top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 2, 2025



Boses by Ryan Sison


Magandang balita para sa mga komyuter na sawa at pagod na sa pagbiyahe, sabayan pa ng mabigat na trapik. Ang pagdating ng solar-powered ferry sa Pasig River Ferry Service ay isang malaking hakbang tungo sa mas malinis at sustainable na transportasyon sa ating bansa. 


Ang inobasyong ito ay bunga ng talino at malasakit sa kalikasan ng mga Pinoy, na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng e-mobility program. Ang M/B Dalaray ay isang locally developed electric passenger ferry (e-ferry) na kayang magsakay ng hanggang 40 pasahero. Ito ay all-electric battery-powered ferry na mas tahimik kumpara sa tradisyonal o conventional ferry, at kinabitan ng mga solar panels sa bubong na siyang nag-o-operate ng mga accessories at fixtures. Mas matipid din ito dahil P45 lamang ang gastos kada kilometro kumpara sa P135 ng karaniwang ferry, kung saan bibiyahe na ngayong November. 


Ang proyektong ito ay hindi lang tungkol sa teknolohiya, kundi pati na rin sa pagbabago ng mindset tungo sa climate-conscious innovation. Sa isang bansa na nakakaranas ng climate change o global warming, panahon na upang itulak ang ganitong mga green transport systems. Ang naturang e-ferry ay simbolo ng pag-asa para sa isang malinis at mas sustainable na transportasyon, at ito ay environment friendly pa. Kung magpapatuloy ang inisyatiba na ito, hindi malayong maging normal na sa atin ang mga e-ferries, e-jeeps, at e-buses. 


Ang pagbabago ay nagsisimula sa maliliit at ngayon, sa bawat paglayag ng e-ferry, umaagos ang pag-asa para sa isang mas maginhawang pagbiyahe.


Gayundin, ang M/B Dalaray ay isang patunay na kayang makipagsabayan ng mga Pinoy sa makabagong teknolohiya, basta’t may suporta. Ang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng mga institusyon tulad ng University of the Philippines Diliman Electrical and Electronics Engineering Institute at ng DOST. 


Sa pagdating ng solar-powered ferry, hindi lang ang Pasig River ang muling mabubuhay, pati ang pag-asa nating maging isang green nation. Hindi lamang iyon, isang malaking hakbang tungo sa mas malinis na hangin, mas tahimik na na pagbiyahe, at mas sustainable na transportasyon. 


Ang pagkakaroon ng e-ferry ay isang halimbawa ng kung paano natin maaaring gamitin ang mga renewable energy sources gaya ng solar power upang mabawasan ang ating carbon footprint. 


Isang malaking tagumpay din ito para sa mga Pinoy na naniniwala sa kapangyarihan ng teknolohiya at inobasyon, at paalala na kayang-kaya nating lumikha at bumuo ng mga bagay basta may determinasyon, pagtutulungan at malasakit, na makabubuti rin sa ating kalikasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 1, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahon ng paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay, tayo ay nagbibigay ng respeto at pagmamahal sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang mga puntod o libingan. 


Gayunman, naging pasanin muna sa mga naulila ang napakalaking gastusin sa pagpapalibing, na halos ilibing na rin ang mga naiwang pamilya sa mga bayarin. 

Nakakalungkot isipin na ang paglilibing sa halip na maging panahon ng paghilom at pag-alaala ay nagiging pabigat sa mga pamilya. 


Kaya naman malaking kaginhawaan ang hatid ng Free Funeral Services Act of 2025. Isang batas na nagbibigay ng kagaanan, lalo na sa mga pamilya na hirap pa ring makabangon. 


Hindi na kailangang mangutang, magbenta ng ari-arian, o mag-ipon ng abuloy para lamang maiburol nang maayos ang kanilang mahal sa buhay. Sa ilalim ng Republic Act No. 12309, o Free Funeral Services Act, itinatakda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamantayang tulong sa burial assistance para sa mga pamilyang nasa krisis sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program. 


Ayon kay Director Edwin Morata ng DSWD Crisis Intervention Program, ilalatag sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ang tamang halaga at saklaw ng tulong — mula sa serbisyo ng funeral parlors at chapel, transportasyon hanggang sa cremation at paglilibing. 


Bagama’t matagal nang nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng Guarantee Letters ang DSWD, mas magiging sistematiko na ito dahil sa bagong batas. 

Sa datos ng kagawaran, mula 2014 hanggang Setyembre 2025, natulungan na nila ang higit 1.4 milyong pamilya na nawalan ng mahal sa buhay, katumbas ng halos P10.9 bilyong funeral assistance. Sa taong ito lamang, mahigit 140,000 pamilya na ang naasistehan ng DSWD. 


Nakikipagtulungan din ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan, Department of Trade and Industry (DTI), at mahigit 800 partner-funeral homes sa buong bansa upang matiyak na maaabot ng programa ang bawat pamilyang Pinoy — maging ang mga nasalanta ng kalamidad o sakuna. 


Sa likod ng tulong pinansyal na ito, sumasalamin ang malasakit at pagkilala sa dignidad ng bawat mamamayan. Ang pagkakaloob ng disente at maayos na libing ay hindi lamang isang serbisyo, kundi pagkonsidera sa karapatan ng bawat Pilipino na sakaling mamatay ay maihihimlay na may dangal at puno ng paggalang.


Sa isang bansa kung saan marami ang nakararanas ng kahirapan, ang ganitong uri ng programa ay napakalaking tulong at pagbibigay pag-asa. 

Maituturing na rin natin itong tunay na serbisyo-publiko dahil sa paglingap at pagmamalasakit sa mga nangangailangan.  


Sa kinauukulan, sana’y patuloy ang mga makabuluhang programang isinasagawa na may pakinabang para sa mga mamamayan at hindi pabigat lamang.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 31, 2025



Boses by Ryan Sison


Mas abala ngayon ang mga lansangan, kung saan bumabalik ang mga tanawin ng nagmamadaling mga pasahero bitbit ang malalaking bag, pasalubong, at panalangin para sa paggunita ng Undas. 


Mula sa mga terminal hanggang sa pantalan, makikita ang libu-libong Pilipinong sabik makauwi sa kani-kanilang probinsya. Isang taunang eksena na sumasalamin hindi lang bilang tradisyon, kundi sa katotohanang ang mga pampublikong transportasyon ang mas kailangan at maghahatid ng maayos sa ating mga kababayan sa kanilang patutunguhan. 


Sa Baliwag Bus Terminal sa Quezon City, umabot na sa 1,000 pasahero ang naitala mula alas-3 hanggang alas-7 ng umaga pa lang nitong Huwebes, at inaasahang aabot pa sa 10,000 sa buong araw. Ang biyahe ng mga bus ay may pagitan ng 30 hanggang 45 minuto, habang pinapayagan pa rin ang mga walk-in passenger. 


Sa Batangas Port naman, mahigit 68,000 pasahero na ang bumiyahe mula pa noong Oktubre 23, at inaasahang tataas pa ang bilang nito bago sumapit ang Undas weekend, na noong nakaraang taon ay umabot sa 78,000. Ayon sa pamunuan ng naturang port, nananatiling maayos ang operasyon at walang naitalang insidente, salamat sa mahigpit na seguridad at tuluy-tuloy na inspeksyon. Gayunman, hindi rin maiiwasan ang mga aberya, at problema sa tuwing tayo ay bumibiyahe. 


Sa paliwanag ng Department of Transportation (DOTr), tinitiyak ni Assistant Secretary Maricar Bautista na nagdagdag sila ng tauhan para mas maging maayos ang biyahe ngayong Undas. 


Kasunod ito ng direktiba ni Acting Secretary Giovanni Lopez, matapos ang inspeksyon sa mga terminal sa Cubao kung saan natuklasan ang ilang kakulangan tulad ng sira o flat na gulong, kulang sa upuan, at mainit na waiting areas. Gayundin, tatlong bus driver ang nahuling positibo sa ilegal na droga, at agad na kinumpiska ang lisensya. 


Sa gitna ng mga ulat na ito, malinaw na ang Undas ay hindi lang panahon ng paggunita, kundi panahon din ng pagharap sa realidad ng ating transport system. Sa bawat pila ng pasahero, sa bawat bus na umaalis kada 30 minuto, nakikita ang pangangailangan para sa mas episyente, ligtas, at maayos na pampublikong transportasyon. Isang sistemang dapat hindi lang gumagana tuwing Undas, kundi buong taon. 


Nawa ay dagdagan pa ang mga pampublikong sasakyan upang makauwi nang ligtas ang ating mga kababayan sa kanilang mga pamilya, at makaiwas din sa mga trahedya o insidente na maaaring mangyari.


Sa kinauukulan, nararapat lamang na bigyan ng maayos, maginhawa, at maaliwalas na biyahe ang ating mga pasahero. 


Sa mga kababayan, magbaon tayo ng mahabang pasensya sa kabila ng siksikan at pagod dahil sa huli ay makakasama naman natin ang ating mga pamilya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page