ni Leonida Sison @Boses | October 10, 2025

Hindi lahat ng green ay eco-friendly. Sa lansangan, may ilan ding berde pero nababalutan ng pandaraya.
Kung ang mga drayber ay marunong mandaya sa simpleng coding, paano pa sa mas seryosong usapan ng disiplina sa kalsada at malasakit sa kapwa?
Kaya tama lang ang hakbang ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na higpitan ang mga gumagamit ng pekeng green plates para lang makaiwas sa number coding. Sa panahon ngayon, disiplina sa lansangan ay kasing halaga ng disiplina sa kalikasan.
Ayon kay HPG Acting Director Police Colonel Hansel Marantan na ang kanilang panawagan ay hindi laban sa mga lehitimong may-ari ng electric at hybrid vehicles (EV/HEV), kundi sa mga mapanlinlang na nagkukunwaring eco-friendly para makalusot sa coding scheme.
Batay sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), ang mga rehistradong EV at HEV na nasa listahan ng Department of Energy (DOE) ay exempted sa number coding hanggang 2030. Subalit lumalabas na may ilang motorista ang nagpapanggap na EV owners, kahit hindi naman kuwalipikado.
Ang DOE ay may opisyal na listahan ng mga lehitimong EV models sa kanilang EV Industry Portal, na siyang batayan ng mga otoridad sa pag-verify. Kaya kahit may green plate, kung hindi rehistrado sa DOE, hindi ito exempted.
Sa bagong crackdown ng HPG, sinumang mahuling gumagamit ng pekeng green plate ay tatanggalan ng plaka, bibigyan ng ticket, at ipepresinta sa Land Transportation Office (LTO) para sa kaukulang parusa.
Kaya naman habang maaga pa, pinapayuhan ng opisyal ang mga violator na ibalik na ang orihinal na plaka bago pa sila masita sa kalsada.
Ang kampanyang ito ay hindi lang simpleng pagpapatupad ng batas, ito ay paalala ng integridad at disiplina sa lansangan. Ang green ay hindi lang basta kulay ng plaka, ito ay sumasalamin sa malinis na konsensya, tapat na pamumuhay, at responsableng pagmamaneho. Dahil kung gusto nating maging tunay na progresibo at eco-friendly ang ating bansa, dapat magsimula tayo sa pagiging totoo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




