top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 26, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakagagaan sa loob isipin na sa kabila ng mga unos na dumarating sa ating bansa, may ahensyang handang tumindig para sa ikabubuti ng edukasyon. Sa bawat kalamidad na ating kinakaharap taun-taon, kailangan na ring mag-adapt tayo sa pagbabago ng klima at panahon. 


Kaya naman sa tulong ng Department of Education (DepEd) ang paglaan ng P1.35 bilyong pondo upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral kahit may bagyo, baha, o lindol ay isang magandang hakbangin. Ito ay pumapailalim din sa direktiba ng Pangulo na unahin ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral habang pinananatili ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang pondong ito ay gagamitin para sa pag-imprenta, pamamahagi, at pagsasanay ng mga guro kaugnay sa Learning Packets at Dynamic Learning Program (DLP) materials. Mula sa kabuuang alokasyon, P950 milyon ang ilalaan para sa Learning Packets na ipapamahagi sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12, habang P399 milyon naman ang inilaan sa DLP materials para sa Junior High School learners. 


Ang Learning Packets ay naglalaman ng 25 hanggang 50 self-paced activities na nakatuon sa literacy, numeracy, at problem-solving skills, kasama pa ang mga aralin para sa advanced learning at life skills. Ang DLP naman ay isang structured, activity-based learning approach na nagbibigay-daan sa mga estudyanteng makapag-aral kahit walang kuryente, gadget, o internet — gamit lamang ang papel at notebook. Hindi lamang materyales ang binibigyang-diin ng DepEd, kundi pati ang disaster preparedness ng mga paaralan. 


Ipinag-utos na ni Angara sa mga regional director na tutukan ang produksyon at distribusyon ng mga naturang materials at magsumite ng buwanang ulat ng progreso. Sa tulong ng Bureau of Learning Resources (BLR), Bureau of Learning Delivery (BLD), at National Educators Academy of the Philippines (NEAP), bibigyan din ng technical assistance at training ang mga guro upang maging handa sa anumang sitwasyon. 


Sa panahon ng sakuna o kalamidad, madaling tumigil ang ating mundo, pero ayon kay Angara, ang edukasyon ay dapat ang huling huminto at ang unang makabangon. Isang paniniwalang nagpapaigting ng pag-asa sa gitna ng bawat unos. 


Sa tulong din at pakikipag-ugnayan sa mga LGU, sinisiguro ng DepEd na may alternative learning modes para sa mga lugar na madalas makaranas ng class suspension. 

Hindi maitatangging malaki ang epekto ng kalamidad sa ating edukasyon, subalit mas malaki ang naidudulot na kabutihan ng paghahanda, malasakit at suporta na makarekober mula rito. 


Sa panahong pabago-bago ang klima at panahon, kailangang sabayan ng gobyerno ng aksyon sa pamamagitan ng makabagong solusyon at matatag na sistema. 


Ang inisyatibong ito ay hindi lamang tungkol sa modules at learning materials, ito ay tungkol sa pagbibigay ng pag-asa at direksyon sa mga mag-aaral. Sa bawat batang patuloy na nag-aaral sa kabila ng limitadong kuryente, sa gurong nagtuturo kahit baha, at sa bawat lider na kumikilos para sa kinabukasan, doon nabubuo ang tunay na katatagan ng edukasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 25, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakadismaya man ang pagtaas ng mga bilihin at bayarin nitong mga nakaraang buwan, hindi naman natin kailangan pang mangamba sa ngayon at sa mga susunod na buwan. 


Dahil ayon mismo sa Department of Trade and Industry (DTI), walang taas-presyo na mangyayari sa mga pangunahing bilihin hanggang matapos ang taong 2025. Isang kumpirmadong balitang agad na nagpagaan ng loob sa mga konsyumer na halos araw-araw ay naghahabol sa kanilang budget at naghihigpit ng sinturon. 


Sa opisyal na pahayag ni Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque, tiniyak niyang mananatiling matatag ang presyo ng mga basic necessities at prime commodities gaya ng sardinas, instant noodles, kape, gatas, sabon, at iba pang pangunahing bilihin.


Ayon kay Roque, nakipagpulong ang DTI sa mga manufacturer at producer upang mapanatili ang kasalukuyang presyo, at sa kabutihang palad, pumayag ang mga ito. Aniya, magandang senyales ito ng kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan, negosyante, at mamimili, isang bihirang tagpo sa panahon ng patuloy na krisis sa ekonomiya. 


Sa halip na itulak pataas ang presyo, piniling tumulong ng mga kumpanya sa pamamagitan ng hindi pagdagdag sa presyo ng mga bilihin. 


Kung tutuusin, ramdam ang ginhawang ito lalo na sa mga pamilyang halos hindi na alam kung paano pagkakasyahin ang sahod sa harap ng sabayang taas ng renta, pamasahe, at kuryente at tubig. 


Sa ganitong ulat, may dahilan ang bawat mamimili para makahinga nang maluwag, kahit pansamantala lamang. Ang kooperasyon ng bawat sektor ay maituturing na tagumpay, at patunay na kung gugustuhin, maaaring pagsabayin ang kita ng negosyo at kapakanan ng publiko. 


Hindi kailangang laging pera ang sukatan ng progreso, minsan, ang pagpigil sa taas-presyo ay mas malaking tulong kaysa anumang ayuda. 


Ngunit higit pa sa ginhawa, dapat ding magsilbing paalala ito na ang ekonomiya ay hindi laging tungkol sa merkado at negosyo, ito rin ay tungkol sa pagmamalasakit sa taumbayan. 


Ang bawat desisyon ng pamahalaan at pribadong sektor ay may direktang epekto sa mesa ng bawat Pinoy. Kaya ang pagpapanatili ng presyo ng bilihin ay hindi lang polisiya, kundi isang moral na tagumpay sa panahong halos lahat ay nagtitiis. 


Gayundin, ang hakbang na ito ay pagpapakita ng pagkakaisa, at pagkilala sa tunay na halaga ng malasakit, kung saan magagawang panatilihing abot-kamay ang pang-araw-araw na pamumuhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 24, 2025



Boses by Ryan Sison


Sobra na ang pagkadismaya ng taumbayan sa kawalan ng hustisya sa bawat anomalya sa pamahalaan na nagbubunga ng unti-unting pagguho ng tiwala sa sistema. 


Sa wakas, handa na ang Commission on Elections (Comelec) na isiwalat ang mga impormasyong may kinalaman sa mga campaign contributions ng mga kontraktor ng gobyerno sa mga kandidato noong 2022 at 2025 elections, isang paraan na maaaring magbigay-linaw sa matagal nang usapin tungkol sa pera at impluwensya sa halalan. 


Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, handa silang makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman sa anumang imbestigasyon ukol sa mga kontribusyon ng mga kontraktor sa kampanya ng mga pulitiko sa eleksyon. Kung may hihilingin ang mga kagawarang ito, agad umano silang susunod dahil mandato ng mga ito ang pagsugpo sa mga katiwalian. 


Batay sa pagsusuri ng Comelec sa mga Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs), apat na senador na nanalo sa 2025 elections ang umano’y nakatanggap ng campaign donations mula sa mga pribadong kontraktor. Bukod pa rito, natukoy din ang dalawang partylist group, tatlong congressional bets, isang national political party, at dalawang kandidato sa pagka-gobernador na posibleng tumanggap din ng pondo mula sa mga kumpanyang may transaksyon sa gobyerno. 


Sa kabuuan, 14 na kandidato at partido ang konektado sa 26 na contractors. Gayunpaman, hinihintay pa ng Comelec ang kumpirmasyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung ang mga nasabing kontraktor ay aktuwal na may kontrata sa pamahalaan bago tuluyang pangalanan ang mga ito. 


Kaugnay nito, 54 pang contractors mula sa 2022 elections ang kasalukuyang bineberipika. Giit ni Garcia, malinaw na ipinagbabawal sa batas ang pagtanggap ng donasyon mula sa sinumang may kontrata sa ating gobyerno, isang paalala na ang public service ay hindi dapat nanggagaling sa mga may interes lamang sa kapangyarihan. 


Kung tutuusin, isang positibong hakbang ito tungo sa tapat at mas transparent na halalan. Ang pagbubunyag ng ganitong impormasyon at paglalantad ng mga pangalan ng sangkot dito ay hindi lamang paglilinis ng Comelec kundi pagpapanumbalik din ng tiwala ng taumbayan. Dahil sa bawat pisong ibinubulsa o ipinapasok sa kampanya, naroon ang banta ng utang na loob at impluwensya sa desisyon ng mga nahalal na opisyal. Kaya sa mga pulitikong may koneksyon sa mga kontraktor, malapit-lapit na ring maparusahan.     


Gayundin, ang hakbang na ito ng komisyon ay nagiging daan upang makuha ang hustisya para mapatawan ng parusa ang mga gahaman sa pulitika. Kung magtutuluy-tuloy ang ganitong transparency, baka sakaling maramdaman natin na may saysay ang ating pagboto, at may kinabukasan pa para sa malinis na halalan sa ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page