- BULGAR
- Apr 2
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 2, 2025

Panahon ngayon ng pangangampanya. Kabi-kabilang mga pangako ng mga pulitiko ang umaalingawngaw. Samu’t saring mensahe ng plataporma, na paulit-ulit na lamang sa paglipas ng panahon. Samahan pa ng mga tagline na gasgas na at wala namang malinaw na tinutumbok. Pangkalahatan, pawang mga boladas.
Sapagkat kung natupad ang mga pangakong iyan na ibinubulalas dekada kada dekada, aba’y matagal na sanang nagbago ang buhay ng mga Pilipino. Kaso, napakahirap pa rin ang mabuhay sa Pilipinas. Bagay na hindi nararamdaman ng karamihan sa mga kumakandidato sapagkat malaki ang tinatamasa nilang benepisyo.
Sa pangkalusugang aspeto na lamang, labis na pahirapan ang pagpapagamot para sa ordinaryong taumbayan.
Nabalitaan nga natin kamakailan ang tungkol sa nag-uumapaw nang mga pasyente sa emergency room ng Philippine General Hospital (PGH), na kinailangan nang mag-anunsiyong pansamantala itong hindi makatatanggap ng mga pasyente sa emergency maliban sa mga nasa buwis-buhay na sitwasyon.
Puntahan ng mahihirap at walang-wala ang nasabing ospital. Kahit naghihintay ng ilang araw bago maoperahan ang mga pasyenteng nangangailangan ng kagyat na lunas ay nag-aantabay sila sapagkat wala naman silang pambayad sa mga pribadong pagamutan.
Kung magtutulung-tulong lamang sana ang buong sistema ng pamahalaan kasama na ang lehislatibong sangay na pinagkukunan din ng pondo ng mga pasyente, ay maiibsan sana ang karima-rimarim na kalagayan ng sistemang pangkalusugan sa ating bansa.
Hindi lamang mahihirap, kundi pati ang mga nakaaangat na kaunti sa gitna o middle class na nagnanais makatiyak na may sasalo sa kanila sa panahon ng pagkakasakit ay nauunsiyami sa pagtanto na ang inaasahan nilang mga Health Maintenance Organization o HMO ay katiting lamang pala ang maitutulong sa oras ng pangangailangan.
Dapat na pamahalaan nang maayos ang pagpapatakbo ng mga HMO na ito sapagkat napakaraming exception kaysa benepisyo ng mga kontrata nila lalo na para roon sa personal o isahan lamang na kumukuha ng kanilang serbisyo. Palibhasa, kaunti ang kita sa isahan kumpara sa grupo o organisasyong mga kliyente ay tila sinisigurado nilang hindi sila malulugi at bago makabenepisyo ang kliyente ay malaki na rin ang naibayad sa kanila.
Kaya naman napupuno ng labis ang mga pampublikong ospital sapagkat hindi na naeengganyong kumuha ng HMO ang pamilyang nadismaya na sa mga ito, sa pagkuha pa lamang ng tinatawag na letter of authority o LOA ay nakakainip na.
Para naman sa napipilitang magpagamot sa pribadong ospital kahit salat sa pantustos ay pumipila sila sa social services ng pagamutan upang doon ay humingi ng diskuwento o tulong na mula sa programa ng lokal na pamahalaan.
Dahil hindi naman kaya ng mga ospital ng gobyerno ang dagsa ng ating mga kababayang naghahanap ng medikal na lunas lalo na sa emergency at hindi naman nila mahihintay ang itatayo pa lamang na mga specialty hospital sa bawat rehiyon, kailangang may pagkunan ng sapat na tulong ang mga kasalukuyang napipilitang magpunta sa anumang ospital.
Gayundin, panawagan ng ating mga tagatangkilik na sana naman ay mas mura ang singil ng mga doktor at espesyalistang naglilingkod sa mga pampublikong ospital lalo na sa specialty hospital ng pamahalaan.
Pagkakalugmok hindi lamang ng katawan kundi ng pinansiyal na kalagayan ng maysakit ang kanyang sinasapit. Ang kawalan ng maaasahang pagmamalasakit ng pamahalaan ay magbubulid sa kanilang lalong malugmok at hindi makaahon sa kumunoy ng buhay.
Sa administrasyong Marcos Jr., ang isyung ito ang inyong pagbutihing asintaduhin at madaragdagan ang boto ng inyong mga ‘manok’ sa halalan, sa halip na mahirapan pang gumawa sila ng kanya-kanyang gimik na kapariwaraan pala ang patutunguhan.
Tulad ng magnanakaw, dumarating ang sakit na walang sabi-sabi. Kung walang magbabantay sa sistemang medikal upang makatugon ito sa panahon ng panawagan, hindi lamang hibla ng buhay ang mauupos kundi maging ang pag-ahon ng bayan na nangungunyapit sa tatag at lakas ng sambayanan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.