ni Leonida Sison @Boses | October 13, 2025

Madalas, kapag tumama ang bagyo o yumanig ang lupa, mabilis tayong kumikilos — may relief goods, may tent, may ayuda. Pero sa gitna ng lahat ng ito, may sugat na hindi agad nalalapatan ng lunas. Dahil sa likod ng mga pilit na ngiti ng mga nakaligtas, may mga isipang gulong-gulo at pusong hindi pa rin nakakaahon sa takot.
Kaya tama lang ang panawagan ni Health Secretary Ted Herbosa na huwag kaligtaan ang mental health ng mga Pinoy na nakaranas ng mga sakuna.
Sa gitna ng sunud-sunod na trahedya, pinaigting ng Department of Health (DOH) ang mga hakbang upang alagaan ang mental health ng mga nasalanta, hindi lang ang kanilang katawan.
Batay sa datos ng DOH, mahigit 1,522 indibidwal na sa Cebu ang nakatanggap ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) at iba pang interbensyon. Kasabay nito, naghanda rin ang kagawaran ng psychological first aid para sa mga residente ng Davao Region at mga karatig-lugar na tinamaan ng lindol nitong nakaraang Biyernes, October 10.
Ayon kay Herbosa, ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tiyaking walang Pinoy na maiiwan, lalo na ‘yung tahimik na nakikibaka sa trauma, takot, at pagkabalisa.
Tuluy-tuloy din ang counseling, stress debriefing, at psychological aid ng mga MHPSS responders sa mga tent city at sa mga pamilyang unti-unting bumabangon.
Kaugnay nito, hinikayat din ng kalihim ang publiko na huwag mahiyang lumapit sa mga health center o tumawag sa National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline 1553, sakaling kailanganin nila ng tulong.
Sa isang bansang laging sumasagupa sa delubyo ay tila normal na ang sakuna, gayunman, hindi dapat isaisantabi at ipagwalang-bahala ang ating mental health. Dapat lang na isama ito sa disaster response plan, hindi bilang dagdag, kundi bilang pangunahing bahagi nito. Dahil ang taong may matatag na isip ay mas mabilis makaahon kumpara sa isang pusong wasak dulot ng trauma.
Ang tunay na pagbangon ay hindi lang nasusukat sa muling pagtatayo ng bahay, bagkus sa muling pagngiti at pagtahan ng mga luha. Kaya sa bawat kalamidad, dalhin sana natin hindi lang bigas at kumot, kundi pang-unawa, pakikinig, at malasakit sa isa’t isa. Ito ang matibay na sandigan ng isang bayan, mga mamamayang buo ang loob na bumangon at magsimulang muli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




