top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 7, 2025



Fr. Robert Reyes


Maraming natuwa at maraming nagalit sa mga ginawa ni General Nicolas Torre III sa loob lang ng mahigit dalawang buwan ng panunungkulan bilang hepe ng Philippine National Police.


Dinakip niya ang dalawang makapangyarihang lider sa ating bansa, sina Pastor Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte na sa mismong araw ng pagkakahuli rito ay naihatid sa naghihintay na piitan nito sa The Hague, Netherlands.


Pagkatapos niyang gawin ang dalawang hindi madaling misyon, hindi na kagulat-gulat kung bakit hindi na tumigil ang sari-saring batikos at paninira sa kanya gamit ang lahat ng paraan lalung-lalo na ang social media.


Nang hamunin ito ng suntukan ng anak ng dating pangulo, hindi ito umatras, sa halip tinanggap kaagad ang hamon at itinakda pa ang lugar at petsa ng boxing match (sa Rizal Memorial Coliseum at araw ng Linggo). At dahil katatapos lang ng matitinding bagyo, ginawang fund-raising ang labanan ng dalawa. Ngunit, biglang nagkaroon ng biyahe ang naghamon kaya naigayak na ang lahat, ang ring, sound system, mga manonood, ‘envelopes’ para sa fund-raising at ang malawak na paanyaya sa lahat na saksihan ang kakaibang “Thrilla in Manila!”


Bago dumating ang takdang labanan, lumabas ang dalawang video ni Torre. Sa isang video, nakikipag-sparring siya at sa pangalawa, nagjo-jogging sa ulan. Kahit malaki ang tanda ni Torre sa naghamon, ipinakita nito ang tapang at kahandaan na humarap at hindi umatras sa hamon. 


Lalong hinangaan ang kauna-unahang hepe ng PNP na hindi nanggaling sa Philippine Military Academy (PMA) kundi sa Philippine National Police Academy (PNPA). Magagaling ang mga hepe ng PNP na mula sa PMA ngunit kakaibang husay at puso ang ipinakita ni Torre. Dahil dito, unti-unting tumaas ang dangal ng kapulisan, at nabawasan ang hindi magandang imahe nito noong nagdaang administrasyon. 


Muling nakikilala ang PNP bilang tagapagtanggol ng bansa at kaibigan ng mga mamamayan. Ibang-iba noon na tila hindi mapagkakatiwalaang mga opisyal ang ating kapulisan.


Ngunit, walang kaabog-abog tinanggal at pinalitan si Torre noong Agosto 26, 2025 bilang hepe ng PNP. “Bakit?” tanong ng marami. May mga nagsasabi na tungkol ito sa usapin ng binibiling mga bagong baril para sa kapulisan. Ito kaya ang dahilan ng pagkakatanggal ni Torre? May isyu ding ilegal daw ang ilang ‘appointments’ ni Torre na hindi dumaan sa tamang proseso, kaya lumabag si Torre sa batas. Pero, ano ba talaga ang tunay na dahilan?


Kaya sa ikalawang “Sako, Abo at Ayuno sa Pagbabago”, nagtungo ang Clergy for Good Governance sa Camp Crame upang pasalamatan si General Nicolas Torre III sa kanyang marangal, maprinsipyo at matapang na paglilingkod sa ating bansa. Kasama natin ang 16 na seminarista na nagpapahid ng abo sa mukha, ulo, leeg at braso at ang ilan na nagsuot ng sako bilang mga tanda ng pagpapakumbaba, pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. 


Ginanap ito sa harap ng Gate 2 Camp Crame sa Santolan Road. Tahimik at mahinahon naming naidaos ang pagkilos sa kabila ng halos 30 pulis na may hawak na kalasag. Isinara pa ang dalawang malalaking gate na pawang naghahanda ang mga pulis sa malaki at malawakang pagkilos.


Ngunit, wala kaming ginawa kundi magdasal at magsuot ng sako, magpahid ng abo at mag-ayuno.


Patuloy ang panawagan na magdasal, magpakumbaba, mag-ayuno at magbalik-loob ang bawat Pilipino sa Panginoong Diyos. 


Pinakiusapan na rin namin ang mga senador at mahistrado ng Korte Suprema na magsuot din ng sako, magpahid ng abo sa ulo, mukha, leeg at braso bilang tanda ng pag-amin sa kasalan, pagsisisi at kahandaang magbalik-loob sa Diyos.

Ngunit, sila lang ba ang dapat gumawa nito? Sila lang ba ang may pagkukulang, kahinaan at kasalanan? 


Hindi ba’t lahat ng kanyang mga kababayan ang sinabihan ng hari ng Nineveh na magsuot ng sako, magpahid ng abo at mag-ayuno upang magbalik-loob sa Diyos sa panahon ni Jonah? Oo, lahat tayo sa Pilipinas, ang bagong Nineveh ang dapat gumawa nito.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 1, 2025



Fr. Robert Reyes



Kaarawan ni Jaime Cardinal Sin ngayong linggo. Kung nabubuhay siya ipagdiriwang niya ang kanyang ika-97 na kaarawan. Ngunit wala na ang masayahin at matapang na cardinal, na naging buhay at walang kapagurang tinig ng katotohanan at katarungan sa ating bansa.


Noong Hunyo 21, 2005, nasa 20 taon na ang dumaan nang pumanaw si Jaime Cardinal Sin. Sa mga panahong ito, damang-dama ang kawalan ng isang tulad niya sa gitna ng kadiliman at kaguluhan na pinagdaraanan ng bansa.

Bakit ba kailangan ang isang Cardinal Sin ngayon? 


Ipinagdiwang natin noong nakaraang Biyernes ang pista ng pagka-martir ni San Juan Bautista. Kilala si Juan Bautista sa kanyang pagbautismo sa Panginoong Hesu-Kristo. Kilala rin siya bilang pinakahuling propeta ng Lumang Tipan. 


Bilang propeta, isa siyang maingay na tinig sa ilan, at ang kanyang pangunahing isinisigaw ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos dahil malapit nang dumating ang kaharian ng Diyos.


May ilang, isang malawak na disyerto noong panahon ni Juan. Parang pisikal na disyerto ang Palestinya at Herusalem. Tuyo at kakaunti ang mga puno sa mga nasabing lugar, at ito ang pisikal na ilang. 


Ngunit merong ibang uri ng ilang, ang espirituwal at moral na ilang. Sa gitna ng pang-aabuso ng mga Romano na sumasakop noon sa mga Hudyo, tahimik, walang nagtatanong o nagrereklamo sa mga nangyayari sa kapaligiran. Malinaw kung bakit. Takot! Subalit, nangingibabaw ang tinig ni Juan Bautista: “Magsisi at talikdan ninyo ang inyong mga kasalanan dahil malapit na ang kaharian ng Diyos!” 


Hindi lang ito ang kanyang binanggit. Sinabihan din niya si Haring Herodes na mali ang ginagawang nitong pakikiapid sa asawa ni Filipo na kanyang kapatid. Dahil dito, ipinakulong si Juan ni Herodes na nagpatuloy sa kanyang pakikitungo sa asawa ng kanyang kapatid na ipinahamak niya at namatay sa giyerang pinagdalhan niya rito. 


Sa kulungan, dinadalaw-dalaw ni Herodes ang propetang nagsasabi ng totoo. Ayaw mang marinig ng karamihan ang katotohanan ngunit tuluy-tuloy pa rin sa pagsasabi o pagsigaw ang propeta maski na ikapahamak nito ang kanyang ginagawa. 


Hindi si Herodes ang pumatay kay Juan Bautista. Batay sa ulat, nang sumayaw ang anak ni Herodias, ang babaeng tinututulan ni Juan Bautista, natuwa rito si Herodes at nangakong ibibigay nito maski na kalahati ng kanyang kaharian. Tumakbo ang ang babaeng sumayaw sa kanyang ina at nagtanong, “Ano po ang aking hihilingin sa hari?” Sagot ni Herodias, “Ang ulo ni Juan Bautista!” Kaya hiningi nga ng babae kay Herodes ang ulo ni Juan Bautista. 


Malungkot na ipinagawa ito ng hari dahil sa kanyang pangako. At ibinigay sa anak ni Herodias ang ulo ni Juan Bautista.


Halos ganito rin si Jaime Cardinal Sin hanggang kamatayan. Isa itong tinig na sumisigaw sa ilang. Nang tahimik ang karamihan ng mga obispo at pari, maririnig lagi ang tinig ni Jaime Cardinal Sin. Sumisigaw ito ng ganito: “Itigil na ninyo ang panloloko, pananamantala, pagnanakaw at pagpatay!” Anuman ang nangyayari, asahan na may maririnig mula kay Cardinal Sin, kung kaya dalawang EDSA ang naganap dahil sa kanya.


Maraming bumabatikos ngunit tuloy pa rin ang kanyang pamamahayag ng katotohanang kailangang marinig ng lahat.


Kung buhay lang si Cardinal Sin, baka hindi ganu’n karami ang namatay noong panahon ni Duterte. Kung buhay lang siya baka hindi ganu’n kalaki ang nakurakot ng maraming pulitiko sa mga naturang flood control projects. Kung buhay lang si Cardinal Sin baka… 


Ngunit, patay na ang butihin at matapang na cardinal. Matagal nang tahimik ang kapaligiran, parang ilang na paminsan-minsan merong ilang tinig na maririnig.

Nang dumating ang kapalit ni Jaime Cardinal Sin, ang unang narinig mula rito ay,

“Huwag ninyo ako ihambing sa nauna sa akin!” Wala ngang nagsalita at naghambing sa kapalit ni Cardinal Sin ngunit kapansin-pansin ang pagkakaiba. 


Walang katulad si Juan Bautista subalit tapat siya hanggang sa huli. Walang katulad si Jaime Cardinal Sin, ngunit hindi mali, hindi masama kundi hinihingi ng ating pananampalataya ang kanyang ginawa, ang magsabi at gumawa ng totoo at tama ayon sa kalooban ng Diyos at para sa kapakanan ng lahat. 


Wala man si Cardinal Sin, buhay na buhay pa rin ang tinig niya sa marami. Tinig kaya ni Cardinal Sin ang buhay sa marami? Higit na dapat marinig ang tinig ni Kristo, tinig ng totoo, mabuti at tama. Buhay at mananatiling laging buhay ang tinig ng Diyos. Amen.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 30, 2025



Fr. Robert Reyes


Nagdiwang ang Diyosesis ng Cubao ng kanyang ika-22 taon ng pagkakatatag noong nakaraang Huwebes. 


Bata pa ang Diyosesis ng Cubao kumpara sa pinanggalingan nitong Arkidiyosesis ng Maynila na itinatag bilang diyosesis noong 1579. 


Matagal-tagal kong naranasan ang maituturing na dating dambuhalang Arkidiyosesis ng Maynila. Dambuhala ito dahil sa limang malalaking distrito na bumubuo nito mula distrito ng Manila hanggang sa distrito ng Cubao; Novaliches; Pasig at Pateros; Parañaque, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa; Caloocan, Malabon at Navotas. Dahil na rin sa laki ng Arkidiyosesis ng Maynila, merong ilang katulong na obispo si Jaime Cardinal Sin. Naroroon noon sina Obispo Ted Buhain, Ted Bacani, Manuel Sobreviñas, Rolando Tria Tirona at Soc Villegas.


Panahon noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, katatapos lang ng EDSA Dos na nagsilbing daan para matanggal si dating Presidente Erap Estrada. 

Ang malalim na korupsiyon umano ni Erap na ibinulgar ni Chavit Singson pagkatapos nitong dalawin si Jaime Cardinal Sin ay naging mintis para simulan ang sunud-sunod na pagkilos na nagbunga sa EDSA Dos. Naghain ng impeachment complaint sa Kamara.


Dali-daling ipinadala ang impeachment complaint sa Senado, kaya’t mabilis na nagsimula ang impeachment trial. At nakilala ng lahat ang tampok na saksi na isang senior vice president ng isang bangko na nagbigay ng dokumento na nauugnay kay Erap sa malaking kontratang daang milyong piso ang halaga ngunit gamit ang ibang pirma sa pangalang Jose Velarde. 


Dumating ang punto na pinagtalunan kung bubuksan o hindi ang “second envelope” na

nagtataglay ng ebidensyang nag-uugnay kay Erap sa Jose Velarde account. Nagbotohan ang mga senador. Nanalo ang 11 senador na bumutong “huwag buksan ang envelope”, at nagsasayaw sa tuwa ang isang senadora na nataguriang “Dancing Queen” ng Senado. 

Hindi man nahatulan si Erap dahil sa naunsiyameng proseso ng impeachment, kumilos naman ang taumbayan na nagdala ng makapal na tao sa EDSA Shrine kung saan nagsalita uli si Jaime Cardinal Sin na siyang simula ng EDSA Dos. Naganap ito sa pagitan ng taong 2000-2001. 


Araw-araw ang mga rally at misa sa EDSA Shrine. Hindi naglaon nang bumitiw ang military sa pagsuporta kay Erap. Nangyari ito noong Enero 19, 2001 at mula dito tuluy-tuloy nang gumuho ang administrasyon ni Estrada.


Dalawang EDSA ang pinamunuan ni Jaime Cardinal Sin. Nang isinalin na ni Jaime Cardinal Sin kay Obispo Honesto Ongtioco ang kapangyarihang pamunuan ang bagong Diyosesis ng Cubao, sariwang-sariwa pa ang mga kaganapan ng EDSA Dos. 


Bagong-luma si GMA na tinatapos lang ang naagaw nitong kalahati ng panahong nalalabing manungkulan ni Erap. Ang sumunod na taon, halalan na at sa gitna ng iskandalong “Hello Garci” na nag-iwan ng malaki at malawak na mantsa sa pagkapanalo ni Arroyo, naiproklama pa rin itong pangulo. Kaya’t kasunod ni Marcos Senior, si GMA na may pinakamahabang termino na tumagal ng siyam na taon (tatlong taon palit kay Erap, anim na taong pangulo).


Mula nang maging Diyosesis ang Cubao noong Agosto 28, 2003, nagtuluy-tuloy din ang mga pagkilos laban kay Arroyo. Nagkaroon ng dalawang “impeachment complaint” laban sa kanya, at ng tatlong kudeta na nagtangkang tanggalin siya sa puwesto. Ngunit nanatiling matibay si GMA at isang malinaw na dahilan ay ang ibinigay na suporta ng mga Obispong Katoliko sa kanya. Ito ang mantsang iniwanan ni Arroyo sa mga puting kasuotan ng mga obispo. 


Luminaw ang hindi kanais-nais at tila pagdungis niya sa kredibilidad ng mga obispo. Tumahimik ang karamihan ng mga obispo na sinasabing ikinatuwa ni GMA. 

Ngunit hindi tumigil at nanahimik ang mga tumulong na matanggal si Erap kung kaya’t pumalit dito si Gloria.


Nang naging malinaw sa mga lumaban sa umano’y korupsiyon ni Erap, at sa mas korup din umano na humalili rito, nagsunud-sunod naman ang mga pagkilos ng mga mamamayan.


Kaya mula sa tatlong unang taon ng Diyosesis ng Cubao, mula 2003 hanggang 2006 naging maligalig muli ang paligid tulad ng unang tatlong taon ni Erap. Humantong ang ika-3 taon ni PGMA sa krisis ng “withdrawal of support” ng Hyatt 10 noong Hulyo 8, 2006. 


Noong Hulyo 10, 2006, isinilang ang ‘Kubol Pag-asa sa People Power Monument’. Nag-“hunger-strike” tayo ng 44 na araw bilang protesta sa ‘mahinang’ pahayag ng CBCP hinggil sa korupsiyon umano ni PGMA, na nagpalakas dito para tapusin ang kanyang anim na taong termino.


Bagong obispo noon at bagong obispo din ngayon. Krisis noon at krisis pa rin ngayon. Nababasa kaya ng Diyosesis ng Cubao ang malalim na hamon ng panahon ngayon? 

Ngunit, ang higit na mahalaga sana mabasa ng Diyosesis ng Cubao ang sinasabi at ang kalooban ng Diyos sa amin ngayon!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page