top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 12, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hayaan ninyong kuwentuhan ko muna kayo ng aking isang linggong bakasyon sa bansang South Korea kamakailan. 


Nakamamangha ang kaunlarang tinatamasa ng bansang ito at ng mga naninirahan dito. Mula sa Incheon International Airport, hanggang sa aking pagsakay sa airport limousine bus patungo sa aking accommodation sa Myeongdong ay nakagigilalas na ang mga tanawin. 


Isang kilalang tourist at shopping district sa Seoul ang Myeongdong. Pagbaba ko ng limousine bus ay naglakad na lamang ako patungo sa aking hotel. Self check-in ang aking ginawa, hindi tulad ng mga hotel sa atin dito sa Pilipinas, na hihingan ka pa ng identification card at papipirmahin ng ilang beses.


Doon, tiwala ang kusang ibinibigay sa mga turistang tulad ko, na binigyan na kaagad sa pamamagitan ng email ng passcode para sa aking hotel room. Kung anuman ang aking kailangan sa hotel ay malaya ko ring nakukuha mula sa mga itinalagang pagkukunan, na CCTV camera lamang ang saksi. Sa hotel check-out naman ay kailangan lamang iwan ang pinto ng hotel room bilang signal na lumisan na ako at hindi na babalik sa hotel.


Wala nang inspeksiyon na ginawa sa aking kwarto. Walang kahirap-hirap ang proseso, sagisag ng buong pagtitiwala sa mga mamamayan.


Kuwento pa sa akin ng isang grupo ng mga Kapampangan na nagtatrabaho bilang kawani ng ilang embahada roon sa Seoul, na hindi raw nawawala ang mga pitaka o cellphone ng mga nalalasing at nakakatulog sa kalsada malapit sa mga bar, kung saan rin malapit ang kanilang pinapasukan—salamin ng kaayusan ng seguridad ng lugar. 


Hindi halos ako gumamit ng cash o Korean won sa aking pamamasyal sa Seoul, sapagkat kahit mga streetfood sa Myeongdong ay tumatanggap ng credit card. Lalo na ang mga taxi. Ilang beses lamang ako gumamit ng cash sa pagkain-kain. Samantalang isang beses lamang akong nagbayad ng cash sa transportasyon, at iyun ay noong sumakay ako ng limousine bus papunta sa Incheon Airport mula sa aking hotel sapagkat may hawak pa akong Korean won na gusto ko na ring gastusin. Pagbigay ko ng perang papel sa driver ng bus ay kusang lumabas sa aking tabihan ang sukli para aking kunin. 


Napakasarap ng mga pagkain, lalo na ang Galbitang, na kahalintulad ng bulalo rito sa atin. Ang baka ay hindi masebo, at napakalambot ng pagkakaluto. Siyempre ay kumain rin ako ng bibimbap at ramen ng maraming beses. Samantala, ang paborito ko namang mga dessert ay ang kanilang soft ice cream at ang milk cream cake, na lasang lasang sariwang gatas at kay linamnam. Kakaiba rin ang sarap ng kanilang kape, pati na ang ginger lemon tea na gawa nila doon. Ibang iba ang lasa, na talagan namang hahanap-hanapin. 

Sa pakikipag-usap natin sa ating mga nakakasalamuhang kababayan na doon na naninirahan ay naikuwento nila ang kanilang buhay pati na ang mga Pilipinong nakikipagsapalaran roon. Kwento nila, maraming Pilipino ang nagtutungo sa Jeju Island, kung saan hindi kailangan ng visa, 'di tulad sa Seoul. Ang pangkaraniwang buwanang kita raw doon ay nasa P80,000. At kung masipag-sipag ka ay maaari pa itong pumalo ng P120,000 to P130,000. Libre rin ang pananghalian ng mga trabahador at empleyado. Mapapa-sana all ka talaga. 


Samantala, kung may anak ka naman ay libre rin ang pananghalian sa eskuwela, at kung ipinasok mo pa sa center para ipa-tutor ay libre rin ang dinner o gabihan. Sumatotal, kung ikaw ay magulang doon ay hindi mo na kailangang gumising ng maaga para ipagluto ng baong pananghalian ang iyong anak. Puwede naman pa lang ganoon. Bakit nga ba hindi ganito rito sa atin, para lalong pumasok sa kukote ng mga estudyante ang kanilang leksiyon sa araw-araw. 


Sa Seoul ay hindi ko kailangang mag-alala na may mandurukot sa akin, o may hahablot ng aking gamit. Napakaligtas ng lugar, na habang ninanamnam ko ang kariktan at kaayusan ng Seoul ay napapatanong na lamang ako: Kailan kaya magiging ganito sa Pilipinas?


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 5, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Nananawagan tayong muli sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang pamilya ng pumanaw nating kababayang si Nenita Platon Gonzales ng Tanauan, Batangas na makuha na ang kanyang death certificate sa lalong madaling panahon.


Aba’y pumanaw si Nenita noon pang Pebrero 24, 2025 sa Jinjiang District, Chengdu, Sichuan, China at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ng kanyang naulilang pamilya ang katibayan ng kanyang kamatayan. 


Mahalaga ang dokumentong ito para sa pagkuha ng mga benepisyo mula sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Social Security System at iba pa. 


DFA, nalalapit na ang kaarawan ni Nenita sa Enero 4, kaya't nawa naman ay maging handog n'yo na ang dokumentong ito sa kanyang pamilya na hanggang ngayon ay iniinda pa rin ang kanyang pagkawala. 


Panawagan ng kanyang anak na si Renz Lynard Platon Gonzales sa DFA at sa Embahada natin sa Beijing, China, na tulungan siyang makuha na ang death certificate ng kanilang inang si Nenita o mas kilala bilang "Nita". 


Umaasa rin ang mga kapatid ni Nenita na sina Onnie Platon Siman, Lina Platon, Liza Platon Amutan, Peter at Perry Platon, ng karampatang aksyon ng pamahalaan. 

Makipag-ugnayan na nawa sa kanila ang pamahalaan sapagkat sa pinakahuli nilang follow-up ay nakalulungkot na wala pa rin ang nasabing dokumento. 


Magugunitang may katagalan ring hinintay ng pamilya ni Nenita ang pag-uwi sa Pilipinas ng mga labi ng Batangueña. Bawat araw ng paghihintay simula pa noong siya ay pumanaw, hanggang sa paghihintay para sa death certificate ni Nenita ay nagpapanumbalik sa sakit ng mawalan ng isang ina. 


Si Nenita matagal na dapat nagretiro, ngunit nagawa pa rin niyang patuloy na magtrabaho para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya at mga anak — hanggang sa siya ay pumanaw habang nasa maikli sanang bakasyon sa China kasama ang kanyang mga kaopisina. 


Matatandaang isinugod si Nenita sa Chengdu City No. 2 People's Hospital noong Pebrero ng kanyang mga kasama sa trabaho, matapos makaramdam ng pamamanhid ng katawan. Hanggang sa siya ay maoperahan, na naging matagumpay, ngunit makaraan ang isang araw ay binawian na rin ng buhay ang ating kababayan. 


Ang inaasam sanang kaunting pahinga niya sa ibang bansa mula sa walang humpay na paghahanapbuhay sa Pilipinas ay nauwi sa tuluyang pagkapagod at panghihina habang nasa ibang bayan. 


Ang nangyaring ito kay Nenita at ang paghihintay ng kanyang pamilya mula sa mga labi hanggang sa dokumento ay salamin o repleksiyon ng sistema ng ating gobyerno sa larangan ng pagdamay, pagmamalasakit at pagtulong sa ating mga kababayan na nahaharap sa masalimuot na mga sitwasyon sa ibang bansa.


Kung tutuusin, ang lapit lamang ng China sa Pilipinas. Ngunit tila kay layo rin sa tagal ng kanilang paghihintay. 


Ang burukrasiya ay hindi na dapat pang patuloy na magpahirap sa ating mga kababayan at kanilang pamilya. 


Ang gobyerno ay nilikha para magsilbi, hindi para maging karagdagang sanhi ng sakit ng kalooban ng mamamayan. 


Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, lingapin ninyo ang hiling at daing ng pamilya Platon. Isa rin kayong ina tulad ni Nenita na malalim ang pagmamahal at pagsasakripisyo para sa inyong mga anak. Umaasa sila ng inyong pagdamay. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 28, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Atin muling bigyang-daan ang kahilingan ng isang masugid na tagasubaybay ng pahayagang ito na mailathala ang kanyang liham ng pagbati at pasasalamat para sa kanyang mabuting kaibigan. 



Para sa aking matalik na kaibigang Sarah,


Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Matagal-tagal na rin tayong hindi nagkikita. Malayo sa naging kalakaran natin noong nakaraang taon, na tila ba napakalayo na kahit ilang buwan lamang ang pagitan sa gitna noon at ngayon.


Ganunpaman, maligayang bati sa iyong kaarawan. 


Wala akong maiaalay sa iyo na hindi mo kayang mabili nang sampu-sampo o daan-daan pa kundi ito: ang maipabatid sa iyo’t ika’y mapasalamatan sa kung paano mo pinalakas, pinatibay at pinaganda ang aking kalagayan. Sa maraming paraan o dulot ng iyong impluwensya, napatibay mo ang aking pag-iisip, pangangatawan at maging emosyon.


Lumalabas na lalo pa akong nakatitindig sa sarili kong mga paa.


Gaya ng banyuhay ng isang higad o gusanilyo, ito ay isang masalimuot na luil o karanasan, sa kabila ng mga maaaring mapaghingahan ng saloobin at sama ng loob, tanging ako lamang kadalasan ang kumakarga’t umiinda. Kasi nga naman, ang kagaykay o tatad ay walang kasama sa kanyang kukun o krisalida kundi ang sarili.


Ngunit pasalamat pa rin at nakahantong ang puntong ito, lalo pa’t marami sa ating mga kababata ay wala na sa mundong ibabaw.


Nakamamanghang maunawaan na mas lalo akong tumatatag, mas nahahasa na ‘wag personalin ang mga ibinabatong pangungutya o nakapanliliit na mga paratang, at ‘di basta matangay ng hangin ng mga suliranin o pamparupok na alon ng mga pagsubok.

Nakapagpalinaw ka ng isip at nakapupukaw ng damdamin na maunawaang tila napalayo na ako sa aking mga katsokaran na tuluy-tuloy pa rin sa mga pananaw, bisyo o indulhensiyang may panandaliang kaligayahan ngunit panganib ang dulot sa pangmatagalan. Mahalaga rin naman ang pagpapalakas ng sarili, pag-aalaga sa katauhan at katawan habang namamahagi ng serbisyo’t malasakit.


Nakapagpalawig ka rin ng paningin, kung kaya’t napagtanto ko nang imbes na iwaksi ay yakapin ang problema, at sa halip na kamuhian ay kaibiganin ang pasanin, na linangin ang pagkamatatag, hinangin ang kakayanang sumabay sa daloy ng mga kumplikadong pagbabago.


Dahil sa iyo ay namulat ako sa paghahanap ng maaaring pagmulan ng kagalakan sa gitna ng kalungkutan, ng saya sa kabila ng lumbay, ng liwanag sa gitna ng kadiliman, ng dahilang ngumiti upang paimbabawan ang pighati.


Malaking pasasalamat sa iyong tiwala at sa ginintuang pagkakataon na maibahagi mo sa akin ang iyong kaalaman, pag-iisip at mga palagay.


Marahil iyon ang pinakamatimbang na halaga’t saysay ng nagpapatuloy na karanasang ito: ang maunawaan na lahat ng bagay, masaya man o malungkot, ay may kapupulutang aral o pakinabang na ‘di maglalaon ay magpapatingkad ng aking pagkatao.


Ngunit gaano man maging matayog pa ang aking payak na kalagayan, mananatiling mapagpakumbaba’t madasalin habang isinasaisip na, sa isang iglap, ay maaaring bawiin ng uniberso ang lahat mula sa akin.Para akong produkto ng malikhaing kostumbre ng mga Hapon na binansagan nilang ‘kintsugi’, kung saa’y ang isang nabasag na bagay ay hihinagin at bubuuing muli sa pamamagitan ng espesyal na laquer na may halong pulburang ginto o pilak:


Sa kabila ng pagkabitak-bitak ay iyong natulungang mabuo’t mapatibay. Kung kaya’t taos-pusong pasasalamat na ikaw ay naririyan. ‘Di ko sukat maisip kung ang mga mabuting pagbabago na aking natamo’t nararamdaman ay aking makakamit kung hindi ka naging bahagi muli ng aking buhay. Salamat muli, aking tunay na kaibigan. 

Sumasaiyo,

Les


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page