ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 26, 2025
Photo File: Mccoy De Leon - IG
Marami ang nalungkot sa hiwalayan nina Elisse Joson at McCoy de Leon. Ang ganda pa naman ng kanilang love story na matapang nilang ipinaglaban.
Hindi nagdalawang-isip si McCoy na aminin ang kanilang relasyon sa publiko kahit sinabihan siyang makaaapekto ito sa kanyang showbiz career.
Marami ang naniniwala na mas sisikat sana si McCoy kung nanatiling single at na-build-up bilang matinee idol. Pero mas pinili niya ang pagmamahalan nila ni Elisse at ang pagiging responsableng ama sa anak nilang si Felize.
Ilang taon din nilang ipinaglaban ang kanilang relasyon, pero dumating sa puntong pareho na nilang napagdesisyunan na maghiwalay nang maayos, walang sumbatan.
Nakiusap ang dalawa na irespeto ng publiko ang kanilang desisyon.
NAGING emosyonal ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas nang ibalita ng anak niyang si Sancho Vito na buntis ang fiancé nitong si Maria Paula Sulit.
Nakatakdang manganak si Maria Paula sa January 2026, at wish nilang sa January 31 ito isilang, sa kaarawan ni Sancho.
Sa Toronto, Canada ipapanganak ang kanilang baby. At nangako si Ai Ai na pupunta roon upang maalagaan ang kanyang unang apo.
Sabik na sabik na raw siya, at ito raw ang magbibigay ng panibagong sigla sa kanyang buhay, lalo na’t dumaan siya kamakailan sa malungkot na chapter ng kanyang love life.
Magtatagal daw siya sa Canada pero posible pa rin siyang umuwi kung may work offer sa GMA-7, tulad ng pagiging hurado sa The Clash (TC) kasama sina Lani Misalucha at Christian Bautista.
DAHIL 15 taon na silang magkatrabaho sa Pepito Manaloto (PM), naging matibay ang samahan nina Michael V. at John Feir na gumaganap bilang sina Pepito at Patrick na mag-BFF sa sitcom.
Mula pa sa simula ng serye, magkaibigan na ang kanilang mga karakter. At nang yumaman si Pepito, kasa-kasama pa rin niya si Patrick sa kanyang negosyo.
Sa tunay na buhay, sinasalamin ng kanilang samahan ang mga solidong pagkakaibigan na subok ng panahon.
Kahit may kani-kanyang projects sina Nova Villa, Manilyn Reynes, at iba pang cast, pamilya pa rin ang turingan nila sa isa’t isa.
Si Manilyn ay may mahalagang role sa Sang’gre, habang si Nova ay bahagi ng Sanggang Dikit FR (SDFR) nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, patunay ng galing at tibay ng PM family sa loob at labas ng kamera.










