top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 1, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Panahon na para ganap na isapubliko ang lahat ng diskusyon at alokasyon patungkol sa panukalang Pambansang Budget lalo na ng mga kinatawan ng Senado at Kamara de Representantes sa Bicameral Conference Committee kung saan “closed door” nilang laging pinagkakasunduan ang mga probisyon ng National Expenditure Program ng pamahalaan. 


Dapat huwag nang pumayag at obligahin na ng sambayanang Pilipino, lalo na ang mga matapat na nagbabayad ng buwis mula sa dugo at pawis, ang buong Kongreso — na ibuyangyang na ang pagpupulong nilang ito gaya ng nararapat. 


Hindi natin dapat pang payagan ang mga mambabatas na sila-sila na lamang ang magkarinigan at mag-usap-usap tungkol sa kung saan-saan dapat ipaglalagay ang pondo ng pamahalaan, kung wala nga silang itinatago o gustong sarilinin. 


Nananawagan tayo sa lahat ng nagmamalasakit na ordinaryong Pilipino na gamitin ang kapangyarihan ng ating kanya-kanya at sama-samang tinig sa social media upang pa-alingawngawin ang karapatan nating mabatid ang bawat pinaglalagakan ng pera ng gobyerno.


Huwag na tayong pumayag na gawing saling pusa ng mga kinatawan sa bicam na gustong isantabi ang boses ng taumbayan na lagi na lamang kinakaya-kaya sa loob ng matagal na panahon. Kaya naman nagawa nilang isarado sa publiko ang mga pag-uusap na ito nang wala tayong nagawa. 


Dapat ding malinaw sa iniimprentang Pambansang Budget ang bawat linya ng alokasyon, upang hindi makapagsingit ang mga taksil sa bayan ng mga pondong kanilang naitatago nang hindi kayang hanapin kahit ng sarili nilang baguhang legislative staff na hindi sanay bumungkal ng mga volume ng librong ito. 


Ayon sa pinakahuling OCTA Research survey, bumaba ang trust at approval ratings ng Senado nitong nagdaang second quarter na hindi man lang lumampas ng 50 porsyento pareho na dati namang lampas dito. 


Lalong bababa iyan kapag patuloy silang nagbingi-bingihan sa panawagan ng taumbayan na ibuyangyang ang kanilang ginagawang pagtalakay ng panukalang Pambansang Budget.


Hindi gaya ng dati na madali mabusalan ang bibig ng mga dapat maghayag ng katotohanan at kontrolin ang naratibo ng mga pangyayari para sila paboran, ngayon ay hindi na sila basta makapagtatago sa katotohanang ayaw nilang ilabas ang buong katotohanan sapagkat nakamatyag ang taumbayan na lahat ay maaaring magsalita at panigan ng kapwa ordinaryong mamamayan hanggang sa ito ay umalingawngaw sa buong sambayanang Pilipinas — na maaaring magpatumba sa mga inihalal na tampulan ng kanilang marapat na poot at ngitngit. 


Nananawagan tayo ngayon pa lamang kay Senate President Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez na pagkaisahang isapubliko ang paparating na bicam ilang buwan mula ngayon para mapagkasunduan ng dalawang kapulungan ang National Budget — kasama ang taumbayan. 


Hayaan ang sambayanang Pilipino na makibahagi sa napakahalagang proseso ng pagsasabatas ng General Appropriations Act!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 1, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


’Ika nga ng bandang Aegis, “Basang-basa sa ulan” muli ang taumbayan matapos ang matinding sunud-sunod na pagbagyo nitong ikaapat na linggo ng Hulyo. Ngunit imbes na dalamhati ng isang luhaang mangingibig na tema ng naturang awitin ay bahang-baha ng hinagpis ang libu-libong mamamayan bunga ng may limang araw na hagupit ng habagat at tatlong naghalinhinang unos.


Oo, ang baha ay matagal nang mapait na bahagi ng buhay Pinoy, lalo na para sa mga residente ng mabababang lugar sa Kalakhang Maynila o mga taga-probinsyang hindi makahulagpos rito. Napapailing tayo sa kalagayan ng mga apektado — na nawalan ng mga mahal sa buhay, ang iba’y naiwang ulila sa isang iglap. 


Hindi maikakaila na napakalaki nating problema ang pagbaha. Ngunit lalong hindi maitatatwa na ito ay isang suliranin na kayang masolusyunan. Patuloy itong naipapamalas ng mga siyudad ng Taguig at Marikina, kung saan halos wala o katiting lamang ang naging tubig-baha sa mga kalye. 


Bukod pa riyan ay ang pagkakaroon ng gobyerno ng pondo para sa mga proyektong pang-flood control, na ayon sa isang senador ay nasa bilyon ang halaga ngunit marahil ay halos tuluyang inanod dala ng katiwalian ng maraming makapangyarihan ng nakalipas na mga taon at dekada — sila na nakasandal sa karaniwang saloobin ng pobreng Pilipino tuwing baha: Bahala na.


Hahayaan na lang ba natin ito? Wala na bang pag-asa na magbago ang ating pamumuhay sa tuwing may nakababahalang anunsyo ang PAGASA? Hindi pa ba tayo nagsasawa sa balita ukol sa maiiwasan sanang mga sakuna o mga kuwento ng maaalpasan sanang mga trahedya?Kailan pa tayo magigising sa malaking kawalan na dulot ng ganitong mga delubyo — maging sa kanseladong mga klase o biyahe, sa paghinto ng pakikipagsapalaran ng mga hamak na manggagawa’t negosyante, at maging sa paglaho ng hininga ng mga inosenteng walang kutob na tatangayin pala ng baha ang kanilang buhay?


‘Di pa ba tayo nasusuklam nang todo sa pagwaldas ng ating kalikasan, gaya ng pangkakalbo ng ating mapuno sanang kagubatan at ang resulta nitong kawalan ng mga pangharang sa rumaragasang baha dahil sa pagguho ng ating mga kabundukan?

Hindi pa ba tayo naririndi sa malaking abalang dulot ng matinding pag-ulan, na makabubura ng pagiging normal ng ating araw, o nakapipinsala sa ating kabahayan at ari-arian?

Mananatili ba tayong matiisin at tatanggapin na lamang maging lagpas-dibdib o -tao na karagatan ang mga lansangan, o maging pansamantalang tirahan ang mga evacuation center?

Kulang pa ba ang ating pagkairita na habang may mga mamamayang sadlak sa dusang dulot ng baha ay patuloy sa pagpapakasasa ang mga maykaya na ipinagwawalang-bahala ang sakuna ng iba?

Palagi na lang bang may kasutilan at kakulangan sa kusa at disiplina ukol sa ’di maubos at walang pakundangang pagtatapon ng samu’t saring basura na nakababara sa mga imburnal at drainage system?

Ipauubaya na lang ba natin sa kapalaran ang pag-iwas sa maaaring maging sakit tuwing tag-ulan, gaya ng leptospirosis o dengue, pati ng tetano at lagnat o trangkaso?

Hinog na hinog na ang panahon para seryosohin ang pagharap at paglunas sa matagal nang sakit ng lipunang ito. Matauhan na tayo nang malawakan at masinsinan upang ang kinabukasan — kundi man natin ay ng susunod na mga henerasyon — ay bahain hindi ng tubig-ulan o luha kundi ng kaligtasan, kaligayahan at kalidad ng buhay.

Ang mga sangkot sa gobyerno, malipol nawa kayo. Bawat Pilipino, ipaglaban ang Pilipinas mula sa kasalaulaan ng mga nagpapabaya.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 25, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nitong Miyerkules, Hulyo 23, 2025, ginunita at ipinagdiwang ang ika-161 kaarawan ni Apolinario Mabini. Katulad ng ginagawa tuwing sumasapit ang petsang ito, nagkaroon ng palatuntunan sa kanyang mausoleo sa Barangay Talaga, Lungsod ng Tanauan na nakatayo sa lupa kung saan mismo nakatirik ang bahay ng kanyang pamilya. At tulad ng nakagawian, nagkaroon ng pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang puntod mula sa mga opisyales ng pamahalaang nasyonal at lokal, samahang sibika at relihiyoso, mga kasapi ng Kapatirang Masonerya at mga ordinaryong mamamayan at talumpati ng mga piling panauhin.


Ang mga inialay na bulaklak ay malalanta; ang alingawngaw ng talumpati ng mga panauhin ay maglalaho at tiyak na malilimutan. Ang higit na mahalaga sa pagdiriwang at paggunita ng kabayanihan ni Apolinario Mabini ay ang laging pagsasaisip ng kanyang iniwang pamana sa mga Pilipino na matatagpuan sa kanyang mga panulat.  


Mahina man ang katawan at lumpo na kinailangang isakay sa duyan at paghali-halinhinang pasanin mula Los Baños, Laguna patungo sa Kawit, Cavite para humarap kay Heneral Emilio Aguinaldo, si Mabini naman ay may “ulong ginto” ayon kay Felipe Agoncillo nang irekomenda niya kay Aguinaldo na gawing tagapayo niya si Mabini. 


Una pa lamang pagkikita at pag-uusap nina Mabini at Aguinaldo ay kaagad humanga ang huli hindi lamang sa katalinuhan ni Mabini kundi nabakas rin sa kanyang pananalita ang katapatan ng loob, maalab na pagmamahal sa Inang Bayan at hangaring makamtan nito ang matagal nang minimithing kalayaan. Noon din, kinuha ni Aguinaldong tagapayo niya si Mabini at nang itatag ang Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan, ginawa niyang Punong Ministro at Kalihim ng Ugnayang Panlabas si Mabini. Lahat ng mga dekreto, kautusan, proklamasyon at mensahe ni Aguinaldo ay si Mabini ang sumulat.


Ngunit bago pa naging tagapayo ni Aguinaldo si Mabini, sumulat na ito ng tatlong mahahalagang dokumento: ang “El Verdadero Decalogo”, Programa Constitucional de la Republica Pilipina, at “Ordenanzas de la Revolucion.” Ang una ay upang itanim sa isipan ng bawat Pilipino ang pagkamakabayan upang magkaroon sila na sariling katangiang moral.


Ang ikalawa ay upang maging gabay sa pagtatayo ng pamahalaang makatutugon sa pangangailangan at hangarin ng mga mamamayan at pagpapalakas ng kanilang karapatan.


Ang ikatlo ay mga tuntuning praktikal sa pagpapatuloy ng rebolusyon.

Ang pag-uukulan natin ng pansin sa kolum na ito ay ang “El Verdadero Decalogo” o “Ang Tunay na Dekalogo” na binubuo ng 10 kautusan na ang bawat isa ay binigyan ni Mabini ng dahilan at batayan upang higit na pahalagahan at maunawaan ng mga makakabasa nito. Dahilan sa limitasyon ng espasyo ay hindi natin mailalathala at matatalakay ang buong 10 Dekalogo. 


Bagama’t lahat ng 10 kautusan ay mahalaga at may kani-kanyang aral, tatlo, para sa akin ang nangingibabaw sa lahat – pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa Inang Bayan, at pag-ibig sa kababayan.


Ibigin mo ang Diyos at ang iyong puri una at higit sa lahat sapagkat ang Diyos ang bukal ng lahat ng katotohanan at buong lakas. Ibigin siya sa paraang minamatuwid at minamarapat ng iyong bait at kalooban na kung tawagin ay konsensya sapagkat sa iyong konsensya na siyang sumisisi sa gawa mong masasama at pumupuri sa magaling ay doon nangungusap ang Diyos.


Ibigin mo ang iyong sariling bayan pangalawa sa Diyos at sa iyong puri, sapagkat ito ang tanging paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos sa buhay na ito, ang tanging pamana ng iyong lahi at tanging mamamana mo sa iyong mga ninuno at ipamamana naman sa susunod mong lahi. Dahilan sa kanya, ikaw ay may buhay, pag-ibig, pag-aari, kaginhawahan, karangalan at Diyos.


Maipapakita mo ang pagmamahal sa iyong bayan sa pamamagitan ng pagsisikap ng kanyang kaligayahan, bago ang iyong sarili, gawin siyang kaharian ng katuwiran, katarungan at kasipagan, sapagkat kung maginhawa siya, ganoon din ikaw at ang iyong pamilya.


Maipapakita mo rin ang pagmamahal sa iyong bayan sa pagpipilit na makamit niya ang kalayaan sapagkat ikaw lamang ang may tunay na pagmamalasakit sa kanyang kadakilaan, ikatatanghal at pagsulong. Ang kanyang kasarinlan ay iyo ring kasarinlan, kabantugan at kabuhayang walang hanggan.


Ibigin mo ang iyong sariling kababayan sapagkat iisa ang inyong kapalaran, kasayahan at kadalumhatian. Ituring mo siyang parang kapatid, kaibigan at kasamahan na kaisa mo sa magkatulad na hangarin.


Sinulat ni Mabini ang kanyang “Ang Tunay na Dekalogo” noong 1898 — 127 taon na ang nakalilipas. Ang mga panuntunan at aral na napapaloob dito ay patuloy nawang maging gabay natin tungo sa pagkakamit ng tunay na kalayaan at sa pag-unlad ng Pilipinas – ang kaisa-isang paraisong ibinigay sa ating mga Pilipino ng makapangyarihan at mapagpalang Diyos, ayon nga kay Mabini.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page