top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 19, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Sa usapin ng batas para sa mga manggagawa, maaari ko bang malaman ang ibig sabihin ng Unfair Labor Practice o ULP? Naibahagi ko kasi iyong tila hindi patas na pakikitungo o trato sa amin ng aming employer. Subalit, hindi diumano lahat ng sa pananaw namin na hindi patas ay maituturing na ULP sapagkat diumano ay espesipiko ang ibig sabihin nito sa batas. Kung ganoon nga, ano ba ang tunay na kahulugan ng ULP? -- Gibo



Dear Gibo, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga kaugnay na kaso ng Korte Suprema at probisyon ng ating mga batas, espesipiko ang artikulo 258 ng Presidential Decree (P.D.) No. 442 of 1974, as Amended and Renumbered, o mas kilala sa tawag na Labor Code of the Philippines, na sinasabi:


“ART. 258. [247] Concept of Unfair Labor Practice and Procedure for Prosecution Thereof. – Unfair labor practices violate the constitutional right of workers and employees to self-organization, are inimical to the legitimate interests of both labor and management, including their right to bargain collectively and otherwise deal with each other in an atmosphere of freedom and mutual respect, disrupt industrial peace and hinder the promotion of healthy and stable labor-management relations. xxx.” 


Sa madaling salita, ang Unfair Labor Practice o ULP ay tumutukoy sa mga gawaing lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa. Kaugnay nito, sa kasong Pepsi-Cola Products Philippines, Inc. vs. Molon, et al. (G.R. No. 175002, 18 February 2013) sa panulat ni Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe, ibinahagi ng Korte Suprema:


“Unfair labor practice refers to acts that violate the workers’ right to organize. The prohibited acts are related to the workers’ right to self-organization and to the observance of a CBA. Without that element, the acts, no matter how unfair, are not unfair labor practices.” 


Hinggil sa nabanggit na depinisyon ng ULP, binigyang-linaw sa kasong Adamson University Faculty and Employees Union vs. Adamson University (G.R. No. 227070, 09 March 2020) sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic Leonen, na kung ang hindi patas na pagtrato ay hindi nauugnay o nakaaapekto sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa, hindi ito maituturing na ULP: 


“This Court discussed that if the unfair treatment does not relate to or affect the workers' right to self-organize, it cannot be deemed unfair labor practice. A dismissal of a union officer is not necessarily discriminatory, especially when that officer committed an act of misconduct. In fact, union officers are held to higher standards:


While an act or decision of an employer may be unfair, certainly not every unfair act or decision constitutes unfair labor practice (ULP) as defined and enumerated under Art. 248 of the Labor Code.


There should be no dispute that all the prohibited acts constituting unfair labor practice in essence relate to the workers’ right to self-organization. Thus, an employer may be held liable under this provision of his conduct affects in whatever manner the right of an employee to self-organize.” 


Samakatuwid, bagama’t ang isang gawa o desisyon ng isang employer ay maaaring hindi patas, tiyak na hindi lahat ng hindi patas na kilos o desisyon ay bumubuo ng ULP. Sa madaling salita, ang ULP ay tumutukoy sa mga gawaing lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa at ang lahat ng ipinagbabawal na gawain na bumubuo ng ULP, sa esensya, ay nauugnay sa karapatan ng mga manggagawa sa sariling organisasyon. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 18, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Napanood ko sa balita ang patungkol sa pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P10,000,000.00. May batas ba tayo patungkol dito na maaaring malabag kung ang nasabing pag-aangkat ay walang kaukulang clearance magmula sa gobyerno natin? Salamat sa inyo. -- Neq



Dear Neq,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 7 ng Republic Act (R.A.) No. 12022, o mas kilala sa tawag na, “Anti-Agricultural Sabotage Act”, kung saan nakasaad na:


“Section 7. Agricultural Smuggling as Economic Sabotage. - Smuggling is the fraudulent act of importing or bringing of assisting and fishery products into the country, or the act of assisting in receiving, concealing, buying, selling, disposing, storing, or transporting such products, with full knowledge that the same have been fraudulently imported.


The crime of agricultural smuggling as economic sabotage is committed when the value of each or of the combination of agricultural and fishery products smuggled by a person is at least Ten million pesos (P10,000,000.00) computed using the DPI at the time the crime was committed.


Agricultural smuggling as used in this Act shall be committed through any of the following acts:


(a) Importing or bringing agricultural and fishery products into the Philippines without the required import clearance from regulatory agencies; x x x”


Batay sa nabanggit na batas, ang smuggling ay ang mapanlinlang na gawain ng pag-aangkat o pagdadala ng tulong at mga produktong pangisdaan sa bansa, o ang pagkilos ng pagtulong sa pagtanggap, pagtatago, pagbili, pagbebenta, pagtatapon, pag-iimbak, o pagdadala ng mga naturang produkto, na may ganap na kaalaman na ang mga ito ay mapanlinlang na inangkat. Ang krimen ng agricultural smuggling bilang economic sabotage ay ginagawa kapag ang halaga ng bawat isa o ng kombinasyon ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan na ipinuslit ng isang tao ay hindi bababa sa P10,000,000.00 na nakalkula gamit ang daily price index sa oras na nagawa ang krimen.


Ang isa sa mga akto ng pagpupuslit ng agrikultura ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-angkat o pagdadala ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan sa Pilipinas nang walang kinakailangang clearance sa pag-angkat mula sa mga ahensyang nagtatakda ng regulasyon. Batay sa nabanggit, nararapat na makakuha muna ng kinakailangan na clearance kung mag-aangkat o magdadala ng produktong pang-agrikultura sa bansa dahil maaaring makonsidera itong krimen ng agricultural smuggling bilang economic sabotage kung ang halaga ng nasabing produkto ay hindi bababa sa P10,000,000.00.


Ang nasabing batas ay naaayon sa polisiyang isinusulong ng pamahalaan patungkol sa pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura upang protektahan ang mga magsasaka at mangingisda mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at nag-aangkat, at tiyakin ang makatwiran at abot-kayang presyo ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan para sa mga mamimili. Ito ay upang pigilan ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan, na negatibong nakaaapekto sa supply, produksyon, at katatagan ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura at nagbabanta sa seguridad sa pagkain. Inaalis din ng ating pamahalaan ang akto ng pag-iimbak, profiteering, at kartel na labis na pumipigil sa supply at nagmamanipula ng mga presyo, para sa pag-unlad ng ating ekonomiya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 17, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Isa sa mga patakaran ng Estado ay ang magsagawa ng mga hakbangin na kumikilala sa mahalagang papel ng Education Support Personnel sa pagsasakatuparan ng karapatan sa edukasyon, pagpapaunlad ng positibo at ligtas na mga kapaligiran sa paaralan, at pagtitiyak na epektibong gumagana ang pampubliko at pribadong institusyon sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral. Kaya naman, ipinasa ang Republic Act (R.A.) No. 12178, o ang National Education Support Personnel Day Act. 


Ang terminong “Education Support Personnel” ay tumutukoy sa mga taong nagtatrabaho sa mga posisyong may kaugnayan sa pagtuturo (teaching) o di-pagtuturo (non-teaching) sa anumang pampubliko o pribadong paaralan sa kolehiyo, unibersidad, o iba pang institusyong pang-edukasyon, kabilang, ngunit hindi limitado sa mga katulong sa pagtuturo, registrar, librarian, doktor, nars, tagapayo sa dibisyon ng paaralan, tagapayo sa paaralan, kasamahan ng tagapayo sa paaralan, mga tagapayo sa teknikal, at mga kawani ng nagbibigay ng suporta sa mga mag-aaral at guro. 


Bilang pagkilala sa pagdiriwang ng World Education Support Personnel Day, ang ika-16 na araw ng Mayo ng bawat taon ay idineklara sa ilalim ng batas na ito bilang isang special working holiday na tatawaging “National Education Support Personnel Day”.  


Ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay magsisilbing mga namumunong ahensya sa paghahanda at pagpapatupad ng taunang programa ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng National Education Support Personnel Day. Upang matiyak ang makabuluhang pagdiriwang ng araw na ito, hinihikayat ang mga pinuno ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga korporasyong pag-aari at/o kontrolado ng pamahalaan na may kaugnayan sa edukasyon, mga local government units, at mga employer sa pribadong sektor na may kaugnayan sa edukasyon na payagan ang kani-kanilang tauhan na makilahok sa anumang kaugnay na aktibidad na gaganapin sa loob ng kanilang mga opisina o establisimyento. 


Ang halagang kailangan para ipatupad ang batas na ito ay dapat isama sa taunang General Appropriations Act.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page