top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Anu-anong benepisyo ang maaaring makuha mula sa SSS?

Buti na lang may SSS

Dear SSS,

Ako ay dalawang buwan nang buntis sa pangalawa kong anak. Dahil sa COVID-19 pandemic, hindi ako maaaring mag-report sa trabaho. Nais ko lang malaman, bukod sa maternity benefit, mayroon pa bang ibang benepisyo sa SSS na maaari kong matanggap? – Rutchany

Sagot

Ang Social Security System (SSS) ay mayroong pitong benefit programs na ipinagkakaloob sa mga miyembro nito gayundin sa kanilang mga legal na benepisaryo.

Batay sa iyong isinalaysay, maternity benefit lamang ang iyong maaaring matanggap mula sa SSS sa panahon na ikaw ay manganganak na. Kung ikaw ay nakatakdang manganak sa Disyembre 2020, ibig sabihin nito ang semestre ng iyong contingency o panganganak ay mula Hulyo hanggang Disyembre 2020.

Sa panahong ito, hindi natin isasama sa computation ang mga kontribusyong naihulog mo kung sakali man. Bibilang tayo ng 12 buwan na magsisimula sa Hulyo 2019 hanggang Hunyo 2020 kung saan kinakailangang ikaw ay may tatlong buwang kontribusyon para makakuha ng maternity benefit. Kinakailangan din na nakapagbigay ka ng kaukulang notipikasyon sa iyong employer, kung employed o sa SSS naman, kung voluntary, OFW, self-employed, hinggil sa iyong pagbubuntis at petsa ng iyong panganganak.

Nabanggit namin na pito ang benefit programs ng SSS. Ano pa ba ang mga ito bukod sa Maternity Benefit at para saan ang mga ito? Una ay ang Sickness Benefit, ito ay para sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa pagkakasakit o pinsala sa katawan, home o hospital confinement man ng hindi bababa sa apat na araw.

Ikalawa ay ang Unemployment Benefit, ito ay para sa mga covered employees, kabilang ang mga kasambahay at overseas Filipino workers (OFWs) member na inboluntaryong natanggal sa trabaho dahil sa retrenchment, downsizing, pagsasara ng kumpanya dahil sa pagkalugi at iba pang mga kadahilanan na hindi kagustuhan ng miyembro.

Ikatlo ay ang Disability Benefit, ipinagkakaloob ito sa mga miyembro na nagkaroon ng lubusan at hindi lubusang pagkabalda sa katawan na sanhi ng pansamantala o permanenteng pagkakatigil sa kanilang trabaho.

Ikaapat naman ay ang Retirement Benefit, ito ay ibinibigay sa mga miyembro na hindi na nakakapagtrabaho at umabot na sa retirement age na 60 o nasa edad na 65 na compulsory age ng retirement.

Ikalima, ang Death Benefit, ito ay natatanggap ng mga legal na benepisaryo ng yumaong miyembro ng SSS.

Ang huli naman ay ang Funeral Benefit, ito ay natatanggap ng sinumang nagbayad sa pagpapalibing ng yumaong miyembro ng SSS.

Bukod pa sa mga benepisyo, ang mga miyembro ay maaari ring makapag-avail sa SSS ng mga loans tulad ng salary, educational assistance, housing at calamity, atbp. Samantala, ang mga pensiyunado naman ay maaaring manghiram sa ilalim ng pension loan program.

Nais naming ipaalala sa ating mga miyembro na ang mga benefits at loan programs na ito ay may mga kaukulang qualifying conditions na dapat nilang matugunan.

 

Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page