top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Habang ginagamit ko ang aming kompyuter sa sala, nakita ko sa internet history ang mga maseselan at sexual na tema sa pagitan ng mga lalaki. Kung kaya’t kinausap ko ang asawa kong si Daniel sapagkat kaming dalawa lamang ang gumagamit ng nasabing kompyuter. Agad namang humingi ng tawad si Daniel sa akin at inamin niya na wala siyang interes sa mga babae, kundi sa mga lalaki lamang. Ani niya ay pinakasalan lamang niya ako upang mapatunayan niya sa kanyang mga magulang na siya ay isang tunay na lalaki. Kaya pala sa isang taon na akong kasal kay Daniel, napansin ko na hindi siya nagpapakita ng interes sa konsumasyon ng aming kasal. Maaari bang mapawalang-bisa ang aming kasal dahil sa pagsisinungaling ng kanyang homoseksuwalidad? — Evelyn



Dear Evelyn, 


Ang kaso ng pagtatago ng homoseksuwalidad ng asawa ay tinalakay na ng ating Korte Suprema sa kasong Jaaziel M. Salva-Roldan vs. Lory O. Roldan and the Republic of the Philippines (G.R. No. 268109, 03 March 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., kung saan ipinaliwanag na ayon sa Family Code of the Philippines, ang pag-aasawa ay isang espesyal na kontrata ng permanenteng pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na pinasok nila alinsunod sa batas para sa pagtatatag ng buhay mag-asawa at pamilya. Ang malayang pahintulot o consent ay kinakailangan ng mga partido sa kasal at ang kawalan nito ay maaaring maging dahilan ng pagkakawalang-bisa nito dahil sa panlilinlang. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Artikulo 45 (3). 46 (4), at 47 (3) nito na:


“Article 45. A marriage may be annulled for any of the following causes, existing at the time of the marriage: 

 (3) That the consent of either party was obtained by fraud, unless such party afterwards, with full knowledge of the facts constituting the fraud, freely cohabited with the other as husband and wife; 


Article 46. Any of the following circumstances shall constitute fraud referred to in Number 3 of the preceding Article: 

(4) Concealment of drug addiction, habitual alcoholism or homosexuality or lesbianism existing at the time of the marriage. No other misrepresentation or deceit as to character, health, rank, fortune or chastity shall constitute such fraud as will give grounds for action for the annulment of marriage. 


Article 47. The action for annulment of marriage must be filed by the following persons and within the periods indicated herein: 

(3) For causes mentioned in number 3 of Article 45, by the injured party within five years after the discovery of the fraud.”


Idineklara sa nasabing kaso na ang pagtatago ng homoseksuwalidad ay maituturing na panlilinlang na maaaring makapagpawalang-bisa ng kasal na dapat isampa sa loob ng limang taon matapos matuklasan ang nasabing panlilinlang. Iyong tandaan na ang alegasyon ng kawalan ng malayang pahintulot o consent dahil sa pagtatago ng homoseksuwalidad, ay dapat mapatunayan sa pamamagitan ng preponderance of evidence.  Idineklara rin sa nasabing kaso na:

 

“With the lies and deception, coupled by their failure to cohabit as husband and wife, it is evident that Lory merely tricked Jaaziel to marry him by making her believe that he is a heterosexual. The admission of Lory and the unexplained prolonged silence to negate the allegation as to his homosexuality cannot be taken lightly by the Court. No woman would put herself in a shameful position if the fact that she married a homosexual was not true. More so, no man would keep silent when his sexuality is being questioned thus creating disgrace in his name. It must be emphasized that Jaaziel's allegations must be proven by preponderance of evidence or the evidence that is of greater weight, or more convincing, than the evidence offered in opposition to it. Therefore, the totality of Jaaziel's evidence should be properly given weight, and thus, should be considered sufficient as against Lory's eerie silence on this matter. Hence, their marriage must be annulled on the ground of fraudulent concealment of homosexuality pursuant to Article 45(3) in relation to Article 46(4) ofthe Family Code.”


Kung kaya’t sa iyong kaso, kung iyong mapatutunayan sa korte gamit ang preponderance of evidence na inilihim sa iyo ni Daniel ang kanyang homoseksuwalidad, maaari ninyong mapawalang-bisa ang kasal sa pamamagitan ng pagsasampa ng Petition for Annulment of Marriage sa loob ng limang taon matapos umamin sa iyo si Daniel tungkol sa kanyang homoseksuwalidad. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 16, 2025



ISSUE #362


Bahagi na ng buhay ng mag-asawa o pamilya ang pagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan o problema. Subalit, anuman ang kanilang pagdaanan, dapat manatili lamang sa kanilang pagitan ang mga ‘di pagkakasundo upang ‘di na makasakit o makapandamay pa ng iba. 


Sa hindi inaasahang tagpo ng mga pangyayari, ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na hango sa kasong People of the Philippines vs. Mark Anthony Neri y Solomon (G.R. No. 270757, October 30, 2024), nadamay ang biktima sa away na nagsimula sa pagitan ng mag-asawa na kanyang kapitbahay. 


Ang biktima ay si Lorenzo, nalagay siya sa kapahamakan, hanggang sa nauwi sa hindi inaasahang kamatayan.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng sinapit ni Lorenzo, at alamin natin kung naihatid ba sa kanya ang karampatang hustisya.


Kasong murder ang isinampa sa Regional Trial Court (RTC) ng Olongapo City bunsod ng pamamaslang, nang merong pagtataksil sa biktima na si Lorenzo, at si Mark ang pinaratangang salarin sa naturang krimen. 


Naganap ang malagim na insidente ng pamamaslang bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-18 ng Hunyo 2016, sa isang barangay sa Subic, Zambales.


Batay sa bersyon ng Tagausig, bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-18 ng Hunyo 2016, narinig ng saksi na si Rolinda na nagtatalo sina Mark at ang asawa nito. 

Si Rolinda ay kapitbahay ng nabanggit na mag-asawa at siya umano ay naglalaba noong oras na iyon. 


Napansin niya rin na meron diumanong hawak na bolo ang asawa ni Mark at narinig na pasigaw nitong sinabi na, kaya nitong tagpasin ang ulo ni Mark sa harap ng maraming tao. Tahimik lamang diumano si Mark, ngunit kinuha niya ang bolo at dinala sa kapitbahay. Sapagkat naalarma na umano si Rolinda na maiskandalo ang pagtatalo ng mag-asawa, sinabihan niya si Lorenzo na tumawag ng kagawad upang pahupain ang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa.  


Ang saksi ng tagausig na si Kag. Christopher, ang sumama kay Lorenzo sa bahay nina Mark. 


Naiwan diumano si Lorenzo na nakaupo sa tricycle, habang hinanap ni Kagawad Christopher si Mark mula sa asawa nito. Laking gulat na lamang diumano ni Kag. Christopher nang marinig ang sigaw ng mga tao sa kalsada ng, “Sinaksak na siya! Ayon na, tinakbo na! Sinaksak na siya!” 


Pagkalingon diumano ni Kag. Christopher, nakita niya si Mark na merong hawak na kutsilyo, katabi ang duguang si Lorenzo na merong saksak sa likod. 


Sinubukan pa umano na tumakbo palayo ni Lorenzo, subalit hinabol pa rin siya ni Mark, at ilang ulit pang pinagsasaksak sa dibdib.


Agad na humingi ng saklolo si Kag. Christopher, at agad namang nagtungo sa pinangyari ng insidente ang barangay tanod na si Efren. 


Duguan na ng maabutan ni Efren ang biktima, habang si Mark nama’y napaliligiran na ng mga tao at nakahandusay sa lupa. Nang bitiwan ni Mark ang kutsilyo, kinuha ito ni Efren at kanyang iniabot kay Kag. Christopher. Nang mahawakan nila si Mark, agad itong dinala sa himpilan ng pulisya. 


Gayunpaman, nadala man sa pagamutan si Lorenzo, subalit hindi na naisalba ang kanyang buhay. 


Batay sa pagsusuri ni Dr. Afable, saksi para sa tagausig, agad na binawian ng buhay si Lorenzo matapos ang pananaksak.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Mark sa hukuman ng paglilitis. Diumano, nang humupa ang pagtatalo sa pagitan nilang mag-asawa, noong ika-18 ng Hunyo 2016, pumasok na siya ng kanilang bahay at nagpahinga. 


Pinuntahan na lamang diumano siya sa kanyang bahay ni Kag. Christopher at inaresto kaugnay sa pamamaslang kay Lorenzo.


Nagbaba ang RTC ng hatol noong ika-22 ng Hulyo 2019. “Guilty beyond reasonable doubt” si Mark para sa krimen na murder. 


Batay sa desisyon ng hukuman ng paglilitis, napatunayan ng panig ng tagausig na merong pagtataksil ang ginawang pananaksak ni Mark, na kagyat na nagdala sa biktima sa kanyang huling hantungan. 


Paliwanag ng RTC, ang biglaang pananaksak ng salarin habang nakatalikod ang biktima ay nagbigay ng kasiguraduhan na hindi makakaganti o maipagtatanggol ng biktima ang kanyang sarili. 


Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw kay Mark, at ipinag-utos ng hukuman ang kanyang pagbabayad-pinsala ng halagang P100,000.00, P100,000.00 para sa moral damages, P100,000.00 para sa exemplary damages, at P50,000.00 para sa temperate damages.


Iginawad ang mga nabanggit na halaga para sa mga naulila ni Lorenzo, na may 6% interes bawat taon, mula sa petsa na maging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuan ng mga nasabing halaga.


Inapela ni Mark ang nabanggit na desisyon sa Court of Appeals Manila. 

Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.J.V. Soriano-Ellema, mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), hiniling ng depensa na mabaliktad ang hatol kay Mark, sapagkat hindi umano napatunayan ng panig ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, partikular na ang sirkumstansya na pagtataksil o treachery. Wala rin umanong ebidensya na nagpapatunay ng pagkakasala ni Mark.


Hindi ipinagkaloob ng CA Manila ang hiling ni Mark sa kanyang apela. 


Para sa appellate court, sapat na naitaguyod ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, maging ang sirkumstansya na pagtataksil o treachery. 


Binigyang-halaga ng CA Manila ang testimonya ni Kag. Christopher, na nakaupo lamang umano ang biktima, walang armas o sandata, nang bigla na lamang salakayin ng inakusahan at saksakin sa likod nito. Nang subukang lumayo ng biktima ay hinabol pa ito ng inakusahan at makailang ulit pang pinagsasaksak.


Iniakyat ni Mark ang kanyang hiling na mapawalang-sala sa Kataas-taasang Hukuman. 

Bilang paalala, binigyang-diin ng Second Division ng Kataas-taasang Hukuman na sa pamamagitan ng pag-aapela ay nabubuksan ang buong kaso para sa muling pag-aaral at pagsusuri. 


Sa sitwasyon ni Mark, naging kapuna-puna sa Kataas-taasang Hukuman ang paratang laban sa kanya. “Merong pagtataksil” o “with treachery” lamang ang isinaad sa naturang paratang; at hindi inilahad ng tagausig kung ano ang mga partikular na akto na bumubuo sa nasabing sirkumstansya kaugnay sa insidente ng pananaksak. 


Sa kabila nito, hindi kinuwestiyon ni Mark ang naturang depekto hanggang natapos ang paglilitis. Dahil sa kapabayaan na iyon, naipaubaya na ni Mark ang kanyang karapatan na kuwestyunin pa ang naturang depekto.


Gayunpaman, sang-ayon ang Kataas-taasang Hukuman sa iginiit ng depensa na hindi napatunayan ng tagausig ang sirkumstansya na treachery o pagtataksil. 


Binigyang-linaw ng Kataas-taasang Hukuman na maaari lamang masabi na merong pagtataksil kung mapatunayan ang parehong kundisyon na ito; Una, na gumamit ang inakusahan ng paraan o pamamaraan na nagbigay ng kasiguraduhan ng pagsasakatuparan ng krimen, at kanilang kaligtasan mula sa anumang maaari na pagdedepensa ng biktima. Ikalawa, na sadyang pinili ng inaakusahan ang naturang paraan o pamamaraan. 


Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na sa kaso ni Mark, hindi maituturing na merong pagtataksil sa nangyaring pananaksak sa biktima. Bagama't nasaksihang sinalakay ni Mark ang biktima, hindi umano malinaw na naitaguyod ng tagausig kung sadya ba na pinili ni Mark ang naturang paraan o pamamaraan ng pananalakay bilang pagsiguro ng pagsasakatuparan ng krimen at ng kanyang kaligtasan.


Ipinaliwanag din ng Kataas-taasang Hukuman na kinakailangan na mapatunayan ang sirkumstansya ng pagtataksil sa umpisa pa lamang ng pananalakay upang mabigyang-halaga ito bilang elemento ng krimen na murder. Sa kaso umano ni Mark, hindi naitaguyod ng tagausig kung paano nagsimula ang sinasabing pananalakay ng inakusahan sa biktima. 


Ang mga sigaw ng mga tao na nasa kalsada nang maganap ang insidente ay nagpakita lamang ng katotohanan na nasaksak na ang biktima, subalit hindi kung papaano nagsimula ang pananaksak. Maging si Kag. Christopher ay nakita na lamang na meron nang saksak at duguan na ang biktima, ngunit hindi niya nasaksihan kung paano nagsimula ang pananalakay sa kaawa-awang biktima.


Sapagkat hindi umano maaari na isapantaha ng Kataas-taasang Hukuman na sadyang pinili ni Mark ang paraan ng pananalakay, kulang ang mga elemento upang mahatulan si Mark para sa krimen na murder. 



Gayunpaman, napatunayan ng tagausig na pumanaw ang biktima at ang kanyang pagpanaw ay bunsod ng makailang ulit na pananaksak na ginawa ni Mark, maaari siyang hatulan para sa krimen na homicide. 


Kung kaya’t noong ika-30 ng Oktubre 2024, naglabas ng resolusyon ang Second Division ng Kataas-taasang Hukuman at bahagyang binago ang desisyon ng CA Manila. “Guilty beyond reasonable doubt” si Mark para sa krimen na homicide. 


Parusa na pagkakakulong ng 8 taon at isang araw na prision mayor bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan, at isang araw na reclusion temporal bilang maximum, ang ipinataw na parusa sa kanya. 


Ipinag-utos din ang kanyang pagbabayad-pinsala sa halagang P50,000.00, moral damages na halagang P50,000.00, at temperate damages na halagang P50,000.00, sa mga naulila ni Lorenzo, na merong karagdagan na 6% interes bawat taon, mula sa petsa na maging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuan na mga nasabi na halaga.


Ang nasabing resolusyon ay naging final and executory noong ika-12 ng Pebrero 2025.

Ang kuwento sa kaso natin ngayong araw ay isang paalala na tayo’y dapat mag-ingat sa bawat galaw at pakikisalamuha, sa loob man ng ating tahanan o labas. 


Hindi man natin maiwasan na mailabas ang ating mga personal na alitan o hindi pagkakaunawaan, ating pagsikapan na iwasang ilagay ang kapakanan ng ibang tao sa alanganing sitwasyon o sa anumang uri ng kapahamakan.


Hindi na maibabalik pa ang buhay ni Lorenzo. Kaya naman, ang kanyang pamilya ay patuloy na nangungulila bunsod ng pagkawala niya sa mundong ito. 


Kahit bahagyang nabago ang desisyon ng hukuman at bumaba ang hatol laban sa taong pumaslang sa kanya, nagkaroon naman ng katahimikan ang kanyang kaluluwa sa naihatid na hustisya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 15, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May malubhang sakit ang ama ko kaya dinala namin siya sa ospital. Nakausap ko ang doktor niya na si Dr. Derek, at sinabi niya sa akin na ang ama ko ay kinakailangang sumailalim sa operasyon sa puso. Ipinaliwanag niya rin sa akin na may makabagong teknolohiya na ginagamit na sa ibang bansa na makatutulong diumano sa operasyon ng ama ko. Dahil dito ay pumayag ako na isagawa ang nasabing makabagong operasyon. Ngunit, pumanaw ang ama ko matapos ang isang linggo mula noong siya ay operahan. Sa aking palagay ay namatay ang ama ko dahil sa kapabayaan ng kanyang doktor. Maaari ko bang makasuhan ang doktor na nag-opera sa aking ama na naging dahilan ng kanyang kamatayan? — Noralyn



Dear Noralyn,


Ang medical malpractice ay isang partikular na anyo ng kapabayaan na kinabibilangan ng kabiguan ng isang doktor o surgeon na mailapat sa kanyang pagsasanay ng medisina ang antas ng pangangalaga at kasanayan na karaniwang ginagamit ng propesyon sa pangkalahatan, sa ilalim ng magkatulad na mga kondisyon, at sa nakapaligid na mga pangyayari. Ang konseptong ito ay ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Elpidio Que vs. Philippine Heart Center, et al. (G.R. No. 268308, 02 April 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice  Mario V. Lopez, na nagbigay ng apat na elemento bago managot dahil sa kapabayaan ang isang doktor o surgeon sa mga kasong walang informed consent:


“Therefore, to successfully pursue such a claim, a patient must prove that the physician or surgeon either failed to do something that a reasonably prudent physician or surgeon would have done or that they did something that a reasonably prudent physician or surgeon would not have done and that the failure or action caused injury to the patient. In a lack of informed consent litigation, the plaintiff must prove the following: (1) the physician had a duty to disclose material risks; (2) the physician failed to disclose or inadequately disclosed those risks; (3) as a direct and proximate result of the failure to disclose, the patient consented to the treatment they otherwise would not have consented to; and (4) the patient was injured by the proposed treatment.”


Ayon sa nasabing desisyon ng Korte Suprema, kinakailangang mapatunayan na ang doktor o surgeon ay nabigong gumawa ng isang bagay na maaaring gawin ng isang makatuwirang maingat na doktor o surgeon, o kaya naman ay gumawa ang doktor o surgeon ng isang bagay na hindi gagawin ng isang makatuwirang maingat na doktor o surgeon.  


Sa mga kaso naman kung saan walang informed consent, kinakailangan na mapatunayan ang apat na bagay: (1) na ang doktor ay may tungkulin na ibunyag ang mga materyal na panganib; (2) na nabigo ang doktor na ibunyag o hindi sapat na naisiwalat ang nasabing material na panganib; (3) na bilang direkta at proximate na resulta ng kabiguan na ibunyag ang nasabing materyal na panganib, ang pasyente pumayag sa paggamot na kung naibunyag sana ang materyal na panganib ay maaaring hindi ito pumayag; at (4) ang pasyente ay nasaktan ng iminungkahing paggamot. 


Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, kung hindi naisiwalat ni Dr. Derek ang mga materyal na panganib na maaaring idulot ng makabagong operasyon, at dahil dito ay napapayag kayo na sumang-ayon sa nasabing operasyon na kung naisiwalat sana ang materyal na panganib na maaaring idulot nito ay hindi sana kayo sasang-ayon, maaari siyang managot dahil siya ay may tungkulin na ibunyag ang mga ito bilang doktor na nag-opera sa iyong ama. Importante rin na mapatunayan na may kapabayaan ang iyong inirereklamong doktor na mailapat sa kanyang pagsasanay ng medisina ang antas ng pangangalaga at kasanayan na karaniwang ginagamit ng propesyon sa pangkalahatan, sa ilalim ng magkatulad na mga kondisyon, at sa nakapaligid na mga pangyayari.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page