top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 25, 2025



Photo File: FP



Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang retiradong empleyado ng gobyerno, 71 years old at kasalukuyang nakakaranas ng pagkamalilimutin at pagiging irritable.


Sa aking pagbabasa ay napag-alaman ko na habang nagkakaedad ang tao ay lumiliit ang kanyang utak at maaaring magkasakit dahil dito katulad ng dementia. Totoo ba ito? Maaari bang maiwasan ito? Ano ang maaari kong gawin upang mabawasan ang pagliit ng utak at ma-delay ang pagkakaroon ng dementia?


Sana ay mabigyan n’yo ng pansin ang aking sulat at masagot ang aking mga katanungan. Mabuhay ang BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column! — Lisa Marie



Maraming salamat Lisa Marie sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ayon sa mga evolutionary anatomists, kumpara sa utak (brain) ng mga unggoy (chimpanzees), ay mas malaki ang utak ng tao. Ngunit habang tumatanda ang tao ay lumiliit ang utak nito habang ang utak naman ng unggoy ay hindi.  


Karaniwan na tinatawag na “brain atrophy” ang pagliit ng utak habang tumatanda ang tao, ngunit mas madalas itong ginagamit ng mga doktor sa mas mabilis na pagliit ng utak kumpara sa “normal” na pagliit ng utak dahil sa pagtanda.


Dahil sa pagliit ng utak ng tao habang tumatanda ay mas nagiging susceptible ito sa mga sakit gaya ng dementia, katulad ng Alzheimer’s disease at magkaroon ng cognitive dysfunction gaya ng paghina ng memory at learning capacity dahil sa tinatawag na “white matter disease”. 


Nakikita ang mga kondisyon na nabanggit sa pamamagitan ng computed tomography (CT) scan, o sa pamamagitan ng magnetic resonance imaging o MRI sa maikling salita. Ang MRI ay mas sensitibo sa mga maliit na lesions kaya’t mas madalas itong ginagamit ng mga doktor.


Bukod sa CT at MRI scan, eeksaminin din ng doktor ang brain function katulad ng memory, language, eye movement at coordination. Maaari ring eksaminin ang problem-solving ability ng pasyente. Ang ilang mga sintomas ng brain atrophy ay pagiging malilimutin (memory problems), mood at personality changes, at poor judgment. Maaaring makaranas din ng hirap sa pagsasalita o pagsusulat, at hindi maintindihan ang ibig sabihin ng mga salita.


May mga paraan ba upang maiwasan o ma-delay ang brain atrophy na karaniwan nating nararanasan sa ating pagtanda? Ayon sa Cleveland Clinic, isang kilalang health institution sa bansang Amerika, upang mabawasan ang mga risk factors sa brain atrophy ay kinakailangan ng tamang diet (katulad ng Mediterranean diet), daily aerobic exercise, tamang oras ng tulog, at pagbabawas ng stress. Kung mataas ang blood sugar at blood pressure, kinakailangang mapababa ang mga ito. Kinakailangan ding tumigil ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.


Sa isang pag-aaral ng Harvard School of Public Health, ang regular na paglalakad, isang uri ng aerobic exercise, ay epektibo upang mabawasan ang risk upang magkaroon ng dementia, isang manifestation ng brain atrophy.


Ayon din sa mga health expert makakatulong ang Vitamin B1, B6, B12 at Folic Acid, gayundin ang omega-3 fatty acids at choline. Maaaring makuha ang mga nabanggit sa mga masustansyang pagkain o mula sa mga may kalidad na health supplements.


May mga health supplement din na nakakatulong na maging aktibo ang mga cellular mitochondria ng brain cells, katulad ng creatine, methylene blue at medium chain triglycerides supplements. Naniniwala ang ibang mga dalubhasa na ang paghina ng cellular mitochondria ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng brain atrophy. Sumangguni sa inyong doktor kung nais gumamit ng mga nabanggit na health supplements. 


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 18, 2025



Photo: FP


Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang ama ng tahanan, nasa kalagitnaang edad (middle age) na ako. Awa ng Dios ay malusog ang aking pangangatawan, wala akong sakit at walang maintenance medications. Maingat ako sa aking mga kinakain at katamtaman din kung ako ay kumain. Isa pa sa aking pamamaraan upang mapanatili ang aking kalusugan ay ang pagtulog ng sapat, 7 hanggang 8 oras gabi-gabi. 


Isa sa aking mga regular na exercise ang madalas na paglalakad. Ayon sa aking pagbabasa, upang makuha ang mga health benefits ng walking exercise ay kinakailangang maka-10,000 steps kada araw. Bagama’t pinipilit kong maabot ito, dahil sa kakulangan ng panahon ay hindi ko ito nagagampanan. May health benefits ba ang walking exercise kahit hindi maabot ang 10,000 steps? Anu-ano ang health benefits nito? 


Sana ay matugunan n’yo ang aking mga katanungan. Regular akong nagbabasa ng BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column. -- Maria Josephine



Maraming salamat Maria Josephine sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Marami na ang mga pag-aaral tungkol sa walking exercise at health benefit nito na pagbaba ng risk ng pagkamatay sa iba’t ibang kadahilanan (all-cause mortality). May mga pag-aaral na rin na ito ay may mabuting epekto sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng sakit.


Ayon sa mga nasulat na, noong 1960s habang naghahanda ang Japan sa 1964 Tokyo Olympics ay tumaas ang awareness ng Japanese population sa pag-e-exercise bilang paraan upang maging malusog ang pangangatawan. Kasabay din nito ang pag-introduce sa Japanese market ng modern pedometer. Ito ay isang gadget na maaaring isabit sa beywang upang mabilang ang numero ng steps sa paglalakad o pag-jogging. Unti-unting naging popular ang pedometer at ang walking at jogging bilang ehersisyo. Naging rallying slogan ng mga dedicated walkers ang “Manpo-Kei” o “10,000 steps” at dumami ang mga walking clubs sa Japan kung saan ang daily goal ng mga miyembro ay 10,000 steps. Mula sa Japan ay kumalat na sa buong mundo ang 10,000 steps bilang daily exercise goal.


Katulad ng tanong ninyo, ang tanong ng marami ay kinakailangan ba na makumpleto ang Manpo-Kei o 10,000 steps upang makamit ang health benefits ng walking exercise? 


Ito ay isa sa mga katanungan ng mga scientist sa kanilang pinakabagong pag-aaral. Ito ay isang systematic study at meta-analysis ng mga scientific research mula January 2014 hanggang February 14, 2025. Isinagawa ito at pinangunahan ng mga scientist mula sa Sydney School of Public Health ng Faculty of Medicine and Health sa University of Sydney. Nasa 57 research studies ang isinama sa systematic review at 31 studies naman ang kasama sa meta-analyses.


Ayon sa nabanggit na study, 7,000 steps per day ang nakakapagpababa ng risk sa lahat ng mga health outcomes na kasama sa pag-aaral. Sa madaling salita, upang bumaba ang iyong risk sa lahat ng mga sakit na kasama sa pag-aaral katulad ng sakit sa puso, diabetes, dementia, cancer, depression at all-cause mortality, 7,000 steps ang nararapat na maging daily number of steps goal ninyo. 


Ngunit hindi ibig sabihin nito na walang health benefits ang paglalakad na mas mababa sa 7,000 steps. Ayon sa pag-aaral na ito, may mga health benefit sa mas mababang steps at ang risk reduction sa iba’t ibang uri ng sakit ay tumataas habang tumataas ang number of steps per day. Kahit sa 2,000 steps per day ay may mga nakitang health benefits na. Kaya’t anuman ang total number of steps na inyong naisagawa sa isang araw ito ay makakatulong upang makaiwas sa sakit.


AnG pag-aaral na nabanggit sa itaas ay na-publish nito lamang August 2025 (Volume 10, Issue 8) sa The Lancet-Public Health, isang scientific journal na sikat sa buong mundo.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

by Info @Brand Zone | August 18, 2025



PhilHealth PR No. 2025-36 - August 14, 2025


Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pinahusay na PhilHealth Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment o PhilHealth GAMOT, isang komprehensibong drug benefit package na sumasaklaw sa mga mahahalagang gamot para magamit ng lahat ng miyembro. Ito ay magiging epektibo sa Agosto 21, 2025, alinsunod sa PhilHealth Circular 2025-0013.

 

Ang PhilHealth GAMOT ay bahagi ng PhilHealth YAKAP na kamakailan ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address, pahiwatig ng bisyon ng Administrasyon para sa isang mas malusog na Pilipinas. 

 

Sa ilalim ng PhilHealth GAMOT, may 75 klase ng libreng gamot na pwedeng maireseta na aabot hanggang Php 20,000 para sa bawat benepisyaryo. Ang mga gamot na ito ay karaniwang paggamot ng iba't ibang kondisyon tulad ng impeksyon (anti-microbial), asthma at COPD, diabetes, mataas na kolesterol (dyslipidemia), altapresyon at kondisyon sa puso (cardiology), at nervous system disorders, kasama na ang iba pang supportive therapies.

 

Para magamit ang PhilHealth GAMOT, dapat magparehistro ang mga miyembro sa kanilang napiling PhilHealth YAKAP Clinic. Pagkatapos ng masusing medical assessment, magbibigay ang YAKAP Clinic doctor ng reseta na may Unique Prescription Security Code (UPSC) code, kung kinakailangan. Maaaring pumunta ang benepisyaryo sa alinmang GAMOT Facility at ipakita ang reseta, kasama ang anumang government-issued ID Card.

 

Sa kasalukuyan, ang mga accredited GAMOT Facilities ay ang mga sumusunod:

●       Vidacure na may mga sangay sa Muntinlupa City at Quezon City

●       Pharma Gen Ventures Corp (Generika Drugstore) na may mga sangay sa Parañaque City, Navotas City, Quezon City at Taguig City

●       CGD Medical Depot Inc. sa Vertis North

●       Chinese General Hospital

 

Aktibong pinalalawak ng PhilHealth ang network nito upang madagdagan ang access points para sa mga benepisyaryo. Sa National Capital Region, dalawa pang pasilidad ang nagsumite ng kanilang letter of intent upang sumali sa programa.

 

"Noong 2023, nailunsad na natin ang PhilHealth GAMOT ngunit ito ay naisagawa lamang sa iilang probinsya. Kaya naman ngayon mas pinalawak na natin ito. Karapatan ng bawat Filipino na magkaroon ng access sa mga kinakailangang gamot nang hindi pinapasan ang mabigat na gastusin mula sa sariling bulsa,” pahayag ni Dr. Edwin M. Mercado, Acting President and CEO ng PhilHealth.

 

Pinapaalalahanan ng PhilHealth ang lahat ng miyembro nito na panatilihing updated ang kanilang records upang masiguro ang maayos na transaksyon sa pag-avail ng mga benepisyo.

 

Para sa karagdagang detalye tungkol sa PhilHealth GAMOT, maaaring tumawag ang mga miyembro sa 24/7 touch points ng PhilHealth sa (02) 866-225-88 o sa mga mobile number na (Smart) 0998-857-2957, 0968-865-4670, (Globe) 0917-1275987 o 0917-1109812.

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page