top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Beth Gelena @Bulgary | July 23, 2026



BULGARY - WEDDING CAKE NINA BEA AT VINCENT, BIGLANG NAGING MABENTA-IG _beaalonzo

Photo: IG _beaalonzo



Biglang sumikat at naging malaki ang demand sa simpleng wedding cake nina Bea Alonzo at Vincent Co mula nang i-post sa social media kung saan nila in-order ito.

Walang tigil ang pag-order ng mga fans sa cake na may simpleng mensaheng ‘Just Married’ na nag-trending sa social media.


Ang simple ngunit eleganteng wedding cake ng bagong kasal ay hindi inaasahang naging isa sa mga pinakapinag-uusapang detalye mula sa kanilang intimate civil wedding, na umakit ng atensiyon hindi lamang mula sa mga fans kundi pati na rin sa mga customers na sabik na matikman ang sikat na disenyo ng wedding cake na ang presyo ay nasa P3,000 lang daw.


Sa kanyang Facebook (FB) account, ipinahayag ni Wado Tan Siman ang kanyang pasasalamat sa pamamagitan ng pag-post ng “SALAMAT, BASHA (Bea)” kasama ang heart emoji.


“Paldo kami araw-araw,” kaswal niyang sabi.


Ang mga netizens, nasiyahan din sa pag-iisip ng mga personalized na mensahe na kanilang ilalagay sa katulad na cake.


Ilan sa mga nakakatawang mensahe… “Happy Birthday, Tanda,” “Bakit Parang Kasalanan Ko,” “HBD MAGHIHIWALAY Din Kayo - Love Mommy,” at “Masarap Ako, Walang Kokontra. Happy Birthday, Self.”


Ilang netizens pa ang nagkomento…


“Salamat, Bea, sa paggawa ng paraan para mas sumikat ang negosyo.”

“Sa court wedding namin, gagayahin ko ‘tong cake design na ‘to. Nakaka-inspire naman.”

Bongga!





INAKO ni Vice Ganda ang pagkakamali niya sa It’s Showtime (IS) matapos ang kontrobersiya sa quiz tungkol sa organ system. Nag-trending ito sa socmed (social media). 


Nangyari ang isyu sa segment na Laro, Laro Pick kamakailan, kung saan ang mga lider-estudyante at mga dean’s lister mula sa iba’t ibang unibersidad ay nagpaligsahan sa isang pagsusulit sa kaalaman.


Hiniling sa mga kalahok na pangalanan ang isa sa 12 organ systems ng katawan ng tao batay sa impormasyon mula sa Cleveland Clinic.


Bagama’t maraming sagot ang tinanggap, ang sagot ng isang kalahok na ‘circulatory system’ ay minarkahang mali dahil ang nakalista sa reference ng palabas ay ‘cardiovascular system’.


Mabilis na nagdulot ng debate online ang desisyon.


Sa programa, ipinaliwanag ni Vice sa simula na sinunod lamang ng mga hurado ang eksaktong listahan na ibinigay ng kanilang reference source.

Matapos suriin mismo ang website ng Cleveland Clinic, inamin ni Vice na balido ang sagot ng kalahok.


Humingi siya ng paumanhin sa kalituhan at sinabing nabigo ang production team na maingat na beripikahin ang impormasyon bago ito gamitin sa game show. 


Nilinaw ni Vice na ang responsibilidad ay hindi lamang nakasalalay sa mga manunulat o production staff. Nagpasalamat din siya sa mga manonood na nagbigay-alam tungkol dito.


Aniya, ang feedback ay makatutulong sa team na mapabuti ang proseso ng fact-checking nito at maiwasan ang mga katulad na insidente sa mga susunod na episodes.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 22, 2026



TEKA NGA - AJ, BUNTIS NA NAMAN DAW, OUT SA MOVIE-IG _ajravsss

Photo: IG _ajravsss



Si AJ Raval pala ang aktres na binabanggit sa ilang blind items na hindi na matutuloy na magbida sa isang pelikula dahil preggy daw ito ngayon. Hindi pa ito inaamin ni AJ, pero base sa ilang photos niya na lumabas sa social media recently, halata na ang kanyang baby bump at hindi na maitago.


May apat na anak na ang aktres at madaragdagan na naman ngayong buntis na naman siya. Marami tuloy ang nanghihinayang dahil pinalampas na naman niya ang isang oportunidad. Bida na sana siya sa isang pelikula, naging bato pa.


Tanong tuloy ng mga netizens, bakit parang hindi seryoso si AJ Raval sa kanyang showbiz career? Mas importante ba sa kanya ang mag-alaga na lang ng kanyang mga anak kaysa sa kanyang pagbabalik-pelikula? 


Plano ba nila ni Aljur Abrenica na magtayo ng child care center kaya gusto nila ng maraming anak? Kakayanin ba nilang suportahan ang kanilang mga anak kapag wala na silang career?





Taob si Gretchen…

RICKY REYES, TOP 5 CELEB BILLIONAIRE



SILENT billionaire ang tawag ng ilang online pages sa beauty guru-host na si Ricky Reyes.


Ayon sa isang online celebrity wealth ranking, kabilang si Ricky sa Top 5 celebrities na may pinakamataas na tinatayang net worth sa Pilipinas. 


Nanguna si Manny Pacquiao na may tinatayang net worth na P21.66B, sinundan ni Willie Revillame na may P6.93B, si Ricky Reyes na may P2.80B, Gretchen Barretto na may P2.71B, at Sharon Cuneta na may P2.60B. 


Pang-anim naman si Bea Alonzo na may tinatayang P2.43B. 


Ayon sa naturang online ranking, ang mga halagang ito ay estimated net worth lamang na nakabatay sa mga impormasyong available sa publiko at maaari pang magbago depende sa kanilang mga negosyo, investment, at iba pang ari-arian.

Hindi ito opisyal na wealth ranking o financial disclosure. 





MARAMING fans ang nagtataka at nagtatanong kung bakit daw pumayag ang Kapuso actor na si Rocco Nacino na gumanap na kontrabida sa upcoming action seryeng Hari ng Tondo (HNT) na pinagbibidahan nina Ruru Madrid at Dennis Trillo.


Pambida pa rin naman ang porma ni Rocco. Kaya niyang gumanap sa anumang klaseng role. Malaking challenge para sa kanya ang gumanap na kontrabida, first time niya itong gagawin sa HNT.


Sanay ang publiko na napapanood si Rocco sa mga wholesome roles, pero gusto niyang mag-grow as an actor. Malaking hamon ito sa kanyang kakayahan.


Hindi naman siya image-conscious. Ang mahalaga ay may projects pa rin siya na hahasa sa kanyang galing sa pag-arte. Gusto niyang ma-experience kung paano umarte bilang kontrabida at maging bad boy.


Magandang project ang HNT na hindi dapat palampasin. Magagaling ang kanyang mga kasamang aktor sa pangunguna nina Dennis at Ruru.


Nag-a-adjust na siya nang husto upang maging realistic ang kanyang pagiging kontrabida, para naman kahit paano ay makasabay siya sa galing umarte ng dalawang aktor.


 
 

ni Mercy Lejarde @Talkies | July 22, 2026



TALKIES - GOV. VILMA  WAKE UP, PARENTS!-IG _rosavilmasantosrecto

Photo: IG _rosavilmasantosrecto



“Wake up, parents!” ito ang naging panawagan ni Gov. Vilma Santos-Recto sa mga magulang.


Nagkaroon ng pagkakataon ang ilang miyembro ng entertainment media na makapanayam ang Star for All Seasons at Batangas governor na si Vilma Santos-Recto matapos ang kanyang State of the Province Address (SOPA).


Sa panayam, napag-usapan ang isyu ng ilang kabataang tila nawawalan na ng paggalang sa kanilang mga magulang.


Tinanong si Vilma, “Bilang isang magulang, ano ang pakiramdam mo, at ano ang gusto mong iparating sa mga magulang at mga anak na nawawalan na ng galang sa isa’t isa?”

Ayon kay Vilma, napakahalaga pa rin ng pamilya bilang pundasyon ng lipunan.


Aniya, “Uulitin ko lang, ang importante ngayon ay family is our important unit in our society. Kinalakihan ko ang old-school values kung saan ang mga magulang ang gumagawa ng matibay na foundation para sa pamilya.


“Sabi ko nga, ‘di naman puwedeng laging i-blame ang eskuwelahan, ang community o ang social media. Kasi minsan, kailangan pumunta tayo sa school. Sabi ng nanay, ‘‘‘Di puwede kasi naka-ano, ang scatter, ‘di ba? O ‘yung tatay, nandu’n, nanonood ng e-sabong.’

“Kung gusto nating magkaroon ng pagbabago sa bansa natin, at the end of the day, ang may pinakamalaking responsibilidad ay ang mga magulang.


“Wake up, wake up! Kasi ang mga anak natin ang bukas. Kasi eto na tayo ngayon. Eto na tayo. Wala na, and tomorrow is for the youth. At buhay ng youth ang pupunta sa darating na bagong henerasyon.


“Think of your children. Think of your family. Mga magulang, wake up.”

Binigyang-diin ni Vilma na nagsisimula sa loob ng tahanan ang paghubog ng mabuting asal, paggalang, at pagpapahalaga ng mga anak, kaya mahalagang maging mabuting halimbawa ang mga magulang sa kanilang pamilya.


Sa kanyang SOPA, ibinahagi ni Governor Vilma sa mga Batangueño ang mga programa, proyekto at tagumpay ng pamahalaang panlalawigan sa nakalipas na isang taon. Naging mas buhay at madaling maunawaan ng publiko ang kanyang ulat dahil inilahad ito sa pamamagitan ng isang theatrical presentation na nagbigay-diin sa mga naging bunga ng kanyang pamumuno.


Ipinakita sa SOPA ang malalaking hakbang na isinagawa ng administrasyon sa loob lamang ng isang taon upang maisulong ang isang mas maunlad at mas matatag na Batangas. Mula sa kalusugan at edukasyon hanggang sa pagpapaunlad ng imprastraktura, binigyang-diin ni Governor Vilma ang mga programang naglalayong mailapit ang serbisyo sa bawat Batangueño.


Isa sa mga pangunahing tampok ng kanyang ulat ang patuloy na pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan sa ilalim ng programang ‘Mas Matatag na Kalusugan’.


Sa loob lamang ng isang taon, dalawang bagong Dialysis Centers ang naitatag bilang bahagi ng mas malawak na programa ng lalawigan na maglalagay ng kabuuang 100 dialysis machines sa iba’t ibang distrito ng Batangas upang mailapit ang libreng serbisyo sa mga pasyenteng nangangailangan nito.


Kasabay nito, agad ding sinimulan ang pagtatayo ng dalawang district hospitals, habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga pasilidad sa lahat ng district hospitals sa lalawigan.


Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 411,741 ang kabuuang serbisyong naihatid ng mga provincial at district hospitals ng Batangas. Samantala, mahigit 21,000 Batangueño ang nakinabang sa pinalawak na libreng medical, dental, tuli, at iba pang health missions na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan.


Malaki rin ang naging puhunan ng lalawigan sa sektor ng edukasyon. Humigit-kumulang P400 milyon ang inilaan upang suportahan ang edukasyon ng mahigit 76,000 Batangueño scholars, malaking pagtaas mula sa 42,678 iskolar noong nakaraang administrasyon.


Mas pinatatag din ang Merit-Based Educational Grants Program, kung saan umabot na sa 3,062 ang mga iskolar na tumanggap ng educational grants para sa School Year 2025–2026—halos pitong beses na mas marami kumpara sa 451 benepisyaryo noong nakaraang school year.


Isinulong din ng lalawigan ang pantay na pagbibigay ng educational grants sa mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan upang mas marami pang Batangueño ang magkaroon ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral.


Sa ilalim naman ng programang ‘Mas Maayos na mga Paaralan’, patuloy na pinalalakas ng Kapitolyo ang school infrastructure program upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng sektor ng edukasyon.


Mahigit P1.37 bilyon ang inilaan para sa konstruksiyon ng mga bagong silid-aralan, habang 841 classrooms ang kasalukuyang sumasailalim sa School Repair Program upang unti-unting mabawasan ang classroom backlog sa lalawigan.


Bukod dito, patuloy ding ipinamahagi ang iba’t ibang makabagong kagamitang panturo, kabilang ang mahigit 1,200 laptops, Smart TVs, interactive projectors, learning materials, at iba pang kagamitan upang higit pang mapabuti ang kalidad ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.


Ala eh, super-lucky ng mga Batangueño! Sana all ay may Gov. Vi na tunay na naglalapit ng mga programa at serbisyo sa bawat Batangueño. Kitang-kita ang kanyang dedikasyon at malasakit sa patuloy na pagpapaunlad ng lalawigan.

Isang malaking congratulations, Vi!

‘Yun lang, and I thank you.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page