top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | April 24, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Matagumpay ang isinagawang state visit ni Qatar’s Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani sa bansa dahil nauwi ito sa isang kasunduan na parehong nilagdaan ng Pilipinas at Qatar -- ang pagtutulungan sa paglaban sa human trafficking, kapakanan ng seafarers, turismo, sport at climate change.


Nakapaloob sa mga nilagdaan ay ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Qatar para palakasin ang ugnayan at bilateral cooperation sa paglaban sa human trafficking.


Napagkasunduan ng dalawang bansa ang “to work together to combat human trafficking, including advancing labor protection in both countries, through exchange of expertise in the field of legislation and exchange of studies and research.”


Nakapaloob sa MOU, na dapat kilalanin ang pagtutulungan ng dalawang bansa at ipatupad ang “joint projects, exchange of legislations and regulations” na may kinalaman sa paglaban sa “human trafficking, i-promote ang public awareness, at exchange studies and research” sa usapin.


Kabilang din sa MOU na nilagdaan ay ang kasunduan hinggil sa ‘mutual recognition of seafarers’ certificate’ para ipatupad ang probisyon na nakasaad sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW Convention) of 1978, at ang inamyendahan, kung saan ang Qatar ay napapayag ng Decree No. (14) of 2003.


Tinutukoy nito ang Circular No. 1450 na ipinalabas ng Maritime Safety Committee noong Enero 24, 2013 ukol sa Mutual Recognition of Certificates, ayon sa Regulation I/10 ng STCW Convention.


Napagkasunduan naman sa pagitan ng Philippines’ Maritime Industry Authority, (Marina) at Qatar’s Ministry of Transport, “shall apply to the certificates of seafarers who serve on registered merchant ships of any of the participants and sail under its flag except for those who serve on the ships mentioned in Article 3 of the STCW Convention.”


Nakasaad din sa MOU, ang tungkol sa technical cooperation sa capacity building sa climate change.


Lumalabas na ang kasunduan sa pagitan ng Philippines’ Climate Change Commission at Qatar’s Ministry of Environment and Climate Change ay naglalayon na itaas ang kolaborasyon sa pagitan ng dalawang partido na magkasamang isusulong ang, “technical cooperation, capacity building, enhance knowledge sharing at promote transformative climate action”, na naaayon sa shared goals ukol sa climate action sa ilalim ng Paris Agreement of 2016.


“The Parties will enhance technical cooperation and capacity building on climate change in mitigation, adaptation, technology transfer and development, education and awareness. Other areas of cooperation may be added as agreed upon in writing by the Parties through diplomatic channels,” nakasaad sa MOU.


Nagkasundo naman ang ‘Pinas at Qatar na i-promote ang kooperasyon at madaliin ang komunikasyon sa pagitan ng sports federations ng dalawang bansa at magtakda ng framework para sa mga programa ng pagtutulungan sa larangan ng sport o palakasan, base sa ‘principle of reciprocity.’


Maliwanag sa MOU na, “the participants shall strengthen their mutual cooperation in the field of sports by exchanging visits of sports delegations, coaches, experts and specialists in the field of sports and physical education, exchanging research and sharing experiences related to sports and physical activities and participation in meetings, conferences, lectures, seminars and academic forums on topics dealing with sports held in both countries.”


Binigyang-diin din sa MOU na dapat i-explore ang mga oportunidad sa pagdaraos ng sports competitions base sa interest ng sports federations, kung saan ang partisipasyon at financial issues sa kompetisyon ay ‘subject to the concerned bodies’ ng dalawang bansa.


Nilagdaan din ang isang kasunduan sa larangan ng turismo at business events sa pagitan ng ‘Pinas at Qatar.


Nakasaad dito na pagsisikapan naman ng mga participant na i-develop at palakasin ang “means of cooperation” sa pagitan ng mga ito sa larangan ng turismo at business events base sa mutual benefits, ayon sa rules and regulations na applicable sa dalawang bansa at mga kaugnay na international obligations.


Ang dalawang bansa umano ay magtutulungan na manghikayat ng turista na bumiyahe sa parehong bansa, i-promote ang kooperasyon sa pagitan ng travel at tourism agencies at iba pang kaugnay na establisimyento para itaas ang tourist exchange at isulong ang turismo sa dalawang nasabing bansa.


Kabilang pa na palalakasin ang pagtutulungan sa pagitan ng mga participant, manghikayat ng tourism investments sa pakikipagtulungan ng mga maaasahang awtoridad ng dalawang bansa, at isulong ang koordinasyon sa mga lalahok sa international level, partikular na sa pagdaraos ng mga meetings, conferences at forums ng international organizations kaugnay sa turismo. 


Nakasaad pa sa MOU: “This Memorandum aims to promote cooperation between the participants and to facilitate communication between youth organizations in both countries and to set the framework for the programs of cooperation for the field of youth, which are to be based on the principle of reciprocity.” 


Dahil dito, “the participants will work to enhance their cooperation through visit exchanges of youth delegations, members of youth centers and specialists in the field of youth, as well as experiences exchanges and research related to the youth sector.”


Nakadetalye rin na ang, “respective participants will also join meetings, conferences, lectures, seminars and academic forums on topics related to youth held in both countries, explore opportunities to establish youth camps alternately in both countries, and exchange researches and studies in the fields of youth employment and entrepreneurship.”


Napagkasunduan din ng dalawang bansa, ang waiver ng visa requirements para sa mga holder o may hawak ng diplomatic at special/official passports.


Gayundin sa kasunduan, hangad ng dalawang bansa na madaliin ang pagbiyahe ng parties’ nationals na nasa official mission para sa kani-kanilang gobyerno, paggalang sa probisyon ng Vienna Convention on Diplomatic Relations of 1961, at Vienna Convention on Consular Relations of 1963.


Bahagi ng kasunduan ang valid diplomatic at official passports para sa Pilipinas habang iyon namang saklaw ng Qatar ay valid diplomatic at special passports.


“Nationals of either party who are holders of valid passport types mentioned in Article 1 of this Agreement are exempted from the obligation to obtain visas for entry and stay in the territory of the other party, for a stay of 30 days.” 


Nakapaloob pa na, “Provided, the passport presented must have a validity period of at least three months beyond the period of allowed stay in the territory of the other party.” 


Samantala, ang iba pang MOU na tinintahan ay sa pagitan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at Qatar Chamber of Commerce and Industry, at sa pagitan ng Davao City Chamber of Commerce and Industry at ang Qatar Chamber of Commerce and Industry.


Nabatid na itinatag ang diplomatic relations ng Pilipinas at Qatar noong Mayo 5, 1981.

At tinatayang may 242,609 Pinoy ang nasa Middle Eastern country. Noong 2022, ang remittance sa ‘Pinas mula Qatar ay nagkakahalaga ng $895.33 milyon. 


Positibo ang pananaw ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) hinggil sa kasunduang ito at inaasahang hahantong sa mas malakas na ugnayan pa natin sa nabanggit na bansa. 


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | April 22, 2024



Matapos ang isinagawa sa ating operasyon noong nakaraang Huwebes ng hapon ay anim na linggong pahinga ang inirekomenda ng doktor sa ating Achilles tendon.


Ngunit inaasahang papayagan na tayo ng doktor na makalabas ng ospital anumang araw ngayong linggo ito at sa bahay na lamang ako magpapagaling hanggang sa tuluyan nang maging maayos ang lahat.


Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtatanong kung ano ba ang nangyari sa akin at kapag sinasabi kong dumanas ako ng Achilles tendon rupture, dahil sa aking pagtakbo sa isang eksena sa isinu-shooting naming pelikula na ‘Alyas Pogi 4’, ay marami ang humihingi pa ng karagdagang paliwanag.


Hindi kasi pamilyar ang terminong ito na ginagamit pero marami sa ating mga kababayan ang dumaranas nito, ngunit humantong lang ako sa pinakamalalang sitwasyon dahil napuwersa ang sa akin.


Ano nga ba kasi ang Achilles tendon? Ito ay karaniwang nararanasan sa pagitan ng ibabang bahagi ng binti at ng sakong na karaniwang sumasakit isang araw pagkatapos ng heavy workout sa gym o pag-akyat sa mga kabundukan o paglalakad ng malayo.


May pagkakataong bahagyang pananakit lamang ang nararamdaman ngunit sa katagalan ay pasakit na ito nang pasakit na tulad ng nangyari sa akin ay napuwersa at napunitan ako ng lamad sa loob nito kaya kailangan na akong operahan upang mas mabilis ang paggaling.


Karaniwang nangyayari ang ganitong injury sa mga atleta tulad ng basketball player, runner at iba pa na karaniwang dinadaluhan ng sports doctor na siyang nagsasagawa ng physical examination.


Marahang pinipisil ng doktor ang apektadong bahagi ng binti upang matukoy ang pinagmumulan ng sakit o pamamaga, matapos ma-evaluate ng doktor ang flexibility, alignment at range ng motion ay saka lamang papatawan ng karampatang lunas, depende sa sitwasyon.


Unang isinasagawa ang x-ray ngunit hindi pala kayang basahin ng x-ray ang mga soft tissues tulad ng tendons kaya isinasailalim ito sa ultrasound dahil ang device na ito ay gumagamit lamang ng sound waves upang makita ang mga soft tissues tulad ng tendons.


Ang Doppler ultrasound ang nag-e-evaluate ng blood flow sa tendon at karaniwan ding ginagamit ang magnetic resonance imaging (MRI) na ang radio waves naman at malakas na magnet ang ginagamit na kayang magbigay ng detalyadong imahe ng Achilles tendon.


Tinatawag itong Achilles tendinitis na karaniwang nararanasang sumasakit at inaakala ng marami na kayang-kaya namang mapawi ang sakit sa pamamagitan ng masahe at mga pain reliever.  


Itinuturo din naman ng mga Physical Therapist (PT) na nakatalaga sa mga gym ang self care strategies sakaling sumpungin ng pananakit -- tulad ng sapat na pahinga at iwasang mag-ehersisyo sa loob ng ilang araw upang hindi mapuwersa ang Achilles tendon at may pagkakataong pinagagamitan pa ng tungkod.   


Nakakatulong din umano ang paglalagay ng yelo upang mabawasan ang nararamdamang pananakit sa loob ng 15 minuto matapos mag-exercise at makaramdam ng pananakit.


Puwede rin umanong gumamit ng wraps o comprehensive elastic bandage upang maibsan ang pamamaga at maiwasan ang paggalaw ng tendon. 


Posible rin ang pagtataas ng apektadong binti sa lebel, na mas mataas sa iyong puso kung nakahiga, upang mabawasan din ang pamamaga at gawin ito ng magdamag habang natutulog.


Sakaling ang mga gamot na over-the-counter tulad ng ibuprofen o naproxen ay hindi pa sumapat, kailangan nang magtungo sa doktor upang mabigyan ng mas malakas na gamot na makapagpapahupa ng sakit na nararanasan.


Katulad ng aking naranasan na napuwersang napunit ang tendon ay kailangan ng gabay ng isang PT sa panahon ng aking pagpapagaling.


Posibleng gumamit na ako ng Orthotic devices — isang wedge na inilalagay sa sapatos na bahagyang pinatataas ang sakong sa loob ng sapatos upang hindi masyado umano na mapuwersa ang aking Achilles tendon.


Ang iiwasan kasi natin dito ay ang hindi tuluyang gumaling ang pagkakapunit ng aking tendon sa kabila ng konserbatibong gamutan dahil posibleng irekomenda na naman ako sa panibagong surgery upang maisaayos ang napuwersang tendon.  


Sa ngayon ay inirerekomenda ng aking doktor na mag-virtual muna ako sa partisipasyon ko sa Senado dahil kailangan ko ng anim na linggong pahinga.


Ngunit kung ako lang ang masusunod ay nais ko nang makapasok sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Abril 29 kung kakayanin na makalakad. Pero kung hindi ay virtual na muna ang pagdalo ko sa sesyon at sa mga public hearing sa Senado.


Sisikapin kong hindi ito makakaapekto sa aking trabaho sa Senado dahil mahalaga ang bawat araw para sa akin.


Hindi naman tayo nagpapabaya sa ating sarili ngunit sadyang indikasyon ito na hindi na tayo bumabata, pero malaki ang pasalamat natin sa Panginoon dahil sa edad nating 57 ay malakas pa rin ang ating pangangatawan at kayang-kaya pa nating makipagsabayan sa aksyon.


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | April 17, 2024



Inabot na ng ingay ang pamunuan ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa naantalang release ng health emergency allowance (HEA) kaya pinupukpok na rin ng DBM ang Department of Health (DOH) na madaliin na ang release nito. 


Paano nga namang hindi maaalarma ang DBM — dahil ang kanilang tanggapan ay matagal na umanong nag-release ng P1.283 bilyon sa DOH para sa disbursement ng health workers benefits at allowances pero nakakapagtakang tila nagkaroon nang pagbagal ang pamamahagi.


Mula pa kasi ng pandemic ay nagkaroon na ng batas para mabigyan ng compensation ‘yung ating mga health workers, at napakalaking halaga na ang ini-release pero hanggang ngayon ay maraming health workers ang inip na inip na.


Nabatid na ayon sa ulat ng DOH, nasa P64 bilyon pa lamang ang kanilang naipapamahagi sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) kabilang na ang P73.26 bilyon na sakop sana sa claims ng 653,295 kuwalipikadong public at private healthcare at non-healthcare workers para sa kanilang health emergency allowance o One COVID-19 allowance mula Hulyo 1, 2021 hanggang Hulyo 20, 2023.


Panahon na marahil para tapusin na ng DOH ang problemang ito dahil ang DBM ay naglabas na rin ng P12.90 bilyon para sa Special Risk Allowance (SRA), P3.65 bilyon naman para sa COVID-19 Sickness and Death Compensation, at P1.4 bilyon para sa iba pang benepisyo tulad ng meal, accommodation, at transportation allowance.


Nabatid na ang kabuuang halaga ng P19.962 bilyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act ay inilaan din para sa DOH’s arrears at pending claims.


Sa tingin ko ay wala namang pagkukulang ang DBM dahil kasalukuyan na nilang inaasikaso ang budget para sa taong ito, at agad namang inire-release at kasama rito ang budget para sa DOH kaya medyo nakababahala na naantala ang pagdating nito sa mga healthcare worker na pangunahin nating inaalala.


Kailangang ma-finalize ng DOH ang problema sa HEA claims upang maipakita ang transparency at tuloy ay mapawi na ang mga agam-agam na nahaluan na ng ibang suliranin ang kagawaran.


Kayang-kaya namang ayusin ang pagkakaantalang ito sa lalong madaling panahon at kayang-kaya rin ito ng DOH kung sisimulan lang nilang trabahuin.


Mabilis naman ang solusyon sa problemang ito dahil meron namang link ang DOH para sa HEA mapping, kaya lang ay ikinakatuwiran ng health department na may mga inaayos pa umano sila sa mga dokumento na kailangan ng adjustment.


Ang maganda lang ay nangako na ang DOH na aayusin na umano nila agad. Siguro sa pagkakataong ito ay bigyan natin ng sapat na pagkakataon ang kagawaran para matapos nila ang kanilang obligasyon.


Maganda ang hakbanging ito ng DOH na nangako silang tatapusin na ang lahat, tutal ito lang naman ang hinihintay ng mga health workers — ang magpaliwanag sila at nangako pa — kaya hintayin na lang natin.


Habang isinasagawa ng DOH ang HEA mapping ay tinatawagan natin ang mga health worker na huwag mag-alala dahil tiyak namang maibibigay ng kagawaran ang mga hindi pa nababayarang benepisyo ng ating mga manggagawa.


Buhay ang kanilang puhunan at buhay din ang kanilang iniligtas sa panahon ng pandemya at hindi sila nagdalawang-isip sa pagtugon para tumulong tapos ngayon ay binibitin-bitin natin sila.


Dapat nating isipin na ang ilan sa mga health worker na ito ay inilaan ng pambayad sa mga utang ang inaasahan nilang benepisyo. Alam naman natin ang buhay ng isang empleyado na hindi pa natatanggap ang suweldo o benepisyo ay may pinaglalaanan ng bayarin.


Hiling natin na sana ay maayos na ang usaping ito at sa ating mga health worker ay huwag mag-alala dahil hindi natin tantanan ang DOH para tapusin na ang problemang ito.


Kapag hindi pa naisaayos sa buwang ito ay tiyak na may iba ng suliraning kinakaharap ang DOH at hindi na natin dapat paniwalaan ang katuwiran nilang may inaayos lang sa mga dokumento.


Anak ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page