ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 11, 2022
Pinakawalan ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna ang tunay na angas ng kanyang laro upang koronahan ang sarili bilang reyna ng Blitz Chess sa National Women's Championships Grand Finals sa Quezon City.
Nagsilbi itong pambawi ng tanging WGM ng bansa matapos siyang pumangalawa lang sa larangan ng standard chess kung saan runaway champion si WIM Marie Antoinette San Diego.
Walong panalo at tatlong tabla ang ipinakita ng dating pamosong pambato ng Far Eastern University na si Frayna upang irehistro ang walang-talong marka na 9.5 puntos mula sa 11 salang sa board ng paspasang ahedres.
Malayong segunda ang naging papel ni Woman International Master Jan Jodilyn Fronda dahil 7 puntos lang ang kanyang naipon habang nagsosyo sa pangatlong baytang sina untitled lady woodpushers April Joy Claros (6.5 puntos) at Bea Mendoza (6.5 puntos).
Samantala, nangunguna ang National University sa UAAP Season 85 Chess Tournament Stage 2 Women's Division pagkatapos ng 5 rounds. Malaking tulong dito ang apat na mga panalong naiposte nito.
University of the Philippines naman ang umaalagwa sa kalalakihan dahil sa bitbit na tatlong tagumpay. Sa High School Division naman, kulay ng FEU ang kumikislap sa Boys at Girls brackets. Ang mga binatilyo ay nanghiya ng Ateneo De Manila (4.0-0.0) at De La Salle Zobel (3.5-0.5).
Comments