top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | April 24, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Bagama’t iniulat kamakailan na naibsan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, nananatiling mabigat ang pasanin at malamlam ang bukas para sa milyon nating kababayang patuloy na pinagkakaitan ng pagkakataong makatagpo ng hanapbuhay sa kabila ng kanilang walang humpay na paghahanap. 


Sa usaping ito ay akmang-akma ang kasabihang, “ang isa ay marami na.” Ang isang Pilipinong walang mahanap na trabaho ay matinding hamon na nananawagan ng pagmamalasakit ng lipunan, ng pagdamay ng mga kinauukulang sana ay makaramdam ng kanilang pinagdaraanan. 


Dahil kahalubilo natin ang masa, isa na tayo sa napaparatingan ng mga nakadudurog-pusong mga pagdulog ng ilang mga nawalan ng trabaho at dumating na sa puntong said na ang kanilang kaunting naipon, samantalang pawang walang puwang sa kasalukuyan ang sagot sa kanila ng kanilang mga inaaplayan o nilalapitan. 


Ganito rin ang nilalaman ng mga social media conversation sa pagitan ng mga naghahanap ng trabaho gaya ng sa Reddit at iba pang ating panaka-nakang nasusubaybayan, mga karanasang pamilyar na naikuwento na rin sa atin ng hindi kakaunting mga kakilala at kaibigan. 


May isang nakatanggap ng dalawang email sa parehong araw na parehong nagsasaad na tinatanggihan siya sa kanyang isinumiteng job application na noong kanyang mabasa ay nawalan na rin siya ng ganang kumain. Apat na buwan na rin siyang panay sumite ng aplikasyon at wala pa ring nakukuhang kahit anino ng pag-asa. Aniya, nakaka-frustrate at nakakawala ng kumpiyansa ang natatanggap niyang rejection. 


Mayroon namang halos kuwarenta na ang pinadalhan ng liham kalakip ang curriculum vitae o CV ngunit nananatiling walang sa kanya ay tumatanggap. Ang masaklap, karamihan sa kanyang inaaplayan ay ni hindi man lamang sumagot na hindi niya mawari kung may aasahan pa ba siya o wala na. 


May isa namang napili na at nakatanggap na ng offer o alok na sahod ng kumpanya at hiling nilang kung maaari ay magsimula na siya agad sa halip na pagkatapos pa ng 30 araw. Matapos niyang magtangkang mag-negotiate ukol sa inalok na sahod ay hindi na lamang siya binalikan ng prospective employer na naghuhumangos pa namang nakipag-usap sa kanya noong una. 


Samantalang ang isa ay may dalawang taon ding nag-job hunting bago natanggap sa trabaho, at sa loob ng panahong iyon ay napapaluha na lamang sa mga natatanggap na rejection emails. 


Lalo nang nakakabagbag-damdamin ang sinabi ng isa na sana nga ay makahanap na siya ng trabaho dahil hanggang ngayon ay hindi pa niya sinasabi sa mga anak niya na nawalan siya ng trabaho sapagkat ayaw niya silang mamroblema habag sa pagtakbo ng bawat araw ay hindi niya na mapigilang mag-alala. 


Gaya ng kanilang nagkakaisang sinasabi, sobrang ‘draining’ ang paghahanap ng trabaho sa kasalukuyan, lalo na kung may pamilya kang kailangang buhayin at mga anak na kailangang itawid sa pag-aaral. 


Napakaraming kailangang ayusin sa sistema ng bansa upang dumami ang oportunidad para sa ordinaryong Pilipino at mahikayat ang mga namumuhang tumaya at manatili.


Ngunit ngayon ay marami pa ring maaaring magawa ang gobyerno para sa ating mga kababayang nangangailangan ng trabaho. Dagdagan pa ang mga job fair at job placement assistance. Buksan ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno nang patas para sa publiko. Bawat isang matutulungan ay isang maisasalbang pamilyang Pilipino,

na makakatulong din sa iba para sa ikaaangat ng ating ekonomiya. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | April 19, 2024



ree

TATLONG araw na lang bago mag-ika-54 Earth Day, ang araw ng pandaigdigang pagpapahalaga sa ating planeta. 


May natatanging linya sa Bibliya na angkop sa usaping ito, ang nakasaad sa Job 12:8 na, “Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.”


Magandang maiugnay ang mga salitang iyan sa kahalagahan ng ating natural na daigdig, na ang “pagkausap” sa buhay na mga nilikha, gaya ng mga hayop, halaman, langit at kalupaan, ay ang pagtrato sa mga ito bilang mistulang mga tao rin gaya natin.


Kung ganito ang ating magiging pananaw sa alinmang nabubuhay na bagay, marahil ay palagi nating tatratuhin ang mga iyon nang tama, at ito ay makapagdudulot ng inaasam na katiwasayan ng mundo at pagwaksi sa mabibigat na suliraning pangkalikasan gaya ng climate change.Isipin natin: Hindi natin magagawang tila basurahan ang ating mga magulang, kung kaya’t hindi natin itatapon sa kanilang kinalalagyan ang anumang hindi nabubulok na supot, upos ng sigarilyo at iba pang uri ng kalat na may sangkap na plastik.


Hindi natin lalasunin ang ating mga kapatid, gaya ng pagsusunog ng dahon at anumang basura, na nakapipinsala sa ating nalalanghap na hangin.


Hindi natin sasayangin ang pagkakataong mahalin at arugain ang ating kabiyak o katuwang sa buhay, hindi gaya ng pag-aaksaya ng sobra o hindi naubos na pagkain na maaari namang gawing pampataba ng lupa sa hardin o bukirin.


Hindi natin aaksayahin ang mga panahong maaaring magpamalas ng pagkalinga sa ating mga anak, hindi gaya ng pagsasayang ng gasolina (na unti-unti ring nakadaragdag sa init ng mundo) kung makakaya namang magbisikleta o maglakad patungo sa malalapit na paroroonan. Hindi natin mamaliitin ang halaga nina lolo at lola, kung kaya’t mainam kung atin ding pahahalagahan ang mga kumpanyang nagpapamalas ng pananagutang pangkalikasan, maging manlilikha ng mga produktong eco-conscious gaya ng EcoNest sa Baliuag o mga nag-a-upcycle ng gamit na plastik gaya ng Green Trident sa Valenzuela o The Plaf sa Muntinlupa.


At hindi natin aaksyahin ang anumang pagkakaugnay sa ating mga kaibigan gaya ng pag-aaksaya ng kuryente dala ng nakasinding bombilya sa gitna ng liwanag ng araw o maging ang hindi pagbura ng mga email na hindi na kailangan. 


Ang kagandahan ng usaping ito ay lumalawak na rin kahit papaano ang kamalayan ng madla ukol sa pagmamalasakit sa ating mundo. 


Nariyan ang mga programang pambarangay, gaya ng pagkolekta ng gamit nang mga bote na plastik na maaaring ipagpalit kada kilo para sa sariwang isda, o maging ang paggamit ng mga natatanging search engine gaya ng Ecosia at Ocean Hero, na naglalayong magtanim ng puno o magtanggal ng plastik na basura mula sa karagatan. Ilan lamang ito sa maaaring pagwawasto ng mga kaugaliang nakasasakal sa ating planeta na, gaya ng kasabihan, ay hindi natin minana sa ating mga ninuno kundi ating hiram sa ating mga anak at kanilang magiging mga anak.


Kaya para sa kapakanan nating lahat, pakamahalin natin ang ating mundo kung saan umiinog ang ating makulay na buhay, matimyas na pag-asa at wagas na pangarap para sa hinaharap.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 17, 2024



Babala sa ating mga kababayan: Huwag kayong mabiktima o mahulog sa bitag ng mga tinatawag na “deep fake” o mga minanipulang mukha at tinig ng mga pinagkakatiwalaang personalidad na nag-aalok diumano ng kung anu-ano kahit hindi naman totoo, gamit ang teknolohiya ng artificial intelligence o AI. 


Kamakailan, namalas natin ang kagarapalan ng pagmamanipula sa video nina Cheryl Cosim at Amy Perez para palabasin na diumano ay iniindorso nila ang mga lunas sa mga karamdaman. Itinanggi na ng news anchor ng TV5 na si Cosim ang diumano’y pahayag niya ukol sa gamot para sa atay, apdo at lapay. Gayundin si Perez, na nagulat sa diumano’y pag-eendorso niya sa gamot para sa sintomas ng menopause.


Maging ang mamamahayag na si Ruth Cabal na ngayon ay nasa TV5 na, at ang financial at business coach na si Chinkee Tan ay kabilang din sa mga nagawan ng deep fake ng mga naglipanang kawatan. 


Kaya’t kapag may napanood kayong mga video ng mga personalidad na nag-aalok ng mga produkto, lalo na ang mga ibinebenta ng sobrang mura at kamangha-manghang malapit na sa imposible, maghunos-dili at huwag padala sa kasabikan na malamang sa hindi ay mauwi sa pagkabudol. 


Mapapansin sa mga deep fake video na ito na hindi naman sabay sa pagbukas ng bibig ang mga salitang diumano’y binibigkas ng personalidad; na may kapansin-pansing mga katangian ng video na hindi normal; na ang pagkaka-edit ay dispalinghado. 


Kapag mayroon kayong promosyong napanood, mag-imbestiga muna nang husto bago bumili o sumakay sa gimik. Nasa huli ang pagsisisi, ngunit puwede namang nasa una ang masinsing pagbusisi. 


Ang ugaling Pinoy nga naman kadalasan, basta kakilala o pinagtitiwalaan ang sa kanila ay kumakausap o umiimpluwensya, napakadaling mabola at mapaniwala. Lalo na kapag matagal na nilang kilala. Pero kwidaw, dahil sa gitna ng AI, makokopya nang gayang-gaya ang boses ng ating mga kakilalang pinagkakatiwalaan para tayo ay asintaduhing paglalangan ng mga halang ang kalooban. 


Marami namang puwedeng ikaso sa mga manlolokong ito sa ilalim ng ating mga kasalukuyang batas. Kasuhan ang dapat kasuhan! Huwag nang hayaang ang mga naglabas ng mga deep fake na iyan ay makaimbento pang muli nang bagong deep fake, habang malalim sa pagkakatulog ang mga dapat gising sa paghahabol sa kanila! 


Hindi na kailangang hintayin pa ang pagpasa ng bagong batas laban sa mga abuso ng AI, sapagkat sa sinsin ng proseso nito sa Kongreso sa gitna rin ng kakulangan sa mga bihasa rito ay tiyak na panis na ang lehislasyon kapag ito ay naipasa, sa gitna ng mga bagong umuusbong na teknolohiya. 


Pagbutihin ng mga ahensya ng pamahalaan, ng Philippine National Police, ng National Bureau of Investigation, ng Department of Information and Communications Technology at iba pang may kinalaman, ang pagtutulungan sa pagsupil, pagtunton at paghuli sa mga sindikato at grupong nasa likod ng mapangwasak na paggamit ng teknolohiya. 


Huwag ninyong hayaang patuloy na pagpiyestahan ng mga walang budhing kawatan ang kainosentehan ng taumbayan!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page