ni Leonida Sison @Boses | October 18, 2025

Hindi lang pagbaha sa bansa ang pinangangambahan sa ngayon, pati isyu ng korupsiyon na lalong lumalala dulot ng flood control projects scam, na kasabay nito ang pagkamal ng mga mandarambong sa pera na pinagpaguran ng taumbayan.
Nitong mga nakaraang linggo, muling umalingawngaw ang mga anomalya sa ilang ahensya ng gobyerno, kung saan ramdam ng mamamayan at negosyante ang bigat ng epekto nito sa ekonomiya at tiwala ng publiko, maging sa mga namumuhunan.
Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), panahon na para kumilos ang gobyerno. Giit ni PCCI Chairman George Barcelon, ang patuloy na katiwalian ay unti-unting sumisira sa kredibilidad ng bansa sa harap ng mga foreign investors.
Kung walang mananagot, baka hindi na lang problema sa tubig-baha ang kailangang solusyunan, kundi pati na rin ang kawalang katiyakan sa ating ekonomiya.
Ipinahayag ni ASEAN-Business Advisory Council (ASEAN-BAC) Chair Joey Concepcion na marami nang investors ang nagdadalawang-isip maglagak ng negosyo sa ‘Pinas. Aniya, may mga nagtatanong na kung gaano kalala ang korupsiyon sa bansa, na dapat sagutin sa pamamagitan ng agarang aksyon at hindi lamang sa puro salita.
Para kay Concepcion, ang imbestigasyon at pagpaparusa sa mga sangkot ay susi upang maibalik ang kumpiyansa ng mga namumuhunan.
Sa kabila ng mga ingay tungkol sa usapin ng mga anomalya, nananatiling may pag-asa ang ating bansa na ayon sa opisyal, ito ay ang nalalapit na ASEAN Summit na iho-host ng ‘Pinas.
Paliwanag ni Concepcion, ito ang pagkakataon para ipakita na kaya nating tumindig laban sa katiwalian at maging huwaran ng reporma at tiwala.
Ang korupsiyon ay parang baha na kapag hindi naagapan, lulubog ang lahat. Subalit, kung tutuparin ng gobyerno ang pangakong lilinisin ang sistema, may pag-asang ang mga kalsadang puno ng putik ng anomalya ay muling madaanan ng tiwala at pag-unlad.
Ang laban natin sa korupsiyon ay hindi lamang laban ng mga nasa puwesto, bagkus laban ng bawat Pinoy na sawa na sa paulit-ulit na pagbaha ng kawalang pananagutan.
Kung magtatagumpay ang gobyerno na mapanagot ang mga tiwali, ito ay pagsisimulan ng muling pagtitiwala ng mga mamamayan at negosyante, habang mapapawi rin ang pangamba ng mga dayuhang investor sa ating bansa.
Sa bawat imbestigasyong ginagawa na may tapang at katapatan, nagiging malinaw na hindi pa huli upang bumuhos ang pagbabago, kung saan ito ay para sa ikatatatag rin ng ating ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




