top of page
LET’S SEE - AGOT, BIANCA, DINGDONG ATBP. ATENISTA, TAMEME SA KAHIHIYAN NG ATENEO SA PAGKAM
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 9, 2026



Fr. Robert Reyes


Inilunsad ng iba’t ibang grupo ang kilusang “DAPAT ISA LANG” na ginanap sa Obispado de Cubao sa Lantana Street.


Ano nga ba ang “DAPAT ISA LANG”?


Ugat nito ang iskandalo ng mga “ghost flood control projects” na pumutok noong nakaraang taon. Sa naturang usapin, nabunyag ang malagim na katotohanang hindi lamang milyun-milyon kundi bilyun-bilyong pondo ng bayan ang nawawala, nadodoktor, at ninanakaw ng mismong mga halal na opisyal.


Sa puntong ito, tila wala nang halaga ang milyon dahil naging sistematiko na ang  korupsiyon—isang kulturang matagal nang naitatag at nakasanayan sa pamahalaan.


Sino ang nasa likod ng ganitong sistema? Ang mga matataas na opisyal ng gobyerno—mga lingkod-bayan na pinagkatiwalaan ng taumbayan—kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensya na may malalim na ugnayan sa kanila. Makikita ito sa mga kontratang ipinapasa sa mga pribadong kontraktor sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mula sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan hanggang sa pambansang antas.


Kung babalikan ang mga nagdaang administrasyon, hindi na bago ang ganitong mga anomalyang kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno. Nariyan ang kontrobersiya sa Pharmally kaugnay ng bilyon-bilyong ginastos sa pagbili ng face masks at face shields. Nar’yan din ang isyu ng confidential funds ng Bise Presidente, pati na ang mga usapin ng “nakaw na yaman” mula pa sa panahon ng diktadura.


Sa ganitong kalakaran, tila “masaya” ang ilang opisyal—lalo na kung ang kapangyarihan ay nananatili sa loob ng iisang pamilya. Hindi maikakaila ang pag-iral ng mga pamilyang may hawak ng mga posisyon mula barangay hanggang nasyonal na pamahalaan. Sa katunayan, matagal nang umiiral ang ganitong sistema—mula pa noong panahon ng Kastila, Amerikano, Hapon, hanggang sa kasalukuyan—kung saan iilang makapangyarihang pamilya ang kumokontrol sa pulitika at ekonomiya ng bansa.

Ito ang ugat ng malalim na problema ng korapsyon na nagdudulot ng kahirapan sa nakararami: ang dinastiyang politikal.


Bilang tugon, isinusulong ng kilusang “DAPAT ISA LANG” ang People’s Initiative upang maipasa ang panukalang batas na hindi gawa ng mga dinastiya kundi ng taumbayan mismo. Layunin nitong wakasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya sa pamamagitan ng mga sumusunod:


  • Isa lamang na miyembro ng isang pamilya ang maaaring tumakbo sa alinmang posisyon, lokal man o nasyonal.

  • Saklaw ang pagbabawal hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak (consanguinity).

  • Ipinagbabawal ang pagpapalitan o pagsasalin ng posisyon sa loob ng pamilya.

  • Magkakaroon ng “cooling-off period” o hindi pagtakbo sa loob ng isang termino matapos ang tatlong sunod-sunod na termino.


Halos limang daang taon nang umiiral ang dinastiyang pulitikal sa bansa. Hindi magiging madali ang pagbabago, ngunit unti-unti nang nagigising at namumulat ang mamamayan.

Sulong ang pagbabago. Mabuhay ang “DAPAT ISA LANG”

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 3, 2026



Fr. Robert Reyes


Ilan taon na rin ang lumipas na tuluy-tuloy ang pagbibigay ng DENR ng pahintulot sa pagputol ng mga puno sa iba’t ibang lugar. Bakit kailangang putulin ang mga ito? Saan at sino ang nagpapasya?


Noong panahon ni PNoy, malawakan ang pagbibigay ng permit upang bigyang-daan ang National Road Widening Project (NRWP). Layunin nitong palaparin ang mga highway mula Aparri hanggang Jolo. Simple ang batayan: dahil may legal na sukat ang mga pambansang kalsada, anumang nasa loob ng sakop nito—bahay man, tindahan, waiting shed, o kahit puno—ay maaaring tanggalin.


Dahil dito, naalarma ang maraming mamamayan sa tila “pagmasaker” sa mga puno.

Nakarating tayo sa iba’t ibang lugar tulad ng Carcar, Cebu; La Union; at Baguio City upang makiisa sa panawagan ng mga komunidad na ipagtanggol ang mga punong nakatakdang putulin. Nabuo noon ang “White Ribbon Campaign to Save Trees,” kung saan tinalian ng puting laso ang mga punong may marka na para ipakita ang pagtutol.

Sa Carcar, hindi lamang tayo nagtalì ng laso—umakyat pa tayo sa ilang puno bilang hayagang protesta laban sa pagputol. May ilang punong nailigtas, ngunit nang tayo’y umalis, nagpatuloy pa rin ang pagputol.


Ganito rin ang nangyari sa Baguio, partikular sa paligid ng SM Baguio. Nakiisa tayo, kasama ang yumaong Bishop Censon at National Artist na si Kidlat Tahimik, upang tutulan ang pagputol ng mga puno. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang naturang mga gawain.


Dahil sa sunud-sunod na insidenteng ito, binuo ang National Coalition to Save Trees (NCST) kasama ang iba’t ibang grupo at indibidwal. Ilang taon ding nanawagan at nanuligsa ang NCST sa DPWH at DENR dahil sa anila’y walang habas na pagbibigay ng permit sa pagputol ng puno. Mahirap maunawaan kung bakit tila madali rin ang pagbibigay ng pahintulot sa malalaking proyektong pagmimina.


Kamakailan, nakausap natin ang ilang environmentalist mula Palawan. Hiniling nilang lagdaan ang isang liham na nakatuon sa mga mambabatas tulad nina Senador Risa Hontiveros at Senador Raffy at Erwin Tulfo.


Layunin ng liham na humiling ng Senate inquiry hinggil sa malawakang pagputol ng mga puno kaugnay ng pagmimina sa Palawan. Batay sa datos, umabot na sa 218,854 puno ang sakop ng Special Tree Cutting and Earth-Balling Permit (STCEP). Kabilang dito ang:

  • 60,359 puno sa Brooke’s Point (Ipilan Nickel Corporation)

  • 87,000 puno sa Bataraza

  • 52,000 puno sa Mt. Bulanjao (Rio Tuba Nickel Mining Corporation)

  • 71,405 puno sa Aborlan (Berong Nickel Corporation)

Hindi lamang pagputol ng puno ang isyu. Kaakibat nito ang pagkasira ng watershed, wildlife, biodiversity, soil stability, at buong ecosystem ng Palawan.

Sa kasalukuyan, dama ng lahat ang matinding init at epekto nito sa pang-araw-araw na buhay. Marami ang naghahanap ng paraan upang makibagay—pagbabawas ng konsumo, pagsasabuhay ng “voluntary simplicity,” at pag-iwas sa labis na paggamit ng plastik.

Ngunit higit sa lahat, mahalagang magtanim—lalo na ng mga katutubong puno, hindi ng mga dayuhang uri tulad ng American Mahogany—kasama ang mga gulay at ornamental plants.

Marupok na ang kalikasan. Panahon na upang buhayin ang mga kagubatang kinalbo, lupang winasak, at mga lugar na naapektuhan ng pagmimina at urbanisasyon.

Sino ang kikilos? Sino ang tatayo upang pigilan ang tuluy-tuloy na pagputol ng mga puno?

Tayong mga mamamayan—ang dapat magsalita, magtanggol, at maging tinig ng mga punong hindi makapagsalita.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 2, 2026



Fr. Robert Reyes


El Nido — isang tanyag na pasyalan. Malayo man, sulit ang ganda nito sa kabila ng gastos at hirap ng paglalakbay. Sa Hilagang Palawan matatagpuan ang iba pang kilalang destinasyon tulad ng Coron at Amanpulo—mga mamahaling “exclusive tourist beach resort” na madalas puntahan ng mga artista at bilyonaryo.


Ngunit hindi ang mga ito ang aming sadya. Sa halip, nagtungo kami sa bayan ng Taytay—hindi para sa turismo kundi upang samahan at saksihan ang natatanging biyayang ipinagkaloob sa isang matalik na kaibigan na itinuring ko nang kapatid: si Padre Bien, na naordenahang pari sa edad na pitumpu’t isa.


Marahil, isa siya sa pinakamatandang naordinahan sa kasaysayan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas. Higit pa rito, kabilang siya sa iilan na tumanggap ng pitong sakramento: Binyag, Kumpisal, Unang Komunyon, Kumpil, Kasal, Sakramento ng May Sakit, at Banal na Orden.


Hindi lamang siya natatangi. Mayroon ding katulad niya—si Padre Lambert Ramos ng Diyosesis ng Antipolo, isang propesyonal na nabiyudo rin at naordinahan sa mas huling yugto ng kanyang buhay.


Ngunit hindi ang edad ang sentro ng kuwentong ito. Mas mahalaga ang landas na kanyang tinahak—isang buhay na dumaan sa maraming pagsubok at pagbabago. Malayo sa kanyang isipan noon ang pagbabalik sa bokasyon ng pagpapari. Iniwan niya ang seminaryo upang maging abogado, mag-asawa, at bumuo ng pamilya.


Nagkakilala kami ni Bien noong 1972. Mula noon, nabuo ang isang matibay na samahan. Noong isang Pasko, nalaman kong wala siyang pamasahe pauwi sa kanilang probinsya kaya inanyayahan ko siyang magdiwang kasama ang aming pamilya. Mula noon, sa amin siya madalas tumutuloy tuwing bakasyon.


Magkasama kaming nag-aral sa kolehiyo at sa seminaryo, bagamat sandali kaming nagkahiwalay nang magturo ako bilang bahagi ng aming pagsasanay. Nang bumalik ako, nauna na siya sa akin, ngunit makalipas ang ilang taon ay tuluyan na rin siyang lumabas ng seminaryo. Ako’y nagpatuloy hanggang sa maordenahan noong 1982, habang siya naman ay nagpatuloy sa buhay bilang abogado at ama ng kanyang pamilya.


Sa paglipas ng panahon, nanatili ang aming ugnayan sa pamamagitan ng mga reunion. Nakita ko kung paano niya binuo ang isang maayos na buhay—hanggang sa dumating ang mabigat na pagsubok: ang pagpanaw ng kanyang asawa.


Sa gitna ng matinding dalamhati, nagsimula siyang magtanong at maghanap ng direksyon. Sa panahong iyon, muli kaming nagtagpo. Ibinahagi niya ang kanyang damdamin—isang panibagong tawag na tila muling nabuhay sa kanyang puso.


Hindi ko iyon binalewala. Sinamahan ko siya sa kanyang paglalakbay pabalik sa seminaryo hanggang sa muli siyang tanggapin. Sa tulong ng mga kundisyong itinakda ni Obispo Broderick Pabillo, nasaksihan ko ang unti-unting pagdaloy ng biyaya na umakay sa kanya tungo sa kanyang ordinasyon.


Isang patunay na ang tawag ng Diyos ay hindi nasusukat ng edad, at hindi rin kailanman nawawala—maaaring maghintay, ngunit tiyak na muling magbabalik sa tamang panahon.


Maraming salamat, Obispo Broderick Pabillo. Maraming salamat, Atty. Padre Bienvenido Salinas. At higit sa lahat, papuri at pasasalamat sa Banal na Santatlo—Ama, Anak, at Espiritu Santo. Amen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page