ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 19, 2025

Dear Chief Acosta,
Napapansin ko na dumarami na ang tumatangkilik at bumibili ng mga organic na produkto sa mga grocery stores. Madalas din ay tinitingnan ko kung may tatak na organic ang isang produkto bago ko ito bilihin. Dahil dito, nais ko sanang itanong kung may batas ba patungkol sa mga dapat nakalagay sa tatak ng mga organic na produkto? Salamat sa pagbibigay atensyon sa katanungan ko. -- Sabel
Dear Sabel,
Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 18 ng Republic Act (R.A.) No. 10068, o “Organic Agriculture Act of 2010”, na inamyendahan ng R.A. No. 11511. Ayon dito:
“Section 18. Labeling of Organic Produce. - The label of organic produce shall contain the name, logo or seal of the OCB and the accreditation number issued by the BAFS. The organic label/mark shall also include the trade name, as defined by pertinent domestic property rights laws, and the address of origin of the produce.
Products which are certified and guaranteed by third-party organic certification system and the PGS shall be allowed to be labelled and sold as organic.”
Mababasa sa nabanggit na probisyon ng batas na ang tatak ng mga organic na produktong agrikultural ay dapat maglaman ng pangalan, logo o selyo ng organic certifying body (OCB), at ang numero ng akreditasyon na ibinigay ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS). Ang nasabing organic na tatak o marka ay dapat ding kasama ang trade name at ang lugar na pinagmulan ng produkto. Karagdagan dito, ang mga produktong sertipikado at ginagarantiyahan ng isang third-party organic certification system at ng participatory guarantee system (PGS) ay dapat payagang matatakan at ibenta bilang organic.
Maliban dito, nais din namin ipaalam sa iyo na may karampatang parusa ang pagtatak ng organic sa mga produktong hindi sinertipika bilang organic ng mga OCB. Ito ang nakasaad sa inamyendahang Seksyon 27 ng R.A. No. 10068:
“SEC. 27. Penal Provisions and Other Penalties. - Any person who willfully and deliberately: x x x
(c) mislabels or claims that the product is organic when it is not in accordance with the existing standards for Philippine organic agriculture or this Act shall, upon conviction, be punished by imprisonment of not less than one (1) month nor more than six (6) months, or a fine of not more than Fifty thousand (P50,000.00), or both, at the discretion of the court. If the offender is a corporation or a juridical entity, the official who ordered or allowed the commission of the offense shall be punished with the same penalty. If the offender is in the government service, he/she, in addition, be dismissed from the office: Provided, That any OBC found to have issued a certification to a farm or producer established to be not compliant with any of the PNS for organic agriculture or with the provisions of this Act, shall be penalized by the BAFS as follows:
(1) First Offense: Written warning
(2) Second offense. Suspension of accreditation.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




