top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Kakauwi lamang ng aking mag-ina mula sa Singapore. Doon nagtatrabaho ang aking asawa bilang isang domestic helper at ipinasyal niya lamang ang aming anak sapagkat sinagot ng kanyang amo ang lahat ng naging gastusin. Ngayon lamang napansin naming mag-asawa na mayroong gupit ang isang pahina ng Philippine passport ng aming anak. Ang sabi ng aming anak, noong sila diumano ay lumapag na ng Pilipinas at habang hinihintay niya ang kanyang ina na kumuha ng kanilang bagahe ay gumagawa umano siya ng arts gamit ang mga bitbit niyang art materials, kabilang na ang gunting. Ipinatong niya umano ang isang papel sa kanyang pasaporte habang siya ay naggugupit at, sa hindi inaasahan na pangyayari, nagupit niya ang nasabing pahina. Dahil na rin wala pa sa hustong gulang ang aming anak, hindi niya alam na maaaring maging problema iyon. Ano ba ang kailangan naming gawin? Hindi na ba magagamit ang kanyang pasaporte? Bagong kuha lamang kasi iyon noong bago sila bumiyahe papunta sa Singapore. Sana ay malinawan ninyo ako.

– Danilo



Dear Danilo,


Ang pasaporte ay hindi lamang katibayan ng pagkakakilanlan o proof of identity ng isang indibidwal. Ito ay pangunahing dokumento na ginagamit para sa paglalakbay sa ibang bansa. Sa pangkalahatan, makapaglalakbay lamang ang isang Pilipino paalis o papasok ng ating bansa kung siya ay mayroong balidong Philippine passport, maliban na lamang kung siya ay pinagkalooban ng balidong emergency travel document na tatanggapin at kikilalanin ng bansa na kanyang pupuntahan at/o panggagalingan, o kung siya ay mayroon at gagamit ng balidong foreign passport.


Nais naming bigyang-diin na ang pasaporte ng Pilipinas ay hindi pagmamay-ari ng indibidwal na napagkalooban nito. Ang ipinagkakaloob lamang sa mga kuwalipikadong Pilipino na nabibigyan nito ay ang pribilehiyo na gamitin ito nang naaayon sa itinakda ng batas. Ang pagmamay-ari ng pasaporte ay nananatili sa ating pamahalaan, alinsunod sa Section 13 ng Republic Act (R.A.) No. 11983 o mas kilala bilang "New Philippine Passport Act":


“Section 13. Ownership of Passports. - A Philippine passport remains at all times the property of the government and the same may not be confiscated by any entity or person other than the DFA. Any other government agency, official or employee who confiscates a passport or travel document shall promptly turn over the same to the DFA.

x x x” 


Kung kaya’t responsibilidad ng bawat Philippine passport holder na alagaan ang kanilang pasaporte at panatilihin na maayos ito at walang sira. Sa oras na magkaroon ito ng sira, pagbabago, mutilation, at/o ginamit sa hindi naaayon na pamamaraan, hindi na ito maaaring gamitin pa at kinakailangan nang papalitan upang makapaglakbay muli paalis at/o papasok ng ating bansa.


Sa sitwasyon na iyong nabanggit, maaaring sabihin na hindi naaayon na pamamaraan ng paggamit ng Philippine passport ang ginawa ng iyong anak sapagkat siya ay walang awtoridad mula sa ating pamahalaan na gupitin ang alinmang pahina ng kanyang pasaporte, kahit hindi niya intensyon na mangyari ito. Sapagkat ang pasaporte ay pagmamay-ari ng ating pamahalaan, tanging ang mga awtorisado na opisyal lamang ng ating gobyerno ang maaaring magtatak at/o magsulat dito, o gumupit sa bahagi nito bilang takda ng pagkakansela ng pasaporte.


Sa puntong ito, magiging pinakamainam kung ikaw ay makikipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa iyong lugar upang maipagbigay-alam ang pagkasira ng pasaporte ng iyong anak. Kinakailangan din na magsumite siya ng sinumpaang salaysay ukol sa detalye sa naturang pagkasira, alinsunod sa Section 15 ng R.A. No. 11983:


“Section 15. Loss or Destruction of a Passport. - The loss or destruction of a passport shall be immediately reported to the DFA or a FSP by submitting an affidavit stating in detail the circumstances of such loss or destruction. x x x”


Kung ang iyong anak ay mayroong paparating na paglalakbay sa ibang bansa at/o kakailanganin niya ng bagong pasaporte magiging higit na mainam na ihanda ninyo ang mga dokumento tulad ng kanyang certificate of live birth mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at valid identification card, at magpa-schedule ng appointment sa pagkuha ng kanyang pasaporte, o mag-walk-in sa DFA kung siya ay 7-taong gulang pababa. Para sa higit na kumpletong impormasyon at listahan ng mga dokumento na kakailanganin na dalhin, mangyari na bisitahin ang bahagi ng website ng DFA na: https://passport.gov.ph/ at https://consular.dfa.gov.ph/passport-faq/.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 8, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Kasalukuyan akong nag-aaral sa Maynila pero ako ay tubong Bicol. Dahil malapit na ang bakasyon ay napagplanuhan kong umuwi. Kaya naman, bumili na ako ng ticket sa bus pauwi ng Bicol. Habang ako ay naghihintay sa terminal, naramdaman ko na ako ay kailangang magpunta sa banyo. Ngunit napansin ko na may bayad pala ang paggamit ng palikuran sa terminal ng bus. Nais kong malaman kung tama po ba ito? -- Dani



Dear Dani,


Una sa lahat, mahalagang maintindihan natin na mayroon tayong batas na naglalayong mapaginhawa ang sitwasyon ng mga kababayan nating sumasakay sa mga pampublikong sasakyan. 


Ang Republic Act (R.A.) No. 11311 o “Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll-on/Roll-off Terminals, Appropriating Funds Therefore, and for Other Purposes” ay isinabatas upang obligahin ang mga may-ari, operators, o administrador ng mga pampublikong terminal na pagandahin ang kanilang mga pasilidad para sa ikagiginhawa ng mga taong gumagamit nito habang naghihintay ng kanilang sasakyan papunta sa kanilang mga destinasyon. 


Nakapaloob din sa batas na ito na isa sa mga obligasyon ng mga may-ari o operator ng mga terminal ang maglagay ng mga palikuran. Ayon sa Section 4 ng nasabing batas: 


SEC. 4. Standards for Sanitary Facilities. - The owner, operator, or administrator of land transport terminals, stations, stops, rest areas, and RORO terminals shall provide clean sanitary facilities for passengers which shall be provided with the following:


(a) Separate restrooms for persons with disabilities (PWDs) - male, and female passengers;

(b) Adequate ventilation and lighting;

(c) Safe, adequate, and running water supply;

(d) Flush system;

(e) Toilet seat with cover;

(f) Lavatory with toilet paper, mirror, soap, hand dryer and door lock;

(g) Waste bin; and

(h) Exclusive space for diaper-changing.


In implementing this provision, owners, operators, or administrators of land transport terminals, stations, stops, rest areas, and RORO terminals shall also comply with the applicable standards under Presidential Decree No. 856. otherwise known as the ‘Code on Sanitation of the Philippines’. The DOTr, in coordination with the relevant government agencies, shall conduct random ocular inspections to ensure that such establishments comply with this provision.”


Ipinagbabawal din ng nasabing batas ang pangongolekta ng bayad para makagamit ng palikuran: 


SEC. 5. Prohibition on Collection of Fees to Access Sanitary Facilities. - It shall be unlawful to collect fees from passengers for the use of regular sanitary facilities therein. For the purpose of this Act. the concerned passenger must show the paid bus ticket for the day in order to avail of the free use of sanitary facilities: Provided, however, That the provisions of this Act shall not apply to separate, well-appointed or deluxe sanitary facilities that are operated solely for commercial purposes and for the convenience of passengers who require and prefer such facilities within land transport terminals, stations, stops, rest areas, and RORO terminals.”


Malinaw ang nakasaad sa batas na hindi puwede ang paniningil kapalit ng paggamit ng mga palikuran sa mga terminal ng pampublikong sasakyan. Kailangan lang na ang pasahero ay magpakita ng kanyang ticket para sa araw na iyon upang makagamit ng libre ng palikuran. Ang eklusyon lang dito ay ang palikuran na talagang nilikha para maging negosyo. Ngunit maliwanag na kailangang mayroong pa ring mga nakahandang libreng palikuran sa mga terminal para sa mga pasaherong naghihintay. 


Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi tama ang paniningil na ginagawa ng operator o may-ari ng terminal ng bus sa iyo para ikaw ay makagamit ng palikuran, kung ito ay palikuran na hindi naman nilikha para sa negosyo. Kailangan mo lang ipakita ang tiket mo para sa araw na iyon upang ikaw ay libreng makagamit ng palikuran. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Dahil sa dumaraming kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) dito sa Pilipinas, dumarami na rin ang diskusyon tungkol sa HIV sa social media. Isa rito ay ang isang relihiyosong influencer na napanood ko sa isang social media platform. Nagpapakalat siya ng maling impormasyon tungkol sa HIV. Nagbebenta rin siya sa social media ng gamot na aniya ay lunas para mawala ang HIV. Maaari bang makasuhan ang mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV sa social media? -- Kaylyn



Dear Kaylyn, 


Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay isa sa mga isyu sa kalusugan ng publiko na may malawak na epekto sa lipunan. Ang pagtugon sa mga kaso ng HIV sa ating bansa ay may interes ng publiko at dapat na nakaangkla sa mga prinsipyo ng karapatang pantao na nagtataguyod ng dignidad ng tao. Dahil dito ay isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11166 o mas kilala bilang “Philippine HIV and AIDS Policy Act.”


Alinsunod sa R.A. No. 11166, iginagalang, pinoprotektahan, at itinataguyod ng ating Estado ang karapatang pantao bilang pundasyon ng epektibong pagtugon sa mga kaso ng HIV at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa bansa. Idineklara ng nasabing batas na ang edukasyon tungkol sa HIV at AIDS, at ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol dito ay bahagi ng ating konstitusyonal na karapatan sa kalusugan. Kung kaya’t ipinagbabawal ng ating Estado ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV at AIDs. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Section 22 ng R.A. No. 11166 na:


Section 22.  Misinformation on HIV and AIDS, which includes false and misleading advertising and claims in any form of media, including traditional media, internet and social platforms, and mobile applications, of the promotional marketing of drugs, devices, agents or procedures without prior approval from the DOH through the Food and Drug Administration (FDA) and without the requisite medical and scientific basis, including markings and indications in drugs and devices or agents claiming to be a cure or a fail-safe prophylactic for HIV infection shall be prohibited.


Alinsunod sa nasabing probisyon ng batas, ang maling impormasyon tungkol sa HIV at AIDS, pati ang mali at mapanlinlang na patalastas at mga pahayag sa anumang anyo ng media, kabilang ang tradisyonal na media, internet at social platform, at mga mobile applications, ng promosyonal na pagbebenta ng mga gamot, device, ahente o pamamaraan ng walang paunang pag-apruba mula sa Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Food and Drug Administration (FDA), at walang medikal at siyentipikong batayan, pati ang mga marka at mga indikasyon sa mga gamot, aparato o ahente, na nagsasabing ang kanilang ibinebentang gamot ay lunas o fail-safe prophylactic para sa impeksyon sa HIV ay ipinagbabawal.


Ang parusa sa paglabag sa batas na ito ay nakasaad sa Section 50 (a) ng nasabing batas na: 


“(a) Any person who commits the prohibited act under Section 22 of this Act on misinformation on HIV and AIDS shall, upon conviction, suffer the penalty of imprisonment ranging from one (1) year but not more than ten (10) years a fine of not less than Fifty thousand pesos (50,000.00) but not more than Five hundred thousand pesos (P500,000.00), or both, at the discretion if the court: Provided, That if the offender is a manufacturer, importer or distributor of any drugs, devices, agents, and other health products found in violation of Section 21 of this Act may be seized and held in custody when the FDA Director-General has reasonable cause to believe facts found by him/her or an authorized officer or employee of the FDA that such health products may cause injury or prejudice to the consuming public;”


Kung kaya’t, ang iyong inirereklamong relihiyosong influencer, na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV at kung ang kanyang ibinebentang gamot ay hindi aprubado ng DOH at walang medikal at siyentipikong batayan, ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong mula isa hanggang 10 taon, at/o pagbabayad ng multa mula P50,000.00 hanggang P500,000.00. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page