top of page
Search
  • Korina Sanchez

Asahan na ang malaking adjustment sa ilalim ng GCQ!

Kailangang magising nang maaga ang karamihan sa ating mga kababayan partikular ang mga manggagawang walang sariling sasakyan. Kailangan nila itong gawin upang makadiskarte ng masasakyan o kung maglakad man ay hindi sila mahuhuli sa oras ng kanilang trabaho.

Pero sa kabila ng kawalan ng mga pampublikong sasakyan, nararamdaman agad natin ang pagbigat ng daloy ng mga sasakyan.

Kasunod ng pagsasaisailalim sa general community quarantine ng Metro Manila, pinayagan nang magbukas ang maraming esblisimyento. Pero hindi lahat ay pinayagang magbukas noong Lunes sapagkat ang mga gym, spa, salon, parlor at barberya ay sa Hunyo 7 pa at d’yan dapat mahigpit ang kalinisan at social distancing at bawal pa rin sa ngayon ang pagbubukas ng mga sinehan.

Inalis na ang liquior ban sa maraming bahagi ng bansa, pero mananatili pa rin ang curfew sa siyudad. ‘Ika nga, walang masama sa pag-inom ng alak basta moderate lang dahil aminin man natin o hindi, mahirap ang buhay at hindi naman “basic need” ang alak.

Samantala, wala pa ring pampasaherong jeepney at UV Express, ngunit may ilang pampasaherong bus ang pinayagang bumaybay ng EDSA. Pinayagan na rin ang P2P, shuttle, taxi, TNVS at tricycle. Sa Hunyo 21 pa pag-aaralan kung papayagan na ang mga “modernong jeepney” na pumasada at kung kailangang dagdagan ang bilang ng mga pumapasadang bus. Marami pa ang kailangang ayusin o baguhin kapag nakita ang epekto nitong mga unang araw ng GCQ. Pero lahat ‘yan ay maaaring magbago kapag napatunayan ng Department of Health (DOH) na muling tumataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Huwag na lang pasaway at matututong sumunod sa mga patakaran at abiso, hindi lang para sa ating sarili kundi para sa mga mahal natin sa buhay.

Sa ngayon, wala pang kasiguraduhan ang mga nangyayari pero wala naman tayong magagawa kundi ang mag-adjust at ipagpatuloy pa rin ang buhay sa “new normal” o bagong sistema.

Muli, pagtutulungan ng gobyerno at mamamayan ang isa sa mga solusyon upang hindi lumala ang ating sitwasyon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page