ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 29, 2020
Nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi raw niya kilala ang grupo na nasa likod ng mga pagkilos na magtaguyod ng revolutionary government.
Aniya, wala raw siyang pakialam d’yan. Pero ayon kay Interior Undersecretary Epimaco Densing III, kilala raw ng Pangulo si dating TESDA chief Gene Mamondiong, ang chairman ng grupo.
Nagtalumpati pa si P-Duterte sa pagtitipon ng MRRD-NECC noong 2018 kaya hindi puwedeng sabihing hindi niya kilala. Pero iginiit ng Palasyo, wala siyang kinalaman sa kasalukuyang kilos ng grupo at hindi niya susuportahan ang anumang revolutionary government. Sa mga salita, na dapat itigil na ng MRRD-NECC ang anumang kilos o usapan ng pagtaguyod ng revolutionary government.
Samantala, nagpahayag din si Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command chief Maj. Gen. Antonio Parlade na hindi siya naniniwala sa revolutionary government dahil matibay ang ating Konstitusyon.
Ito rin ang pahayag umano ng PNP, na hindi nila susuportahan ang revolutionary government sapagkat Konstitusyon ang kanilang susundan. Iniimbestigahan na ng CIDG ang grupong MRRD-NECC kung may kriminal na pananagutan tulad ng inciting to sedition.
Sa tingin natin, puwedeng inciting to sedition ang kanilang ginawa dahil nais buwagin ang kasalukuyang gobyerno at magtauyod ng iba. Hindi ba’t malinaw na ‘yan? Sigurado tayong kung miyembro ng oposisyon ang nagmungkahi ng revolutionary government ay mabilis pa sa alas-kuwatro ay nakakulong na sila.
Pero dahil mga taga-suporta ni Pangulong Duterte, dapat idaan sa tamang proseso hanggang sa maabsuwelto na. Iwan na lang natin ‘yan sa mga awtoridad. Ang mahalaga ay malinaw na labag sa Saligang-Batas ang revolutionary government.
Malinaw din ang pahayag ng DND, PNP at AFP na hindi nila susuportahan ang revolutionary government. Sana ay hindi magbago ang kanilang katayuan habang papalapit na ang 2022.