kapwa pinagkasunduan ng tagausig at depensa na si PO3 Perez, kasama si PO3 Aninao, ang umaresto kay Pablito, at hindi nakita o nasaksihan ng mga ito ang insidente na nagdala kay Ulderico sa kanyang huling hantungan.


Matapos na pormal na maisumite ng tagausig ang lahat ng kanilang mga minarkahan na ebidensya, hiniling ng depensa, sa pamamagitan ng isang mosyon, na maipagkaloob sa kanila ang pagkakataon na makapaghain ng Demurrer to Evidence. Ito ay pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis noong ika-18 ng Mayo 2016.


Hindi nagsumite ang tagausig ng kanilang komento o oposisyon sa inihaing Demurrer to Evidence ng Depensa gayung pinagkalooban sila ng hukuman ng paglilitis ng pagkakataong makapagsumite nito. 


Sa pagpapasya sa kasong ito, ipinaliwanag ng RTC Siniloan, Laguna na ang paghahain ng Demurrer to Evidence ay nangangahulugan ng pagtutol ng naghain na partido sa paglilitis o pagpapatuloy ng legal na usapin bunsod ng kakulangan sa ebidensya ng kabilang partido sa punto ng batas, maging totoo man o hindi. 


Sa mga kasong kriminal, ito ay paraan ng paghiling ng akusado sa hukuman na suriin ang ebidensya na ipinrisinta ng tagausig laban sa kanya at kung sapat ang mga ito upang mapanatili ang isang hatol ng pagkakasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 

Ang pagdedesisyon ng hukuman sa naturang hiling ay katumbas ng pagdedesisyon batay sa merito ng kaso. Kung kaya’t, ang pagkakaloob ng hukuman sa naturang hiling ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala sa akusado.


Matapos ang matapat at maingat na pagsusuri sa mga ebidensya na isinumite ng tagausig, nagbaba ng kautusan ang RTC Siniloan, Laguna, kung saan ipinahayag nito na bigo ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ni Pablito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ayon sa desisyon ng hukuman, naging kapuna-puna na wala ni-isa sa apat na mga saksi ng tagausig ang dumalo sa pagdinig at paglilitis ng kaso, ang personal na nakasaksi sa mismong pananaga at pamamaslang kay Ulderico. Wala rin kahit isa sa mga nabanggit na saksi ang merong personal na kaalaman kung sino ang mismong tumaga at pumaslang sa biktima.


Bagaman si Regina, na anak mismo ni Ulderico, ang nagbalita sa saksi na si Virginia na wala nang buhay ang kanyang amang biktima, at ang nagsabi na sina Pablito at Ryan ang mga salarin sa pamamaslang, hindi nakitaan ng hukuman ng paglilitis ng pagsisikap sa bahagi ni Virginia na hikayatin si Regina upang magbigay ito ng kanyang sinumpaang salaysay at magsilbing saksi sa kaso na kanyang isinampa laban sa mga akusado. Hindi rin tumestigo si Regina sa hukuman.


Gayundin, ang impormasyon ukol sa naganap na krimen na mula sa sana ay mahalagang saksi na si Percival ay hindi nagamit bunsod ng hindi niya pagdalo sa pagdinig sa hukuman.


Dahil sa mga nabanggit, itinuring ng RTC Siniloan, Laguna na hearsay evidence lamang ang mga ebidensya na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman, dahil ang mga ito ay hindi nakapaloob sa anumang pagtatangi na pinahihintulutan ng ating Rules of Court, hindi ito binigyan ng legal na timbang ng hukuman ng paglilitis.


Binigyang-diin ng RTC Siniloan, Laguna, na hindi maaaring ipagkait sa akusado ang kanyang kalayaan kung ang ebidensya laban sa kanya ay hindi sumapat sa pagtataguyod ng kanyang kasalanan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Kung kaya’t minarapat na ipagkaloob ng RTC Siniloan, Laguna, ang Demurrer to Evidence na inihain ng depensa. Kaugnay nito, ipinawalang-sala si Pablito sa krimeng murder at ipinag-utos ang agarang pagpapalaya sa kanya, maliban na lamang kung meron pang ibang makatarungang dahilan upang siya ay manatili sa piitan.


Ang nasabing kautusan, na ipinroklama noong ika-22 ng Setyembre 2017, ay hindi na kinuwestyon pa sa pamamagitan ng Petition for Review on Certiorari.


Ipinag-utos naman ng hukuman ng paglilitis ang pagpapadala sa Archive Docket Section ng kaso laban kay Ryan, na maaaring muling buhayin sa oras na maaresto ang nabanggit na akusado, at ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.


Maraming taon na ang lumipas at hindi pa rin lubos na nalulutas ang karumal-dumal na sinapit ni Ulderico. Kung sakali man na maaresto si Ryan at tumakbo ang pagdinig ng kaso laban sa kanya, o sino pa man na maaaring merong kinalaman sa naganap na pamamaslang, nawa ay meron nang sapat na ebidensya upang makamit na ng kaluluwa ni Ulderico ang karampatang hustisya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page