ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 14, 2025

Sa mga nagdaang araw, balitang-balita na marami sa ating mga kababayan ay nalululong sa bisyo na pagsusugal. Dahil dito ay marami rin sa kanila ang nababaon sa pagkakautang -- sa mga bangko sa pamamagitan ng credit card at maging sa mga online lending applications na karaniwan ay nakikita sa mga social media na hindi na nangangailangan pa ng katapat na collateral. Dahil nga sa napakadali na lang ang magsugal na sa online na isinasagawa ang mga ito at napakadali rin ang umutang sa mga online lending applications, palubog nang palubog sa pagkakautang ang ilan sa ating mga kababayan. Ang masaklap, dahil sa nagagamit sa pagsusugal ang mga inutang ay hindi nila ito mabayaran. Kapag sumapit na ang panahon ng pagbabayad at wala na silang maibayad, lalo pang lumalaki ang utang dahil sa mataas na interes, at sila ngayon ay hinahabol na ng kanilang mga pinagkakautangan sa mga online lending applications.
Bilang mga nagpapautang, ang mga online lending companies na ito ay mayroon ding karapatan upang mabawi ang halagang kanilang ipinautang. Kalakip nito ay ang kanilang karapatan na ibigay ang paniningil sa mga collection agents para maningil ng kanilang mga pautang kapag ang nasabing pagkakautang ay kinakailangan nang mabayaran. Ang mga collection agents na ito ang mga naniningil at nangungulit sa mga hindi makabayad ng utang. Ito ay sa mga pagkakataong ang obligasyon ng nangutang na magbayad ay umabot na sa takdang araw at hindi pa rin ito nakababayad ng kanyang pagkakautang.
Subalit, ang karapatang maningil na ito ng mga online lending companies ay hindi dapat na maging dahilan upang guluhin ang buhay ng nangutang. May mga karapatan din ang mga nangungutang na mabigyan ng proteksyon laban sa mga hindi makatwirang paniningil at pamamahiya lalo na sa social media.
May mga paraan na maayos upang makapaningil ng pautang ang mga online lending companies. Ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng mga hindi makatarungang paraan ng paniningil katulad na lamang ng paggamit ng mga mapang-insultong mga salita. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tinaguriang unfair collection practices ang mga sumusunod na gawain:
Paggamit o pagbabanta ng karahasan o iba pang kriminal na paraan upang saktan ang isang tao, o ang kanyang reputasyon o ari-arian;
Paggamit ng mga kahalayan, insulto, o bastos na pananalita na katumbas ng isang kriminal na gawa o pagkakasala;
Pagbunyag ng mga pangalan ng mga may hawak ng credit card na diumano ay tumangging magbayad ng utang, maliban kung pinahintulutan ng batas;
Pagbanta na gumawa ng anumang aksyon na hindi maaaring gawin ayon sa batas;
Sadyang pakikipag-ugnayan o pagbanta na magpahayag ng maling impormasyon ukol sa kredito;
Anumang maling representasyon o mapanlinlang na paraan upang mangolekta ng anumang utang o makakuha ng impormasyon tungkol sa isang cardholder; at
Pakikipag-ugnayan sa hindi makatwiran o maginhawang oras bago mag-6:00 A.M. o pagkalipas ng 10:00 P.M., maliban kung ang account ay lampas na sa pagbabayad ng higit sa 60 araw, ito ay may malinaw na pahintulot, o ang mga nasabing oras ay ang tanging makatwiran o maginhawang pagkakataon para sa pakikipag-ugnayan. (Subsecs. 4301N.14, Manual of Regulations for Non-Bank Financial Institution as amended by Circular No. 454, s. 2004, issued 9-24-2004).
Makikita sa mga nakasaad sa itaas na ang isang taong mayroong pagkakautang ay marapat din namang mabigyan ng kaukulang respeto sa pagkakataong siya ay sisingilin na sa kanyang obligasyon. Ipinagbabawal ang paggamit o pagbabanta ng karahasan o iba pang kriminal na gawain upang saktan ang isang tao, o ang kanyang reputasyon o kanyang ari-arian. Hindi rin hinahayaan ang paggamit ng mga kahalayan, insulto, o bastos na pananalita na katumbas ng isang kriminal na gawa o pagkakasala. Lalong hindi pinapayagan ang credit collection agents na magsiwalat ng pangalan ng mga may hawak ng account na diumano ay tumangging magbayad ng utang.
Subalit kahit na mayroong ganitong uri ng panuntunan ang Bangko Sentral, marapat isipin ng isang nangungutang na siya ay mayroon din namang obligasyon na bayaran ang kanyang mga pagkakautang. Kung mayroong dahilan na hindi niya mabayaran ito, maaari siyang makipag-ugnayan sa institusyon na kanyang pinagkakautangan at makipag-usap kung papaano niya mababayaran ang kanyang pagkakautang sa paraang kanyang kakayanin.
Higit sa lahat, sana ay maisip ng mga taong nagsimulang magsugal at nabaon sa utang dahil sa nasabing bisyo na walang patutunguhan ang kanilang pagkasadlak sa nasabing bisyo. Sisirain lamang nito ang kanilang buhay at ng kanilang mga mahal sa buhay. Magsilbi rin sanang aral ito sa kanila na hindi na nila ito balikan kapag sila ay nakawala na rito.






