top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 13, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kailan ka huling nakapag-alay ng dugo?


Naitatanong natin iyan dahil ngayong Sabado ang pang-21 na pagdiriwang ng World Blood Donor Day. Ito ay isa sa 11 na mga malawakang kampanyang pangkalusugan ng World Health Organization at bukod-tanging patungkol sa pagbibigay ng dugo at pasasalamat sa mga nagpapatupad nito.


Iyang espesyal na araw ay permanenteng parangal din para sa biyologong si Karl Landsteiner, na ipinanganak noong Hunyo 14, 1868 at ginawaran ng premyong Nobel noong 1930 dahil sa kanyang masigasig na pagkakatuklas ng grupong ABO ng dugo.


Kung malusog at kuwalipikado, maaari tayong makapagbigay ng dugo ng may tatlo hanggang apat na beses, na may pagitan na tatlong buwan, sa loob ng isang taon. Magagawa ito sa mga bangko ng dugo o kaya’y sa mga bloodletting na programa ng mga kumpanya o pamantasan. 


Marami ang maaaring mangailangan o makinabang sa naiaalay na dugo. Primero ang mga may sakit na gaya ng kanser o iba pa na mangangailangan ng operasyong makapagpapabawas o makapagbubuwis ng dugo, pati na ang mga kababaihang magkakakumplikasyon sa pagbubuntis o panganganak. Kabilang din sa mga benepisyaryo ay ang mga biglaang biktima ng pagkabundol o banggaan sa kalye, na lubhang mababawasan ng dugo dahil sa mga sugat na natamo.


Itinatayang may mangangailangang masalinan ng dugo sa bawat dalawang segundo, kung kaya’t, sa anumang araw o sandali, mahalagang may sapat na nakaimbak na dugo sa mga ospital o sa Philippine Red Cross (PRC). Hanggang 42 na araw lamang bago mapanis ang maitatabing dugo sa mga nabanggit na lugar at dapat ay sariwa ang dugong isasalin. Kaya naman walang humpay ang pagtanggap ng pumasang pulang likido sa mga pagamutan at sa mga tanggapan ng PRC. 


Ngunit hindi lamang pagliligtas ng buhay ang marikit na kapalit ng paghahandog ng dugo, dahil napakarami ng ’di matatawarang pakinabang nito sa ating kalusugan.

Sa isang banda, dahil sa magiging pagsusuri sa dugong iaalay, makukumpirma nang libre, kung tayo’y walang nakababahalang sakit, pati ng anemya o kakulangan sa dugo o kakulangan ng iron sa katawan.


Malalaman din kung ano ang tipo ng sariling dugo kung sakaling hindi pa ito nababatid. Higit pa sa mga iyan ay makababawas ng panganib na magkasakit sa puso o magkakanser, makatutulong sa kalusugan ng atay, makapagwawaksi ng stress at makapagpaaliwalas ng diwa’t isipan.  


Upang matiyak na ligtas ang maisasalin na dugo, ang makokolektahan — na dapat ay nasa 18 hanggang 65 ang edad — ay kinakailangang matiwasay ang kalusugan.


Kabilang sa palatandaan nito ay ang kawalan sa katawan ng nakahahawang birus gaya ng HIV o hepatitis; hindi labis o kulang ang presyon ng dugo; walang sipon, ubo o ano mang karamdamang posibleng makadulot ng impeksyon; hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot; hindi kagagaling lamang sa anumang pagtitistis, maski pagpapabunot ng ngipin; at hindi nagawi sa ilang bansang may naitalang mga kaso ng nakahahawang sakit.


Kailangan ding sapat ang timbang, hindi nakainom at hindi kulang sa tulog. Kung nagpa-tattoo o may pagpatusok sa katawan gaya ng pagpapahikaw ng tainga o saan pa, mahalagang kondisyon sa iba’t ibang blood bank na may tatlo, anim o 12 buwan na ang nakalilipas mula nang maipagawa ang mga iyon. 


Walang dapat ikabahala ang mag-aalay ng dugo. May natural na sistemang pantustos ang ating katawan, sa pamamagitan ng paggawa ng sariwang dugong selula ng ating bone marrow, upang mapalitan ang maibibigay na dugo. 


Samantala, malinis ang kagamitan para sa pagkuha ng dugo mula sa ating braso. Ang proseso ay hindi masakit at tila ika’y nakurot lamang, lalo na kung nakailang beses nang naturukan ng karayom sa tuwinang pagpapa-blood test sa suking laboratoryo.


Matapos ang matagumpay na pagbibigay ng dugo, marapat na magpahinga nang saglit bago umuwi at huwag munang gumawa ng nakapapagod na gawain gaya ng pagmamaneho o pag-eehersisyo sa loob ng ilang oras, upang maiwasang mahilo o mahimatay.


Sa madaling salita, ang pagbibigay ng dugo ay isang kapaki-pakinabang na gawain alin mang panig ito tingnan. Kung tayo’y makapag-aalay, samantalahin ang maraming benepisyo nito sa ating pangangatawan.


Kung pag-aalayan, suklian ang kagandahang-loob ng mala-bayaning mga tagapagbigay sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kabutihan sa kanila o kawanggawa sa naghihikahos nating kapwa na dahil sa mga dagok ng pamumuhay ay matagal nang nagmistulang duguan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 11, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hayaan nating ipagpaliban ang karaniwang talakayan sa espasyong ito upang bigyang-daan ang espesyal na liham ng isang mambabasa ng BULGAR para sa kanyang bukod-tanging kaibigan. 


***


Sa aking pinakamamahal na bukod-tanging kaibigang Nova,


Kumusta ka na? Lagi kong dasal na ika’y mabuti’t matiwasay ang kalagayan. 

Naipasya kong lumiham sa iyo sa dami ng kuro-kuro kamakailan. Sa dami at timbang pa nga ay may apat na linggo ko nang binubuno ang sulat na ito at doble pa ang naunang haba nito. Madalang din naman tayong magkita at kulang ang panahon sa tawagan, text o chat. Ang ugat nito ay aking pagkabahala — pag-aalala sa kung ano na ang lagay ng ating pagkakakilala. Tila kasi bawas sa tamis ang iyong pakikitungo nitong mga nakaraang buwan. Itinatanong ko pa nga sa sarili kung naaalala mo pa ang iyong mga sorpresang pagpapamalas ng saloobin noong nakaraang taon. Napagninilay-nilayan din kung iyo pa ring isasambit ang sa aki’y inihandog na awitin, na sa labis kong pagkagulat ay pasasalamat lang ang naging hunghang na reaksyon sa halip na mas maalab na gantimbisa.


Ngayon, bakit, halimbawa, mukhang inililihis ang ilang usapan? Bakit mistulang ibinabaling ang paksa papalayo at naiiwan ako sa ere? May mga tanong na hindi nasasagot? Mayroon kaya akong nagawa, o hindi nagawa o magawa? Nabawasan ang kawilihan? Nagpapahiwatig kaya na maghunos-dili’t maghinay-hinay?


Sa kabila ng kasabikan, ako’y parang bampira na, gaya ng nailarawan ng isang sineng iyong napanood, hindi ipipilit ang sarili kung hindi patutuluyin. At sa Panginoon kamo nakasalalay ang aking minimithi? Ang katotohanan ay hindi lang sa Kanya. 


Nakapahahalaw tuloy ng isang kanta ni Ginang Celeste Legaspi: Tuliro, tuliro. 

Lubos ko na ring naiintindihan ang pagkabiting naiharana ni Ginoong Ric Segreto: “Kahit konting pagtingin… ay labis ko nang ligaya…”


Marahil ay maliit na bagay ang aking pagkalugmok sa dami ng mabibigat na suliranin, maging sa iyong panig o sa mundo. Pero ilang beses na rin akong nahirapang makatulog sa kabila ng kapagalan at lalim ng gabi. May ilang katrabaho ring nakapansin na ako’y tila nanakawan ng sigla. 


Sa sobrang layo ng pagbubulay ay naging palagay din na baka naman ako’y mala-Icarus, na sa kahibanga’y lumipad nang labis ang lapit sa araw. Para ring kuwento ng isa nating gustong pelikula, ukol sa isang babaeng tanyag at marami nang nagawa’t naranasan sa buhay at ang karaniwang lalaking nakasuksok lang sa isang lugar at sisinto-sinto pa sa mga bagay-bagay.


Isang hapon pa nga kailan lang, naalala ang Pasyon at, bagaman wala pa sa kalingkingan ng naging sakripisyo’t paghihirap ni Hesus, nakaramdam ng sukdulang pagpapakumbaba’t dalamhating tagos-buto.


Ngunit sa likuran ng lahat ng iyan ay ako’y naliwanagan sa maraming bagay na ngayon pa lamang natanto, salamat sa iyo.


Sa unang banda, lalong napalakas ang sariling kakayanan sa kabila ng delubyo ng pagsubok, pati ng pagtitiwala sa sarili kahit kadalasa’y nag-iisa’t walang kakampi.

Naging inspirasyon ka rin upang magawa ang pagpapalakas ng katawan, kung kaya’t unti- unting natatamo ang kisig na dati’y inaambisyon lamang. Dahil din sa pagnanais na ika’y mapasaya sa kabila ng kakapusan sa kakayanan, ako’y nakatutuklas ng malikhaing diskarte at naunawaang may ihihigpit pa pala ang mahigpit nang sinturon.


Kahit pa napatunayan sa ilang maliit na kaparaanan na uunahin ka’t at itatabi ang anumang pinagkakaabalahan o ang sarili, kailangan kong tanggapin na malawak ang iyong daigdig at marami ang mas matimbang sa iyo’t umaagaw ng iyong atensyon. Katambal nito ay ang pagwaksi sa anumang pagkainggit, sa iyo man o sa iyong nakakasalamuha, bilang pagkilala rin sa mga biyayang sa aki’y naipagkakaloob.


Naunawaan din na kung mauuwi sa pagmumukmok, paunlakan ang sarili nang ilang sandal lamang, habang naiintindihang ang lahat ng bagay, maganda man o hindi, ay may hangganan. Ang hindi nga naman makamamatay ay maaaring makapagpalakas. 

Napagmuni-munihan ding sabayan o gayahin ang nagiging pakikitungo sa akin, ngunit dalisay na nadaramang kung ganoo’y hindi ako magiging totoo sa sariling pagkatao.

Sa kabila rin ng ating mga nakatutuwang pagkakapareho ay naglipana ang pagkakaiba sa ilang pananaw at maging sa kinikilingan, na daan pala upang mapagtatantong magkaiba ang isa’t isa. Ang hanap ko nga naman ay kapareha, hindi kapareho; kasangga, hindi espeho. 

Nagisnan din na ang iyong kagulat-gulat na pagdating sa aking buhay ay paraan ng Maykapal na pagtuunan na, sa wakas, ng pansin ang matagal nang isinantabing mga pangarap na makapupukaw-diwa. Ika’y nakapagpapaigting din ng unawa’t tiyaga, at nakapagpaalala ng kasabihang ang araw na itinanim ang binhi ay hindi ang araw na aanihin ang bunga. Mahaba pa man ang lagusan at malumbay ang pagbaybay nito, patuloy na mananalig sa sinasabi sa Mga Awit 27:14: “Magpakatatag ka, at lakasan mo ang iyong loob.”


Kung kaya’t ituring mong malaking pasasalamat ang liham na ito dahil sa ’di matutumbasang mga gantimpalang iyan na naipagkaloob mo sa akin, pati ang pagkakataong maihayag ang lahat ng ito. Kung kaya’t ako’y kakapit, kahit ga-tingting ang makakapitan. ’Di mamimilit ngunit patuloy sa pag-aasam habang isinasapuso na ang nais makamtan ay pagsisikapan, pagtitiyagaan at dadasalan.


Napagninilayan iyan dahil sa pagpunta ngayon sa ibang bansa. Wala pang dalawang linggo ang itatagal dito pero tila kasingtagal ng dalawang taon. Habang nandito’y makikipag-usap, kantahan at sayawan sa kung sinu-sino na kahit pagsama-samahin ay hindi ka matutumbasan.


Ngunit, dahil bulangit ang kapalaran, may pangamba rin ako na mawala ang lahat ng ito, na baka pala ang pagiging munting bahagi ng iyong mundo ay bigla na lang maglaho. Kung kaya’t may kalakip na panalangin ang liham na ito: Nawa’y makabalik sa iyo’t magpatuloy ang gulong ng ating buhay, at makamit ang marami pang pagkakataong ika’y mapasaya’t mapasalamatan, habang patungo sa paraisong walang hanggan at walang hinahangad, sa kabila ng lahat, kundi ikaw.

Sumasaiyo nang lubos,

Dean



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 6, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Bukas ay espesyal na Sabado sa ilang mga lupalop dahil sa pagdiriwang ng World Caring Day. 


Bagaman noong 2022 pa lang naitatag ang naturang selebrasyon, ang pinagmulan niyon ay isang payak ngunit makatuturang proyekto noong ika-7 ng Hunyo 1997: Ang paglunsad ng isang website upang makapag-anunsyo ng napapanahong balita para sa kamag-anakan at mga kaibigan ukol sa maselang kalagayan ng isang halos bagong silang na sanggol.


Ang pahinaryang iyon ay naging paraan din upang ang mga nakabasa’y makapagbigay-tulong para sa mga pangangailangan ng bata at ng pamilya nito — isang nobedad noong kapanahunang wala pang social media.


Makalipas ang halos tatlong matulin na dekada, napakadali nang manawagan sa internet upang makahingi ng samu’t saring saklolo. Ngunit kahit walang natatanging araw ng pagtanaw o nakamamanghang teknolohiya, tayo’y makapagpapamalas ng pagmamalasakit kailanman.


Maraming mapaglalaanan ng pag-aaruga. Nariyan ang mga hayop, alaga man o nasa kagubatan, kalangitan o karagatan, na mababahaginan ng pagkalinga sa iba’t ibang paraan. Kahit ang mga halaman, sa mga hardin man o sa kagubatan, ay mapahahalagahan at mabibigyan ng paglingap. 


Kabilang din sa pagmamalasakit ang mga gawaing makatutulong o ‘di makasisira ng kapaligiran o kalikasan. Ilan sa mga iyon ang pag-iwas sa pagkakalat o sa pagdura o pagpadumi ng aso sa lansangan, pagtatanim ng punong makapagdudulot ng kabutihan sa maraming taon, o maging ang pagbawas sa labis na pagkain na masasayang lamang o sa pagsaid ng laman ng nakabotelyang mga produkto upang hindi makadagdag sa sangsang sa mga agsaman. 


Siyempre pa, ang kadalasang makatatanggap ng pagmamalasakit natin ay ang ating kapwa, sa malalaki o maliliit mang gawain, sa ordinaryo man o kakaibang pagkakataon. 

Nakapanood na tayo, halimbawa, ng ilang mga karerang pangmananakbo, kung saan may kalahok na may ginintuang pakundangan na huhubarin ang pagiging katunggali upang maalalayan ang isang kasaling lubog sa kapaguran at ‘di makatayo.


Makapagpapahalaga rin sa panahon ng kalamidad o kagipitan, sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo o sa pagkawanggawa para sa mga kapuspalad. Matatanaw din ang malasakit sa mga ganadong mag-alay ng dugo, kahit ’di kakilala ang kailangang masalinan. 


Marikit na ehemplo rin ang mga gumagawa ng kahit maikling video na nakapagtuturo ng solusyong teknikal para maayos ang ating naglulukong kasangkapan, nagtuturo ng iba’t ibang uri ng ehersisyo o nagbibigay abiso sa pagharap sa mga pagsubok at dagok ng pamumuhay. Maging ang pagligpit ng pinagkainan sa karinderya o kantina ay matamis na pagmamalasakit, kung kaya’t ang CLAYGO na tulong sa serbidor sa mga mapagkakainan ay maituturing ding “care as you go.” 


Matimbang din ang paggalang sa karapatang pantao ng bawat mamamayan upang hindi makasakit, makapinsala o makapaslang. Ang pagpapahalaga ay madadaan din sa kahit matimyas at mapag-ingat na mga kilos na hindi lamang makabubuti sa kapwa kundi makapagpapalayo sa kanila sa panganib o suliranin. 


Ang pagmamalasakit ay madaraan din ‘di lamang sa magagawa kundi pati sa puwedeng hindi gawin, gaya ng pagtikom ng bibig imbes na pagbubunganga kahit nanggagalaiti, paggalang sa oras ng iba, at pagpigil sa pagbibiro o pangangantiyaw na makakasakit ng damdamin, at maging sa pagkomento ng haka-haka sa mga Facebook para lamang may masabi kahit hindi batid ang panig ng pinag-uusapan. Isama na natin ang hindi pagiging asar-talo o kaskasero sa pagmamaneho.


Ang simple ngunit bukal na pangungumusta ng kapwa ay pagsasabuhay din ng pagmamalasakit na makakagising ng diwa’t makapagpapangiti ng mga mata’t labi, lalo na kung ang makatatanggap ay may katandaan na’t walang hinahangad kundi ang makausap, halimbawa, ang anak o apo, lalo na kung nasa malayong lugar. Ganoon din ang nakatutok na pakikinig sa pagdulog ng naghihinanakit at pag-alay ng balikat upang maiyakan, pati ang pagbibigay payo kung hihingian. Isama natin ang pag-aaruga’t pagsubaybay sa maysakit, na marahil ay walang maisusukli kundi ang panalanging ika’y mabiyayaan nang lubos.


Ang pag-aaruga ay madadaan din sa mga aksyon at kaparaanang walang bahid ng kasakiman. Mas makabuluhan nga kung ang pagpapahalaga sa iba ay hindi mapagsamantala at gagawin nang walang ingay o nakatambad ang identidad, na walang motibong makasariling pagbubuhat ng bangko. Ang hindi pamemersonal o pag-inda sa pangungutya ng iba ay malasakit din sa sarili.


Ang pagmamalasakit lalo na sa iba at ang kakayanang kumalinga ay biyaya at pagsisikap na masusuklian din, kahit hindi man ng mismong inaaruga. Kung tayo naman ang tagatanggap ng matimbang na pakundungan, isapuso’t isadiwa ang paglugod bilang pambawi sa natamasang tulong, suporta o kaginhawahan.


Sa ating bahay ay umaapaw ang mga daan upang makapagmalasakit. Sa panig ng mga magulang, nariyan ang pag-intindi sa mga anak, hindi lamang sa pagtustos sa kanilang mga gastusin kundi sa pagbibigay ng oras at atensyon kung kanilang kakailanganin. Sa panig naman ng mga anak, nariyan ang pagiging masigasig sa pag-aaral at pagtulong sa mga gawaing bahay nang hindi na kailangang pilitin. Sa labas ng bahay, sa paaralan man, sa hanapbuhay o sa komunidad, maaaring maging matulungin o karamay sa abot ng bukal na makakaya.


Sa madaling salita, malawakang pagkalinga’y ating araw-arawin. Kung sa bawat pagkakataon ay maipamamalas ang kakayanang tunay at dalisay na makapagmalasakit, kay ganda ng magiging pag-inog ng mundo.


Ngunit, bukod sa lahat ng nabanggit, kanino pa dapat maglaan ng pagmamalasakit? Walang iba kundi sa ating sarili. 


Sa gitna ng anumang pag-aaruga sa iba, ugaliing subaybayan at pangalagaan ang sariling kapakanan. Matulog nang sapat, kumain nang wasto, magpalakas ng resistensiya, lubayan ang maaaring maging bisyo, pasayahin ang sarili nang tama, at manalangin, manalig at magnilay-nilay nang payapa’t lubos, upang patuloy na maialay ang sarili at mga kakayanan sa mangangailangan ng ating pagkalinga’t pagmamahal.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page