ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 7, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang kapatid ko ay isang person with disability (PWD) ngunit nasa hustong gulang na. Mayroon siyang paparating na biyahe sa ibang bansa upang siya ay maipasuri. Ito ay isang sponsored na biyahe at pagpapasuri mula sa aming simbahan, kung kaya’t nais namin na maayos ang lahat upang siya ay makapunta roon.
Sa pagkuha ba niya ng pasaporte, kailangan ba na kaanak niya ang personal na kasama? Mayroong nakapagsabi sa akin na dapat diumano ay kaanak ang sumama sa pagkuha ng pasaporte.
Ang problema, hindi ako makaliban sa trabaho dahil ako lamang ang kumakayod para sa aming pamilya at malaking kawalan kahit ang isang araw lamang na pagliban ko. Maaari ba siyang samahan ng aming pastor sa simbahan, na siya rin namang sasama sa kanya sa paparating niyang biyahe at pagpapasuri? Sana ay malinawan ninyo ako. — Renato
Dear Renato,
Mayroong mga pagkakataon na sadyang hindi natin puwedeng palampasin, lalo na kung ang mga oportunidad ay maaaring maging kalutasan sa ating mga problema o pinagdaraanan. Marahil ganito ang oportunidad na nabanggit mo para sa iyong kapatid, kung kaya’t batid namin ang kagustuhan mong makaalis siya ng bansa para maisagawa ang pagsusuri sa kanya.
Kaugnay sa iyong katanungan, maaaring gamiting batayan ang Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 11983, o mas kilala bilang “New Philippine Passport Act”. Nakasaad dito ang mga pangunahing rekisito sa pag-apply ng Philippine passport at kung sino ang maaaring sumama sa aplikante, kung kinakailangan. Para sa mga aplikante na PWD, maaari silang samahan ng kanilang kaanak within fourth civil degree of consanguinity or affinity o ng kasama nila sa kanilang napipintong biyahe. Partikular na nakasaad sa nasabing probisyon:
“Section 5. Requirements for the Application and Issuance of a Passport. - The DFA Secretary, or a duly authorized consular official, shall issue a passport to an applicant who is a Filipino citizen and who has complied with the following requirements:
Personal appearance for biometric and biographic data capturing;
A duly accomplished application form;
Proof of citizenship as prescribed by relevant laws regarding the acquisition of Philippine citizenship which includes, but it not limited to:
For natural-born citizens, Certificate of Live Birth or Report of Birth, x x x
Valid and sufficient proof of identity, foremost of which is the applicant's PhilID issued pursuant to Republic Act No. 11055 or the "Philippine Identification System Act", or competent proof of identity;
x x x
(j) For applicants who are unable to read or write, persons with disabilities (PWDs), or senior citizens, they may be assisted by a relative within fourth civil degree of consanguinity or affinity, or by the traveling companion of the applicant;
x x x”
Sa sitwasyon na nabanggit mo, maliban sa iyo ay maaaring samahan ang iyong kapatid na PWD sa kanyang pag-apply ng pasaporte ng sinuman sa inyong mga magulang, tiyuhin/tiyahin, pinsan o pamangkin, o kaya naman ng taong sasama sa kanya sa kanyang pagbiyahe palabas ng bansa.
Ginagarantiyahan din sa ilalim ng R.A. No. 11983 ang paglalaan ng special lane para sa mga aplikante na PWDs, bukod sa iba pang mga indibidwal na mayroong partikular na pangangailangan. (Section 20, id)
Para sa higit na detalyadong impormasyon, magiging mainam na magsadya o bumisita kayo sa website ng ating Department of Foreign Affairs (DFA), https://dfa.gov.ph, o kaya naman ay pumunta sa address o tumawag sa mga numero ng telepono na nakasaad sa nabanggit na website.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.