ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | March 7, 2021
Unti-unti nang lumalabas ang mga detalye ng naganap na “misencounter” sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang linggo. May CCTV kung saang nakitang nagpapakilala na umano ang mga ahente ng PDEA nang magkaroon ng sandaling tigil-putukan pero patuloy pa rin silang pinagbabaril ng mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD).
Ngayon, nagsalita na rin ang ilang ahente ng PDEA na noong sumuko na sila sa mas maraming pulis na dumating, pinagbubugbog pa umano sila ng halos kalahating oras. Dinala pa sa ibang lugar at doon itinuloy ang pambubugbog.
Marami ang nagtamo ng mga sugat sa ulo na siguradong hindi maitatago. Lima ang naospital at may kinailangan pang operahan. Hindi raw makapagbigay ng maayos na salaysay sa mga imbestigador ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa trauma at takot.
Sana ay gumaling na sila para makapagbigay na ng kanilang salaysay sa pangyayari. Kung may mga nakasaksi nang matapos ang putukan, dapat magsalita na rin sila, kung hindi sila natatakot. Kailangan ng NBI ng lahat ng tulong para sa malaman ang mga pangyayari nang sa gayun ay hindi na rin maulit — sana.
Wala talagang kupas ang PNP. Tapos na ang putukan, mukhang nagpakilala na ang PDEA pero nakuha pang mambugbog ng halos kalahating oras? Mukhang agrabyado ang mga taga-PDEA. Ano naman kaya ang magiging paliwanag ng liderato ng PNP sa rebelasyong ito? Naiintindihan nating may namatay sa hanay ng PNP pero gayundin naman sa PDEA. Hindi ba dapat ang ginawa ay kinumpirma kung talagang mga taga-PDEA sila at hindi binugbog na lang?
Sana, may mga detalye pang madiskubre ang NBI. Hindi ito maliit na insidente. Maaaring mga haka-haka ang lumalabas na sa social media kung bakit nagkaroon ng barilan na sana nga ay tumigil muna at bigyan ng pagkakataon ang imbestigasyon maungkat ang katotohanan. Sana lang ay hindi pagtakpan ang pagkakamali ng sinumang grupo.