top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 21, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Maraming bulilyaso na napagdaanan ng marami nating kababayan dahil sa pagmamadali — sa trabaho, sa hanapbuhay, sa pagkamit ng pangarap at maging sa pag-aasawa.


Kaya naman magandang talakayin ang tungkol sa espesyal na araw ng mga pagong at pawikan sa darating na Biyernes, Mayo 23, ang World Turtle Day.  


Itinatag ito ng organisasyong American Tortoise Rescue para sa dalawang layunin. Isa, ang pangangalaga ng mga reptil na iyon na palaging karga ang kanilang pinamamahayang kalahan o shell. Ikalawa, ang pagprotekta ng kanilang likas na mga panahanan na lubhang nababawasan dala ng mapagsamantalang pagsira ng kanilang mga kanlungan, kabilang na ang polusyon.


Ang naglipanang plastik na basura sa karagatan at mga dalampasigan ay nakapipinsala rin, dahil nakakain ito ng mga naturang hayop at nakababara ng kanilang bituka. May gamit na straw pa ngang malalim na nakatusok sa butas ng ilong ng isang pobreng sea turtle noong 2015 na sa kabutihang palad ay nailigtas.  


Hindi maikakaila ang halaga sa sangkatauhan ng mga pawikan (na hindi lumulusong sa tubig) at pagong (na kayang lumangoy). Ito ay dala ng sari-saring tulong ng mga ito sa kabuuang sistema ng ekolohiya ng planeta. Kabilang dito ang pagbibigay-balanse sa populasyon ng iba’t ibang klase ng isda o insekto upang walang maging dominanteng lahi sa mga ito.


Nakapagpaparesiklo rin ang mga ito ng buto ng kanilang nakakaing prutas o natatamong sustansya mula sa nakakatakamang halaman o hayop. Dahil gumagawa sila ng pugad sa lupa o sa buhangin para sa kanilang pangingitlog, ang mga pawikan at pagong ay nakagagawa rin ng maaaring pamugaran ng ibang hayop.  


Sa kabila ng mga katotohanang iyan ay bahagyang bahagi lamang sa kamalayan ng karaniwang mamamayan ang mga pagong at pawikan, dahil hindi palasak ang mga ito bilang makukupkop na alaga. Malaking responsibilidad kasi ang pag-aruga ng kahit munting pagong at hindi pa ito maaaring mahawakan at maamo-amo, ’di gaya ng pusa o aso.  


Ngunit maaari nating tularan ang pagong sa isang kilalang aspekto nito: ang pagiging marahan. Atin munang linawin na ang mga nilalang na ito ay hindi mabagal dahil sila ay nakasuot sa kumbaga’y kanilang malaking bahay. Bagkus ay hindi nila kailangang tumakbo upang habulin ang kanilang papapakin, tapos mabagal pa ang kanilang metabolismo kaya’t ’di mangangailangang madaliin ang pagkilos. Hindi rin nila kailangang kumaripas na takasan ang posibleng banta sa kanila dahil maaari silang magtago sa kanilang kakaibang kaha.


Samantala, ang paa ng mga pagong ay mas angkop sa paglalangoy dahil maihahambing sa halimbawa’y flipper ng lumba-lumba kaysa sa paa ng mababangis na hayop.   


Sa kabilang banda, sa gitna ng modernong pamumuhay na puno ng matuling teknolohiyang nakaaalalay sa marami nating pang-araw-araw na gawain, ay nakaaalpas sa atin ang kahalagahan ng paghihinay-hinay. 


Pagkagising pa lamang sa umaga, matapos ang dapat ay sapat na haba ng tulog, ay mas mainam na hindi tayo bumangon nang bigla at sumibad mula sa hinigaan, at imbes ay magdasal at magnilay-nilay bilang malumanay na pagpukaw ng diwa. Sa pag-aalmusal, at sa anumang oras ng pagkain, mabuting dahan-dahanin ang pagnguya upang hindi mapuwersa ang ating lamang-loob at mas manamnam pa ang biyayang pagkain. Sa paliligo’t pagbibihis, ang pagiging maingat ay makapagpapaiwas sa pagkakadulas o pagkakatapilok. 


Sa paglalakad sa lansangan at pagtawid sa kalsada, maging mapagmatyag imbes na humangos, upang makaiwas sa disgrasya. Sa pagmamaneho, maging depensibo at huwag kaskasero para iwas-sakuna o trahedya.      


Sa pakikipag-usap, mainam na hindi mala-mananakbo ang pananalita upang tayo’y mas maintindihan at ’di naghahabol ng hininga. Sa pagtatrabaho, umiwas sa pagkataranta at tuwi-tuwina’y pumreno’t pagplanuhan ang kailangang gawin o isipin. Sa pag-uulat sa mga pinuno o pinagsisilbihan, mainam na maging kalmado at sigurado sa bibitawang mga pananalita. Sa bawat kilos, kayaning maging dalisay at banayad. 


Panalong katangian din ng pagong, bukod sa pagiging makupad ngunit maingat, ang tahimik at mapagpakumbabang pag-usad, gaya ng isinasaad ng aral mula sa walang maliw na pabulang ‘Aesop’ ukol sa liyebre at pawikan.


Sa bandang huli, ang pagong ay kasangkapan ng Maykapal upang sa ati’y ipaalala na ang patuloy na pag-usad gaano man tila kabagal, basta may tinutumbok na paroroonang inaasam ay may dalang pangako ng isang bagong pag-asa.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 16, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Sumilay ang panibagong pag-asa sa puso ng marami nating kababayan sa namumukadkad na resulta ng nakaraang halalan. Tila sandatang magiting na iniunday ng mga botanteng Pilipino na ang mayorya ay mga kabataan ang kanilang karapatang pumili ng napupusuan nilang mga kandidato sa nasyonal at lokal na larangan.


Tumimbuwang ang mga nangingibabaw na pulitikal na angkan sa lokal na lebel tulad ng mga Garcia sa Cebu, mga Bernos sa Abra at mga Velasco sa Marinduque.


Samantala, sa mga naglilitawang 12 pangalan sa pagka-senador ay madarama ang silakbo at alab ng damdamin ng milyun-milyong Pilipinong pumili sa paraang nagbunga ng kasalukuyang listahan ng mga maglilingkod sa Mataas na Kapulungan. 


Kapuna-punang balanse ang bilang ng mga nagwagi sa kampo ng administrasyon at pro-Duterte, samantalang namayagpag naman ang dalawang dilawang hindi man lamang lumitaw ang pangalan sa mga pasok sa nagdaang mga senatorial survey.


May mga sikat na pangalang datihan nang senador ang nawala sa “Magic 12”. Hindi umubra ang nakalulunod na pamamaraan ng pangangampanya at walang nagawa ang mga naglipanang poster sa buong panig ng Pilipinas na tila kumikindat sa mga nakakakita nito at nanghahalinang iboto ang mukhang nakahambalang sa kalye. 


Hindi naman maikakailang may epekto sa paraan ng paghalal ng marami ang nangyaring pagdagit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Pilipinas patungong The Hague. Umepekto ang istratehiya ng ilang kandidato na ipaalam sa madla ang kanilang posisyon ukol sa bagay na ito. Ang numero unong senador sa listahan na si Bong Go ay kanang kamay ng dating Pangulo at milya-milya ang layo ng natanggap niyang boto mula sa ikalawa. 


Tatlo naman sa “Magic 12” ang hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng kapatid at kaapelyido sa Senado para sila iluklok ng taumbayan: si Sen. Pia Cayetano, at mga kilalang kongresistang sina Erwin Tulfo at Camille Villar. 


Nagdesisyon ang mamamayang Pilipino. Ang mga kandidatong kanilang tinimbang at napagtantong kulang ay kanilang tinanggihan, samantalang ang kanilang inayunan ay binigyan nila ng mandato para maglingkod. 


Aral ang eleksyong ito para sa lahat ng pulitiko. Para sa mga nanalo, isang mariing paalala na ang tatlong taon o anim na taon ng paglilingkod bilang halal na opisyal ay isang pagsubok sa lalim ng kanilang pagmamalasakit para sa taumbayan. Para naman sa mga natalo, isang leksiyon na hindi basta-basta napapaniwala ang mamamayan. 

Ang sinumang tunay at ganap na aasinta sa kapakanan ng masang Pilipino ay siyang magwawagi ng kanilang simpatiya. Kaya’t huwag silang paglalangan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 14, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

May magandang saysay ang mga espesyal na araw pagdating sa pagpapaalala ng kahalagahan ng mga bagay na marahil ay nababalewala dahil ordinaryong bahagi na ng pamumuhay.


Naiisip natin iyan dahil itong darating na Biyernes, Mayo 16, ay ang itinakdang International Day of Light o pandaigdigang araw ng liwanag. Noong 2018 pa lang ito naitatag ng UNESCO, na sinadyang isabay sa anibersaryo ng araw noong 1960 kung kailan naimbento ng Amerikanong inhinyero at pisikong si Theodore Harold Maiman ang laser na teknolohiya.


Layunin para sa taunang okasyong ito na matalakay ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kagamitang nakabatay sa liwanag tungo sa kapayapaan at kaunlaran, lalo na sa larangan ng edukasyon, medisina, siyensya, sining, kultura, komunikasyon at napapanatiling pag-unlad o sustainable development.


Halos lahat ng ating ginagamit sa araw-araw ay hindi gagana kung ’di dahil sa teknolohiyang nakabase sa liwanag. Nariyan siyempre ang iba’t ibang klase ng bumbilya, na sa karaniwang bahay o gusali ay mayroon sa bawat silid at maging sa labas, bukod pa sa mga nakakabit sa mga poste sa lansangan.


Sa modernong panahon ay mayroon ding mga solar panel, na nakaiipon ng enerhiya mula sa sikat ng araw upang makapagbigay ng alternatibo sa pagkonsumo ng kuryente lalo na ng mga pailaw tuwing gabi. ’Di rin natin magagamit ang ating cellphone o telebisyon kung wala ang light-based technology na nakapaloob sa mga ito. 


Ang laser mismo ay napakarami ang makabuluhang silbi sa sangkatauhan, sa maliit man o malalaking kaparaanan. Ito, sa isang banda, ang nakapagbibigay ng infrared signal na nakapagpapaandar ng halimbawa’y mga remote control na katambal ng ilan nating mga kasangkapan at maging ng barcode scanner ng mga kahera sa pagtala ng ating dapat bayaran para sa iuuwing bilihin. Ang laser ay may mga gamit din sa sari-saring industriya, kabilang ang eksaktong paghiwa sa mga pabrika at ang ilang uri ng pampagamot na operasyon sa mga ospital. Laser beam naman ang nagpapadaloy ng datos nang matulin sa milya-milyang fiber optic na mga kable na nagpapalawak ng komunikasyon sa buong mundo. Kung wala ito, wala tayong internet at social media. 

Mainam ding idagdag sa usaping ito ang kahit maikling pagpupugay sa ating mga kababayan na nakadudulot ng liwanag lalo na sa mga kapuspalad. 


Isa rito ay ang dating aktor na si Illac Diaz, na pinalaganap ang paggamit ng solar bulb na naimbento ng Brazilian na mekanikong si Alfredo Moser na gawa lamang sa bote ng plastik na may tubig at bleach. Sa pamamagitan ng kanyang NGO na Liter of Light, si Diaz ay nakapagpailaw na ng kabahayan ng ilang daang libong tao sa Pilipinas at sa ibang bansa na hindi naaabot ng kuryente o naghihikahos sa pambayad para roon. 


Nariyan din ang propesor na si Aisa Mejino na nakagawa ng kakaibang lampara na ang tanging pampailaw ay tubig na maasin imbes na uling o petrolyo. Ang kanyang binansagang Sustainable Alternative Lighting o SALT lamp ay makapagbibigay liwanag sa napakaraming nayon sa ating mga isla.


Dahil sa imbensyon niyang iyon ay naimbitahan si Mejino sa isang talakayan sa APEC CEO Summit noong 2015, kung saan kanyang kasama’t kausap ang noo’y pangulo ng Estados Unidos na si Barack Obama at ang tagapagtatag at pinuno ng Tsinong kompanyang Alibaba na si Jack Ma. 


Lumalabas na hindi matatawaran ang halaga ng liwanag sa sinumang tao. Tila mahihirapan tayong makaisip ng gawain na uubra kahit walang liwanag.


Magiging malungkutin at bugnutin pa nga tayo kung walang liwanag na ’di lamang makapagpapatanglaw ng ating kinatatayuan kundi makapagpapasigla pa ng ating diwa sa anumang sandali. 


Liwanag ang nagtataboy ng dilim na makababagabag at makapipigil ng ating pagkilos at pagsulong. Liwanag din ang nakapagpapagaan ng ating kabuhayan na tiyak ay mabibigatan kung nababalutan ng karimlan na ang kabuntot ay pighati.


Kaya sa araw na ito at kailan pa man, asintaduhing ipagbunyi ang samu’t saring pinanggagalingan at napagkukuhanan ng liwanag at pahalagahan ang kanilang nailalaan upang tayo’y maparikit, mapalakas at maitaguyod sa araw-araw.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page