top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 21, 2021



Nakatutok ang buong mundo ngayon sa Norway dahil sa balitang may mga namatay na mamamayan matapos mabakunahan mula sa Pfizer-BioNTech.


Ang bakuna ng Pfizer-BioNTech ang may pinakamataas na efficacy rate sa mga bakunang nalikha ngayon. Sa pagsusulat natin sa artikulong ito, nasa 30 na ang namatay habang may ilang nakararanas ng mga side effects. Lahat ng mga namatay ay may edad 80 pataas at nakatira sa mga nursing homes kaya pinag-iingat na ang pagbigay ng bakuna sa matatanda at mahihina na ang katawan.


Wala pa namang ebidensiya na ang bakuna mismo ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito dahil marami ring matatanda ang namamatay sa mga nursing homes sa Norway bago pa ang pandemya at paglabas ng bakuna.


Samantala, pag-aaralan pang mabuti ng kumpanya at mga awtoridad kung may kinalaman ba ang bakuna sa kanilang pagkamatay. Kaugnay nito, mananatili pa rin ang Emergency Use Authorization (EUA) na ibinigay ng DOH sa bakuna Pfizer-BioNTech habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.


Mapapansing ang hindi naganap sa Norway ay ang agarang pagkondena at pagsisi sa bakuna ng Pfizer-BioNTech. Walang tumalon para sisihin agad ang kumpanya. Alam natin ang naganap sa bansa, hindi ba? Kailangan ding maintindihan ng lahat na wala pang isang taon nang ilabas ang mga bakunang nalikha ng mga kumpanya ngayon. Karaniwan ay taon o dekada ang inaabot bago makalikha ng bakuna. Pero dahil nagmadali ang lahat para maibalik na sa normal ang ikot ng mundo, wala pang isang taon ay meron na.


Ang naulat sa Norway ay hindi makatutulong sa pag-aalinlangan ng marami na magpabakuna ngayon. Maaaring hindi pa ito ang huling insidente ng epekto ng mga bakuna. May mga kumpanyang may sariling bakuna kaya malalaman pa kung may side effects din ang mga ito. Pero kung ang mga eksperto ang tatanungin, hindi sila nababahala sa nasabing balita. Lahat ng nasawi ay may edad 80 pataas at may iba’t ibang karamdaman. Gayunman, kailangan muna itong imbestigahan nang mabuti bago husgahan. Nakasalalay sa maayos na bakuna ang katapusan ng pandemyang ito.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 12, 2021



Dahil malapit na ang inagurasyon ng pangulo ng Amerika ngayong Jan. 20, minabuti ni U.S. Pres. Donald Trump, na batay sa katatapos na halalan ay natalo ni Joe Biden, na hiyakatin ang kanyang mga taga-suporta na magtungo sa Washington, D.C. at iprotesta ang paniniwala niyang dinaya sila noong eleksiyon.


Ang plano ay hiyakatin ang Kongreso ng Amerika na huwag ituloy ang opisyal na pagbibilang ng tinatawag na electoral votes para kumpirmahin kung sino ang nanalo sa eleksiyon.


Marami ang nagtungo sa Kapitolyo para ipakita ang suporta kay Trump, pero nauwi sa gulo at karahasan ang protesta.


Sinugod ang Kapitolyo, nagbasag ng mga bintana, nanira ng gamit, pinasok ang tanggapan ng ilang mambabatas at nagpalitrato pa. May balita pa na may mga kinuhang kagamitan. May litrato kung saan nakatutok na ang baril ng mga security sa mga taong nais pumasok sa mismong kinalalagyan ng mga mambabatas.


Maraming nasaktan na kapulisan at nang matapos na ang kaguluhan, apat ang kumpirmadong namatay sa panig ng mga nagprotesta, isa sa kanila ay nabaril. Hindi pa alam ang detalye kung bakit siya binaril. Parang people power ang naganap pero imbes na magpatalsik ng diktador, ang nais ng mga nanggulo ay manatili ang kasalukuyang pangulo.


Inuulan ngayon ng batikos si Trump dahil sa naganap sa Kapitolyo. Siya ang sinisisi kung bakit nauwi sa karahasan ang pinaplanong mapayapang kilos-protesta. Sinuspinde ang kanyang Twitter account dahil dito niya umano inudyok ang kanyang mga taga-suporta na manggulo. Kinondena ng maraming pinuno ng ibang bansa ang naganap. Ngayon, imbes na maayos ang kanyang pagbaba sa puwesto, kumikilos ang Kongreso ng Amerika na patalsikin siya sa pamamagitan ng impeachment ilang araw na lang bago manumpa si Joe Biden.


Hindi natin maisip na magaganap ito sa Amerika. Pero naging malinaw na kapag panatiko ang taga-suporta, kahit ano’ng sabihin ng kanilang “poon” ay susundin. Hindi natin akalaing sa karahasan mauuwi ang pangyayari. Nagiging malinaw din na hati na ang Amerika ngayon dahil sa pulitika, dahil na rin sa pag-uudyok at pagtanim ni Trump ng hindi suportadong impormasyon ng pandaraya noong eleksiyon. ‘Yan ang magiging pamana ni Trump sa kasaysayan ng Amerika.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 10, 2021



Kaliwa’t kanan ngayon ang balita kaugnay sa kaso ni Christine Angela Dacera, ang PAL flight attendant na natagpuang walang malay sa bathtub ng isang hotel sa Makati noong Bagong Taon.


May kasama umano siyang 11 lalaki sa hotel para ipagdiwang ang Bagong Taon. At nang hindi nila umano magising si Dacera, dinala ng mga ito ang biktima sa ospital at doon na dineklarang patay na.


Batay sa imbestigasyon ng pulis, may krimeng naganap kaya inalam kung sinu-sino ang mga kasama ni Dacera noong gabing ‘yun. Tatlo sa 11 ay agad nasa kostodiya ng pulis habang hinahanap pa ang walo. Agad nagpahayag na ginahasa diumano si Dacera at pinatay, batay ulit sa kanilang imbestigasyon. Nagsampa ng unang kasong rape with homicide laban sa 11 ang PNP at nagpahayag na nalutas na ang kaso — ang bilis. Pero teka, sandali.


Nagpahayag ang isa sa 11 suspek na hindi niya magagahasa si Dacera dahil siya ay bakla.


Aniya, ang ibang lalaking dumating sa party na ‘yun ay mukhang mga bakla rin. Nang makita nila si Dacera na walang malay sa banyo, nag-CPR umano nito ang dalaga pero nang hindi na kinayanan at itinakbo na sa ospital.


Hindi rin sumang-ayon si NCRPO Chief Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. na sarado o lutas na ang kaso. Dapat malinaw sa pulis kung sino ang gumahasa at kung ano talaga ang ikinamatay, mga detalyeng hindi pa inilalabas ng PNP. Kung nasobrahan sa alak o kung may sangkot na ilegal na droga. May lumabas pa sa social media na ang ikinamatay ni Dacera ay ruptured aortic aneurysm, kondisyon na delikado kung totoo talaga. At hindi pa nahuhuli ang ibang suspek kahit alam na ng PNP kung sino sila. Binantaan na ni PNP Chief Gen. Sinas na sumuko na ang walo kundi ay hahabulin na sila. Kaya paano raw masasabing sarado o lutas na ang kaso?


At tama ang mga pahayag ni BGen. Danao, Jr. ibinalik ni Makati City Prosecutor General Benedicto Malcontento sa pulis ang kaso para sa karagdagang imbestigasyon at ebidensiya, at pinalaya ang tatlong hawak na ng pulis. Lutas na raw ang kaso? Anyare? Lumalabas na kulang ang ebidensiya ng pulis para kasuhan na ang kanilang mga suspek. Ngayon, ang nais ng pamilya ni Dacera ay idaan sa ibang medico-ligal ang awtopsiya. Kaya siguro ayaw munang lumutang o sumuko ng walo dahil agad na silang inakusahan ng mabigat na krimen kahit hindi pa sila nakakausap. Baka ngayon lumutang na sila, at dapat lang para ibigay ang kanilang pahayag at panig. Malinaw na hindi pa lutas o sarado ang kasong ito. Nagmadali lang ang PNP. Bakit kaya?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page