ni Mercy Lejarde @Talkies | August 14, 2026

Photo: IG _dennistrillo
Hindi isinasara ni Dennis Trillo ang posibilidad na gumawa ng eksenang frontal nudity kung kinakailangan ito sa isang pelikula.
Kamakailan ay naging guest si Dennis sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), kung saan napag-usapan ang kanyang pagiging bukas sa iba’t ibang klase ng roles at hamon sa pag-arte.
Diretsahang tinanong ni Boy si Dennis kung kaya niyang maghubad o gumawa ng frontal nudity para sa isang pelikula.
“Depende siguro, Tito. Ngayon, may mga prosthetics nang inilalagay, eh. Kaya na nilang dayain. Siguro, depende kung kailangan talaga sa eksena,” pahayag ni Dennis.
Sinundan ito ng tanong ni Boy kung hindi ba niya uurungan ang mga ganitong klaseng roles.
“‘Pag talagang kailangang-kailangan du’n sa eksena, siguro,” sagot ng aktor.
Samantala, inamin din ni Dennis na bukod sa kanyang misis na si Jennylyn Mercado, may isa pa siyang leading lady na naging paborito niya.
Tinanong siya ni Boy, “Bukod kay Jen, favorite mong leading lady?”
“Siguro dati, si… baka si Marian Rivera,” sagot ni Dennis.
Hindi naman pinalampas ng mahusay na TV host na si Boy ang pagkakataon na usisain ang aktor kung nakatanggap na ba siya ng indecent proposal.
“No,” diretsong sagot ni Dennis.
Hindi rin nakapagtataka na si Marian Rivera ang isa sa mga paboritong leading ladies ni Dennis dahil sa taglay nitong ganda.
‘Di ba, Dingdong Dantes?
IBINAHAGI ng aktres na si Iza Calzado sa social media ang isang taos-pusong mensahe para sa kanyang ika-44 na kaarawan noong Agosto 12.
Ani Iza, “No amount of color and smiles can ever tell the full story of a person’s life. There are the black and whites, all the shades of gray, and everything in between. And I’m learning to embrace all of it—the beautiful, imperfect, and even broken parts of my life and being, because in every inch of it lies the grace of God.
“His love has carried me, healed me, and brought me here. And truly, it is a blessed birthday. Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay, I'm still here! Living, loving, laughing, and siyempre, dancing!
“Chapter 44 begins today! Grateful for the life I’ve lived, excited for all that‘s still to come, and praying this will be the best chapter yet.”
Samantala, bumuhos din ang birthday greetings mula sa mga celebrities sa comment section ng post ni Iza, kabilang sina Karen Davila, Jodi Sta. Maria, at Bianca Gonzalez.
Belated happy birthday, Iza!
HANDA nang ibida ng BINI ang OPM sa Japan ngayong weekend sa Mountain Stage ng 2026 Summer Sonic, hatid ang kanilang biggest P-pop hits sa isa sa mga tanyag na music festivals sa Asya.
Magpapaindak sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena sa Biyernes (Agosto 14), 14:40–15:20 JST sa Expo ‘70 Commemorative Park sa Osaka.
Dadalhin naman nila ang kanilang musika sa Tokyo sa Linggo (Agosto 16), 15:30–16:10 JST sa ZOZO Marine Stadium and Makuhari Messe.
Magkakaroon din ng livestream ang show sa Tokyo na eksklusibong mapapanood sa Japan sa pamamagitan ng WOWOW on Demand.
Isang annual music festival ang Summer Sonic na ginaganap sa isang weekend ng Agosto sa dalawang rehiyon ng Japan, tampok ang major international at Japanese artists.
Bukod sa BINI, nakatakda ring mag-perform sa nasabing festival ang Filipino-Japanese singer na si Ena Mori at ang tinaguriang Kings of P-pop na SB19.
Samantala, tumanggap ng apat na nominations ang BINI sa 39th Awit Awards, kabilang ang Best Performance by a Group at Best Pop Recording para sa Shagidi, Best R&B Recording para sa Katabi, at Best Global Collaboration para sa Blink Twice, kung saan kasama nila ang Indonesian singer na si Agnez Mo.
Kamakailan ay nagpasaya rin ang grupo sa Hawaii, Las Vegas sa Nevada, at Los Angeles, Rohnert Park, at San Diego sa California para sa kanilang BINI Signals World Tour.
Nakatakda naman silang bumalik sa North America sa susunod na linggo para sa pagpapatuloy ng world tour sa Vancouver sa Aug. 18, Calgary sa Aug. 21, Edmonton sa Aug. 22, Winnipeg sa Aug. 24, Toronto sa Aug. 27, at Brooklyn, New York sa Aug. 28.
‘Yun lang, and I thank you.




