top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 01, 2021


May bagong paliwanag na naman ang Palasyo sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng armas o baril ang mga civilian group sa bansa para matulungan umano ang gobyerno sa pagsugpo sa krimen. Pero hindi pa raw ito opisyal na patakaran ayon kay Roque.


Noong una, sumang-ayon si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar pero sinundan agad ito ng paliwanag na hindi sa Philippine National Police (PNP) manggagaling ang mga armas. Puwede raw silang bumili ng kanilang sarili at dumaan sa tamang proseso sa pagbili at pag-aari ng baril.

Siyempre, sumang-ayon si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang PNP na nagpatupad ng madugong kampanya kontra ilegal na droga.


Hindi nakapagtatakang marami ang tumutol sa bagong pahayag ni P-Duterte. Tama si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kung walang tamang pagsasanay at pag-iisip, baka mag-backfire ito o magbigay ng karagdagang sakit ng ulo.


Marami pang mambabatas at grupo ang tumutol at binatikos ang mungkahi ng pangulo. Kung ang mga pulis na may tamang pagsasanay sa paghawak ng baril ay pumapatay o nagpapatayan, nagwawala kapag nakainom o kung ano pang dahilan, paano pa ang ordinaryong sibilyan?

Tama ang sinasabing “disaster waiting to happen” kapag ipinatupad ang kagustuhan ni P-Duterte. Kung sinu-sino na lang ang maglalakad-lakad sa mga lansangan na armado.


Hindi ba’t tutol ang PNP noon na payagan ang mga barangay captain na magdala ng armas matapos ang barilan sa Shaw Blvd.? Dapat maging mas mahigpit pa ang pulis sa pag-aari ng baril — hindi lahat ay may karapatan o kakayahang humawak ng baril.


Maraming insidente kung saan nalasing lang, nakipag-argumento, natalo sa bunong-braso ang mga dahilan kung bakit sila pumatay ng kapwa — may kapwa pulis pa nga. Lahat ‘yan ay hindi imposibleng madagdagan. Malamang ay ipagyabang, ipanakot at gamitin lang sa pansariling interes ang baril.


Pinaka-mabuting gawin ay pag-isipan muna ang panukala, walang may gusto na malagay sa peligro ang buhay ng kahit sino.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 21, 2021


Akala natin ay gagamitan na ng body cams ang mga operasyong kontra ilegal na droga, ayon sa utos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar? Gumamit ba ng mga body cams ang sampung pulis na sangkot sa search warrant kay Antonio Castillo Dalit sa Laguna noong Miyerkules? Kung hindi, ano ang dahilan nito — sira o walang baterya? Hindi ba sila nabigyan?


Ngayon, “nanlaban” na naman ang dahilan kung bakit umano napatay si Dalit at ang 16-anyos na si Johndy Maglinte. Pero ayon sa mga kamag-anak ng mga biktima, una umanong pinatay si Dalit at dahil nasaksihan ni Maglinte ay dinale na rin ito kahit nakaposas at nakadapa sa putik.


Naka-restrictive custody na ang mga sangkot na pulis habang may imbestigasyon nang iniutos si Gen. Eleazar. Hayaan na lang umano munang tumakbo ang imbestigasyon bago husgahan.


Pero hindi maiiwasang ikumpara ito sa kaso ni Kian delos Santos na nagmakaawa sa awtoridad pero pinatay pa rin para lang bumango ang pangalan ng mga pulis sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra ilegal na droga, na wala rin namang pagbabago, kaya ba walang body cams ay talagang may papatayin na?


Ito ang unang pagsubok ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni Gen. Eleaza, baka naman magreretiro na si Gen. Eleazar wala pa rin mangyayari sa kanilang kaso at maghihintay na lang mg PNP chief na malambot ang puso sa kapwa pulis, masama man o mabuti.


Sana nagbigay agad ng pahayag si Gen. Eleazar kung bakit walang body cams. Mukhang hindi pa tanggap ng mga pulis na magsusuot na sila ng camera. Napakalayo sa ibang bansa kung saan hindi puwedeng walang body cams ang pulis dahil gagamitin ang video sa mga kaso. Kaya kahit mga pagkakamali ng pulis ay nakukunan. Maraming video sa YouTube ng mga kuha ng body cams ng pulis sa Amerika kung saan may tamang ginawa, meron ding mali.


Hinihintay pa natin ang unang video mula sa body cams ng PNP. Itong operasyon sa Laguna sana ang naaangkop sa paggamit ng body cams, pero wala. Dapat imbestigahan ang operasyon, pati na rin kung bakit walang ginamit na body cams kahit may utos na si Gen. Eleazar.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 20, 2021


Napanood natin ang ilang video ng mga nagwawalang pasahero sa mga pampasaherong eroplano sa Amerika dahil ayaw nilang magsuot ng facemask habang nasa loob ng eroplano. Nagiging mas tensiyunado pa ngayon dahil may mga pasaherong ayaw nang sumunod dahil bakunado na umano sila.


Hindi natin malalaman kung totoo ang kanilang mga sinasabi dahil wala pa namang tinatawag na “vaccine passports” sa Amerika. May mga okasyon na dahil masyadong bayolente na ang tinutukoy na pasahero, kailangang ilihis ang lipad at ilapag sa pinakamalapit na paliparan para mahuli ang pasahero. May okasyong hinihingi ng piloto ang tulong ng ilang pasahero para pigilan ang ibang nanggugulo para maposasan o matali pansamantala.


Kailangan pa rin magsuot ng facemask kapag lumilipad kahit bakunado na o kahit marami na rin ang nababakunahan. Pero alam naman nating karamihan sa mga Amerikano — karapatan at kalayaan ang palaging dahilan kung bakit ayaw sumunod.


Samantala, sa ‘Pinas ay wala pa naman tayong nababalitaang nagwawalang pasahero sa eroplano dahil ayaw magsuot ng facemask. Hangga’t hindi nakakamit ang herd immunity sa buong mundo ay hindi tayo tunay na magiging ligtas. Ngayon pa lang, may bagong variant na muling lumalabas.


Sa Pilipinas, 4.63% ng populasyon ang nakatanggap na ng first dose ng bakuna noong June.

Gayundin, kahit nababalitaan natin ang milyun-milyong bakuna na ang dumating o parating, mukhang ang pagbigay-bakuna ang isyu na naman ngayon.


May LGUs na umaangal na hindi sila nakatatanggap ng bakuna. Ang nais ng gobyerno ay mabigyan na muna ang mga lugar sa labas ng NCR Plus kung saan dumarami ang positibong kaso. Ito ang bagong problema ng gobyerno ngayon.


At huwag nating kalimutan ang porsiyento ng populasyon na ayaw pa rin magpabakuna dahil sa sari-saring dahilan, karamihan ay dahil sa maling impormasyon. Malinaw ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte, magpabakuna o mamatay — wala na sigurong lilinaw pa riyan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page