ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 18, 2020
Kumalat sa social media ang mga jokes, memes at iba pang katatawanan hinggil sa bakuna kontra COVID-19 mula Russia. Pero sa kabila ng mga birong ito ay ang mensahe ng pangamba sa nasabing bakuna, na bukod sa masyado umanong mabilis ang pagkakalikha nito, wala ring inilalabas na datos o resulta kaugnay sa mga unang nabigyan ng bakuna.
Samantala, kampante ang Russia na rehistrado ang bakuna na tinawag na ‘Sputnik V’, at iginiit pang pumasa na ito sa lahat ng pagsusuri at ligtas nang magamit kasunod ng ilan pang pagsusuri. Ngunit, may mga eksperto sa paglikha ng bakuna, na hindi pa rin kampante.
Una ay dahil sa kawalan o kakulangan ng datos. Pangalawa, hindi natin alam ang pangmatagalang epekto nito sa mga binigyan umano sa Phase 1 at 2 human testing. Iilan lang ang isinapubliko, kabilang umano ang anak mismo ng presidente ng Russia na si Vladimir Putin. Kabilang naman ang Pilipinas, Saudi Arabia at United Arab Emirates sa sinasabing Phase 3 ng clinical trials. Ibig sabihin, ang mga Pinoy ang isasailalim sa testing ng bakuna kung epektibo sa kabila ng kawalan ng datos ng Phase 1 at 2.
Kung natatandaan natin ang Dengvaxia, dalawang dekada ang inabot sa paglikha nito bago inanunsiyong meron nang bakuna kontra dengue. Pero sa kabila nito ay may pahabol pang babala ang Sanofi matapos makatanggap ang libu-libong katao.
Sa madaling salita, hindi pa alam ang lahat ng magiging epekto ng bakuna sa tao. Ito ang dahilan ng clinical trials—para malaman ang lahat ng kailangang malaman bago masabing ligtas na ang bakuna—at hindi ito kailanman maaaring madaliin.
Samantala, kung kasama ang bansa sa Phase 3 ng clinical trials, kung saan libu-libo ang bibigyan, dapat masigurong boluntaryo lamanng ito. Alam nating nagboluntaryo na si Pangulong Rodrigo Duterte, dahil kampante siya sa gawa Russia at idolo rin niya si Pres. Putin. Pero agad namang naglabas ng pahayag ang Palasyo na baka hindi mabigyan ang Pangulo dahil sa edad nito.
Lahat tayo ay umaasa sa bakuna na tuluyang tatapos sa pahirap na dulot ng COVID-19 pandemic, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Pero anuman ang bakunang ‘yan—sinuman ang lumikha, kailangan muna itong dumaan sa matinding pagsusuri bago ipamahagi sa buong mundo.